Unit 3: Day 1
Mateo 6–7
Pambungad
Ang Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagpapatuloy sa Mateo 6–7. Sa bahaging ito ng Kanyang sermon, itinuro Niya na ang matapat na pagpapakita ng kabutihan ay dapat gawin upang malugod ang Ama sa Langit. Iniutos din Niya sa Kanyang mga disipulo na unahin ang pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mateo 6:1–18
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na gumawa ng matwid o mabubuting bagay
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: May nagawa ka na bang tama sa maling dahilan? Kung gayon, ano ang naghikayat sa iyo na gawin iyon?
Basahin ang Mateo 6:1–2, na inaalam kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas na maling dahilan ng paggawa ng mabuti.
Ang pagbibigay ng limos ay matapat na pagpapakita ng kabutihan, tulad ng pagbibigay sa mahihirap. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa dahilan ng pagbibigay ng limos ng mga tao?
Pansinin na tinawag ng Tagapagligtas ang mga taong ito na mga “mapagpaimbabaw,” na sa Griyego ay tumutukoy sa mga taong mapagkunwari.
Basahin ang Mateo 6:3–4, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas kung paano dapat gumawa ng kabutihan ang Kanyang mga disipulo. Maaari mong markahan ang mga pangako ng Tagapagligtas sa mga taong gumagawa ng kabutihan sa mga tamang dahilan.
Ang maglingkod nang lihim ay nagpapahiwatig na tahimik tayong naglilingkod sa iba nang hindi nagpapasikat o naghihintay ng kapalit o mapapakinabangan. Malaking pagpapahalaga ang dapat ibigay sa tahimik na paglilingkod na walang nakaaalam maliban sa taong napaglingkuran at sa taong naglingkod.
Kumpletuhin ang sumusunod na pahayag upang matukoy ang alituntuning natututuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas: Kung tapat ang ipinapakita nating kabutihan para malugod ang Ama sa Langit at hindi dahil para mapansin ng iba, Siya ay .
Ang ibig sabihin ng mga katagang “gagantihin ka” ay pagpapalain tayo ng Ama sa Langit sa espirituwal o temporal na paraan na maaaring makita o hindi ng ibang tao ngunit madali nating makikita kapag tumatanggap tayo ng mga pagpapala.
Basahin ang Mateo 6:5–6 at Mateo 6:16–18, na inaalam ang mga ginamit na halimbawa ng Tagapagligtas upang ilarawan ang alituntunin ng pagpapakita ng matapat na paggawa upang malugod ang Ama sa Langit. Ang mga katagang “mapapanglaw na mukha” at “pinasasama ang mga mukha nila” sa talata 16 ay tumutukoy sa mga tao na hayagang nagpapakita ng kanilang pag-aayuno para mapansin ng iba.
Hindi mali ang panalangin na hayagang nakikita ng mga tao, at hindi lahat ng panalangin ay kailangang gawin nang lihim. Ang panalangin at iba pang espirituwal na gawain ay maaaring gawin nang nakikita ng mga tao kung gagawin ito nang tapat at ayon sa tamang pamantayan ng Simbahan.
-
Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang pagkakataon na nagpakita ka ng katapatang gumawa ng mabuti—tulad ng pananalangin o pag-aayuno—para malugod ang Ama sa Langit. Sumulat ng mga paraan na nadama mong pinagpala ka dahil sa matapat na pagsamba.
Sa Mateo 6:7–15, nagbigay ang Tagapagligtas ng mga tagubilin at huwaran para sa angkop na paraan ng pananalangin. Ang Kanyang sariling halimbawa ng panalangin ay nakilala bilang Panalangin ng Panginoon. Basahin ang mga talatang ito na inaalam ang karagdagang mga katotohanang matututuhan mo tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ng Panginoon.
Maaari kang maghanap ng pribadong lugar para manalangin nang malakas, at mag-alay ng taimtim na panalangin sa Ama sa Langit doon. Ano ang mga pagkakaibang napansin mo sa pagdarasal nang malakas at pagdarasal nang tahimik? Mas nakakapagpokus ka ba kapag nagdarasal ka nang malakas?
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang ilang kaalaman mula sa pag-aaral mo ng Mateo 6:7–15 na maaaring makatulong sa iyo na maging mas taimtim sa iyong pananalangin.
Mateo 6:19–24
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na magtipon ng mga kayamanan sa langit
Ang kayamanan ay anumang bagay na labis na mahalaga sa atin.
Basahin ang Mateo 6:19–21, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa mga uri ng kayamanang dapat nilang hangarin.
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kaibahan ng kayamanang inipon sa lupa sa kayamanang inipon sa langit?
Sa kasunod na chart, ilista ang tatlong halimbawa ng kayamanan na maaaring maipon ng mga tao sa mundo at tatlong halimbawa ng mga kayamanang maaari nating maipon sa langit.
Mga kayamanan sa lupa |
Mga kayamanan sa langit |
---|---|
Basahin ang Mateo 6:22–24, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas na makatutulong sa atin na mag-ipon ng kayamanan sa langit.
Ang Joseph Smith Translation ng Mateo 6:22 ay tumutulong sa atin na maunawaan na itinuro ng Tagapagligtas na upang makapag-ipon ng kayamanan sa langit, dapat ay “tapat sa kaluwalhatian ng Diyos” (Joseph Smith Translation, Matthew 6:22 ) ang ating mga mata, ibig sabihin ay nakaayon ang ating pananaw at kalooban sa Diyos.
Natutuhan natin mula sa huling pangungusap ng Mateo 6:24 ang sumusunod na katotohanan na makatutulong sa atin na mag-ipon ng mga kayamanan sa langit: Hindi natin mapaglilingkuran kapwa ang Diyos at ang kayamanan. The word mammon refers to riches or worldliness.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit hindi natin maaaring parehong paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan?
Pag-isipan ang sariling buhay mo, at mag-isip ng isang halimbawa ng kung paano makahahadlang sa paglilingkod mo sa Diyos at pag-iipon ng kayamanan sa langit ang pagtutuon sa temporal na bagay.
Mateo 6:25–34
Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na hanapin muna ang kaharian ng Diyos
Tulad ng nakatala sa Mateo 6:25–34, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na huwag ikabalisa ang panustos sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Ang Joseph Smith Translation ng Mateo 6:25–27 ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang partikular na tinutukoy Niya ay ang mga magsisialis para mangaral ng Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 6:25–27).
Basahin ang Mateo 6:31–34, na inaalam ang alituntuning itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na dapat munang unahing hanapin sa kanilang buhay. (Pansinin ang sinasabi sa Joseph Smith Translation ng Mateo 6:33.)
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Mateo 6:33?
“Ang kaharian ng Diyos” (Mateo 6:33) ay kinakatawan ng Simbahan ni Jesucristo noon at ngayon. Sa panahon natin, ito ay kinakatawan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ipinanumbalik upang ihanda ang mga anak ng Ama sa Langit para sa Kanyang kaharian sa langit—ang kahariang selestiyal.
Ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano mo maipamumuhay ang alituntuning ito:
“Kailangan nating unahin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. Siya dapat ang una. …
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.
“Dapat nating unahin ang Diyos sa lahat sa ating buhay” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo naranasang pinagpala ka ng Ama sa Langit dahil hinangad mong unahin Siya sa iyong buhay?
Mateo 7:1–5
Itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo ang paghatol nang matwid
Basahin ang Mateo 7:1–2, na inaalam kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol nang matwid.
Ang kadalasang inaakalang kahulugan ng Mateo 7:1 ay hindi tayo dapat humatol kahit kailan. Gayunman, nalaman natin mula sa Joseph Smith Translation na itinuro ni Jesucristo na dapat tayong “humatol nang matwid na paghatol.”
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng humatol nang matwid?
Basahin ang Mateo 7:3–5, at pag-isipang mabuti ang analohiyang ginamit ng Tagapagligtas upang turuan tayo kung paano iwasang hatulan nang mali ang iba (tingnan din sa Juan 7:24).
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ang iba’t ibang uri ng paghatol:
“Naging palaisipan sa akin na iniutos sa ilang banal na kasulatan na huwag tayong humatol at inutos naman sa iba na dapat tayong humatol at sinabi pa sa atin kung paano ito gawin. Ngunit habang pinag-aaralan ko ang mga talatang ito naliwanagan ako na ang tila magkakasalungat na mga tagubiling ito ay magkakatugma kapag tiningnan natin ang mga ito sa pananaw na pangwalang-hanggan. Ang dapat maunawaan ay may dalawang uri ng paghatol: kaagad na paghatol o paghuhusga, na ipinagbabawal sa ating gawin, at paghatol sa nararapat gawin na siyang ipinagagawa sa atin, ngunit ayon sa matwid na mga alituntunin. …
“Kabaligtaran ng pagbabawal sa mga tao na kaagad na hatulan ang iba, iniuutos sa mga banal na kasulatan na humatol ang mga tao ayon sa tatawagin kong ‘paghatol o pagpapasiyang nararapat gawin.’ Ang mga pagpapasiyang ito ay mahalaga sa paggamit ng kalayang pumili. …
“Lahat tayo ay nagpapasiya kung sino ang pipiliin nating kaibigan, kung saan ilalaan ang panahon at ang pera natin, at mangyari pa, kung sino ang pipilin nating makasama nang walang hanggan. …
“Sa mga pagpapasiyang nararapat gawin, tiyakin nating matwid ang paghatol natin. Dapat nating hingin ang gabay ng Espiritu sa ating mga pagpapasiya. Dapat ay pagpasiyahan lang natin kung ano lamang ang ipinagkatiwala sa atin. Kung maaari, iwasan nating manghusga ng tao hanggang sa magkaroon tayo ng sapat na kaalaman sa katotohanan. Hangga’t maaari, dapat nating hatulan ang sitwasyon sa halip na ang tao. Sa lahat ng ating paghatol dapat nating ipamuhay ang mabubuting pamantayan. At, sa lahat ng ito ay dapat nating tandaan ang utos na magpatawad” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 7, 9, 13).
Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ay nagbigay ng komento sa Mateo 7:3–5:
“Ang pagpansin na ito sa mga tahilan at puwing ay tila may kaugnayan sa kawalan natin ng kakayahan na makitang mabuti ang ating sarili. Hindi ko tiyak kung bakit nasusuri at nalulunasan natin ang mga kahinaan ng iba, samantalang madalas ay hirap tayong makita ang sarili nating kahinaan.
“Ilang taon na ang nakararaan may balita tungkol sa isang lalaki na naniwala na kapag nagpahid siya ng katas ng lemon sa kanyang mukha, hindi siya makikita sa kamera. Kaya nagpahid siya ng katas ng lemon sa kanyang buong mukha, lumabas, at nangholdap ng dalawang bangko. Hindi nagtagal inaresto siya nang ibrodkast sa balitang panggabi ang mga kuha niya sa video. Nang ipakita ng mga pulis sa lalaki ang mga video na nakunan ng mga security camera, hindi siya makapaniwala. ‘Pero may katas ng lemon ang mukha ko!” reklamo niya. [Tingnan sa Errol Morris, “The Anosognosic’s Dilemma: Something’s Wrong but You’ll Never Know What It Is’ (Part 1), New York Times, Hunyo 20, 2010; opinionator.blogs.nytimes.com/2010/06/20/the-anosognosics-dilemma-1.]
“Nang marinig ng isang siyentipiko ng Cornell University ang kuwentong ito, nagulat siya na walang kamalay-malay ang lalaki na kamangmangan ang ginawa niya. Para mabatid kung ito ay pangkaraniwang problema, pinalahok ng dalawang mananaliksik ang mga estudyante sa kolehiyo sa isang serye ng mga pagsubok sa ibaʼt ibang kasanayan sa buhay at pagkatapos ay pinamarkahan sa kanila kung gaano sila kahusay. Ang mga estudyanteng hindi gaanong mahusay ang hindi gaanong tama ang pag-iskor sa sarili nilang kahusayan—ang ilan ay tinantiya ang kanilang iskor na mas mataas nang limang beses kaysa totoong iskor nila. [Tingnan sa Justin Kruger and David Dunning, ‘Unskilled and Unaware of It: How Difficulties in Recognizing One’s Own Incompetence Lead to Inflated Self-Assessments,’ Journal of Personality and Social Psychology, Dis. 1999, 1121–34.]
“Ang pag-aaral na ito ay inulit-ulit sa napakaraming paraan, at iyon at iyon din ang kinalabasan: marami sa atin ang hirap makita kung ano tayo talaga, at maging ang matatagumpay na tao ay pinapalabis ang mga kontribusyon nila at minamaliit ang mga kontribusyon ng iba. [Tingnan sa Marshall Goldsmith, What Got You Here Won’t Get You There (2007), chapter 3.]
“Siguro hindi gaanong mahalaga kung palabisin mo man ang pagsasabi na magaling kang magmaneho o pumalo ng golf ball. Ngunit kapag sinimulan na nating isipin na ang mga kontribusyon natin sa bahay, sa trabaho, at sa simbahan ay mas malaki kaysa totoong nagagawa natin, hinahadlangan natin ang ating sarili sa mga pagpapala at oportunidad na paghusayin ang ating sarili sa mahahalaga at malalaking paraan” (“Ako Baga, Panginoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 56–57).
Mateo 7:6–14
Itinuro ng Tagapagligtas ang tungkol sa paghahangad ng personal na paghahayag
Tinutulungan tayo ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 7:6 na maunawaan na iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na humayo sa sanlibutan para mangaral. Sila ay magtuturo ng pagsisisi ngunit iingatan sa kanilang mga sarili ang mga hiwaga ng kaharian. Sa madaling salita, hindi nila dapat talakayin ang mga sagradong paksa sa mga taong hindi handang tanggapin ang mga ito. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:9–11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].)
Ayon sa Joseph Smith Translation, ang Mateo 7:7 ay nagsisimula sa mga katagang “Sabihin sa kanila, Magsihingi kayo sa Diyos.” Basahin ang talata 7 simula sa mga katagang ito, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na dapat ituro ng Kanyang mga disipulo.
Natutuhan natin mula sa talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay humingi, naghanap, at kumatok sa ating pagsasaliksik sa katotohanan, sasagot ang Ama sa Langit at pagkakalooban tayo ng personal na paghahayag.
Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang humingi, maghanap, at kumatok na dapat nating gawin para makatanggap ng personal na paghahayag?
Isipin ang isang pagkakataon na nakatanggap ka ng personal na paghahayag dahil ikaw ay humingi, naghanap, at kumatok.
Tulad ng nakatala sa Mateo 7:9–11, itinuro ng Tagapagligtas na tulad ng isang mapagmahal na ama na hindi bibigyan ng bato o ahas ang anak na humihingi ng tinapay o isda, gayundin naman na hindi ipagkakait ng Ama sa Langit ang kaloob na personal na paghahayag sa Kanyang mga anak na naghahanap at humihingi nito para sa angkop na kadahilanan.
Basahin ang Mateo 7:12–14, na inaalam ang karagdagang katotohanan na sinabi ng Tagapagligtas na ituturo ng Kanyang mga disipulo. Ang salitang makipot sa talatang ito ay tumutukoy sa pintuan na makipot, kumpara sa tuwid, ibig sabihin diretsong linya, hindi baluktot.
Mateo 7:15–27
Nangako ng kaligtasan ang Tagapagligtas sa mga susunod sa kagustuhan ng Ama
Ano ang ilang ideya na karaniwang tinatanggap ng mundo ngunit salungat sa plano ng Ama sa Langit?
Isipin kung bakit mahalagang malaman mo kung ang isang indibiduwal o isang grupo ay nagpapalaganap ng ideya na salungat sa plano ng Ama sa Langit.
Basahin ang Mateo 7:15, na inaalam ang babala ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo.
Nagbigay ng babala si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga “bulaang mga propeta at bulaang mga guro, kapwa lalaki at babae, na itinatalaga ang sarili na tagapaghayag ng mga doktrina ng Simbahan” gayundin ang “mga taong masugid na nagsasalita at naglalathala nang laban sa mga tunay na propeta ng Diyos at patuloy na binabago ang paniniwala ng iba nang walang malasakit sa pangwalang-hanggang kapakanan ng kanilang inaakit” (“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 63).
Basahin ang Mateo 7:16–20, na inaalam ang isang paraan na mahihiwatigan natin kung bulaang propeta o bulaang guro ang isang tao.
Natutuhan natin mula sa mga talatang ang sumusunod na katotohanan: Makikilala natin ang mga bulaang propeta sa kanilang mga bunga o ginagawa. Katulad ng pagtukoy sa uri o kalidad ng halaman sa pamamagitan ng bunga nito, matutukoy rin natin ang mga bulaang propeta at bulaang guro sa kanilang mga turo, kilos, at ideya.
Ano sa tingin mo ang magiging bunga ng mga bulaang propeta?
Basahin ang Mateo 7:21–27, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa kahalagahan ng pamumuhay ayon sa Kanyang mga turo. Pansinin na pinalitan sa Joseph Smith Translation ang pahayag sa talata 23 mula sa “Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala” ay ginawang “Hindi ninyo ako kailanman nakilala” (Joseph Smith Translation, Matthew 7:33).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo maipamumuhay ang isa o higit pang mga alituntunin na natukoy mo sa lesson na ito.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 6–7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: