Library
Unit 8, Day 3: Marcos 9:1–29


Unit 8: Day 3

Marcos 9:1–29

Pambungad

Mga anim na buwan bago ang Kanyang Pagpapako sa Krus, si Jesus ay nagbagong-anyo (nakita sa Kanyang niluwalhating kalagayan) habang Siya at sina Pedro, Santiago, at Juan ay nasa bundok. Pagkatapos ay itinuro Niya sa mga disipulong ito na si Juan Bautista ay isang Elias, o isang propeta na siyang maghahanda ng daan para sa Mesiyas. Pagkabalik ni Jesus sa iba pa Niyang mga disipulo, isang lalaki ang nagsumamo kay Jesus na paalisin Niya ang masamang espiritu mula sa kanyang anak. Pinaalis ni Jesus ang masamang espiritu at itinuro sa Kanyang mga disipulo ang pangangailangang manalangin at mag-ayuno.

Marcos 9:1–13

Si Jesus ay nagbagong-anyo, at itinuro Niya kina Pedro, Santiago, at Juan ang tungkol kay Elias

Tingnan kung gaano karaming push-ups o sit-ups ang magagawa mo sa isang minuto. Irekord ang nagawa mo rito: ____________________

Bakit gusto o kailangan ng isang tao na madagdagan ang kanyang pisikal na lakas?

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano maihahalintulad ang pisikal na lakas sa espirituwal na lakas, o pananampalataya kay Jesucristo?

    2. Ano ang ilang sitwasyon na maaaring kailanganin mong palakasin ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?

Sa pag-aaral mo ng Marcos 9:1–29, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya.

Ang Marcos 9:1–13 ay naglalaman ng tala tungkol sa pagbabagong-anyo ni Jesus sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan sa isang bundok at ang pagpapakita roon nina Moises at Elias (Elijah), na natutuhan mo sa iyong lesson sa Mateo 17. Itinuro rin ni Jesus sa mga Apostol na ito na tinupad ni Juan Bautista ang ipinropesiyang tungkulin bilang isang Elias. Ang “Elias” ay isang titulo para sa yaong maghahanda ng daan para sa pagdating ng Mesiyas.

Tinulungan tayo ng Joseph Smith Translation na mas maunawaan pa ang tungkol sa isinagot ng Tagapagligtas sa tanong ng mga Apostol, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?” (Marcos 9:11):

“At tumugon siya at sinabi sa kanila, sinasabing, katotohanang si Elias ay pariritong mauna, at ihahanda ang lahat ng bagay; at magtuturo sa inyo tungkol sa mga propeta; paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng tao, na siya ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay, at pawalang-halaga.

“Muli kong sinasabi sa inyo, Na naparito na si Elias, datapuwa’t ginawa din naman nila sa kanya kung anuman ang kanilang inibig; at maging ang ayon sa nasusulat tungkol sa kanya; at siya ay nagpatotoo sa akin, at siya ay hindi nila tinanggap. Katotohanang ito ay si Elias” (Joseph Smith Translation, Mark 9:10–11 ).

Sino si Elias? Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkuling ginampanan ni Elias sa Panunumbalik:

Elder Bruce R. McConkie

“May tatlong iba’t ibang paghahayag na nagsasabing si Elias ay tatlong magkakaibang tao. Ano ang maiisip natin tungkol dito?

“… Maraming sugong anghel mula sa kalangitan ang isinugo upang ipagkaloob ang mga susi at kapangyarihan, upang muling ipagkaloob ang kanilang dispensasyon at kaluwalhatian sa mga tao sa mundo. Naparito na ang mga sumusunod: Sina Moroni, Juan Bautista, Pedro, Santiago, at Juan, Moises, Elijah, Elias, Gabriel, Rafael, at Miguel. (D at T 13; 110; 128:19–21.) Dahil malinaw na hindi isang sugo lamang ang inatasan para sa panunumbalik, kundi ang bawat isa ay dumating na may partikular na ipagkakaloob mula sa kaitaasan, malinaw na ang Elias ay titulong kumakatawan sa maraming katauhan. Ang Elias ay dapat maunawaang isang pangalan at tawag o titulo para sa mga yaong ang misyon ay magkaloob ng mga susi at kapangyarihan sa kalalakihan sa huling dispensasyong ito [tingnan sa Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 1:170–74]” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 221).

Marcos 9:14–29

Pinaalis ni Jesus ang masamang espiritu mula sa anak ng isang lalaki

Basahin ang Marcos 9:14–18, na inaalam ang nangyari nang bumalik mula sa bundok ang Tagapagligtas sa Kanyang iba pang mga disipulo.

Hawak ni Jesus ang batang lalaki

Ang anak ng lalaki ay sinapian ng masamang espiritu, kaya ito napipi, nabingi, at nagkaroon ng iba pang mga problema (tingnan sa Marcos 9:17–18, 22, 25). Kunwari ay ikaw ang amang ito. Paano kaya maaapektuhan ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihan nang hindi mapagaling ng Kanyang mga disipulo ang iyong anak?

Basahin ang Marcos 9:19–22, at isipin kung ano kaya ang nadarama ng amang ito habang kausap niya ang Tagapagligtas.

Elder Jeffrey R. Holland

Nagbigay ng karagdagang ideya si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa damdamin at pagsusumamo ng amang ito: “Sa kawalan ng pag-asa, ipinahayag ng amang ito ang pananampalataya niya at isinamo sa Tagapagligtas ng mundo, ‘Kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami’ [Marcos 9:22; idinagdag ang italics]. Napaluha ako nang mabasa ko ang mga salitang ito. Ang panghalip na kami ay malinaw na ginamit nang sadya. Ang ibig sabihin ng lalaking ito ay, ‘Nagsusumamo ang buong pamilya namin. Hindi kami tumitigil sa pakikibaka. Pagod na kami. Bumabagsak ang anak namin sa tubig. Bumabagsak ang anak namin sa apoy. Palagi siyang nasa panganib, at palagi kaming nangangamba. Wala na kaming malapitan. Maaari mo ba kaming tulungan? Pasasalamatan namin ang anuman—kaunting basbas, kaunting pag-asa, kaunting paggaan ng pasaning dala-dala ng ina ng batang ito sa bawat araw ng kanyang buhay’” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93).

Basahin ang Marcos 9:23, na inaalam kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa ama.

Maaari mong markahan ang mga salita sa talata 23 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Kung maniniwala tayo kay Jesucristo, ang lahat ng mga bagay ay magiging posible sa atin. (Unawain na ang “lahat ng mga bagay” ay tumutukoy sa lahat ng mabubuting pagpapala na ibibigay ayon sa mga layunin at takdang panahon ng Ama sa Langit.)

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano makatutulong ang paniniwala sa alituntuning ito sa taong nahaharap sa mga problemang tila imposibleng masolusyunan?

Basahin ang Marcos 9:24, na inaalam ang tugon ng ama sa alituntuning itinuro ng Tagapagligtas. Pansinin ang dalawang bahagi ng tugon ng ama.

Elder Jeffrey R. Holland

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland, na nagturong ang sinabi ng ama ay nagtuturo tungkol sa magagawa natin sa mga panahon ng, “kakulangan ng pananampalataya,” o panahon ng pag-aalinlangan o takot: “Nang magkaroon ng hamon sa pananampalataya, ginawa muna ng ama ang kanyang magagawa at saka niya kinilala ang kanyang limitasyon. Sumagot muna siya ng oo at walang pag-aatubiling sinabing: ‘Panginoon, nananampalataya ako.’ Sasabihin ko sa lahat ng nais maragdagan ang pananampalataya, alalahanin ang lalaking ito! Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. Sa paglago na kailangan nating danasing lahat sa buhay na ito, ang espirituwal na katumbas ng hirap ng batang ito o ng kawalang-pag-asa ng magulang na ito ay sasapit sa ating lahat. Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” 94).

Isipin ang pangalawang bahagi ng tugon ng ama: “Tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya” (Marcos 9:24). Pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo sa panahong nagkukulang ka ng pananampalataya, nag-aalinlangan, o natatakot.

Basahin ang Marcos 9:25–27, at alamin ang ginawa ng Tagapagligtas bilang tugon sa pagsusumamo ng ama.

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa talang ito ay kung mananangan tayo nang mahigpit sa pinaniniwalaan natin at hihingi ng tulong sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na mapalakas ang ating pananampalataya.

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Tingnan ang mga sitwasyong inilista mo sa assignment 1 ng lesson sa araw na ito. Paano magagamit ang alituntuning ito sa mga sitwasyong iyon?

    2. Kailan ka nakatanggap o ang isang taong kakilala mo ng tulong ng Panginoon sa panahong nagkukulang ang iyong pananampalataya, nag-aalinlangan, o natatakot sa pamamagitan ng pagtangan nang mahigpit sa iyong pinaniniwalaan at pagdarasal sa Kanya?

Sikaping ipamuhay ang alituntuning ito sa mga panahong nagkukulang ka ng pananampalataya, nag-aalinlangan, o natatakot. Maaari mo ring ibahagi ang alituntunin sa isang kapamilya o kaibigan na maaaring dumaranas ng mga pagsubok o problema.

Alalahanin na unang dinala ng amang ito ang kanyang anak sa ilan sa mga disipulo ni Jesus upang mapagaling ito. Kunwari ay isa ka sa mga disipulong ito. Ano kaya ang maiisip o madarama mo nang hindi mo mapaalis ang masamang espiritu mula sa bata?

Basahin ang Marcos 9:28, na inaalam kung ano ang itinanong ng mga disipulo kay Jesus.

Inilarawan ni Jesus sa Marcos 9:19 ang mga tao bilang “lahing walang pananampalataya.” Ang pananalitang ito ay maaari ding patungkol sa Kanyang mga disipulo na naroon. Ang salitang walang pananampalataya rito ay tumutukoy sa kawalang-pananampalataya kay Jesucristo. Kailangan ng pananampalataya kay Jesucristo upang maging mabisa ang mga basbas ng priesthood.

Basahin ang Marcos 9:29, na inaalam ang itinugon ng Tagapagligtas sa tanong ng Kanyang mga disipulo.

Natutuhan natin mula sa talatang ito na mapalalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng talata 29.

Ang sumusunod na pahayag ay tumutulong sa atin na maunawaan ang iba’t ibang sitwasyon kung saan maaaring magamit ang katotohanang ito: “Itinuturo ng salaysay [na ito tungkol sa pagpapaalis ni Jesus ng masamang espiritu mula sa anak ng isang lalaki] na ang panalangin at pagaayuno ay makapagbibigay ng lakas sa mga yaong nagbibigay at tumatanggap ng mga basbas ng priesthood. Ang salaysay na ito ay maiaangkop din sa personal ninyong pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Kung may kahinaan o kasalanan kayo na nahihirapan kayong daigin, maaaring kailangan ninyong mag-ayuno at manalangin upang matanggap ang tulong o kapatawarang hangad ninyo. Gaya ng dimonyong pinalabas ni Cristo, ang suliranin ninyo ay maaaring maging uri na mapapalabas lamang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 103).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng sarili mong karanasan o karanasan ng isang taong kakilala mo tungkol sa paglakas ng pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno. Sa paanong paraan ka natulungan ng panalangin at pag-aayuno para matanggap ang mga pagpapalang hinangad mo?

Isipin kung paano maaaring kailanganing palakasin ang iyong pananampalataya. Magplano para mapalakas mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno. Maaari mong isulat ang iyong mga plano sa isang papel at ilagay ito sa isang lugar na makapagpapaalala sa iyo ng iyong goal o mithiin.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Marcos 9:1–29 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: