Unit 2: Day 3
Mateo 4
Pambungad
Pagkatapos mabinyagan, si Jesus ay nag-ayuno at nakipag-ugnayan sa Ama sa Langit nang 40 araw sa ilang. Matapos ang pangyayaring ito, si Jesus ay tinukso ng diyablo. Gamit ang banal na kasulatan, nilabanan ni Jesus ang bawat tukso. Ang Tagapagligtas ay pumunta sa Galilea, at sinabihan Niya roon si Pedro at ang iba na sumunod sa Kanya at Siya ay naglibot upang magturo, mangaral, at magpagaling.
Mateo 4:1–11
Nilabanan ni Jesus ang mga panunukso ng diyablo
Dumungaw o pumunta sa bintana, at tingnan nang 30 segundo ang isang bagay nang hindi inaalis ang tingin dito. (Kung hindi ka makadungaw sa bintana, tumingin na lang sa isang bagay na nasa loob.)
May nakagambala ba sa iyo habang nakatitig ka sa bagay na iyon? Ano ang inisip mo sa loob ng 30 segundong iyon?
Kapag sinisikap nating manatiling nakapokus sa pagsunod sa utos ng Ama sa Langit, ginagambala tayo ng mga tukso para mawala tayo sa pokus at magkasala. Isipin ang mga paraang ginagawa ni Satanas para tuksuhin kang magkasala. Sa pag-aaral mo ng Mateo 4, alamin ang alituntunin na maipamumuhay mo para matulungan ka na malabanan ang tukso.
Matapos mabinyagan, nakaranas ang Tagapagligtas ng isang pangyayari na nakatulong na maihanda Siya sa Kanyang ministeryo sa mundo. Basahin ang Mateo 4:1–2, na ginagamit ang mga pagwawasto mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith. Sa iyong pagbabasa, alamin ang naranasan ni Jesus sa ilang. (Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang makasama ay magkaroon ng malalim na espirituwal na pakikipag-ugnayan.)
Paano nakatulong kay Jesus ang pag-aayuno at pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa Kanyang paghahanda para sa ministeryo sa mundo?
Ang sumusunod na chart ay makatutulong sa iyo na malaman ang naranasan ni Jesus noong Siya ay tinukso ng diyablo. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan na nasa kaliwang bahagi ng chart. Pagkatapos ay isulat kung ano ang inudyok ni Satanas na gawin ni Jesus at kung paano tumugon si Jesus sa tukso. Sa pag-aaral mo, pansinin na itinama ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga pahayag sa Mateo 4:5, 8 para ipakita na ang Espiritu, hindi ang diyablo, ang nagdala sa Tagapagligtas sa iba’t ibang lugar na inilarawan sa mga talatang ito (tingnan din sa Joseph Smith Translation, Luke 4:5; Luke 4:9).
Ang inudyok ni Satanas na gawin ni Jesus |
Ang pagtugon ni Jesus sa tukso | |
---|---|---|
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang inilalarawan ng tala na ito tungkol sa mga estratehiya ng diyablo para tuksuhin tayong magkasala?
Pansinin ang pagkakatulad ng mga itinugon ng Tagapagligtas sa bawat tukso. Ang mga banal na kasulatan na binanggit ng Tagapagligtas ay nagpapaliwanag kung ano ang dapat gawin sa bawat tukso, at ipinamuhay Niya ang mga katotohanang itinuro sa mga banal na kasulatang iyon. Ang sumusunod ay isang alituntuning matututuhan natin sa halimbawa ng Tagapagligtas: Kapag inaalala at ipinamumuhay natin ang mga katotohanang itinuturo sa mga banal na kasulatan, malalabanan natin ang mga tukso ng diyablo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 4:3–11.
Iniisip ang alituntuning ito, bakit mahalagang pag-aralan nang regular ang mga banal na kasulatan?
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pag-aaral at pagsasaulo ng mga talata sa banal na kasulatan: “Maging matalino sa paggamit ng teknolohiya. Markahan ang mahahalagang talata sa inyong device at sumangguni sa mga ito nang madalas. Kung pag-aaralan ninyong mga kabataan ang isang talata sa banal na kasulatan nang kasindalas ng pagte-text ng ilan sa inyo, di-magtatagal at daan-daang talata ang maisasaulo ninyo. Ang mga talatang iyon ay mapapatunayang mabisang pagkunan ng inspirasyon at patnubay ng Espiritu Santo sa oras ng pangangailangan” (“Para sa Kapayaan sa Tahanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 30)
-
Kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad sa iyong scripture study journal:
-
Gumawa ng tatlong column sa isang pahina. Sa unang column, sumulat ng tatlong kasalanan na maaaring matuksong gawin ng mga kaedad mo. Isulat sa pangalawang column ang isang paraang ginagawa ni Satanas para akitin ang iba na gawin ang bawat kasalanang isinulat mo sa unang column. Pagkatapos ay humanap ka ng isang scripture reference na nagtuturo ng mga katotohanang maaalala at maipamumuhay ng isang tao kapag siya ay tinutuksong gawin ang bawat kasalanang inilista mo, at isulat ang scripture reference sa pangatlong column. (Maaari mong tingnan ang mga scripture mastery passage, tulad ng Genesis 39:9 o Doktrina at mga Tipan 10:5.)
-
Sa hiwalay na papel, sumulat ng banal na kasulatan na iyong tatandaan at ipamumuhay sa susunod na tuksuhin kang magkasala. Maaari mong isaulo ang banal na kasulatan na napili mo.
-
Mateo 4:12–17
Nanirahan si Jesus sa Galilea
Ilang pangyayari ang naganap sa pagitan ng pagtatapos ng 40 araw ng Tagapagligtas sa ilang (Mateo 4:11) at ng pagkabilanggo ni Juan Bautista (Mateo 4:12; tingnan sa “Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).
Natutuhan natin sa Mateo 4:12–15 na pagkatapos ng Kanyang karanasan sa ilang, nagtungo si Jesus sa Galilea at nanirahan sa lungsod ng Capernaum. Itinala ni Mateo na ang ministeryo ng Tagapagligtas sa Galilea ay katuparan ng propesiya ni Isaias (tingnan sa Isaias 9:1–2). Basahin ang Mateo 4:16, at markahan ang ipinropesiya ni Isaias na mangyayari.
Nalaman natin mula sa propesiyang ito na si Jesucristo ay naghahatid ng liwanag sa buhay ng mga taong nasa kadiliman. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Mateo at ng ibang Mga Ebanghelyo, alamin kung paano ito ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang buong ministeryo.
Tulad ng nakatala sa Mateo 4:17, nagsimulang mangaral ng pagsisisi ang Tagapagligtas bilang paghahanda para sa pagtatatag ng kaharian ng langit (ang Kanyang Simbahan) sa mga tao.
Mateo 4:18–22
Sinabi ni Jesus kay Pedro at sa iba na sumunod sa Kanya
Tingnan ang larawan ng Tagapagligtas na tinatawag sina Pedro at Andres, at pansinin kung ano ang ginagawa nina Pedro at Andres sa lambat sa pangingisda.
Kung ang tingin ng mga tao kina Pedro at Andres ay ordinaryong mga mangingisda, ang nakita sa kanila ni Jesucristo ay ang kanilang malaking potensyal at ang maaaring maging kahinatnan nila. Sa paanong paraan tayo katulad nina Pedro at Andres?
Sa patuloy na pag-aaral mo ng Mateo 4, alamin kung ano ang dapat nating gawin para maging karapat-dapat sa nais ng Panginoon na kahinatnan natin.
Basahin ang Mateo 4:18–22, na inaalam ang pinag-usapan ng Tagapagligtas at ilang mangingisda.
Ilagay ang iyong sarili sa katayuan ng isa sa mga lalaking ito. Isipin kung ano ang isasakripisyo mo para masunod ang Tagapagligtas at tumulong sa Kanyang gawain. Bakit maaaring mahirap ito?
Pansinin kung paano tumugon ang mga lalaking ito—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan—sa paanyaya ng Tagapagligtas. Anong klaseng pag-uugali ang ipinakita nila nang kaagad silang tumugon sa paanyaya ng Tagapagligtas?
Ano ang “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19)?
Pag-isipan kung bakit mas maraming kabutihang magagawa ang mga taong ito bilang “mga mamamalakaya ng mga tao” kaysa bilang mangingisda.
Natutuhan natin ang sumusunod na alituntunin mula sa halimbawa ng mga lalaking ito: Kung kaagad tayong tutugon sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya, mas marami Siyang magagawa sa buhay natin kaysa magagawa natin sa ating sarili.
May itinanong si Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol na may kaugnayan sa “mga lambat” sa ating buhay:
“‘Kung mananawagan ang Tagapagligtas sa inyo ngayon, magiging handa rin ba kayong iwan ang inyong mga lambat at sumunod sa Kanya?’ …
“Ang mga lambat ay may iba’t ibang laki at hugis. Ang mga lambat na iniwan nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay mga bagay na nahahawakan—mga kasangkapan na katulong nila sa hanap-buhay. …
“Ang mga lambat, sa pangkalahatan, ay binibigyang kahulugan bilang mga gamit para hulihin ang isang bagay. Sa isang makitid, ngunit higit na mahalagang pagkakaunawa, maaari nating bigyang kahulugan ang lambat bilang isang bagay na nang-aakit o pumipigil sa atin sa pagsunod sa panawagan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos na buhay.
“Ang mga lambat, sa ganitong pagkakaunawa, ay maaaring ang ating mga trabaho, mga libangan, mga katuwaan, at higit sa lahat ng bagay, ang ating mga tukso at mga kasalanan. Sa madaling salita, ang isang lambat ay anumang bagay na humihila sa atin palayo sa ating Ama sa Langit o sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan” (“Magsisunod sa Akin,” Liahona, Hulyo 2002, 15).
-
Batay sa depinisyon ni Elder Wirthlin ng “mga lambat,” maglarawan sa iyong scripture study journal ng 3–4 na halimbawa ng isang tao sa panahon natin ngayon na tumugon sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson ang tungkol sa mga pagpapalang maaaring dumating kapag sinusunod natin ang Tagapagligtas: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng ipinapaubaya ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang-hanggan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Kailan ka, o ang isang kakilala mo, nakatanggap ng gayunding mga pagpapala dahil tinalikuran mo ang mga alalahanin ng mundo para sundin ang Tagapagligtas?
-
Sa mga pagpapalang natatanggap mo sa pagsunod sa Tagapagligtas, sa palagay mo, bakit mahalagang tumugon kaagad sa Kanyang paanyaya na sumunod sa Kanya?
-
Gumawa ng goal o mithiin na makatugon nang mas mabuti sa paanyaya ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya.
Mateo 4:23–25
Pumunta si Jesus sa Galilea para magturo, mangaral, at magpagaling
Basahin ang Mateo 4:23–25, at markahan ang mga ginawa ng Tagapagligtas.
Sa pag-aaral mo ng mga Mga Ebanghelyo, malalaman mo ang ilang partikular na pagkakataon na nagturo, nangaral, at nagpagaling ang Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mundo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: