Pambungad sa I Mga Taga Corinto
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Ang mga miyembro ng Simbahan noong araw na naninirahan sa Corinto ay nakaranas ng maraming problema na makikita rin ngayon sa mundo, tulad ng kawalan ng pagkakaisa, maling mga turo, at imoralidad. Sa I Mga Taga Corinto, nalaman natin na itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal na ito kung paano magkaisa sa Simbahan, paano malaman ang mga bagay ng Diyos, ang ginagampanan ng pisikal na katawan bilang templo para sa Espiritu Santo, ang katangian ng mga espirituwal na kaloob, ang kahalagahan ng pagiging karapat-dapat sa pagtanggap ng sakramento, at ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Sa pag-aaral mo ng mga turo ni Pablo na nakatala sa I Mga Taga Corinto, maaari mong matutuhan ang mga doktrina at alituntuning tutulong sa iyo na mamuhay nang matwid sa kabila ng anumang kasamaang makakaharap mo.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Nakasaad sa pambungad na talata ng I Mga Taga Corinto na ipinadala ito ni Apostol Pablo at ng disipulong nagngangalang Sostenes, na maaaring nagsilbing tagasulat ni Pablo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:1). Bagama’t hindi alam ang mga detalye ng ginampanan ni Sostenes, malinaw na si Pablo ang may-akda ng nilalaman ng sulat (tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 16:21–24).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Ginawa ni Pablo ang sulat na kilala bilang I Mga Taga Corinto noong malapit nang matapos ang kanyang tatlong-taong pagbisita sa Efeso (sa kanyang pangatlong misyon), na malamang na natapos sa pagitan ng A.D. 55 at 56 (tingnan sa Mga Gawa 19:10; 20:31; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga”).
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Isinulat ang liham na ito para sa mga miyembro ng Simbahan sa lungsod ng Corinto. Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Corinto nang halos dalawang taon (tingnan sa Mga Gawa 18:1–18) at inorganisa ang isang branch o sangay ng Simbahan doon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat Ni Pablo, Mga”). Kalaunan, habang nangangaral si Pablo sa Efeso sa pangatlo niyang paglalakbay, nakatanggap siya ng liham mula sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto. Sinagot niya ang sulat ng sangay (tingnan sa I Mga Taga Corinto 5:9), ngunit sa kasamaang-palad ay nawala ang sulat na ito kaya hindi ito matatagpuan sa ating mga banal na kasulatan. Kalaunan, natanggap ni Pablo ang isa pang balita mula sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto tungkol sa mga problema sa Simbahan doon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:11), na sinagot niya sa pamamagitan ng pagsulat ng isa pang liham, na nakilala bilang I Mga Taga Corinto. Samakatwid, ang I Mga Taga Corinto ay pangalawang sulat ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto.
Sa panahon ni Pablo, ang Corinto ang punong-bayan ng lalawigang Acaya ng Romano, na sumasakop sa malaking bahagi ng sinaunang Grecia sa timog ng Macedonia. Bilang progresibong sentro ng kalakalan, maraming tao mula sa buong Imperyo ng Roma ang naaakit na pumunta sa Corinto, kaya isa ito sa mga lungsod na kinakitaan ng iba’t ibang kultura. Laganap sa Corinto ang pagsamba sa diyus-diyusan, at napakaraming templo at dambana ang makikita sa buong lungsod. Sa panahon ng ministeryo ni Pablo, kilala ang mga taga-Corinto na sobrang imoral. Halimbawa, ang mga ritwal ng prostitusyon ay isinagawa sa templo ni Aphrodite.
Sa sulat na ito, binigyang-diin ni Pablo na kulang sa pagkakaisa ang mga miyembro ng Simbahan at unti-unti nang naiimpluwensyahan ng ilang paniniwala at gawi ng mga pagano ang pagsunod nila sa mga alituntunin at ordenansa (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:11; 6:1–8; 10:20–22; 11:18–22). Sumulat siya sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto para tulungan sila sa kanilang mga tanong at problema at palakasin ang mga nagbalik-loob o sumapi sa Simbahan na nahihirapang iwan ang mga dating paniniwala at gawi.
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mas maraming payo at turo ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto kaysa sa anumang sangay ng Simbahan. Sa katunayan, ang dalawang sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto ang bumubuo sa ikaapat na bahagi ng lahat ng mga naitalang sulat ni Pablo.
Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto, ipinaliwanag ni Pablo na tinupad na ni Jesucristo ang batas ni Moises. Binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng “pagtupad sa mga utos ng Dios” (I Mga Taga Corinto 7:19) “sa ilalim ng kautusan ni Cristo” (I Mga Taga Corinto 9:21) upang matanggap ang pagpapala ng kaligtasan sa pamamagitan ng ebanghelyo.
Outline
I Mga Taga Corinto 1–11. Nagbabala si Pablo laban sa paggugrupu-grupo sa Simbahan at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Simbahan. Nagbabala siya sa mga miyembro laban sa imoralidad, nagturo na ang katawan ay templo ng Banal na Espiritu, at naghikayat na magkaroon ng disiplina sa sarili. Sinagot niya ang mga tanong tungkol sa pag-aasawa at pagmimisyon, pati ang ordenansa ng sakramento at kung maaari bang kainin ang karneng inialay sa mga diyus-diyusan.
I Mga Taga Corinto 12–14. Itinuro ni Pablo na dapat nating hangarin ang mga kaloob ng Espiritu. Ipinaalala niya sa mga Banal sa Corinto ang kahalagahan ng mga apostol, propeta, at mga guro at ang pangangalaga na dapat mayroon ang mga miyembro para sa isa’t isa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa-tao nang higit sa lahat ng mga espirituwal na kaloob.
I Mga Taga Corinto 15–16. Nagpatotoo si Pablo na kabilang siya sa mga maraming nakasaksi sa nabuhay na muling Cristo. Itinuro niya na lahat ay mabubuhay na muli at nagpapatibay ang binyag para sa mga patay sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ipinaliwanag niya na ang nabuhay na muling mga katawan ay magkakaiba sa antas ng kaluwalhatian at inalis ng tagumpay ni Jesucristo sa libingan ang tibo ng kamatayan. Inorganisa niya ang isang ambagan o paghahandog ng pera para sa mga maralitang Banal sa Jerusalem.