Library
Unit 27, Day 4: Sa Mga Hebreo 1–4


Unit 27: Day 4

Sa Mga Hebreo 1–4

Pambungad

Itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal na Hebreo, o mga Kristiyanong Judio, ang tunay na katangian ni Jesucristo. Itinuro rin niya sa kanila ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ilang pagpapalang dulot ng Pagbabayad-sala. Ikinuwento ni Pablo ang karanasan ng mga sinaunang Israelita na nagpagala-gala sa ilang upang ituro sa mga Banal ang kailangan nilang gawin para makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Sa Mga Hebreo 1

Itinuro ni Pablo ang tunay na katangian ni Jesucristo

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon:

  • Isang dalagita ang nagsasawa nang tawaging siyang “mabait” na bata ng kanyang mga kaibigan dahil hindi siya sumasama sa ilang aktibidad nila. Iniisip niyang ibaba ang mga pamantayan niya para makasama sa grupo.

  • Natanto ng isang full-time missionary na mas mahirap pala kaysa sa inaasahan niya ang gawaing misyonero kaya parang gusto na niyang umuwi.

Ano ang magkakapareho sa mga sitwasyong ito? Ano ang ilang dahilan kung bakit naiisip ng mga tao na tumigil sa paggawa ng alam nilang tama?

Ginawa ni Apostol Pablo ang Sulat Sa Mga Hebreo sa panahon na may mga nabinyagang Judio (o Hebreo) ngunit hindi dumadalo sa mga miting ng Simbahan dahil sa pag-uusig at iba pang uri ng alalahanin. Bumalik sila sa tradisyonal na pagsamba ng mga Judio, na mas madali para sa kanila, na hindi kakikitaan ng paniniwala kay Jesucristo (tingnan sa Sa Mga Hebreo 10:25, 38–39). Ginawa ni Pablo ang sulat na ito para hikayatin ang mga miyembrong ito ng Simbahan na manatiling tapat kay Jesucristo.

Sa pag-aaral mo ng sulat na ito sa mga Hebreo, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na manatiling tapat kay Cristo kapag nadarama mong gusto mo nang sumuko.

Basahin ang Sa Mga Hebreo 1:1–3, 10, na inaalam ang mga doktrinang itinuro ni Pablo sa mga Banal na Judio tungkol sa Tagapagligtas.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang mga doktrina tungkol kay Jesucristo na nakita mo sa Sa Mga Hebreo 1:1–3, 10. Halimbawa, matutukoy mo mula sa mga talata 2 at 10 ang sumusunod na doktrina: Nilikha ni Jesucristo ang kalangitan at ang lupa. Kapag pinag-aralan mo itong mabuti, matutuklasan mo na nagtuturo ang mga talatang ito ng karagdagang mahahalagang doktrina tungkol sa Tagapagligtas.

Pansinin ang mga katagang “tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios” sa Sa Mga Hebreo 1:3. Ang ibig sabihin ng mga katagang ito ay na kamukha ni Jesuscristo ang Ama sa Langit at nagtataglay rin Siya ng Kanyang kabanalan. Ang ibig sabihin ng mga katagang “umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan” ay lubos na makapangyarihan si Jesucristo.

Isipin kung aling mga katotohanan ang natukoy mo sa Sa Mga Hebreo 1:1–3, 10 ang maaaring makatulong sa iyo kung natutukso kang tumigil sa paggawa ng kagustuhan ng Panginoon.

Ang temang makikita sa Sa Mga Hebreo ay ang pagiging higit na makapangyarihan ni Jesucristo. Halimbawa, sa Sa Mga Hebreo 1:4–14, ipinakita ni Pablo na ang Tagapagligtas ay lalong mabuti kaysa mga anghel. Sa mga sumunod na kabanata, patuloy niyang ipinakita ang kadakilaan at kapangyarihan ni Cristo.

Paano makatutulong sa isang taong nahihirapang manatiling tapat kay Jesucristo ang malaman na Siya ay mas makapangyarihan sa lahat ng bagay?

Patuloy mong hanapin ang temang ito habang pinag-aaralan mo ang natitirang bahagi ng sulat ni Pablo sa mga Hebreo.

Sa Mga Hebreo 2

Itinuro sa atin ni Pablo na si Jesucristo ang May Gawa ng ating kaligtasan

Isipin kung paano pumipili ng kapitan o lider para sa iba’t ibang team o grupo na maaari mong salihan (halimbawa, isport, debate, drama, o school club). Anong mga katangian ang hinahanap mo kung pipili ka ng kapitan o lider?

Sa Sa Mga Hebreo 2, ipinaliwanag pang lalo ni Apostol Pablo sa mga miyembrong Judio ang likas na katangian ni Jesucristo para matulungan silang maunawaan kung bakit dapat nila Siyang patuloy na tularan. Basahin ang Sa Mga Hebreo 2:10, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa ginawa ni Jesucristo.

Nalaman natin mula sa talatang ito na si Jesucristo ang May Gawa ng ating kaligtasan.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa paanong paraan tinawag na May Gawa ng ating kaligtasan si Jesucristo?

Basahin ang Sa Mga Hebreo 2:8–9, 14–18 na inaalam ang mga kataga na nagpapaliwanag kung bakit karapat-dapat na tawaging May Gawa ng ating kaligtasan ang Tagapagligtas. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Sa Sa Mga Hebreo 2:9, ang itinuro ni Pablo na si Jesucristo “ay ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel” ay tumutukoy sa pagpapakababa ng Tagapagligtas mula sa Kanyang trono sa premortal na daigdig upang maranasang mabuhay bilang mortal at magdusa at mamatay kung saan Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (D at T 88:6). Ang ibig sabihin ng mga katagang “mga may bahagi sa laman at dugo” sa Sa Mga Hebreo 2:14 ay mga mortal tayo. Ang ibig sabihin ng mga katagang “upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan” sa Sa Mga Hebreo 2:17 ay nagbayad-sala si Cristo para sa ating mga kasalanan.

Ayon sa talata 9, ano ang ginawa ni Jesus para sa lahat ng tao? Ayon sa talata 14, sino ang nalipol Niya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?

Pansinin na hindi lamang tinukoy ni Pablo ang Tagapagligtas bilang May Gawa ng ating kaligtasan, kundi tinawag din niya Siya na “dakilang saserdoteng maawain at tapat” (Sa Mga Hebreo 2:17). Itinulad ni Pablo si Jesucristo sa dakila o mataas na saserdoteng Judio dahil ang dakilang saserdote ay itinuturing na tagapamagitan sa mga tao at sa Diyos.

Ayon sa Sa Mga Hebreo 2:18, bakit tayo nasasaklolohan (napapanatag o natutulungan) ng Tagapagligtas?

Basahin ang Sa Mga Hebreo 4:14–16, na inaalam ang karagdagang kaalaman na ibinigay ni Pablo tungkol sa paano naging dakilang saserdote na maawain at tapat ang Tagapagligtas.

Mula sa Sa Mga Hebreo 2:17–18 at 4:14–16, matutukoy natin ang sumusunod na katotohanan: Dahil si Jesucristo ay nagdusa at tinukso sa lahat ng bagay, nauunawaan Niya tayo nang lubos at matutulungan tayo sa oras ng pangangailangan. (Tingnan din sa Alma 7:11–13.)

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang nadama mo tungkol sa paraan kung paano makatutulong sa iyo ang mga katotohanang natukoy sa Sa Mga Hebreo 2 na mapanatag sa desisyon mong tularan si Jesucristo bilang iyong lider.

Sa Mga Hebreo 3–4

Itinuro ni Pablo kung paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon

Ano ang isang bagay na maaari mong ipag-alala o ikabalisa kung minsan? Isipin kung paano ka makahahanap ng kapayapaan at kapahingahan mula sa mga ito at sa iba pang sanhi ng ating pagkaligalig at pagkabalisa.

Noong panahon ni Pablo, ang mga Banal na Judio ay inuusig dahil sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tulad ng nakatala sa Sa Mga Hebreo 3–4, binanggit ni Pablo ang isang karanasan mula sa Lumang Tipan para ituro sa mga Banal kung paano makahahanap ng kapahingahan sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Noong unang panahon, matapos na mapalaya sa Egipto, ginalit ng mga anak ni Israel ang Panginoon dahil sa kanilang pagsuway. Dahil dito, hindi sila pinayagang makapasok sa kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa Mga Bilang 14; Jacob 1:7–8; Alma 12:33–37; 13:6, 12–13, 28–29).

Maaari mong markahan ang mga katagang “aking kapahingahan” sa Sa Mga Hebreo 3:11.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:24, na inaalam kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kapahingahan ng Panginoon.

Elder Bruce R. McConkie

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang tunay na mga banal ay pumapasok sa kapahingahan ng Panginoon habang nasa mundong ito, at sa pagsunod sa katotohanan, magpapatuloy sila sa pinagpalang kalagayang iyan hanggang sa sila ay mamahinga sa piling ng Panginoon sa langit. … Ang kapahingahan ng Panginoon, para sa mga tao sa mundo, ay ang magkaroon ng ganap na kaalaman tungkol sa kabanalan ng dakilang gawain sa mga huling araw. … Ang kapahingahan ng Panginoon, sa kawalang-hanggan, ay magkamit ng buhay na walang hanggan, upang matamo ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon” (Mormon Doctrine, ika-2 edisyon [1966], 633)

Basahin ang Sa Mga Hebreo 4:1 na inaalam ang inaalala ni Pablo na baka hindi magawa ng ilang miyembro ng Simbahan.

Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan: Sa Mga Hebreo 3:7–8, 12–15, 18–19; 4:2–3, 6–7, 11. Basahin din ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Sa Mga Hebreo 4:3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa pagbabasa mo ng mga talatang ito, alamin ang paulit-ulit na itinuro ni Pablo tungkol sa kung paano tayo makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Pansinin ang mga katagang “huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso” (Sa Mga Hebreo 3:8, 15; 4:7). Ang ibig sabihin ng mga katagang ito ay hindi natin dapat isara ang ating mga puso sa katotohanan at inspirasyon; dapat nating panatilihin ang ating mga puso na bukas, handa, at masunurin sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan.

Matututuhan natin mula sa mga turo ni Pablo na kung tayo ay mananatiling tapat sa Tagapagligtas at hindi patitigasin ang ating puso, tayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon.

Sa paanong paraan tayo natutulungang manatiling tapat sa Panginoon ng pagpiling maniwala sa Tagapagligtas at pananatiling bukas ang ating puso sa layunin at plano ng Diyos? Umisip ng isang taong kilala mo na mabuting halimbawa ng alituntuning ito. Ano ang partikular na ginagawa ng taong ito para manatiling tapat?

  1. journal iconSa iyong notebook o scripture study journal, isulat ang gagawin mo para patuloy na maging tapat kay Jesucristo at maging bukas ang iyong puso sa Kanya.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Sa Mga Hebreo 1–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: