Unit 28: Day 4
Sa Mga Hebreo 12–Santiago 1
Pambungad
Pinayuhan ni Apostol Pablo ang mga Judio na miyembro ng Simbahan na takbuhin ang takbuhin ng pagiging disipulo na tinutularan ang halimbawa ni Jesucristo. Ipinaliwanag din niya ang mga pagpapalang dulot ng pagtanggap ng pagpaparusa ng Panginoon. Hinikayat ni Santiago, na isa ring Apostol ni Jesucristo, ang mga nagkalat na sambahayan ni Israel na maging matiisin sa kanilang mga paghihirap at maghangad ng karunungan mula sa Ama sa Langit. Itinuro rin sa kanila ni Santiago na labanan ang tukso, maging mga tagatupad ng salita, maglingkod sa iba, at manatiling espirituwal na malinis.
Sa Mga Hebreo 12
Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na takbuhin ang takbuhin ng buhay nang may pananampalataya at pagtitiis
Sa espasyo sa ibaba, ilarawan ang maaaring maranasang hirap ng isang mananakbo sa isang long-distance race.
Ano ang makapaghihikayat sa manananakbo na magpatuloy sa pagtakbo kapag nahihirapan siya?
Sa paanong mga paraan natutulad ang isang endurance race sa pagiging disipulo ni Jesucristo? Anong mga hirap ang maaari nating maranasan bilang mga disipulo ni Jesucristo? Anong mga hirap ang naranasan mo bilang disipulo ni Jesucristo?
Sa pag-aaral mo ng Sa Mga Hebreo 12, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na magpatuloy sa pagsunod kay Jesucristo kahit na mahirap ito.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 12:1, na inaalam kung ano ang sinabi ni Apostol Pablo na kailangang gawin ng mga Banal para matagumpay na matakbo ang takbuhin ng pagiging disipulo.
Isipin na kunwari ay tumatakbo ka habang may nakasukbit sa balikat mo na isang backpack na puno ng bato. Ano ang epekto ng nakasukbit na backpack sa pagtakbo mo?
Paano maitutulad ang mga kasalanan mo sa mga batong nakalagay sa backpack? Isipin kung ano ang mararamdaman mo kapag inalis na ang backpack matapos tumakbo nang matagal na nakasukbit ito.
Isipin kung ano ang ibig sabihin ng pagtiisang takbuhin ang takbuhin ng pagiging disipulo.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 12:2–4, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na gawin ng mga Banal na makatutulong sa kanila na iwaksi ang kanilang mga kasalanan at tiisin ang pagsalungat. Ang salitang pagsalangsang sa talata 3 ay tumutukoy sa pagsalungat.
Ang isang alituntunin na natutuhan natin sa itinuro ni Pablo sa mga Banal ay na kapag tiningnan natin ang halimbawa ni Jesucristo, magkakaroon tayo ng lakas na iwaksi ang ating mga kasalanan at matiyagang titiisin ang pagsalungat.
Basahing muli ang Sa Mga Hebreo 12:2–4, na inaalam ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa buhay natin.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo nang inilarawan niya si Jesucristo bilang Siyang “gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya” sa talata 2? Maaari mong markahan ang uri ng pagsalungat na tiniis ng Tagapagligtas sa buhay na ito.
Sinabi ni Pablo sa mga Banal na si Jesucristo ay handang danasin ang kamatayan sa krus at tiisin ang kahihiyan ng sanlibutan dahil alam Niya ang galak na matatanggap Niya kung mananatili Siyang tapat sa Ama sa Langit.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang ibig sabihin ng matutuhang kamuhian ang kahihiyan ng sanlibutan ay ipagwalang-bahala ito, tulad din ng hindi pagpapadaig sa tukso (tingnan sa D at T 20:22)” (Lord, Increase Our Faith [1994], 99).
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagtitiis ng Tagapagligtas: “Si Jesus ay nagtiis. Nagpatuloy Siya. Ang kabutihang nasa Kanya ang nagtulot upang magtagumpay ang pananampalataya kahit ganap ang pagdurusa. Ang pagtitiwalang ipinamuhay Niya ang nagsabi sa Kanya na sa kabila ng Kanyang nadarama ang banal na awa ay hindi nawawala, na ang Diyos ay laging tapat, na hindi Niya tayo iiwan o bibiguin” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 88).
Pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang pagtingin sa halimbawa ni Jesucristo sa oras ng mga paghihirap at mga pagsubok. Isipin kung paano ka mabibigyang-inspirasyon ng halimbawa ng Tagapagligtas na huwag magkasala at maging mas matiyaga sa iyong sarili at sa iba.
Mag-isip ng isang pangyayari na may isang taong itinuwid ka. Ano ang naging reaksyon mo sa pagtutuwid na iyan? Bakit mahirap kung minsan na tanggapin ang pagtutuwid ng iba?
Ano sa palagay mo ang ilang dahilan kaya tayo itinutuwid ng mga tao, lalo na kapag alam ng mga taong iyon na maaaring hindi natin gusto ang pagtutuwid nila sa atin?
Sa pagtakbo natin sa takbuhin ng pagiging disipulo, asahan nating kasama riyan ang pagpaparusa, o pagtutuwid sa atin.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 12:6–9, na inaalam kung sino ang magtutuwid sa atin at kung bakit. Ang mga salitang mga anak sa ligaw sa talata 8 ay tumutukoy sa mga ipinanganak sa mga magulang na hindi kasal, at hindi maituturing na legal na mga tagapagmana. (Ang Sa Mga Hebreo 12:9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang mas madali mo itong mahahanap.)
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa anong mga paraan makikita na ang pagpaparusa ng Ama sa Langit ay tanda ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak?
-
Ano ang ilang paraan ng pagtutuwid sa atin ng Ama sa Langit?
-
Bagama’t dumarating ang pagtutuwid ng Ama sa Langit sa maraming paraan, hindi natin dapat isipin na lahat ng pagsubok o pagdurusang nararanasan natin ay mula sa Diyos.
Sa Sa Mga Hebreo, sinabi ni Pablo na alam niya na kung minsan ay pinaparusahan tayo ng ating ama sa lupa sa maling paraan, ngunit ang pagpaparusa ng Ama sa Langit ay wasto at nilayon para sa ating kapakanan.
Basahin ang Sa Mga Hebreo 12:10–11, na inaalam kung ano ang mga pagpapalang dulot ng mapagkumbabang pagtanggap sa pagpaparusa ng Diyos. Ang mga katagang “makabahagi ng kaniyang kabanalan” sa talata 10 ay tumutukoy sa pagiging higit na katulad ng Diyos.
Pansinin sa talata 11 ang itinuro ni Pablo na maaaring una nating maramdaman kapag pinaparusahan tayo. Ang alalahanin na alam ng ating Ama sa Langit kung ano ang pinakamabuti sa atin ay makatutulong sa atin na tanggapin ang pagpaparusa kapag dumating na ito. Ang isang alituntunin na matututuhan natin sa mga talatang ito ay na kung hahayaan nating parusahan tayo ng Ama sa Langit, tayo ay magiging katulad Niya at magkakaroon ng kapayapaan na nagmumula sa kabutihan.
Kung may internet ka, maaari mong panoorin ang video na Mormon Messages video “The Will of God” (3:02), na makikita sa LDS.org. Inilalarawan sa video na ito ang pagmamahal at karunungang makikita sa pagtutuwid ng Ama sa Langit sa ating buhay.
Mag-isip ng isang pagkakataon na nadama mong pinarusahan ka ng Ama sa Langit. Ano ang reaksyon mo? Sa magkakahiwalay na papel, maaari kang gumawa ng palatandaan o karatula na magpapaalala sa iyo na sumasang-ayon ka o tinatanggap mo ang pagpaparusa ng Ama sa Langit sa hinaharap. Ilagay ang palatandaan o karatula sa lugar na maipaaalala nito sa iyo ang mga turo ni Pablo sa mga Hebreo.
Sa Sa Mga Hebreo 12:12–29, sinabi ni Pablo sa mga Banal na tulungan ang iba pang mga miyembro ng Simbahan na manatiling tapat para hindi sila mapagkaitan ng mga pagpapala ng Diyos. Ipinaliwanag din niya na ang mga Banal na nananatiling tapat at pinaglilingkuran ang Diyos ay tatanggap ng kaluwalhatiang walang kapantay at lugar sa kaharian ng Diyos.
Scripture Mastery—Sa Mga Hebreo 12:9
-
Basahing muli ang Sa Mga Hebreo 12:9, na inaalam ang mga karagdang doktrinang malalaman natin tungkol sa Ama sa Langit. Isulat sa iyong scripture study journal ang nalaman mo. Sagutin din ang sumusunod na tanong: Bakit mahalagang maniwala na tayo ay mga anak ng Diyos?
Sa Mga Hebreo 13
Nagbigay si Pablo ng iba’t ibang payo sa mga Banal
Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa mga Banal na Hebreo sa pagpapayo sa kanila tungkol sa iba’t ibang bagay. Basahin ang Sa Mga Hebreo 13:1–9, 17, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal.
Sa nabasa mo, alin sa mga payo ang sa palagay mo ay pinakakailangan sa ating panahon? Bakit?
Pag-isipan kung aling bahagi ng payo ni Pablo ang higit na magagamit mo sa iyong sariling buhay.
Sa Sa Mga Hebreo 13:10–25, itinuro ni Pablo na matapos ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi na kinailangan pa ang pag-aalay ng mga hayop (tingnan sa 3 Nephi 9:18–20). Sa halip, ang maaaring ialay ng mga Banal ay papuri sa Diyos at mabubuting gawa.
Santiago 1
Hinikayat ni Santiago ang mga nagkalat na Israel na humingi ng karunungan mula sa Diyos at maging mga tagatupad ng salita
Pinangarap mo ba minsan na mas matalino ka o mas nauunawaan mo ang kalooban ng Ama sa Langit para sa iyo? Pag-isipan ang mga sitwasyon sa buhay mo na gusto mong gamitan ng higit na karunungan.
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:9–10, na inaalam ang mga itinanong ni Propetang Joseph Smith noong binatilyo pa siya.
Binabasa ni Joseph ang Sulat ni Santiago nang matuklasan niya kung paano maghanap ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Si Santiago ay isang Apostol ni Jesucristo at isang bishop sa Jerusalem. Isinasaad din ng kulturang Kristiyanismo na si Santiago ay anak nina Maria at Jose at, samakatwid, ay kapatid ni Jesucristo sa ina.
Basahin ang Santiago 1:1–4, na inaalam kung ano ang itinuro ni Santiago sa sambahayan ni Israel tungkol sa kanilang paghihirap at pagdurusa. Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Santiago 1:2, pinalitan ng “maraming paghihirap” ang mga katagang “sarisaring tukso.”
Pansinin ang mga reperensya tungkol sa pagtitiis sa Santiago 1:3–4. Bakit mahalaga na may pagtitiis sa oras ng paghihirap at pagdurusa?
Basahin ang Santiago 1:5–6, na inaalam kung ano ang natuklasan ni Joseph Smith na nakatulong sa kanya na mahanap ang mga sagot sa kanyang mga tanong. Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin sa talata 5 ng mga salitang nang sagana ay malaya at bukas-palad, at ang ibig sabihin ng nanunumbat ay naninisi o namimintas. (Ang Santiago 1:5–6 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang mas madali mo itong mahahanap.)
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o mahigit pang mga alituntunin na matututuhan mo mula sa Santiago 1:5–6.
Ano ang ibig sabihin ng “humingi [nang] may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan” (Santiago 1:6)?
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:12, na naglalahad ng ginawa ni Joseph matapos mabasa ang Santiago 1:5. Ano ang naging resulta ng pagkilos ni Joseph Smith ayon sa itinuro sa Santiago 1:5–6?
Isipin ang mga pagkakataon na saganang sinagot ng Ama sa Langit ang iyong mga panalangin pagkatapos mong manalangin sa Kanya nang may pananampalataya. Pag-isipan kung paano mo maiaangkop ang mga alituntuning tinukoy mo sa Santiago 1:5–6 para makatanggap ka ng karunungan at mga sagot sa mga tanong mo.
Tulad ng nakatala sa Santiago 1:7–11, nagbabala si Santiago tungkol sa pagdadalawang isip o pag-aalinlangan sa katapatan sa Panginoon. Nagbabala rin siya sa mga mayayaman tungkol sa mga problemang maaaring idulot ng kayamanan.
Sa Santiago 1:12–21, itinuro ni Santiago na ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa paglaban sa tukso, na isa sa mga dapat gawin para matanggap ang putong ng buhay na walang hanggan. Itinuro rin ni Santiago na lahat ng mabuting kaloob ay nagmumula sa Diyos at ang mga Banal ay dapat humiwalay sa “lahat na karumihan” at tumanggap ng mga salita ng Panginoon “na may kaamuan” (Santiago 1:21).
Basahin ang Santiago 1:22, na inaalam kung ano ang hinikayat ni Pablo na gawin ng mga Banal sa salita ng Diyos.
Isipin kung paano sinunod ni Joseph Smith ang payong ito. Pagnilayan kung ano ang gagawin mo tungkol sa natutuhan mo sa lesson na ito.
Basahin ang Santiago 1:27, na inaalam ang mga paraan na magiging tagatupad ka ng salita. Ang paggamit ni Santiago ng salitang relihiyon sa kontekstong ito ay tumutukoy sa pagpapakita ng ating katapatan sa Diyos.
Scripture Mastery—Santiago 1:5–6
Ang pagsasaulo ng Santiago 1:5–6 ay makatutulong sa iyo sa buong buhay mo kapag may mga tanong ka tungkol sa ebanghelyo, kapag humihingi ka ng tulong sa Panginoon sa paggawa ng desisyon, at kapag itinuturo mo ang ebanghelyo sa iba.
Mag-ukol ng ilang minuto sa pagsasaulo ng Santiago 1:5–6. Tandaang pag-aralang muli nang madalas ang naisaulong mga scripture mastery passage para maalala mo ang iyong natutuhan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Sa Mga Hebreo 12–Santiago 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: