Library
Unit 21, Day 2: Mga Taga Roma 12–16


Unit 21: Day 2

Mga Taga Roma 12–16

Pambungad

Itinuro ni Apostol Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma na iharap ang kanilang katawan bilang haing buhay sa Diyos at sumunod sa mga utos ng Diyos. Itinuro rin niya sa mga Banal kung paano iwasan ang pagtatalo at sikaping magkasundo magkaiba-iba man ang kanilang gusto. Sa pagtatapos ng sulat na ito, nagbabala si Pablo tungkol sa mga naghahangad na manlinlang.

Mga Taga Roma 12–13

Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na iharap ang kanilang mga katawan bilang haing buhay sa Diyos at sumunod sa mga utos ng Diyos

3 baso na magkakaiba ang hugis

Pansinin ang hugis ng tubig sa unang baso. Paano magbabago ang hugis ng tubig sa unang baso kapag isinalin mo ito sa pangalawang baso? Paano magbabago ang hugis ng tubig sa pangalawang baso kapag isinalin mo ito sa pangatlong baso?

Isipin na sumisimbolo ang tubig sa tao at sumisimbolo ang mga lalagyan sa iba’t ibang paniniwala at kaugalian ng mundo. Anong mga panganib ang magmumula sa patuloy na pagsunod sa mga paniniwala at gawi ng mundo?

Basahin ang Mga Taga Roma 12:1–2, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa Roma.

Sa pagpayo sa mga miyembro ng Simbahan na “iharap ang [kanilang] mga katawan bilang isang haing buhay … sa Dios” (Mga Taga Roma 12:1), inihambing ito ni Pablo sa pagdadala ng mga hayop sa altar ng templo na isang kaugalian sa Lumang Tipan. Ang mga hayop na ito ay inihahandog sa Diyos. Kaya itinuro ni Pablo na dapat ilaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang buhay—kanilang pisikal na katawan, hangarin, pasiya, kilos, ari-arian, at panahon—sa Diyos. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagwaksi sa masasamang naisin at pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Mula sa ipinayo ni Pablo sa Mga Taga Roma 12:1–2, natutuhan natin na inaasahan ng Diyos na ilalaan natin ang ating buhay sa Kanya at iiwasang sumunod sa gusto ng mundo. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

  1. journal iconSa buong Mga Taga Roma 12–13, nagturo si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan ng maraming alituntunin na tutulong sa kanila na mailaan ang kanilang buhay sa Diyos at maiwasan ang pagsunod sa mundo. Para malaman ang ilan sa mga alituntuning ito, gumawa ng chart na may tatlong column sa iyong scripture study journal. Isulat ang isa sa mga sumusunod na scripture reference sa itaas ng bawat column: Mga Taga Roma 12:9–16; Mga Taga Roma 12:17–21; Mga Taga Roma 13:8–13. Pagkatapos ay kumpletuhin ang mga sumusunod na gawain:

    1. Basahin ang bawat talata, at pagkatapos ay isulat ang isa o mahigit pang mga turo mula sa bawat talata sa kaukulang column.

    2. Ilarawan kung paano nakatutulong ang pagsunod sa isa sa mga turong natukoy mo para mailaan ang iyong buhay sa Diyos at maiwasan ang pagsunod sa mundo.

Basahin ang Mga Taga Roma 13:14, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal.

Ang ibig sabihin ng mga katagang “isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo” ay maging tulad ng Tagapagligtas sa ating mga katangian at kilos. Isipin kung paano ka matutulungan ng mga turo na pinag-aralan mo sa Mga Taga Roma 12–13 na maging katulad ni Jesucristo.

Ipinapaunawa sa atin ng Mga Taga Roma 13:14 na kapag iniaalay natin ang ating buhay sa Diyos at iniwasan ang pagsunod sa mundo, mas magiging katulad tayo ni Jesucristo.

  1. journal iconAng Tagapagligtas ay isang halimbawa ng pag-aalay ng buhay sa Diyos at hindi pagsunod sa gusto ng mundo. Mag-isip ng ibang taong kilala mo na nagsusumikap na gawin ito. Sa iyong scripture study journal, magsulat tungkol sa taong naisip mo at kung ano ang ginagawa niya na nagpapakita ng katapatan sa Diyos at hindi pagsunod sa gusto ng mundo. Ipaliwanag kung paano mas naging katulad ng taong ito ang Tagapagligtas dahil dito.

Sa isang hiwalay na piraso ng papel, isulat ang isang paraan na maiaalay mo pang lalo ang buhay mo sa Diyos at maiwasang sumunod sa gusto ng mundo. Ilagay ang papel na ito sa lugar na makapagpapaalala sa iyo ng mithiin mo.

Mga Taga Roma 14:1–15:3

Itinuro ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na iwasang magtalu-talo dahil sa kani-kanyang kagustuhan

Tama lamang ba para sa isang Banal sa mga Huling Araw na (1) maging vegetarian? (2) kumain ng tsokolate? (3) magsuot ng shorts sa isang pampublikong lugar? (4) gumamit ng gadget sa Sabbath? (5) makisali sa mga pagdiriwang na nakabatay sa mga tradisyong relihiyon o kultural?

Ang sagot sa mga tanong na ito ay oo. Bagama’t may ilang bagay na malinaw na dapat gawin o ipinagbabawal sa mga utos ng Panginoon, may mga bagay na ipinauubaya na lang sa kung ano ang gusto o pasiya ng mga indibiduwal na miyembro. Ilan sa mga ito ang pagpili sa gustong paglibangan, pananamit, pagkain, gawain sa araw ng Sabbath, at pagpapalaki sa mga anak. Nagbigay ang Panginoon ng mga pamantayan at kautusan para magabayan tayo sa pagpiling gagawin natin sa ilan sa mga bagay na ito, tulad ng pagsusuot ng disenteng shorts, pero ang ilang desisyon ay nasa sariling diskresyon o pagpapasiya na natin Kung minsan ay ibinabatay ng mga miyembro ang desisyon ayon sa inspirasyong nadama nila para sa kanilang mga partikular na sitwasyon o pangangailangan.

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Roma 14:1–15:3, alamin ang mga katotohanang itinuturo ni Pablo tungkol sa dapat nating gawin sa Simbahan kapag may kani-kanya tayong kagustuhan.

Nalaman natin sa Mga Taga Roma 14:1–5 na ang isang bagay kung saan may kani-kanyang gusto ang mga miyembro ng Simbahan ay tungkol sa kinakain ng isang tao. May mga tao na walang pinipiling kainin. Ang iba ay iniiwasang kumain ng karne at gulay lamang ang kinakain (tingnan sa Mga Taga Roma 14:2). Dagdag pa rito, pinili ng ilang miyembro ng Simbahan na sundin ang mga kaugalian, gawi, at pagdiriwang ng mga Judio.

Ano sa palagay ninyo ang mga problemang lumitaw sa loob ng Simbahan dahil magkakaiba ang mga desisyon ng mga miyembro sa mga bagay na ito?

Basahin ang Mga Taga Roma 14:3, na inaalam ang ipinayo ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na magkakaiba ang gusto.

Sa palagay mo, bakit posibleng kamuhian, o laitin, at husgahan ng ilang mga miyembro ng Simbahan ang ibang miyembro dahil iba ang pinipili nila?

Basahin ang Mga Taga Roma 14:10–13, 15, 21, na inaalam ang itinuro ni Pablo na hindi dapat gawin ng mga miyembro kung magkakaiba sila ng gusto.

Isang katotohanan na matututuhan natin mula sa pagtuturo ni Pablo sa Mga Taga Roma 14:13 ay na sa mga bagay na hindi tinutukoy sa mga partikular na kautusan, dapat nating iwasang husgahan ang mga pagpili ng iba.)

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Bakit maituturing na problema ang paghamak o pagbatikos ng mga miyembro sa iba pang mga miyembro ng Simbahan dahil lamang iba ang piniling gawin ng mga ito sa mga bagay na hindi naman iniutos o ipinagbabawal?

Pansinin ang mga katagang “maglagay ng katitisuran … o kadahilanan ng ikararapa” sa Mga Taga Roma 14:13. Tinutukoy nito ang pag-iimpluwensya sa isang tao para espirituwal na madapa o bumagsak sa kanyang pagsisikap na maniwala kay Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Pansinin din na sa Joseph Smith Translation ng Romans 14:15, ay ganito ang mababasa, “Sapagka’t kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit, ay hindi ka na lumalakad sa pagibig kung ikaw ay kakain. Kung gayon huwag mong ipahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.”

Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro na isipin ang epekto sa iba ng mga ginagawa nila at humandang itigil na ang mga bagay na makaiimpluwensya sa iba na espirituwal na madapa. Natutuhan din natin sa itinuro ni Pablo na sa mga bagay na hindi tinutukoy sa mga partikular na kautusan, dapat nating isipin kung paano makakaapekto sa iba ang mga pinipili natin.

Alalahaning muli ang mga nabanggit sa simula ng bahaging ito ng lesson tungkol sa mga bagay na may kani-kanya tayong kagustuhan. Isiping mabuti kung ano ang magagawa ng mga miyembro ng Simbahan sa ating panahon para masunod ang payo ni Pablo sa mga ganitong bagay. Paano “makapapayapa” sa mga miyembro ng Simbahan ang gayong mga pagpili (tingnan sa Mga Taga Roma 14:19)?

Mga Taga Roma 15:4–16:27

Tinapos ni Pablo ang kanyang Sulat sa Mga Taga Roma

Sa bandang katapusan ng Sulat ni Pablo sa Mga Taga Roma, itinuro niya ang isang katotohanan tungkol sa mga banal na kasulatan. Basahin ang Mga Taga Roma 15:4, na inaalam ang itinuro ni Pablo na dahilan kung bakit isinulat ang mga banal na kasulatan.

Batay sa nabasa mo, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang .

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na nabigyan ka ng kaalaman, kapanatagan, o pag-asa dahil sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Ipinakita ni Pablo kung paano tayo matuturuan at mabibigyan ng pag-asa ng mga banal na kasulatan sa pagbanggit ng ilang talata sa Lumang Tipan upang muling bigyan ng katiyakan ang mga Banal na ang gawaing misyonero sa mga Gentil ay alinsunod sa plano ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 15:9–12).

Ang nalalabing bahagi ng Mga Taga Roma 15–16 ay naglalaman ng karagdagang panghihikayat at payo sa mga miyembro ng Simbahan sa Roma. Kabilang dito ang babala tungkol sa mga taong nagiging sanhi ng pagkakagrupo-grupo, nagtuturo ng maling doktrina, at naghahangad na linlangin ang iba (tingnan sa Mga Taga Roma 16:17–18).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Roma 12–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: