Unit 31: Day 1
Apocalipsis 1–3
Pambungad
Habang nasa pulo ng Patmos, gumawa si Juan ng sulat ng panghihikayat sa pitong kongregasyon ng Simbahan. Inilarawan niya rito ang mga paghahayag na natanggap niya. Nagpatotoo si Juan tungkol sa mga bagay na ipinahayag sa kanya ng isang anghel at ni Jesucristo. Inihayag din niya ang mga salita ng Panginoon na nagpupuri, nagwawasto, at nagbababala sa mga Banal.
Apocalipsis 1:1–11
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanyang pangitain
Maglagay ng tsek sa tabi ng bawat sumusunod na pangyayari na gusto mo pang mas maunawaan:
____ Buhay bago ang buhay sa mundo
____ Ang mga huling araw
____ Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
____ Ang Milenyo
____ Ang Huling Paghuhukom
Ang aklat ng Apocalipsis ay “nangangahulugan din ng anumang kahanga-hangang paghahayag; mula sa isang salitang Griyego na nangangahulugang ipinahayag o isiniwalat” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apocalipsis”). Sa aklat na ito, itinala ni Apostol Juan ang mga katotohanang inihayag o inilantad sa kanya tungkol sa buhay bago ang buhay sa mundo, tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, tungkol sa mga pangyayaring hahantong sa Ikalawang Pagparito, Milenyo, at Huling Paghuhukom.
Alamin ang mga katotohanan tungkol sa mga paksang ito sa iyong pag-aaral ng aklat ng Apocalipsis.
Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 1:1–3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), at alamin ang mga itinuro ni Juan tungkol sa paghahayag na natanggap niya. Maaari mong markahan o isulat ang nais ipagawa ni Juan sa mga Banal.
Binanggit ni Apostol Juan kapwa ang mga nagbabasa at nakikinig sa kanyang mga salita. Maraming Banal sa panahon ni Juan ang hindi nakakabasa, kaya nalalaman lamang nila ang nakapaloob sa aklat ng Apocalisis sa pakikinig sa iba na nagbabasa nito nang malakas.
Batay sa mga itinuro ni Juan sa Apocalipsis 1:3, malalaman natin ang sumusunod na alituntunin: Kapag tayo ay nagbabasa, naghahangad na makaunawa, at sumusunod sa mga salita ng Panginoon, tayo ay pagpapalain. Ang isang pagpapala na itinuro ni Juan na matatanggap natin ay ang pagiging handa sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang sulat ni Juan ay para “sa pitong tagapaglingkod na namamahala sa pitong simbahan na nasa Asia” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 1:4 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Natulungan tayo nito na maunawaan na ang “pitong simbahan na nasa Asia” ay tumutukoy sa pitong kongregasyon ng Simbahan, tulad ng mga ward at mga branch ngayon, na nasa kanlurang bahagi sa lugar na tinatawag na Turkey sa panahong ito.
Basahin ang Apocalipsis 1:5–8, at alamin ang nais ni Juan na malaman ng pitong kongregasyon tungkol kay Jesucristo.
Pansinin na ipinaliwanag ni Juan na tayo ay “[mahuhugasan] … sa ating mga kasalanan” at magiging malinis sa pamamagitan ng dugo, o Pagbabayad-sala, ni Jesucristo at magiging “[mga hari at] mga saserdote sa … Dios” (Apocalipsis 1:5–6).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga kataga tungkol sa Tagapagligtas sa Apocalipsis 1:5–8 ang pinakamakahulugan sa iyo? Bakit?
Basahin ang Apocalipsis 1:9–11, at alamin kung nasaan si Juan nang matanggap niya ang paghahayag na ito at kung nasaan ang pitong simbahan. Pansinin kung nasaan ang ilan sa mga lungsod na ito sa kalakip na mapa.
Natanggap ni Juan ang paghahayag na ito sa panahong nahihirapan ang mga miyembro ng Simbahan. May matinding pang-uusig sa mga Banal, kabilang ang pagpatay sa ilan sa kanila, gayon din ang apostasiya at hindi pagkakasundo ng mga miyembro ng Simbahan. Bukod pa rito, lahat ng Apostol maliban kay Juan ay napatay na. Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat marahil noong panahon ng emperador ng Roma na si Domitian (A.D. 81–96), na nagpasimula muli sa pagsamba sa emperador sa boung Imperyo ng Roma at ipinatapon o ipinapatay ang mga hindi sasamba sa mga diyos-diyosan na inaprubahan ng pamahalaang Romano. Maraming tao ang naniniwala na si Juan ay ipinatapon sa pulo ng Patmos dahil sa kadahilanang ito.
Nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon na si Nephi ay nagkaroon ng pangitaing tulad ng kay Juan. Nakita ni Nephi ang mga pangyayari sa mga huling araw (kabilang ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang Milenyo, at ang pagtapos ng gawain ng Diyos sa mundo), ngunit siya ay inutusang huwag isulat ang mga bagay na ito dahil si Juan ang inorden na gawin ito (tingnan sa 1 Nephi 14:24–29). Isipin ang kahalagahang ibinigay ng Panginoon sa tala ni Juan. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng mga salita ni Juan sa Apocalipsis, alamin ang mga katotohanan tungkol sa mga huling araw, sa Ikalawang Pagparito, sa Milenyo, at sa pagtapos sa gawain ng Diyos sa lupa.
Apocalipsis 1:12–20
Nakita ni Juan si Jesucristo sa isang pangitain
Mag-isip ng tatlong kompanya na pamilyar ka. Gumamit ba ng logo ang alinman sa mga kompanyang ito para makilala sila?
Sa iyong palagay, bakit gumagamit ng mga logo ang mga kompanya?
Sa aklat ng Apocalipsis, gumamit si Juan ng mga simbolo at mga imahen upang ituro ang mahahalagang mensahe tungkol sa ebanghelyo. Ang mga simbolo ay maaaring maging mabisang kagamitan sa pagtuturo dahil nakakapagpabatid ang mga ito sa mga tao sa iba’t ibang henerasyon at kultura at sa maraming antas. Naipararating din ng mga ito ang ilang iba’t ibang mensahe.
Basahin ang Apocalipsis 1:12–18, at alamin ang mga simbolong nakita at ginamit ni Juan para ilarawan ang kanyang paghahayag. Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.
-
Sa kalakip na chart, basahin ang mga talata sa kanang bahagi ng column ng sumusunod na chart para mapag-isipan ang posibleng kahulugan ng mga simbolong isinulat ni Juan tungkol sa Apocalipsis 1:12–18. Sa iyong scripture study journal, isulat ang posibleng kahulugan ng bawat simbolo.
Simbolo |
Mga posibleng kahulugan |
---|---|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
Ayon sa mensahe na ipinahayag ng Panginoon sa Kanyang mga Banal sa pamamagitan ni Juan, ang isang katotohanan na malalaman natin ay ginagabayan at pinangangalagaan ni Jesucristo ang Kanyang matatapat na disipulo.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalagang malaman ng mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Juan na patuloy silang ginagabayan at pinangangalagaan ni Jesucristo?
-
Bakit mahalagang tandaan natin ang katotohanang ito?
-
Isipin ang isang pagkakataon na nadama mong ginagabayan at pinangangalagaan ka ng Diyos. Isipin kung paano ka pinagpala ng karanasang iyon.
Pansinin sa Apocalipsis 1:17–18 na sinabi ng Tagapagligtas kay Juan na hawak Niya ang mga susi ng impiyerno at kamatayan. Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na si Jesucristo ay isang niluwalhating nabuhay na mag-uling nilalang na may kapangyarihan sa kamatayan at impiyerno.
Pag-isipan ang itinuturo ng doktrinang ito tungkol sa kahihinatnan sa huli ng digmaan ng mabuti at masama na umiiral sa buong mundo.
Isipin kung paano nauugnay ang sumusunod na pahayag sa kapangyarihan ni Jesucristo sa kamatayan at impiyerno: “Ang mensahe ng Apocalipsis ay katulad ng mensahe sa buong banal na kasulatan: na sa huli ay magtatagumpay ang Diyos sa daigdig na ito laban sa diyablo; isang walang katapusang tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, ng mga Banal laban sa kanilang mga mang-uusig, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas” (Bible Dictionary, “Revelation of John”).
Dahil alam natin na magtatagumpay sa huli ang kabutihan laban sa kasamaan, nasa atin na ang pagpapasiya kung kanino tayo papanig—kay Satanas o sa Diyos.
Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Bawat araw, ang puwersa ng kasamaan at ang puwersa ng kabutihan ay nadaragdagan ng mga bagong miyembro. Bawat araw ay gumagawa tayo ng maraming desisyon na nagpapakita kung saan tayo pumapanig. Tiyak ang kahihinatnan—mga puwersa ng kabutihan ang mananalo sa huli. Ang ipapakita na lang natin ay kung saan papanig ang bawat isa sa atin, ngayon at sa hinaharap, sa labanang ito—at kung gaano katatag ang ating paninindigan. Magiging tapat ba tayo sa ating misyon sa mga huling araw na inorden tayo na gawin noon pa man?” (“In His Steps” [Brigham Young University fireside, Mar. 4, 1979], 1, speeches.byu.edu).
Isipin ang magagawa mo upang mas lubos na piliing pumanig sa Diyos. Kumilos ayon sa anumang impresyon na matatanggap mo.
Apocalipsis 2–3
Isinulat ni Juan ang mga salita ni Jesucristo sa mga lider ng pitong Simbahan
Kabilang sa Apocalipsis 2:1–3:13 ang mensahe ng Panginoon sa partikular na mga simbahan sa Asia Minor. Basahin ang mga talatang ito, at alamin ang payo at mga pangako na ibinigay ng Panginoon sa mga miyembrong ito ng Simbahan.
Alin sa mga pangakong ito ang nais mong makamtan?
Basahin ang Apocalipsis 3:14–17, at alamin ang kalagayan ng mga miyembro ng Simbahan sa Laodicea na kailangan nilang pagtagumpayan para matanggap ang kadakilaan. Sa talata 14, ang mga salitang “Siya Nawa” ay tumutukoy kay Jesucristo.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ang mga miyembrong ito ng Simbahan ay “hindi malamig o mainit man” (Apocalipsis 3:15) ngunit mga maligamgam na disipulo ni Jesucristo?
-
Sa iyong palagay, ano ang ilang bagay na maaaring gawin o hindi gawin ng maligamgam na mga disipulo ni Jesucristo?
-
Isipin kung ano ang nagawa mo sa nakalipas na ilang araw para masunod si Jesucristo at kung ikaw ba ay mainit, malamig, o maligamgam na disipulo ni Jesucristo.
Basahin ang Apocalipsis 3:19, at alamin ang dahilan ng Panginoon kung bakit niya iwinawasto ang mga Banal sa Laodicea. Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.
Basahin ang unang parirala sa Apocalipsis 3:20, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na ginagawa Niya.
Ano ang ilang iba’t ibang paraan na maaaring gawin ng mga tao kapag nalaman nila na kumakatok sa pintuan ng kanilang tahanan ang Tagapagligtas?
Isipin ang madarama mo kung may marinig kang kumakatok sa pintuan ng inyong tahanan at malaman na iyon ay ang Tagapagligtas. Bubuksan mo ba ang pinto?
Basahin ang nalalabi sa Apocalipsis 3:20, at alamin ang pagpapalang ibibigay ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea at kung ano ang dapat nilang gawin para matamo ito.
Batay sa mensahe ng Panginoon sa mga Banal sa Laodicea, matututuhan natin ang sumusunod na alituntunin: Kapag binuksan natin ang ating pintuan sa Tagapagligtas, Siya ay papasok at hahapong kasalo natin.)
Sa sinaunang kultura ng mga bansang nasa Near East, ang pagkain na kasalo ang isang tao ay tanda ng pagkakaibigan. Ipinapakita nito na may pagkakaibigan at kapayapaan doon o inihahandog ang mga ito.
Sa iyong palagay, ano ang isinasagisag ng pintuan na binanggit sa talata 20?
Pag-isipan kung ano ang maaaring isagisag ng pintuan habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:
“Isang araw ay ipinakita ng [isang pintor na nagngangalang Holman Hunt] ang ipininta niyang ‘Si Cristo na Kumakatok sa Pintuan’ sa isang kaibigan nang biglang sinabi nito: ‘May mali sa ipininta mo.’
“‘Ano?’ tanong ng pintor.
“‘Walang hawakan ang pintuang kinakatok ni Jesus,’ sagot ng kanyang kaibigan.
“‘Ah,’ sagot ni G. Hunt, ‘hindi mali iyan. Alam mo, ito ang pintuan papasok sa puso ng tao. Sa loob lang ito maaaring buksan.’
“At gayon nga ito. Si Jesus ay tatayo at kakatok, ngunit tayo ang magpapasiya kung pagbubuksan natin Siya” (The Miracle of Forgiveness [1969], 212).
Isipin kung ano ang magagawa mo para mabuksan ang iyong puso sa Tagapagligtas.
Basahin ang Apocalipsis 3:21–22, at alamin ang ipinangako at ipinayo ng Panginoon sa mga Banal.
Ayon sa talata 22, ano ang ipinayo ng Panginoon?
Pagsikapang “makinig sa sinasabi ng Espiritu” (Apocalipsis 3:22) sa pamamagitan ng pagninilay sa mga natutuhan mo sa araw na ito. Kumilos ayon sa anumang impresyon na maaaring matanggap mo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 1–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: