Pambungad sa II Ni Juan
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa kanyang ikalawang sulat, nagpahayag si Apostol Juan ng pag-aalala tungkol sa impluwensya sa Simbahan ng mga nag-apostasiya. Gayon din, nagpahayag din siya ng kagalakan para sa mga miyembro ng Simbahan na nanatiling matatag at matapat sa ebanghelyo (tingnan sa II Ni John 1:4). Ang kanyang mga salita ay nagpapakita ng kagalakan at pasasalamat na nadarama ng mga lider ng Simbahan para sa mga nanatiling tapat sa Panginoon. Sa pag-aaral mo ng II Ni Juan, mapapalakas ka ng paalala ni Juan na mahalin ang isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at manatiling tapat sa doktrina ni Cristo.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Tinukoy ng may-akda ang kanyang sarili bilang “ang matanda” II Ni Juan 1:1), at pinaniniwalaan na si Juan, isa sa mga orihinal na Labindalawang Apostol, ang sumulat nito (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak Ni Zebedeo”).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Hindi tiyak kung kailan at saan isinulat ang II Ni Juan. Kung tama ang tradisyon na nagsasabing matagal na nanirahan si Juan sa Efeso, maaaring doon niya ginawa ang sulat na ito sa pagitan ng A.D. 70 at 100.
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Ang Ikalawang Sulat ni Juan ay isinulat para sa “hirang na ginang at sa kaniyang mga anak” (II Ni Juan 1:1). Walang nakaaalam kung isinulat ito ni Juan para sa kanyang pamilya o sa iba pang grupo ng mga tao o kaya’y kinakausap niya ang buong Simbahan gamit ang matalinghagang pananalita.
Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang II at III Ni Juan ay maaaring mga sulat ni Juan para sa mga miyembro ng kanyang pamilya (tingnan sa Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:409–10, 12–14).
Isa pang posibilidad na ang mga katagang “hirang na ginang” ay tunay na tumutukoy sa isang kongregasyon ng mga Kristiyano (tingnan sa II Ni Juan 1:13). Ang salitang Griyego para sa simbahan ay pambabae, at karaniwan nang kinakatawan ang Simbahan na isang babae (tingnan sa Mga Taga Efeso 5:25–27, 32; Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:1–3, 7 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]; Apocalipsis 19:7–8).
Tulad ng I Ni Juan, malinaw na isinulat ito ni Juan para tumugon sa mga maling turo na si Jesucristo ay hindi literal na pumarito sa mundo sa laman o nagkaroon ng pisikal na katawan. Ipinaliwanag niya na hindi dapat tanggapin sa bahay o kongregasyon ang mga miyembrong nagturo na si Cristo ay hindi nagkaroon ng pisikal na katawan (tingnan sa II Ni Juan 1:7–10).
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Nagbabala si Juan sa sulat na ito tungkol sa mga huwad na guro na nakapasok sa Simbahan. Pinayuhan niya ang mga miyembro ng Simbahan na huwag sundin o huwag makipag-ugnayan sa mga taong ito.
Outline
II Ni Juan 1. Ipinaalala ni Juan sa Simbahan ang kautusang mahalin ang isa’t isa. Nagbabala siya laban sa mga huwad na guro at mga taong mapanlinlang na nasa Simbahan at pinayuhan ang mga miyembro ng Simbahan na huwag hayaang manatili ang mga ito sa kanilang mga kongregasyon.