Library
Pambungad sa II Mga Taga Tesalonica


Pambungad sa II Mga Taga Tesalonica

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa kanyang Ikalawang Sulat sa mga Taga Tesalonica, nagpayo si Pablo at nilinaw ang maling pagkaunawa ng mga miyembro ng Simbahan sa ilang aspeto tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang pag-aaral ng kanyang mga turo ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang katangian ng apostasiya na nangyari na noon at kung paano angkop na maghahanda sa pagbabalik ng Panginoon.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Sinulat ni Apostol Pablo ang II Mga Taga Tesalonica (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 1:1; tingnan din sa II Mga Taga Tesalonica 2:5; 3:17). Ang simula ng sulat ay naglalaman din ng isang pagbati mula kina Silvano at Timoteo (II Mga Taga Tesalonica 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

“Isinulat ni Pablo ang mga sulat sa Mga Taga Tesalonica mula sa Corinto sa panahon ng kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay,” mga A.D. 50–51 (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica sa mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica. Magkapareho ang mga tema ng I Mga Taga Tesalonica at II Mga Taga Tesalonica, na nagpapahiwatig na isinulat niya ang II Mga Taga Tesalonica upang linawin at ipaliwanag ang unang sulat. Makikita na nakatanggap ang mga taga-Tesalonica ng isang mapanlinlang na sulat na sinasabing nanggaling kay Pablo, na nagdulot para maniwala ang ilan na nangyari na ang Ikalawang Pagparito (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2).

“Sa maikling panahon sa pagitan ng dalawang sulat, ang Simbahan ay nakaranas ng pag-uusig [tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 1:4]; ang posibilidad na babalik kaagad ang Panginoon ay nagdulot ng kasabikan na hindi nakabuti [tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2]” (Bible Dictionary, “Pauline Epistles”) Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Tesalonica upang palakasin ang pananampalataya ng mga miyembrong ito at itama ang maling pagkaunawa sa doktrina.

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang Ikalawang Sulat sa Mga Taga Tesalonica ay naglalahad ng mahahalagang detalye tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kabilang sa ilang halimbawa ang mga ideya na babalik ang Panginoon sa “[nagniningas na apoy]” at ang masasama ay “tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon” (II Mga Taga Tesalonica 1:8–9).

Mababasa natin sa sulat na ito na nagpropesiya rin si Pablo tungkol sa Malawakang Apostasiya, na itinuturo na ang Simbahan ay daranas ng “pagtaliwakas” mula sa ebanghelyo bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:2–12). Ang mga turo ni Pablo tungkol sa Apostasiya ay nagpapaalala sa mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito kung bakit kinailangan ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.

Outline

II Mga Taga Tesalonica 1. Binati at pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica. Itinuro niya na mararanasan ng masasama ang paghihiganti ng Panginoon sa Ikalawang Pagparito.

II Mga Taga Tesalonica 2. Itinama ni Pablo ang maling ideya na nangyari na ang Ikalawang Pagparito at nagpropesiya na magkakaroon muna ng apostasiya bago ang pagbabalik ng Panginoon. Hinikayat niya ang Banal sa Tesalonica na manatiling tapat.

II Mga Taga Tesalonica 3. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na magtrabaho para matustusan ang kanilang mga temporal na pangangailangan at huwag mapagod sa paggawa ng mabuti.