Library
Unit 7, Day 3: Marcos 1


Unit 7: Day 3

Marcos 1

Pambungad

Si Juan Bautista ay nangaral ng “bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Marcos 1:4). Matapos binyagan ni Juan si Jesus, ang Tagapagligtas ay nagsimulang mangaral ng ebanghelyo at gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan at awtoridad. Pinaalis Niya ang mga karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang isang ketongin. Naibalita sa buong Galilea ang tungkol sa mga bagay na ginawa Niya.

Marcos 1:1–20

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang ministeryo

  1. journal iconHilingin sa dalawang tao o mas marami pa (mga miyembro ng pamilya, mga kaibigan, kaklase, o iba pa) na magbahagi sila sa iyo ng kanilang patotoo kay Jesucristo. Maaari mo silang bigyan ng sapat na oras na magnilay at maghanda bago nila ibahagi sa iyo ang kanilang patotoo. Sa iyong scripture study journal, isulat ang maikling buod ng mga katotohanang ibinahagi nila.

Maaaring gamitin ang mga sumusunod na tanong:

  • Bakit mahalagang makarinig ng mga patotoo mula sa ilang tao sa halip na sa iisang tao lamang?

  • Sa iyong palagay, bakit kaya mahalagang pag-aralan ang patotoo ni Marcos, kahit napag-aralan mo na ang patotoo ni Mateo?

Basahin ang Marcos 1:1–4, 9–11, na inaalam ang pangyayari kung saan sinimulan ni Marcos ang kanyang tala tungkol sa buhay ng Tagapagligtas.

Ang tala ni Marcos tungkol sa buhay ng Tagapagligtas ay naiiba kay Mateo. Ito ay sinimulan at inilahad nang mabilis, na binibigyang-diin ang kabanalan at pagiging Diyos ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtutuon sa Kanyang mga gawain at mga himala. Maaaring naisulat ni Marcos ang kanyang tala batay sa nalaman niya mula kay Apostol Pedro. Naniniwala ang maraming iskolar na isinulat ito sa pagitan ng A.D. 66 at A.D. 73, sa panahong dumaranas ng matinding pag-uusig ang mga Kristiyano sa buong Imperyo ng Roma.

Nabasa natin sa Marcos 1:12–20 na pagkatapos mag-ayuno ni Jesus nang 40 araw, Siya ay tinukso ng diyablo (tingnan din sa Mateo 4:1–11). Nangaral Siya ng pagsisisi sa Galilea at tumawag ng mga disipulo na sumunod sa Kanya.

Marcos 1:21–39

Si Jesus ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit

Anong mga panganib ang maaaring kaharapin ng isang sundalo na nasa teritoryo ng kaaway?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Sa lahat ng nangyayari sa mundo, kasama ang pagbaba ng mga pamantayang moral, kayong mga kabataan ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway.

“Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na nagkaroon ng digmaan sa langit at na si Lucifer ay naghimagsik at, kasama ang kanyang mga alagad ay, ‘inihagis sa lupa’ [Apocalipsis 12:9]. Determinado siyang sirain ang plano ng ating Ama sa Langit at hangad na kontrolin ang isipan at kilos ng lahat ng tao” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 16).

mga sundalong naka-helmet sa ibaba ng tore
  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Mula sa itinuro ni Pangulong Packer at mula sa sarili mong mga karanasan, sa papaanong paraan natutulad ang ating buhay dito sa lupa sa pagiging naroroon sa teritoryo ng kaaway?

Isipin ang mga pagkakataon sa iyong buhay na nakadama ka ng takot dahil sa masasamang impluwensya at tukso na nakapaligid sa iyo. Sa pag-aaral mo ng Marcos 1:21–37, hanapin ang katotohanan na makatutulong sa iyo kapag naharap ka sa masasamang impluwensya at mga tukso.

Basahin ang Marcos 1:21–22, at alamin ang ginawa ni Jesus sa Capernaum at kung ano ang naging reaksyon ng mga Judio.

Bakit nangagtaka ang mga Judio sa mga itinuro ng Tagapagligtas?

Ang mga eskribang binanggit sa talata 22 ay itinuturing na mga eksperto sa batas ni Moises. Sila “kung minsan ay tinatawag na mga manananggol o doktor ng batas. Isa-isa nilang pinaunlad ang batas at ginagamit ito sa mga pangyayari ng kanilang panahon” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Escriba,” scriptures.lds.org). Madalas nilang banggitin ang mga taong may awtoridad noon sa batas kapag nangaral sila. Kabaliktaran nila, si Jesus ay nangaral nang may kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang Ama. Siya rin ang Dakilang Jehova na nagbigay ng batas ni Moises. Itinuturo ng Joseph Smith Translation na “sila’y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan na mula sa Diyos, at hindi gaya nang may kapamahalaan na mula sa mga eskriba” (Joseph Smith Translation, Matthew 7:37).

Habang nagtuturo si Jesus sa sinagoga, hinarap Siya ng isang lalaking sinapian ng isang karumal-dumal, o masamang espiritu. Basahin ang Marcos 1:23–26, at hanapin kung ano ang alam ng karumal-dumal na espiritu tungkol kay Jesus.

video iconKung may video, maaari mong panoorin ang “Jesus Heals a Possessed Man [Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Nasapian ng Masamang Espiritu]” (1:48) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos, na makukuha sa LDS.org, at pakinggan kung ano ang alam ng karumal-dumal na espiritu tungkol kay Jesus.

Ang masasamang espiritu na gustong mag-angkin ng pisikal na katawan ay mga alagad ni Lucifer. Kasama nila noon ang Ama sa Langit at si Jesucristo bago sila palayasin sa langit.

Kung naroon ka noon sa sinagoga at nakita ang nangyari, ano ang iisipin mo tungkol kay Jesus?

Basahin ang Marcos 1:27–28, at alamin ang reaksyon ng mga tao pagkatapos makitang pinaalis ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu mula sa lalaki.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talang ito ay may kapangyarihan ang Tagapagligtas laban sa diyablo at sa kanyang mga alagad.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano makatutulong sa iyo ang kaalamang may kapangyarihan ang Tagapagligtas laban sa diyablo at sa kanyang mga alagad kapag nakadarama ka ng takot sa masasamang impluwensya at mga tukso na nakapaligid sa iyo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan, at markahan ang magagawa natin para makatanggap ng higit na lakas upang mapaglabanan ang diyablo:

Pangulong James E. Faust

“Sinabi ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang masasamang espiritu ay may mga hangganan, limitasyon, at batas na namamahala sa kanila’ [sa History of the Church, 4:576]. Kaya talagang hindi malakas ang kapangyarihan ni Satanas at ng kanyang mga anghel. …

“… Ang kapangyarihan ni Satanas ay maaaring pigilan ng lahat ng mga yaong lumalapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan at mga ordenansa ng ebanghelyo. Hindi dapat magpalinlang sa diyablo ang mga mapagpakumbabang tagasunod ng banal na Panginoon. Si Satanas ay hindi tumutulong at hindi nagpapasigla at hindi nagpapala. Iniiwan niya sa kahihiyan at kalungkutan ang mga taong nabihag niya. Ang espiritu ng Diyos ay tumutulong at nagpapasigla” (“Serving the Lord and Resisting the Devil,” Ensign, Set. 1995, 6, 7).

Propetang Joseph Smith

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Naparito tayo sa mundong ito upang magkaroon ng katawan at dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal. Ang dakilang alituntunin ng kaligayahan ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng katawan. Ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan. Nasisiyahan siya kapag nakakakuha siya ng katawan ng tao, at nang palayasin ng Tagapagligtas ay hiniling niyang makapasok sa kawan ng mga baboy [tingnan sa Marcos 5:1–13], na nagpapakitang mas gugustuhin pa niya ang katawan ng baboy kaysa wala. Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 245).

Basahin ang Marcos 1:28, at alamin ang nangyari matapos paalisin ng Tagapagligtas ang masamang espiritu.

Si Simon Pedro ay may-asawa, at nabasa natin sa Marcos 1:29–31 na pinagaling ng Tagapagligtas ang lagnat ng biyenang babae ni Pedro. Nabasa natin sa Marcos 1:32–39 na pinagaling ni Jesus ang marami pang iba na may karamdaman, nagpaalis ng maraming demonyo, at patuloy na nangaral sa buong Galilea.

Marcos 1:40–45

Pinagaling ni Jesus ang isang ketongin

Basahin ang Marcos 1:40 at alamin kung sino ang lumapit sa Tagapagligtas habang Siya ay patuloy na nangangaral sa Galilea.

video iconKung may video, maaari mong panoorin ang “Lesson 18: New Testament Customs—Leprosy [Lesson 18: Mga Gawi sa Bagong Tipan—Ketong]” (1:01), na makukuha sa LDS.org.

Ang isang taong may ketong noong unang panahon ay tinatawag na ketongin. “Ang ketong ay isang malubhang sakit na tumatama sa balat, mga ugat, mata, buto, at paa. Kapag hindi nagamot, unti-unti nitong pinipinsala ang mga biktima bago nila danasin ang isang masakit na kamatayan. Inihihiwalay [sapilitang pinatitira sa labas ng bayan] ang mga ketongin sa Israel noong unang panahon, inuutusang sumigaw ng ‘Karumaldumal’ para balaan ang sinumang lalapit sa kanila, at itinuturing na nakakahawa sa sinumang mapalapit sa kanila (tingnan sa Levitico 13:45–46)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 103).

Kunwari ay isa kang ketongin noong panahon ni Jesucristo. Paano makakaapekto sa iyong buhay ang pagkakaroon ng ketong?

Basahin ang Marcos 1:40, na inaalam ang ginawa ng ketongin nang makita niya ang Tagapagligtas? (Ang ibig sabihin ng salitang namamanhik ay nagmamakaawa o nagsusumamo.)

Paano ipinakita ng ketongin ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo?

Ang ibig sabihin ng pariralang “kung ibig mo” ay naunawaan ng lalaki na ang paggaling niya ay ayon sa kalooban ng Tagapagligtas. Basahin ang Marcos 1:41–42, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa pagsamo ng lalaki.

Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Kung ikaw ang ketongin, ano kaya ang ibig sabihin sa iyo ng mahawakan ng Tagapagligtas? Bakit?

  • Paano kaya mababago ang iyong buhay kung pinagaling ni Jesucristo ang iyong ketong?

Elder Bruce R. McConkie

Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, markahan kung paano niya inihalintulad ang ketong sa kasalanan (tingnan sa Levitico 14): “Ang ketong sa panahon ng Biblia, bukod pa sa kahindik-hindik na epekto nito sa katawan, ay itinuturing na simbolo ng kasalanan at karumihan, nagpapahiwatig na tulad ng matinding sakit na ito na kinakain at sinisira ang pisikal na katawan, gayon din naman kinakain at sinisira ng kasalanan ang espirituwal na bahagi ng tao. … May mga pangyayari sa Lumang Tipan—sina Miriam, Giezi at Uzzias—kung saan nagkaroon ng ketong ang mga taong suwail bilang kaparusahan sa kanilang masamang ginawa” (The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 tomo [1979–81], 2:45).

Mahalagang malaman na ang mga sakit na gaya ng ketong ay hindi sanhi ng kasalanan. Ngunit may pagkakatulad ang mga epekto ng ketong at mga epekto ng kasalanan. Muling basahin ang Marcos 1:40–42. Sa pagkakataong ito, ipalit ang salitang makasalanan para sa ketongin at kasalanan para sa ketong. Sa iyong pagbabasa, alamin kung paano natin maihahalintulad ang paggaling ng ketongin na ito sa pagiging malinis natin mula sa kasalanan.

Nang basahin mo sa ganitong paraan ang mga talatang ito, anong mga salita ang nagpapahiwatig na napatawad ang kasalanan?

Paano natin maihahalintulad ang ginawa ng ketongin para maging malinis mula sa sakit na ketong sa kinakailangan nating gawin para maging malinis mula sa kasalanan?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa paghahalintulad ng paggaling ng ketong sa pagiging malinis mula sa kasalanan ay kapag nanampalataya tayo at lumapit sa Tagapagligtas, Siya ay mahahabag sa atin at lilinisin tayo mula sa ating mga kasalanan. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Marcos 1:40–42.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa papaanong paraan natin maipapakita ang ating pananampalataya at paglapit sa Tagapagligtas upang malinis Niya tayo sa ating mga kasalanan?

    2. Pag-isipang muli ang buhay ng ketongin bago at pagkatapos siyang mapagaling. Paanong nagpapabago ng buhay ng isang tao ang paglapit kay Jesucristo upang malinis mula sa kasalanan?

    3. Kailan ka nakakita ng isang taong nagbago ang buhay matapos malinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo?

Isiping mabuti kung anong mga kasalanan ang kailangang malinis sa iyo. Kapag lumapit ka sa Tagapagligtas nang nananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin, pagsisisi, at pagsunod, ikaw ay malilinis Niya.

Basahin ang Marcos 1:43–45, na inaalam ang mga tagubiling ibinigay ng Tagapagligtas sa napagaling na ketongin. Inutos sa batas ni Moises na dapat ipakita ng mga taong gumaling sa sakit na ketong ang kanilang sarili sa isang saserdote ng templo. Pagkatapos ipahayag ng saserdote na magaling na ang ketongin, isang hain ang iaalay kung saan idedeklarang malinis na ang ketongin, at muli na siyang pahihintulutang tumira sa kanyang pamilya at sa komunidad.

Ano ang ginawa ng lalaki pagkatapos siyang bilinan ng Tagapagligtas na huwag itong sabihin sa iba?

Ano ang nangyari dahil ipinamalita ng lalaki ang tungkol sa kanyang paggaling?

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Marcos 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: