Unit 9: Day 2
Lucas 1
Pambungad
Ang anghel na si Gabriel ay nagpakita kay Zacarias at ibinalita na ang kanyang asawang si Elisabet ay magkakaroon ng anak, na pangangalanan nilang Juan. Makaraan ang anim na buwan, ang anghel ding iyon ay nagpakita kay Maria at ibinalitang magiging ina siya ng Anak ng Diyos. Dinalaw ni Maria si Elisabet, at nagalak sila sa pagdating ng Tagapagligtas. Makalipas ang tatlong buwan, isinilang ni Elisabet si Juan, na makikilala bilang Juan Bautista.
Lucas 1:1–4
Ipinaliwanag ni Lucas ang mga dahilan kung bakit niya isinulat ang kanyang Ebanghelyo
Matutukoy mo ba ang kaganapang ipinapakita sa bawat isa sa sumusunod na mga larawan? Sa ilalim ng bawat larawan, magsulat ng deskripsyon tungkol sa kaganapang nasa larawan.
Ipinapakita ng mga ito ang ilan sa mga kaganapan at mga turo mula sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo na itinala ni Lucas ngunit wala sa Mga Ebanghelyo Ayon kina Mateo, Marcos, at Juan.
Sinimulan ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo sa pagbanggit sa isang taong nagngangalang “Teofilo” (tingnan sa Lucas 1:3) at ipinaliwanag ang kanyang mga dahilan sa pagsulat. Ang ibig sabihin ng Teofilo ay “kaibigan ng Diyos” (Bible Dictionary, “Theophilus”).
Basahin ang Lucas 1:1–4, na inaalam ang mga dahilan ni Lucas sa pagsulat ng Ebanghelyong ito.
Batay sa Lucas 1:4, ano ang kabutihang maidudulot sa iyo ng pag-aaral ng Ebanghelyo Ayon kay Lucas?
Sa pag-aaral mo ng Ebanghelyo Ayon kay Lucas, malalaman mo ang “katunayan” (Lucas 1:4) ng mga katotohanang itinuro sa iyo tungkol kay Jesucristo.
Lucas 1:5–25
Ibinalita ng anghel na si Gabriel kay Zacarias ang pagsilang ni Juan, at naglihi si Elisabet
Sa iyong palagay, gaano mo katagal mapipigilan ang iyong paghinga? I-set ang timer ng 10 hanggang 30 segundo, at simulan ito kapag sinimulan mo nang pigilan ang iyong paghinga, o tingnan ang mahabang kamay sa orasan. Kung maaari, pigilan ang iyong paghinga hanggang sa tumunog ang timer o matapos ang takdang oras.
Ano ang iniisip mo sa ilang huling segundo bago tumunog ang timer at natapos ang oras? Paano natutulad ang pagpigil mo sa iyong paghinga sa pag-asam na nadarama mo habang naghihintay na matupad ang mga salita ng Diyos?
Pag-isipang mabuti ang isang pagpapala o sagot mula sa Diyos na hinihintay o inaasam mo. Sa pag-aaral mo ng Lucas 1, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo kapag naghihintay ka na matupad ang mga salita ng Diyos sa iyong buhay.
Basahin ang Lucas 1:5–7, na inaalam ang biyayang hinihintay nina Zacarias at Elisabet sa halos buong buhay nila.
Ano ang natutuhan mo tungkol kina Zacarias at Elisabet mula sa mga talatang ito?
Sina Zacarias at Elisabet ay parehong mga inapo ni Aaron, at sa mga inapong ito ni Aaron pinipili ang lahat ng saserdote at mataas na saserdote ng Israel. Ibig sabihin nito ay si Juan ay tunay na tagapagmana ng Aaronic Priesthood at ng pamumuno nito. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Si Zacarias ay isang saserdote ng Diyos, at nanunungkulan sa Templo, at si Juan ay isang saserdote katulad ng kanyang ama, at may hawak ng mga susi ng Aaronic Priesthood” (sa History of the Church, 5:257).
Nakatala sa Lucas 1:8–10 na naatasan si Zacarias na magsunog ng kamangyan sa templo ng Jerusalem. Ito ay isang karangalan na minsan lang dumating sa buhay ng isang saserdote.
Basahin ang Lucas 1:11–13, na inaalam kung ano ang nangyari habang nasa templo si Zacarias.
Pansinin sa talata 13 na sinabi ng anghel, “Dininig ang daing mo.” Maaaring maraming taon nang nananalangin sina Zacarias at Elisabet na magkaroon ng anak. Maaari mong markahan ang mga katagang ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Ano kaya ang naramdaman ni Zacarias nang marinig niya na siya at si Elisabet ay magkakaroon ng anak bagama’t sila ay “may pataw ng maraming taon” (Lucas 1:7) o matanda na?
Nakatala sa Lucas 1:14–17 na sinabi ng anghel na si Gabriel kay Zacarias na sila ni Elisabet ay “magkakaroon ng ligaya at galak” (Lucas 1:14) at na ang kanilang anak ang maghahanda ng maraming tao para sa Panginoon.
Basahin ang Lucas 1:18–20, na inaalam kung paano tumugon si Zacarias sa mensahe ni Gabriel. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na si Gabriel ay si Noe at “kasunod siya ni Adan sa awtoridad sa Priesthood” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 121).
Tingnan ang nangyari kay Zacarias dahil nagduda siya sa mga sinabi ng anghel. Maaari mong markahan sa talata 20 ang mga salita ng anghel—ang mensahe—na kanyang sinabi kay Zacarias.
Ang isang katotohanan na nalaman natin mula kay anghel Gabriel ay na ang mga salita ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod ay magaganap sa kanilang kapanahunan. Ang ibig sabihin ng “sa kanilang kapanahunan” ay ayon sa takdang panahon ng Panginoon.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Dahil alam natin na ang mga salita ng Panginoon ay matutupad ayon sa Kanyang takdang panahon, paano ito makakaapekto sa pagtugon natin sa mga pangako ng Panginoon?
-
Paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang taong umaasam sa katuparan ng isang banal na pangako?
-
Nalaman natin sa Lucas 1:21–24 na nang lisanin ni Zacarias ang templo, hindi na siya makapagsalita. Si Elisabet ay nagdalang-tao kalaunan, tulad ng ipinangako ng anghel.
Basahin ang sinabi ni Elisabet sa Lucas 1:25, at isipin kung ano kaya ang nadama ni Elisabet habang naghahanda siya sa pagkakaroon ng anak. Ang sinabi niya na “[inalis ng Panginoon] ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao” ay tumutukoy sa kahihiyang naranasan niya dahil hindi siya magkaanak. Sa panahong iyon at sa kulturang iyon, malaki ang pagpapahalaga sa pagsisilang ng anak, at ang hindi pagkakaroon ng anak ay nagdudulot ng kawalang-galang at pakiramdam na mas mababa ka sa ibang tao.
Lucas 1:26–38
Ibinalita ng anghel na si Gabriel ang nalalapit na pagsilang ni Jesus kay Maria
Nalaman natin sa Lucas 1:26–27 na sa ikaanim na buwang pagbubuntis ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo kay Maria, isang dalaga sa Nazaret.
Basahin ang Lucas 1:28–33, na hinahanap ang mga salita na maaaring nakatulong kay Maria na maunawaan ang kahalagahan ng gawaing ibinigay sa kanya ng Diyos. Maaari mong markahan ang iyong nahanap. Ang pangalang Jesus ay “salitang Griyego ng pangalang Josue o Jesua, ‘ang Diyos ay tumutulong’ o ‘tagapagligtas’” (Bible Dictionary, “Jesus”).
Ang titulong “Anak ng Kataastaasan” (Lucas 1:32) ay tumutukoy sa doktrina na si Jesucristo ay Anak ng Diyos Ama.
Basahin ang Lucas 1:34, na inaalam ang itinanong ni Maria. Ang pahayag ni Maria na “ako’y hindi nakakakilaIa ng lalake” ay nangangahulugang siya ay isang birhen.
Basahin ang Lucas 1:35–37, na inaalam ang isinagot ng anghel sa itinanong ni Maria.
Hindi natin alam, maliban sa nakasaad sa mga banal na kasulatan, kung paano nangyari ang himala ng paglilihi o pagdadalang-tao kay Jesucristo; sinabi lang sa atin na ito ay kahima-himala at ang batang isisilang ay Anak ng Diyos.
Pansinin sa Lucas 1:37 ang katotohanang ipinahayag ng anghel na nakatulong upang maipaliwanag ang kahima-himalang pangyayaring ito. Maaari mo itong markahan sa iyong mga banal na kasulatan.
Pag-isipan ang ilang sitwasyon kung saan maaari mong madama na mahirap o imposibleng sundin ang ilang kautusan. Maglista ng tatlo o apat na halimbawa sa espasyo sa ibaba:
-
Isiping mabuti ang katotohanang sa Diyos, walang imposible. Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, ano ang sasabihin nina Maria o Elisabet para palakasin ang ating loob kapag nadarama nating mahirap o imposibleng gawin ang ipinagagawa ng Panginoon? Pagkatapos ay magsulat ng isang karanasan na nagpalakas sa iyong paniniwala na walang imposible sa Diyos?
Basahin ang Lucas 1:38, na inaalam kung paano tumugon si Maria sa anghel.
Anong katibayan ang nakikita mo sa talatang ito na naniniwala si Maria sa mga salita ng anghel?
Isipin ang pagkakaiba ng pagtanggap ni Maria sa mga salita ng anghel sa pagtugon ni Zacarias sa sinabi ng anghel sa templo. Pag-isipang mabuti kung paano mo matutularan ang mga halimbawa nina Maria at Elisabet sa paniniwala na sa sarili mong buhay, walang ipag-uutos ang Panginoon sa iyo na hindi mo magagawa dahil sa tulong Niya.
Lucas 1:39–56
Dinalaw ni Maria si Elisabet, at nagpatotoo sila tungkol sa Tagapagligtas
Nagampanan nina Elisabet at Maria ang mahahalagang gawain na nakatulong sa pagbago ng mundo. Basahin ang Lucas 1:41–45, na inaalam ang patotoo ni Elisabet nang siya ay “napuspos ng Espiritu Santo” (Lucas 1:41).
Dahil sa patotoo na natanggap ni Elisabet mula sa Espiritu Santo, ano ang naunawaan niya tungkol kay Maria?
Basahin ang Lucas 1:46–49, na inaalam kung paano pinapurihan ni Maria ang Panginoon.
Pansinin sa talata 49 na sinabi ni Maria na gumawa ang Panginoon ng “mga dakilang bagay” para sa kanya. Muling basahin ang Lucas 1:34, 38, 45–46, na inaalam ang nagawa ni Maria kaya gumawa ang Panginoon ng “mga dakilang bagay” para sa kanya.
Tulad nina Zacarias, Elisabet, at Maria na may kani-kanyang gawain na gagampanan sa banal na plano, tayo rin ay binigyan ng Panginoon ng mahahalagang gawain. Natutuhan natin sa talang ito na kung talagang sisikapin nating magampanan ang mga gawaing ibinigay ng Panginoon sa atin, Siya ay gagawa ng mga dakilang bagay sa ating buhay.
-
Isiping mabuti ang mga gawaing nais ng Panginoon na isakatuparan mo sa Kanyang plano, at sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang maaaring mangyari sa iyong buhay kung tutugon ka sa Panginoon tulad ng pagtugon ni Maria?
Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson tungkol sa mga pagpapala ng pagtutuon ng ating buhay sa Diyos at tapat na pagsisikap na sundin ang Kanyang kalooban: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng itinutuon ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang hanggan” (“Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4)
Lucas 1:57–80
Isinilang si Juan Bautista
Ipinaliwanag sa Lucas 1:57–80 na matapos magsilang si Elisabet, isinulat ni Zacarias na ang dapat ipangalan sa bata ay Juan. Ang ibig sabihin ng pangalang Juan ay “si Jehova ay mapagmahal.” Sa oras na iyon, kaagad siyang nakapagsalita muli, at nagpropesiya tungkol sa mga misyon nina Jesucristo at Juan. Kapag matapat nating ginawa ang ibinigay na mga gawain sa atin tulad nina Zacarias, Elisabet, at Maria, ang Panginoon ay gagawa rin ng mga dakilang bagay para sa atin at sa pamamagitan natin. Pag-isipan kung paano mo magagawa ang sarili mong mga gawain sa plano ng Panginoon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: