Unit 10: Day 3
Lucas 7:18–50
Pambungad
Pinuri ni Jesus si Juan Bautista at nagpatotoo na si Juan ang naghanda ng daan para sa Kanyang ministeryo. Habang kumakain si Jesus kasalo ang isang Fariseo, isang babaeng nagsisisi ang nagpakita ng kanyang pananampalataya at pagmamahal kay Jesus.
Lucas 7:18–35
Pinuri ni Jesus si Juan Bautista at nagpatotoo tungkol sa misyon ni Juan
Ano ang naaalala mo tungkol kay Juan Bautista?
-
Sa iyong scripture study journal, maglista ng maraming bagay na natatandaan mo tungkol kay Juan Bautista.
Isipin ang isang tambo (mataas na damo) at isang taong nakadamit ng malambot at mamahaling kasuotan at nakatira sa isang palasyo. Habang nasa isipan ang mga ito, basahin ang Lucas 7:24–26, na inaalam kung ano ang itinuro ni Jesus tungkol kay Juan Bautista.
Sa iyong palagay, paano naiiba si Juan Bautista sa tambo at sa isang taong namumuhay nang marangya?
Hindi tulad ng tambo, na natitinag o naililipad ng hangin, si Juan Bautista ay matatag at di-natitinag sa kanyang patotoo at pagtupad sa kanyang misyon. Siya ay nakatira sa ilang at nakasuot ng kasuotang yari sa balahibo ng kamelyo, na napakagaspang. Sa halip na maghangad ng temporal na kaginhawahan, hinangad ni Juan na gawin ang kalooban ng Diyos.
Sinabi ni Jesus na si Juan Bautista ay “higit pa sa isang propeta” (Lucas 7:26). Basahin ang Lucas 7:27–28, na inaalam kung bakit natatangi si Juan Bautista sa mga propeta.
Nang sabihin ni Jesus na, “sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo” (Lucas 7:27), binabanggit Niya ang isang propesiya na isinulat daang-daang taon na ang nakalipas na nagsasaad tungkol sa isang “sugo” na “maghahanda ng daan sa unahan [ng Mesiyas]” (Malakias 3:1). Nalaman natin mula sa mga talatang ito na si Juan Bautista ang propetang inorden noon pa man na maghahanda ng daan at magbibinyag sa Anak ng Diyos.
Paano inihanda ni Juan Bautista ang daan para sa pagdating ni Jesucristo?
Ganito ang sinabi ni Propetang Joseph Smith tungkol sa Lucas 7:28: “Si Jesus ay itinuring na may pinakamaliit na karapatan sa kaharian ng Diyos, at [tila] pinakahuli sa nararapat nilang paniwalaan bilang propeta; para bang sinabi Niyang—‘Siya na itinuturing na pinakamaliit sa inyo ang pinakadakila kaysa kay Juan—ibig sabihin ay Ako mismo’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 95).
Nabasa natin sa Lucas 7:29–35 na maraming naniwala sa mga turo ni Jesus, ngunit hindi tinanggap ng mga Fariseo at mga tagapagtanggol na naroon ang Kanyang mga turo. Ipinaliwanag ni Jesus na hindi nila tatanggapin ang katotohanan kahit Siya o si Juan Bautista pa ang magturo nito.
Lucas 7:36–50
Habang kumakain si Jesus kasalo si Simon na Fariseo, isang babae ang naghugas ng mga paa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang mga luha
Naisip mo na ba kung mapapatawad ka sa iyong mga kasalanan?
Sa pag-aaral mo sa nalalabing bahagi ng Lucas 7, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo kapag naiisip mo kung mapapatawad ka pa sa mga kasalanan mo.
Nabasa natin sa Lucas 7:36 na isang Fariseo na nagngangalang Simon ang nag-imbita kay Jesus sa piging o handaan sa kanyang tahanan. Sa ganitong uri ng mga piging, ang mga panauhin ay uupo o hihilig sa almuhadon na nakapaligid sa isang mababang mesa at nakaunat ang kanilang mga paa malayo sa mesa. Ang mga maralita ay pinahihintulutang kumuha ng tirang pagkain sa piging, kaya, karaniwan na para sa mga hindi imbitado ang pumasok sa bahay sa oras ng piging (tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 261).
Basahin ang Lucas 7:37–39, na inaalam kung sino ang pumasok sa piging na ito nang walang imbitasyon.
Mapapansin na ipinakita ng babae ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas sa paghugas, paghalik, at pagpahid ng unguento sa Kanyang mga paa. Ang “sisidlang alabastro na puno ng unguento” (Lucas 7:37) ay isang bote na puno ng mamahaling pabango.
Ayon sa Lucas 7:39, ano ang naisip ni Simon nang makita niya ang ginagawa ng babae?
Nahiwatigan ang iniisip ni Simon, itinuro ni Jesus ang isang talinghaga tungkol sa dalawang taong may utang at ang taong nagpautang. Ang may pautang ay isang taong nagpahiram ng pera; ang may utang ay isang taong nanghiram ng pera. Sumang-ayon ang nangutang na babayaran ang nagpautang o siya ay makukulong.
Basahin ang Lucas 7:40–43, at isipin kung sino ang maaaring inilalarawan ng bawat indibiduwal sa talinghaga.
-
Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Punan ang patlang ng si Simon na Fariseo, ang babae, at si Jesus, ayon sa inilalarawan ng bawat tao sa talinghaga. (Mag-iwan ng espasyo sa mga column na “May Utang” para makasulat ng mas maraming impormasyon para sa susunod na assignment.)
May pautang = | |
Taong may utang na 50 denario = |
Taong may utang na 500 denario = |
Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mabuting pagtanggap sa mga bisita na karaniwang ipinapakita ng mga taong nag-imbita noong panahon ni Jesus: “Kaugalian na noong mga panahong iyon ang asikasuhing mabuti ang panauhing-pandangal; salubungin siya ng halik, maglaan ng tubig para mahugasan ang alikabok sa kanyang mga paa, at langis para sa pagpapahid sa buhok sa ulo at sa balbas” (Jesus the Christ, 261).
Basahin ang Lucas 7:44–46, na inaalam ang pagkakaiba ng pagtanggap ni Simon kay Jesus sa kanyang piging at ang pagtrato ng babae kay Jesus.
-
Sa chart sa iyong scripture study journal, itala sa angkop na mga column ang ilan sa mga pagkakaiba ng pagtrato ni Simon kay Jesus at ng pagtrato ng babae sa Kanya.
Sa hindi diretsahang pagkumpara kay Simon sa taong may utang na 50 denario, ipinapahiwatig ni Jesus na kailangan din ni Simon na mapatawad sa kanyang mga kasalanan.
Basahin ang Lucas 7:47–50, na inaalam ang posibleng dahilan para mapatawad ang babaeng ito. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Sabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pananampalataya ng babaeng ito: “Ang talagang sinasabi ni Jesus ay: ‘Marami siyang kasalanan, ngunit naniwala siya sa akin, nagsisi ng kanyang mga kasalanan, nabinyagan ng aking mga disipulo, at ang kanyang mga kasalanan ay nahugasan sa mga tubig ng binyag. Ngayon ay hinanap niya ako upang ipakita ang walang hanggang pasasalamat ng isang taong marumi noon, ngunit ngayon ay malinis na. Ang kanyang pasasalamat ay walang hanggan at ang kanyang pagmamahal ay hindi masusukat, dahil siya ay pinatawad sa marami niyang kasalanan’” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:265).
Ang sumusunod ay ilang alituntunin na matututuhan natin sa talang ito: Kapag nagpakita tayo ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagmamahal at katapatan sa Panginoon, matatanggap natin ang Kanyang kapatawaran, at kapag natanggap natin ang kapatawaran ng Panginoon, lalo tayong mapupuspos ng hangaring mahalin at paglingkuran Siya.
Nagpatotoo si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagmamahal at pagpapatawad na maaaring matanggap nating lahat:
“Maraming antas ang personal na pagkamarapat at kabutihan. Gayunman, ang pagsisisi ay isang pagpapala sa ating lahat. Kailangang madama ng bawat isa sa atin ang mga bisig ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng ating mga kasalanan.
“Ilang taon na ang nakararaan, nahilingan akong bumisita sa isang tao na, sa isang yugto ng kanyang buhay, ay namuhay nang magulo, maraming taon na ang nakararaan. Bunga ng kanyang masasamang pasiya, natiwalag siya sa Simbahan. Matagal na siyang nakabalik sa Simbahan at tapat na sinunod ang mga utos, ngunit binabagabag pa rin ang kanyang konsiyensya ng mga dati niyang ginawa. Nang makausap ko siya, nadama ko ang kanyang pagkahiya at taimtim na pagsisisi sa paglabag sa kanyang mga tipan. Pagkatapos ng aming interbyu, inilagay ko ang aking mga kamay sa kanyang ulunan para bigyan siya ng basbas ng priesthood. Bago ako nakapagsalita, nadama ko ang matinding pagmamahal at pagpapatawad ng Tagapagligtas sa kanya. Kasunod ng basbas, nagyakap kami at hayagang umiyak ang lalaki.
“Namangha ako sa yakap ng mga bisig ng awa at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa taong nagsisisi, gaano man kasakim ang tinalikurang pagkakasala. Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. Maliban sa mga kasalanan ng ilang tao na pinili ang kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang pagkakasalang hindi mapapatawad. Napakagandang pribilehiyo para sa bawat isa sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Ang kapatawaran ng langit ay isa sa pinakamatatamis na bunga ng ebanghelyo, na pumapawi sa pagbagabag ng budhi at bigat sa ating puso at pinapalitan ito ng kagalakan at kapayapaan ng budhi” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–41).
-
Sagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Isipin ang isang pagkakataon na naranasan mo ang pagpapatawad ng Panginoon. Nang hindi ikinukuwento ang napakapersonal na pangyayari na nangailangan ng pagpapatawad ng Panginoon, isulat ang naiisip at nadarama mo para sa Tagapagligtas.
-
Gamitin ang natutuhan mo mula sa pag-aaral mo ng Lucas 7 para maisulat kung paano mo sasagutin ang mga kaibigan na nag-iisip kung sila ay mapapatawad pa sa kanilang mga kasalanan.
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 7:18–50 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: