Unit 29: Day 2
Santiago 4–5
Pambungad
Pinayuhan ni Apostol Santiago ang mga Banal na salangsangin o labanan ang panunukso ng diyablo, mas lumapit sa Diyos, at matiyagang magtiis ng pasakit habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Itinuro niya na ang mga maysakit ay dapat “ipatawag … ang mga matanda sa iglesia” (Santiago 5:14) upang basbasan sila. Itinuro rin ni Santiago na mahalagang tulungan ang mga makasalanan na magsisi.
Santiago 4
Pinayuhan ni Santiago ang mga Banal na mas lumapit sa Diyos at labanan ang panunukso ng diyablo
Mag-isip ng isang miyembro ng pamilya o kaibigan na malapit sa puso mo. Bakit malapit sa iyo ang taong ito?
Paano ka naging malapit sa taong ito?
Ngayon ay isipin kung gaano ka kalapit sa Diyos. Paano mapagpapala ang buhay mo ng matibay na kaugnayan sa Diyos?
Sa pag-aaral mo ng Santiago 4, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mapatibay ang iyong kaugnayan sa Diyos.
Tulad ng nakatala sa Santiago 4:1–3, pinagsalitaan ni Santiago ang mga Banal dahil sa paghahangad nila ng mga yaman ng mundo. Basahin ang Santiago 4:4, na inaalam ang uri ng pakikipagkaibigan na sinabi ni Santiago na iwasan ng mga Banal. Ang ibig sabihin ng salitang pakikipag-away ay pagkapoot o pagkagalit.
Ang payo ni Santiago sa talata 4 ay hindi nangangahulugan na dapat nating iwasang makihalubilo sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Sa halip, dapat nating iwasan ang pagtanggap at pagsunod sa mga maling turo at masasamang hangarin, pamantayan, at gawi ng mundo. Itinuro ni Santiago na ang pakikipagkaibigan sa mundo (kamunduhan) ay gagawin tayong mga kaaway ng Diyos.
Basahin ang Santiago 4:6–8, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga Banal.
Batay sa natutuhan mo sa Santiago 4:8, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kapag lumalapit tayo sa Diyos, . Maaari mong markahan ang mga salita sa Santiago 4:8 na nagtuturo ng alituntuning ito. Ang alituntuning ito ay pinagtibay sa bagong paghahayag (tingnan sa D at T 88:63).
-
Sa iyong scripture study journal, maglista ng mga magagawa mo para mapalapit sa Diyos.
Isang paraan na mapapalapit ka sa Diyos ay ang sundin ang payo ni Pablo na “mangaglinis kayo ng inyong mga kamay” at “dalisayin ninyo ang inyong … puso” (Santiago 4:8). Tulad ng paggamit sa mga banal na kasulatan, ang ating mga kamay ay maaaring sumagisag sa ating mga kilos at ang puso ay maaaring sumasagisag sa ating mga hangarin. Pagnilayan kung paano nakatutulong ang pagkakaroon ng malinis na mga kamay at dalisay na puso para mas mapalapit ka sa Diyos.
Basahin ang Santiago 4:9–12, 17, na inaalam ang karagdagang payo na ibinigay ni Santiago sa mga Banal para mas mapalapit sila sa Diyos. Ang mga katagang “inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik” sa talata 9 ay tumutukoy sa pagkakaroon ng kalumbayang mula sa Diyos.
Ayon sa Santiago 4:17, ano itinuro ni Santiago na isang kasalanan?
Matututuhan natin sa Santiago 4:17 na kung alam nating gawin ang mabuti ngunit pinili nating huwag gawin iyon, nagkakasala tayo. Maaari mong markahan ang mga salita sa Santiago 4:17 na nagtuturo ng katotohanang ito.
Sa iyong palagay, bakit kasalanan na alam natin ang mabubuting bagay na dapat nating gawin pero pinili nating huwag gawin ang mga iyon?
Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ang katotohanang ito. Ang mga salitang hindi paggawa ng alam mong tama sa kontekstong ito ay tumutukoy sa mabubuting gawa na dapat nating gawin pero pinabayaan natin o hindi ginawa.
“Nangangamba ako na ilan sa mga pinakamabigat nating kasalanan ay ang hindi paggawa ng bagay na alam nating dapat gawin. Ito ang ilan sa lalong mahahalagang bagay ng kautusan ng Tagapagligtas na hindi dapat pinababayaan na di ginagawa [tingnan sa Mateo 23:23]. Ito ay mga gawaing nagpapakita ng pagmamahal at malasakit ngunit hindi natin ginawa at labis nating pinagsisisihan.
“Noong batang magbubukid ako at nasa katindihan ng tag-init, naalala ko ang lola ko na si Mary Finlinson na nagluluto ng masasarap na pagkain namin sa mainit na kalang ginagatungan ng kahoy. Kapag naubos ang panggatong sa kahon sa tabi ng kalan, tahimik na dadamputin ni Lola ang kahon, lalabas para punuin itong muli mula sa tumpok ng mga kahoy sa labas, at bubuhatin ang mabigat na kahon pabalik sa bahay. Napakamanhid ko at mas interesadong makinig sa kuwentuhan sa kusina, kaya nakaupo lang ako roon at hinayaan kong punuing muli ng mahal kong lola ang kahon ng panggatong. Nahiya ako sa ginawa ko at buong buhay kong pinagsisihan ang pagkukulang ko. Sana’y makahingi ako ng tawad sa kanya balang araw” (“The Weightier Matters of the Law: Judgment, Mercy, and Faith,” Ensign, Nob. 1997, 59).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang halimbawa ng “hindi paggawa ng alam nating dapat gawin” na makahahadlang sa iyo na mas mapalapit sa Diyos?
-
Ano ang isang bagay na gagawin mo para mapalapit sa Diyos? Mangakong kumilos ayon sa anumang pahiwatig na natatanggap mo na makatutulong sa iyo na magawa ang mithiing ito.
-
Santiago 5
Itinuro ni Santiago sa mga Banal na matiyagang magtiis ng pasakit at sinabihan ang mga maysakit na ipatawag ang matatanda o mga elder
Nabasa natin sa Santiago 5:1–6 na pinagsalitaan ni Santiago ang mayayaman na nagpapakasasa sa kayamanan at inaapi ang mabubuti. Nagbabala siya na may kapahamakan at kahatulang naghihintay sa kanila.
Basahin ang Santiago 5:7–11, na inaalam kung ano ang sinabi ni Santiago na gawin ng mga Banal sa oras ng paghihirap habang naghihintay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Ipinapakita sa mga talatang ito ang pagkakaugnay ng mga pagsubok at tiyaga at kung paano tumugon ang matatapat, tulad ni Job, sa pagdurusa at paghihirap. Pansinin sa Santiago 5:10 kung sino ang taong maaaring gawing halimbawa ng mga Banal pagdating sa matiyagang pagtitiis ng pasakit.
Isulat ang ilang halimbawa ng mga propeta mula sa mga banal na kasulatan na matiyagang nagtiis ng pasakit:
Isipin ang payong ibibigay mo sa isang kaibigan na nagsabing, “Ang sama ng pakiramdam ko. Isang linggo na akong maysakit. Kumonsulta ako sa doktor at may gamot na akong iniinom, pero hindi pa rin ako gumagaling. Hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong gawin.”
Basahin ang Santiago 5:13–16, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Santiago na gawin ng mga maysakit at nahihirapan.
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag ang mga Elder ay nagpahid ng langis sa maysakit at ibinuklod ang pagpapahid, binubuksan nila ang mga dungawan ng langit para maibuhos ng Panginoon ang mga pagpapalang niloloob Niya para sa taong maysakit” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 48).
Basahing muli ang Santiago 5:15. Bukod sa kapangyarihan ng priesthood, ano pa ang sinabi ni Santiago na magliligtas o magpapagaling sa maysakit?
Isang katotohanan na matututuhan natin mula sa Santiago 5:14–16 ay na sa pamamagitan ng panalangin ng pananampalataya at kapangyarihan ng priesthood, mapagagaling ang maysakit.
Itinuro ni Elder Oaks ang sumusunod tungkol sa panalangin ng pananampalataya at sa kapangyarihang magpagaling ng priesthood:
“Kapag ginamit natin ang walang alinlangang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at itinangi ang Kanyang pangako na diringgin at sasagutin Niya ang panalangin ng pananampalataya, lagi nating tandaan na ang pananampalataya at ang kapangyarihan ng priesthood na magpagaling ay hindi magbubunga ng anumang taliwas sa kalooban Niya na nagmamay-ari ng priesthood na ito. …
“… Maging ang mga lingkod ng Panginoon, na gumagamit ng Kanyang banal na kapangyarihan sa isang sitwasyon kung saan sapat ang pananampalatayang mapagaling, ay hindi makapagbibigay ng basbas ng priesthood na magpapagaling sa isang tao kung hindi ito naaayon sa kalooban ng Panginoon.
“Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: ‘Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa prayer roll sa templo ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.’ Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay [sa kanser] kamakailan. Ipinahayag niya, ‘Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.’ Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon” (“Pagpapagaling ng Maysakit,” 50).
Paano nakatutulong sa iyo ang itinuro ni Elder Oaks na maunawaan ang kapangyarihang magpagaling ng priesthood? Bakit kailangang nakaayon sa kalooban ng Diyos ang ating pananampalataya at panalangin? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin.”)
-
Isipin kunwari na isa sa mga kaibigan mo o miyembro ng pamilya mo ang maysakit. Sa iyong scripture study journal, sumulat sa taong iyon at ipaliwanag ang natutuhan mo tungkol sa kapangyarihang magpagaling ng priesthood. Siguraduhing maipaliwanag kung bakit mahalaga na ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay hindi nakasalalay sa kahihinatnan ng basbas ng priesthood. Maglakip ng halimbawa ng mga taong kakilala mo na napagpala ng mga panalangin ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng priesthood.
Inihambing din ni Santiago ang pagpapagaling ng maysakit sa kapatawaran ng kasalanan (tingnan sa Santiago 5:16).
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang uri ng pagpapakumbaba at pananampalataya na kailangan upang tayo ay pisikal na mapagaling ay ang uri din ng pagpapakumbaba at pananampalataya na kailangan natin para makatanggap ng kapatawaran: “May mga … sagradong pagkakataon na nabibigyan ng pribilehiyo ang mga tao na umangat sa matataas na antas na iyon ng espirituwalidad kung saan nabibigyang-matwid sila ng Espiritu dahil sa kanilang pamumuhay at bunga niyon ay napapatawad sa kanilang mga kasalanan. Tinukoy ni Santiago ang ordenansa ng pagpapagaling sa maysakit na isa sa mga ito. … Ang isang tao na dahil sa pananampalataya, katapatan, kabutihan, at pagiging marapat, ay may karapatang mapagaling, ay maaari ding bigyang-matwid ng Espiritu dahil sa kanyang pamumuhay, at ang kanyang mga kasalanan ay pinatatawad sa kanya, na pinatutunayan ng katotohanang tumatanggap siya ng patnubay ng Espiritu, na hindi magkakagayon kung siya ay hindi karapat-dapat” (Mormon Doctrine, ika-2 edisyon. [1966], 297–98).
Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang taong hindi gumaling kahit nabigyan ng basbas ng priesthood ay hindi karapat-dapat. Lahat ng pagpapala ay ibinibigay alinsunod sa mas malalim na pang-unawa ng Diyos, at madarama natin ang Kanyang pagmamahal at ang kapayapaan na pinagtitibay ng Espiritu ang ating pagkamarapat.
Tulad ng nakatala sa Santiago 5:17–20, tinukoy ni Santiago si propetang Elias bilang halimbawa ng isang tao na ginamit ang bisa ng taimtim na panalangin. Pinayuhan din niya ang mga Banal na tulungan ang mga makasalanan na magsisi. Pansinin sa Santiago 5:20 ang ipinangakong mga pagpapala na dumarating sa mga “nagpapabalik-loob sa makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya.”
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Santiago 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: