Library
Unit 11, Day 2: Lucas 13–15


Unit 11: Day 2

Lucas 13–15

Pambungad

Si Jesus ay nagturo tungkol sa pagsisisi at sa kaharian ng Diyos, at nagpagaling sa araw ng Sabbath. Gumamit din Siya ng mga talinghaga upang ituro ang tungkol sa pagpapakumbaba at ang mga kinakailangan sa pagiging disipulo. Ang mga Fariseo at mga eskriba ay dumaing tungkol sa pakikisalamuha ng Tagapagligtas sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Tumugon ang Tagapagligtas sa kanila sa pagbibigay ng talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang barya, at ng alibughang anak.

Lucas 13:1–14:14

Si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabbath at nagturo tungkol sa pagpapakumbaba at pagmamalasakit sa mga kapus-palad

Kunwari ay nanananghalian ka kasama ang ilang kaibigan, at napansin nila ang isang estudyante na luma ang damit at nakaupong nag-iisa. Isa sa iyong kagrupo ang nagsalita nang hindi maganda tungkol sa hitsura ng estudyante, at marami sa iyong mga kaibigan ang nagtawanan.

Ano ang ilang paraan na maaari mong gawin sa sitwasyong ito?

Sa pag-aaral mo ng Lucas 13–14, alamin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pakikitungo sa mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin.

puno ng igos

Puno ng igos

© Jose Ramiro Laguna/Shutterstock.com

Nabasa natin sa Lucas 13 na inilahad ng Tagapagligtas ang isang talinghaga tungkol sa isang puno ng igos na puputulin kung hindi ito magbubunga. Ang talinghagang ito ay para sa mga Judiong dapat sana ay namumunga ng mabuting bunga, at itinuturo nito na tayo ay masasawi kung hindi tayo magsisisi. Pinagaling ni Jesus ang isang babae sa araw ng Sabbath. Inihalintulad Niya ang kaharian ng Diyos sa isang butil ng binhi ng mostasa na lumaki at naging isang malaking puno, at nagturo Siya tungkol sa mga taong papasok sa Kanyang kaharian. Siya rin ay nanangis sa nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem.

Nabasa natin sa Lucas 14:1–6 na inanyayahan ang Tagapagligtas na kumain sa bahay ng isa sa mga punong Fariseo sa araw ng Sabbath. Bago kumain, pinagaling ng Tagapagligtas ang isang lalaking namamaga ang katawan.

Basahin ang Lucas 13:15–16 at Lucas 14:5–6, na inaalam ang isinagot ng Tagapagligtas sa mga Fariseo na nag-akusa sa Kanya na nilabag Niya ang araw ng Sabbath sa pamamagitan ng pagpapagaling sa babae at sa lalaki.

Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa paggalang at pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath? Ang isang aral na matututuhan natin dito ay nagpakita ng mabuting gawa si Jesus sa araw ng Sabbath sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga taong nangangailangan. Kabaliktaran nito, binibigyang-katwiran ng ilang Fariseo ang pagtulong sa mga hayop ngunit hindi sa pagtulong sa mga tao sa araw ng Sabbath. Pag-isipan ang mga ginagawa mo sa araw ng Sabbath. Ano ang maaari mong gawin sa araw ng Sabbath para mas maging katulad ni Jesus?

Ang Lucas 14:7–10 ay naglalaman ng isang talinghaga na ginamit ng Tagapagligtas upang ituro ang isang katotohanan ng ebanghelyo tungkol sa kaugnayan ng kababaang-loob at kadakilaan. Ang “mga pangulong luklukan” (Lucas 14:7) ay mga lugar para sa panauhing-pandangal. Napansin ni Jesus kung paano hinangad ng ilan sa mga inanyayahan sa piging ang mga lugar na para sa mga panauhing-pandangal sa pag-upo malapit sa taong nag-imbita.

Basahin ang Lucas 14:11, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagpapakumbaba. Ang ibig sabihin ng mabababa ay ibababa sa mas mababang kalagayan.

Basahin ang Lucas 14:12–14, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Fariseong nag-imbita sa Kanya na kumain. Bakit kaya inaanyayahan ng mga tao, tulad ng Fariseong ito, ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay na mayayaman o kilala sa handaan?

Sa panahon ng Tagapagligtas, ang mga pingkaw (may kapansanan), lumpo, o bulag ay kadalasang nahihirapang tustusan ang kanilang sarili at dahil diyan ay maralita sila. Nilalait ng ilang Fariseo ang mga taong ito. Ano ang ilang dahilan kung bakit nilalait ng mga tao ngayon ang kapwa nila?

Ang sumusunod ay isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga talatang ito: Kung nagsisikap tayong tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin, gagantimpalaan tayo ng Panginoon

Bukod pa sa gagantimpalaan tayo sa Pagkabuhay na Mag-uli, pagpapalain din tayo ng Panginoon sa buhay na ito kapag nagsisikap tayong tulungan ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa atin (tingnan sa Mateo 6:4).

  1. journal iconKumpletuhin ang isa o lahat ng mga sumusunod na aktibidad sa iyong scripture study journal:

    1. Magsulat tungkol sa isang pangyayari na napagpala ka o ang isang taong kakilala mo sa pagsisikap na tulungan ang isang taong mas kapus-palad. (Ang salitang “kapus-palad” ay maaaring tumukoy sa mga sitwasyon maliban pa sa kawalan ng materyal na bagay; halimbawa, maaari itong tumukoy sa isang taong nalulungkot o walang mga kaibigan.)

    2. Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang mga taong mas kapus-palad kaysa sa iyo, at magsulat ng isang mithiin na paglingkuran sila.

Lucas 14:15–35

Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng isang malaking hapunan at itinuro ang tungkol sa mga kinakailangan sa pagiging disipulo

Ano ang ilang bagay na maaaring hingin sa atin na isakripisyo o isuko bilang mga disipulo ni Jesucristo?

Ano ang ilang dahilan na ikakatwiran ng isang tao para makaiwas sa mga pagsasakripisyong ito?

Pagkatapos payuhan ng Tagapagligtas ang Fariseo na anyayahan ang mga kapus-palad sa kainan, sinabi sa Kanya ng isang taong nasa silid, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios” (Lucas 14:15). Bilang tugon sa pahayag na ito, inilahad ng Tagapagligtas ang talinghaga ng malaking hapunan.

Basahin ang Lucas 14:16–24, na inaalam ang paanyayang natanggap ng mga tao sa talinghaga, gayon din ang mga dahilan ng mga yaong tumanggi sa paanyaya.

Si Jesus ay nagsasalita sa mga Judio na ang pag-uugali ay tulad ng mga tao sa talinghaga na unang inanyayahan sa piging. Paano nahahalintulad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa malaking hapunan? Ano ang mga idinahilan ng mga taong hindi tinanggap ang paanyaya sa malaking hapunan? Ano ang ipinapakita ng mga dahilang ito tungkol sa mga priyoridad ng mga taong ito?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talinghagang ito ay kung uunahin natin ang ibang bagay kaysa sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo, mawawala ang mga pagpapala na matatanggap sana natin.

Tingnan ang mga bagay na inilista mo na maaaring hingin sa iyo na isakripisyo o isuko bilang disipulo ni Jesucristo. Anong mga pagpapala ang maaaring mawala sa iyo kung hindi ka handang gawin ang mga sakripisyong ito? Naisip mo na ba na isinasakripisyo mo ang isang bagay pero kalaunan ay matatanto mo na ang mga pagpapalang natanggap mo ay mas malaki kaysa inaakala mong isinakripisyo mo?

Matapos ituro ang talinghagang ito, nagsalita ang Tagapagligtas sa mga tao tungkol sa mga inaasahan Niya sa Kanyang mga disipulo. Basahin ang Lucas 14:25–27, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat handang gawin ng Kanyang mga disipulo.

“Sa konteksto ng Lucas 14:26, ang ibig sabihin ng salitang Griyego na isinalin bilang ‘napopoot’ ay ‘walang pagmamahal’ o ‘hindi pinahahalagahan.’ Hindi pinapawalang-saysay ng Tagapagligtas ang kautusang ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’ (Exodo 20:12); itinuturo Niya ang tungkol sa mga priyoridad. Para sa isang disipulo, ang katapatan sa pamilya ay kailangang pangalawa lamang sa katapatan kay Jesucristo” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 165; tingnan din sa Mateo 10:37 ).

Ang salitang krus sa Lucas 14:27 ay tumutukoy sa Pagpapako sa Krus at sumasagisag sa kahandaang magsakripisyo. Tinutulungan tayo ng Pagsasalin ni Joseph Smith na maunawaan na ang ibig sabihin ng “nagdadala ng sariling krus” (Lucas 14:27) ay “itanggi [ng tao] sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa mga kautusan [ng Panginoon]” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

Ang mga talatang ito ay nagtuturo sa atin na ang mga disipulo ni Jesucristo ay dapat handang magsakripisyo ng lahat ng bagay upang makasunod sa Kanya. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 14:25–27.

Pagkatapos magturo tungkol sa dapat na handang gawin ng Kanyang mga disipulo, sinabi ni Jesus na, “Kung gayon, pagpasiyahan ninyo ito sa inyong mga puso, na gagawin ninyo ang lahat ng bagay na aking ituturo sa inyo, at iuutos sa inyo” (Joseph Smith Translation, Luke 14:28 ). Ang ibig sabihin ng salitang pagpasiyahan dito ay magdesisyon o matibay na magpasiya. Ang isang alituntunin na maaari nating matutuhan sa talatang ito ay kapag ipinasiya natin sa ating puso na gawin ang itinuturo at iniuutos ni Jesucristo sa atin, tayo ay nagiging mga disipulo Niya.

Isiping mabuti kung paano tayo tunay na makapagpapasiya sa ating puso na gawin ang mga itinuturo at iniuutos ni Jesucristo sa atin bilang mga disipulo.

Matapos ituro ang mga alituntuning ito tungkol sa pagkadisipulo, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng dalawang analohiya. Basahin ang Lucas 14:28–30 at Lucas 14:31–33, na inaalam kung ano ang inilalarawan ng dalawang analohiyang ito.

moog o tore ng bantay

Isang moog o tore sa isang nayon ng Nazaret sa Israel, katulad sa moog na inilarawan sa Lucas 14:28–30

Gusto ng Tagapagligtas na pag-isipang mabuti ng Kanyang mga tagasunod kung handa silang magsakripisyo anuman ang hingin sa kanila upang patuloy silang maging disipulo Niya hanggang wakas (tingnan din sa Joseph Smith Translation, Luke 14:31 ). Maaari mong markahan ang Lucas 14:33, na nagbibigay ng simpleng buod ng mga itinuro ng Tagapagligtas sa kabanatang ito.

  1. journal iconPag-isipan ang hihingin, o kakailanganin, para ikaw ay maging tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo. Isipin ang mga pagpapala ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo at ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Anong mga pasiya ang gagawin mo ngayon na tutulong sa iyo na unahin ang Panginoon nang higit sa lahat ng iba pang mga priyoridad sa iyong buhay? Sagutin ang tanong na ito sa iyong scripture study journal, at magsama ng ilang mithiin na makatutulong sa iyo na maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

Lucas 15

Itinuro ni Jesus ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, ng nawawalang barya, at ng alibughang anak

pastol na may hawak na tupa

Ang nawawalang tupa

babaeng nahanap ang barya

Ang nawawalang putol ng pilak o barya

lalaking niyayakap ang anak

Ang alibughang anak

Isipin ang isang pagkakataon na nahanap mo ang isang mahalagang bagay na nawala sa iyo. Ano ang nadama mo?

Isipin ang isang tao na kilala mo na maaaring espirituwal na “nawawala.” Maaaring hindi pa natatanggap ng taong ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo o hindi kasalukuyang namumuhay ayon sa mga turo ng ebanghelyo.

Sa pag-aaral mo ng Lucas 15, alamin ang mga katotohanan hinggil sa nadarama ng Ama sa Langit sa mga yaong espirituwal na nawawala at ang mga responsibilidad natin sa kanila.

Basahin ang Lucas 15:1–2, na inaalam ang idinadaing ng mga Fariseo.

Bilang tugon sa pagbubulong-bulungan ng mga Fariseo at mga eskriba, nagbigay ang Tagapagligtas ng tatlong talinghaga: isa ay tungkol sa isang tupa, isa ay tungkol sa isang putol na pilak o barya, at ang isa ay tungkol sa isang anak. Ang mga talinghagang ito ay nilayong magbigay ng pag-asa sa mga makasalanan gayundin upang isumpa at ikondena ang pagpapaimbabaw at pagmamagaling ng mga eskriba at mga Fariseo. Sa pag-aaral mo ng mga talinghagang ito, pagtuunan ng pansin kung bakit ang paksa ng bawat talinghaga ay tungkol sa pagiging nawawala at kung paano ito nahanap.

Basahin ang bawat talinghaga, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong na nasa kaliwang column ng sumusunod na chart. Isulat ang iyong mga sagot sa mga patlang.

Mga Talinghaga ng Nawawalang Tupa, ng Isang Putol na Pilak o Barya, at ng Anak

Mga Tanong

Lucas 15:3–7

Lucas 15:8–10

Lucas 15:11–32 (sa talata 16 ang ibig sabihin ng salitang ibig ay “masaya”)

Ano ang nawawala?

Bakit ito nawala?

Paano ito nahanap?”

Anong mga salita o kataga ang naglalarawan sa reaksyon nang nahanap ito?

Ang Alibughang Anak

“Natanawan na siya ng kaniyang ama, … at tumakbo, … at siya’y hinagkan” (Lucas 15:20).

Mapapansin na ang tupa ay nawala dahil sa paghahanap nito ng makakain o ikabubuhay, ang isang putol na pilak o barya ay nawala dahil sa kapabayaan ng may-ari nito, at ang alibugha (maaksaya o maluho) na anak ay nawala dahil sa pagrerebelde nito.

Sa iyong palagay, ano ang responsibilidad natin sa mga nawawala, kahit ano pa ang dahilan ng kanilang pagkawala?

Pansinin ang mga kataga na nagpapakita ng mga reaksyon nang natagpuan ang hayop, bagay, at taong nawawala. Alalahanin na ang isang layunin ng mga talinghagang ito ay upang pagsabihan ang mga nagmamagaling na mga Fariseo at mga eskriba na dumadaing tungkol sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan na kinakausap ni Jesus. Nang sabihin ni Jesus na magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit “sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu’t siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi” (Lucas 15:7), itinuturo Niya na higit na may kagalakan sa langit sa isang nagsisising makasalanan kaysa sa siyamnapu‘t siyam na mapagmagaling na Fariseo at eskriba na dahil sa kanilang kapalaluan ay iniisip na hindi na nila kailangang magsisi.

Batay sa reaksyon ng mga taong nahanap ang mga nawawala, paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Kapag tinulungan natin ang iba na magkaroon ng hangaring magsisi, makadarama tayo ng .

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga bagay ang gagawin mo upang matulungan ang isang taong espirituwal na nawawala na magkaroon ng hangaring magsisi o lumapit sa Ama sa Langit?

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 13–15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: