Library
Unit 2, Day 2: Mateo 3


Unit 2: Day 2

Mateo 3

Pambungad

Si Juan Bautista ay nangaral at nagbinyag sa Judea. Si Jesucristo ay naglakbay mula Galilea patungo sa Ilog Jordan, kung saan Siya bininyagan ni Juan. Ang Diyos Ama ay nagpatotoo na si Jesus ang Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Mateo 3:1–12

Si Juan Bautista ay nangaral sa Judea.

Kunwari ay nakaupo ka sa klase at isang kaklase mo ang kumuha ng gamit mo (tulad ng bolpen, aklat, o jacket). Humingi siya ng paunmahin sa pagkuha ng gamit mo pero kinuha naman niya ang mga gamit ng mga kaklase mo. Lagi siyang humihingi ng tawad sa tuwing mangunguha siya ng gamit pero ginagawa pa rin niya ito. Ano ang maiisip mo sa paghingi ng tawad ng estudyanteng ito?

Paano maitutulad ang ginawa ng estudyanteng ito sa isang taong hindi totoong nagsisisi?

Sa pag-aaral mo ng Mateo 3, alamin ang mga katotohanan na nakatutulong sa atin na maunawaan ang dapat gawin para tunay na magsisi.

Si Jesucristo ay sumapit na sa edad na maaari na Niyang simulan ang Kanyang ministeryo. (Ang karaniwang edad ng pagpasok sa ministeryo ng kalalakihang Israelita ay 30 taong gulang [tingnan sa Mga Bilang 4:3].) Basahin ang Mateo 3:1–4, na inaalam kung ano ang nangyayari nang panahong iyon na makatutulong na maihanda ang mga tao sa ministeryo ng Tagapagligtas.

Nagtuturo si Juan

Si Juan Bautista ay ang “anak nina Zacarias at Elisabet, na mula sa angkan ng mga saserdote sa parehong mga magulang. Ang angkang ito ay mahalaga, dahil si Juan ang sumasagisag sa batas ni Moises, na inilaan para ihanda ang daan ng Mesiyas, at ihanda ang mga tao sa pagtanggap sa Kanya” (Bible Dictionary, “John the Baptist”). Si Elisabet ay kamag-anak din ni Maria, na ina ni Jesus. Hawak ni Juan ang mga susi ng Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 13; 84:27–28). Ang kanyang pananamit at pagkain, na inilarawan sa Mateo 3:4, ay nagpapakita ng kanyang abang kalagayan.

Sa natutuhan mo sa Mateo 3:1–4, ano ang ginagawa ni Juan?

Ang misyon ni Juan ay sinabi na noon ni Isaias (Esaias) at ng iba pang mga propeta (tingnan sa Isaias 40:3; Malakias 3:1; 1 Nephi 10:7–10). Si Juan ang maghahanda ng daan para sa Mesiyas (si Jesucristo) sa pamamagitan ng pangangaral ng pagsisisi at pagbibinyag sa pamamagitan ng tubig.

Basahin ang Mateo 3:5–6, na inaalam kung paano tumugon ang mga tao sa mensahe ni Juan.

Paano tumugon ang mga tao sa mensahe ni Juan?

Ang kahandaang ipagtapat ang mga kasalanan sa Ama sa Langit at, kapag kailangan, sa itinalagang priesthood leader ay mahalaga sa pagsisisi (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 156).

Basahin ang Mateo 3:7, na inaalam kung sino ang mga taong kinausap ni Juan.

Ang mga Fariseo ay isang pangkat pangrelihiyon sa mga Judio na ang pangalan ay nagpapahiwatig na nakahiwalay o nakabukod. Ipinagmamalaki nila na mahigpit nilang sinusunod ang batas ni Moises at naniniwala na ang mga idinagdag rito ng tao, na kilala bilang oral na batas, ay kasinghalaga ng mismong batas ni Moises (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, Mga”). Ang mga Saduceo ay isang maliit subalit makapangyarihang pangkat pampulitika na naniniwalang dapat sundin ang eksaktong nakasulat sa batas ni Moises ngunit hindi naniniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli o buhay na walang hanggan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan “Saduceo, Mga”).

Ano ang itinawag ni Juan sa mga Fariseo at mga Saduceo?

Ang Palestinian viper ay makamandag na ulupong o ahas na karaniwang makikita sa Israel. Sa gabi umaatake ang mga ulupong at karaniwang nagtatago at nag-aabang ng mabibiktima. Kapag nakakaramdam ng panganib, pinupulupot nito ang katawan, sumasagitsit, at tinutuklaw ang kalaban.

Palestinian viper

Palestinian viper

© taviphoto/Shutterstock.com

Sa palagay mo, bakit tinawag ni Juan na mga ulupong ang mga Fariseo at mga Saduceo?

Ang Joseph Smith Translation ay naglalaman ng karagdagang mga salita na sinabi ni Juan sa mga Fariseo at mga Saduceo. Matapos silang kausapin sa Mateo 3:7, si Juan ay nagbabala:

“Bakit hindi ninyo tinatanggap ang ipinangangaral niya na isinugo ng Diyos? Kung hindi ninyo ito tatanggapin sa inyong mga puso, hindi ninyo ako tinatanggap; at kung hindi ninyo ako tinatanggap, hindi ninyo tinatanggap siya na dahilan kung kaya ako isinugo upang magpatotoo; at sa inyong mga kasalanan ay wala kayong madadahilan.

“Magsipagsisi kayo, kung gayon, at mangagbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi” (Joseph Smith Translation, Matthew 3:34–35 [sa Bible appendix]).

Ayon kay Juan, kung hindi tinatanggap ng mga Fariseo at mga Saduceo ang kanyang pangangaral, sino pa ang hindi nila tinatanggap?

Paano mo ibubuod ang mensahe ni Juan sa kanila?

Maaari mong markahan ang mga katagang “Mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi” sa Mateo 3:8.

bungang nakakabit sa sanga ng puno

Sa mga banal na kasulatan, ang mga tao ay inihahalintulad kung minsan sa mga punungkahoy na may masarap o bulok na bunga. Ang bunga ay naglalarawan ng ating mga hangarin at kilos. The phrase “meet for” in verse 8 means “worthy of” (see Matthew 3:8, footnote b).

Isiping muli ang sitwasyong binanggit mula sa simula ng lesson na ito—tungkol sa estudyanteng kumukuha ng mga gamit ng kaklase niya. Ipinakita ba nang tama ng estudyanteng ito ang tunay na alituntunin ng pagsisisi sa pamamagitan ng kanyang mga hangarin at kilos? Bakit hindi?

Tinutulungan tayo ng Mateo 3:8 na maunawaan na nagpapakita tayo ng tunay na pagsisisi kapag binago natin ang ating mga hangarin at kilos para masunod ang Kanyang mga turo. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin sa tabi ng Mateo 3:8.

Pag-isipang mabuti kung paano makikita sa ating mga hangarin at kilos na tayo ay talagang nagsisi sa ating mga kasalanan habang iniisip mo ang sumusunod na pag-uugali: nandaraya sa paaralan, masungit sa mga kapatid, nagsasabi ng masamang salita, at nanonood ng pornograpiya.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung ano kaya ang iisipin at gagawin ng taong pinagsisihan na ang ganitong mga kasalanan.

Basahin ang Mateo 3:10, na inaalam ang nangyayari kapag hindi totoong nagsisisi.

Isiping mabuti ang anumang hangarin o kilos na maaaring kailangang baguhin para tunay na makapagsisi. Pag-isipan kung paano mo maipapakita ang tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng pagbabago ng anumang hangarin at gawain na hindi ayon sa mga turo ng Diyos.

Basahin ang Mateo 3:11, na inaalam ang sinabi ni Juan Bautista na gagawin ng Tagapagligtas.

Si Jesus ay magbibinyag “sa Espiritu Santo at sa apoy” (Mateo 3:11). Ang pagbibinyag na ito ay kailangan matapos mabinyagan sa tubig at tumutukoy sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, na nagpapabanal at nagdadalisay ng ating mga kaluluwa na parang apoy (tingnan sa 2 Nephi 31:13–14, 17).

Inilalarawan ng Mateo 3:12 kung ano ang simbolikong mangyayari sa mabubuti na tumatanggap kay Jesucristo at sa masasama na hindi tumatanggap sa Kanya.

Mateo 3:13–17

Si Jesucristo ay nabinyagan, at ipinahayag ng Ama na Siya ay Kanyang Pinakamamahal na Anak

  1. journal iconSandaling isipin ang sarili mong binyag. Sa iyong scripture study journal, isulat ang naaalala mo tungkol sa mahalagang pangyayaring ito sa buhay mo.

Tulad ng nakatala sa Mateo 3:13–17, si Jesucristo ay nabinyagan. Sa pag-aaral mo ng mga talatang ito, alamin ang mga pagkakatulad ng iyong binyag sa binyag ng Tagapagligtas.

Basahin ang Mateo 3:13–17, na inaalam ang mga sagot sa sumusunod na tatlong tanong tungkol sa binyag ni Jesus:

Sino ang nagbinyag?

Paano bininyagan?

Bakit bininyagan?

Kung kailangan, iakma ang iyong mga sagot batay sa sumusunod na impormasyon:

Si Jesus ay naglakbay mula sa Galilea patungong Ilog ng Jordan dahil hawak ni Juan ang mga susi ng Aaronic Priesthood at may awtoridad siya na magsagawa ng ordenansa ng binyag. Isulat ang Juan Bautista at Tamang awtoridad sa linyang katabi ng “Sino ang Nagbinyag?”

Bininyagan ni Juan Bautista si Jesus

Ang “[pag]-ahon sa tubig” ni Jesus (Mateo 3:16) ay nagpapahiwatig na Siya ay nabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig—ibig sabihin Siya ay ganap na inilubog sa tubig. Isulat ang Sa pamamagitan ng paglulubog sa linyang katabi ng “Paano bininyagan?”

Alam ni Juan Bautista na ang tungkulin at awtoridad ni Jesus ay mas mataas kaysa taglay niya. Gayunman, ayon sa Mateo 3:15, sinabi ni Jesus na kailangan Siyang mabinyagan para sa “pagganap ng buong katuwiran.” Isulat ang mga katagang ito sa tabi ng “Bakit bininyagan?”

Ang ibig sabihin ng “pagganap ng buong katuwiran” ay paggawa ng lahat ng iniuutos ng Ama sa Langit na gawin natin upang muli natin Siyang makasama. Kabilang dito ang pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan. Sa pamamagitan ng pagbibinyag, nagpakita si Jesus ng perpektong halimbawa na ating tutularan. Basahin ang 2 Nephi 31:4–9, at isulat ito bilang isang cross-reference sa margin sa tabi ng Mateo 3:15. Markahan ang mga salita at kataga na makatutulong sa iyo na maunawaan ang ibig sabihin ng “pagganap ng buong katuwiran.”

Gamitin ang mga sagot sa naunang tatlong tanong para matukoy ang doktrinang matututuhan natin mula sa Mateo 3:13–17.

Paano mo ihahambing ang iyong binyag sa halimbawang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas?

Ang isa pang mahalagang doktrina sa Mateo 3:16–17 ay may kaugnayan sa Panguluhang Diyos. Basahing muli nang tahimik ang mga talatang ito, na inaalam ang itinuturo nito tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Sa sumusunod na mga linya, isulat ang kinaroroonan ng bawat miyembro ng Panguluhang Diyos nang binyagan ang Tagapagligtas?

Ang Ama:

Ang Anak:

Ang Espiritu Santo:

Mahalagang maunawaan na ang Espiritu Santo ay hindi talaga nag-anyong kalapati. Sa halip, ang kalapati ay isang palatandaan o simbolo na bumaba ang Espiritu Santo kay Jesus (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalapati, Tanda ng”).

Anong doktrina ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Panguluhang Diyos? (Tingnan din sa D at T 130:22–23.)

Maraming tao ang mali o hindi kumpleto ang kaalaman tungkol sa Panguluhang Diyos. Kapag mas nauunawaan natin ang tunay na katangian ng Panguluhang Diyos, mas mamahalin natin Sila at mas magiging handa tayo na magturo at magpapatoo sa iba tungkol sa Kanila.

  1. journal iconHanapin ang nakatala tungkol sa “God” sa Bible Dictionary, o “Diyos, Panguluhang Diyos” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.lds.org). Basahin ang nakatala, na inaalam ang impormasyon tungkol sa bawat miyembro ng Panguluhang Diyos. Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isa o dalawang pangungusap tungkol sa bawat miyembro ng Panguluhang Diyos na may kasamang impormasyon na sa palagay mo ay mahalagang malaman.

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit, sa Anak, at sa Espiritu Santo sa isang kakilala mo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: