Unit 24: Day 1
II Mga Taga Corinto 8–9
Pambungad
Sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto, na ipinapaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan sa Macedonia ay saganang nagbigay sa mga nangangailangan. Hinikayat niya ang mga Banal sa Corinto na tularan din ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa mahihirap. Itinuro ni Pablo ang tungkol sa mga pagpapalang dumarating sa mga taong masayang nagbibigay sa mahihirap.
II Mga Taga Corinto 8
Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na kalingain ang mahihirap
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at isipin kung anong salita ang nawawala na kukumpleto sa katotohanan ng pahayag na ito: “Sa kasaysayan ng mundo, ang ____________________ ay isa na sa pinakamabigat at pinakalaganap na mga hamon sa sangkatauhan. Ang malinaw na resulta nito ay karaniwang pisikal, ngunit ang espirituwal at emosyonal na kapinsalaang dulot nito ay maaaring lalo pang makapanlupaypay” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 40).
Isulat ang salitang karukhaan sa linya, at muling basahin ang pahayag ni Elder Holland, na inaalam ang ibig sabihin nito.
Ang karukhaan ay kawalan ng sapat na pangangailangan, na maaaring kabilangan ng pera, ari-arian, o pinagkakakitaan. Bakit napakahirap na pagsubok ng karukhaan?
Isipin ang mga taong kilala mo na maaaring kailangan ng anumang tulong, ito man ay pisikal, emosyonal, sosyal, o espirituwal. Sa pag-aaral mo ng II Mga Taga Corinto 8–9, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na maunawaan at magampanan ang iyong tungkuling tulungan ang mga nangangailangan.
Sinabi ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto sa II Mga Taga Corinto 8:1–8 na ang mga miyembro ng Simbahan sa Macedonia ay bukas-palad na nagbigay para tulungan ang mahihirap sa kanilang mga temporal na pangangailangan (tingnan sa mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang Mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero”). Ipinaliwanag niya na ginawa iyon ng mga miyembro sa Macedonia dahil gusto nilang gawin ang kagustuhan ng Diyos. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na tularan ang ganitong halimbawa ng pagbibigay sa mga nangangailangan nang may tapat na pagmamahal.
-
Magdrowing ng patayong linya sa gitna ng isang blankong pahina ng iyong scripture study journal, para makagawa ng dalawang column. Isulat ang Mayaman sa itaas ng isang column, at isulat ang salitang Mahirap sa itaas ng pangalawang column.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 8:9, na inaalam ang sinabi ni Pablo na ginawa ni Jesucristo para sa mga Banal. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal sa ilalim ng mga salitang Mayaman at Mahirap.
-
Sa paanong mga paraan naging mayaman si Jesucristo sa premortal na buhay?
-
Sa paanong mga paraan maituturing na dukha o mahirap Siya sa Kanyang buhay sa mortalidad?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin sa talata 9 ng “upang sa pamamagitan ng karukhaan [ng Tagapagligtas] ay magsiyaman tayo”?
-
Isipin na bago pa man isinilang si Jesucristo, miyembro na Siya ng Panguluhang Diyos, at Siya ay pangalawa sa Ama sa Langit sa awtoridad, kapangyarihan at kaluwalhatian. Dahil si Jesucristo ay nagpakababa, o nagpakumbaba at ibinaba ang kanyang Sarili, mula sa Kanyang trono at naparito sa lupa upang maglingkod, magpakita ng halimbawa, at isagawa ang Pagbabayad-sala, maaari nating makamtan ang mga kayamanan ng buhay na walang-hanggan (tingnan sa 1 Nephi 11:26–28).
Halos isang taon bago iyon, nangako ang mga Banal sa Corinto na mangongolekta ng mga panustos para sa mahihirap na Banal sa Jerusalem. Basahin ang II Mga Taga Corinto 8:10–11, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa panahong iyon. Ang mga katagang “sa paggawa” at “ang paggawa” nito ay tumutukoy sa payo ni Pablo na tuparin ng mga Banal ang kanilang dating ipinangako na ibigay ang kanilang makakaya sa mahihirap na Banal, tulad ng pagbibigay sa kanila ng Tagapagligtas ng mga kayamanan ng kawalang hanggan.
Ang isang alituntuning matututuhan natin ay kapag napagtanto natin ang lahat ng ibinigay sa atin ng Tagapagligtas, mas nanaisin nating magbigay ng ating biyaya sa iba.
Isipin kung paano makahihikayat sa atin na magbigay sa mga nangangailangan ang pagkilala sa masaganang biyaya sa atin ng Tagapagligtas.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga biyaya ang naipagkaloob na sa iyo ng Tagapagligtas, at paano ka nahihikayat nito na magbigay sa iba?
Basahin ang II Mga Taga Corinto 8:12–15, na inaalam ang isa pang katotohanan na itinuro ni Pablo tungkol sa kahalagahan ng pagsuporta sa isa’t isa sa temporal na paraan.
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 8:12–13 ay nais ng Diyos na gustuhin nating magbigay kahit sa panahong wala tayong anumang maibibigay.
Para matulungan ka na maunawaan ang katotohanang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland, at pagkatapos ay isipin ang mga sumusunod na tanong: “Mayaman man tayo o mahirap, gawin natin ‘ang magagawa natin’ kapag nangangailangan ang iba” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” 41).
-
Ano ang magagawa natin para sa iba kung wala tayong anumang materyal na bagay na maibibigay sa kanila?
-
Bakit kailangan nating gawin ang lahat ng magagawa natin para sa iba?
-
Ayon sa II Mga Taga Corinto 8:14–15, sino ang nakikinabang kapag palaging nagbibigay ng kanilang kasaganaan ang mga Banal?
Pag-isipan ang ilang paraan na nakikinabang ang lahat kapag lahat tayo ay handang magbigay.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland, na inaalam kung paano tayo matutulungan ng Panginoon na tumugon nang may habag sa mahihirap: “Hindi ko alam kung paano dapat tuparin ng bawat isa sa inyo ang inyong obligasyon sa mga taong hindi tinutulungan o hindi kayang tulungan palagi ang kanilang sarili. Ngunit alam ko na alam ng Diyos, at tutulungan at gagabayan Niya kayo sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” 41).
Pansinin na sinabi ni Elder Holland na dapat tayong “taimtim [na] maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na” tulungan ang mahihirap at nangangailangan. Ang mga handog-ayuno, mga lokal na proyektong pangserbisyo, at mga tulong pantao, ay ilang paraang ginagawa ng Simbahan para makatulong tayo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap. May maiisip ka pa ba na ibang mga paraan para magawa ito?
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang pagkakataon na nakatulong ka sa isang nangangailangan at kung ano ang naramdaman mo bunga nito. Maaaari mo ring isulat ang isang bagay na plano mong gawin batay sa itinuro ni Pablo tungkol sa pagbibigay sa mahihirap at nangangailangan.
Tulad ng nakatala sa II Mga Taga Corinto 8:16–24, binanggit ni Pablo sa mga Banal sa Corinto si Tito at dalawa pang lalaki na ipinadala para mangolekta ng abuloy na ibibigay sa mga Banal sa Jerusalem. Sinabi rin ni Pablo na nagtitiwala siya sa mga Banal sa Corinto at ipinaliwanag na ang kanilang bukas-palad na pagbibigay ay nagpapatunay ng pagmamahal nila sa kapwa.
II Mga Taga Corinto 9
Itinuro ni Pablo ang mga pagpapalang dulot ng taos-pusong pagbibigay
Patuloy na pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Corinto (tingnan sa II Mga Taga Corinto 9:1–5). Sinabi niya sa kanila na isinugo niya si Tito at ang iba para matiyak kung handa silang magbigay nang sagana sa mahihirap.
Isipin ang pagkakataon na nagbigay ka ng isang bagay sa isang tao o may ginawa ka para sa isang tao na mabigat sa loob mo, o napilitan ka lang. Bakit mahirap kung minsan na maging masaya sa pagbigay ng iyong panahon, pera, o iba pang bagay para tulungan ang iba?
Basahin ang II Mga Taga Corinto 9:6–7, na inaalam ang paghahambing na ginamit ni Pablo para ituro sa mga miyembro ng Simbahan sa Corinto ang pagbibigay nang sagana.
Ang ibig sabihin ng maghasik ay magsabog o magpunla ng binhi ng halaman. Sino ang mga maghahasik sa paghahambing na ito?
Isipin kung paanong ang pagbibigay sa iba ay tulad ng paghahasik ng mga binhi sa bukid. Ano ang mangyayari kung kaunti lang ang inihahasik natin? Ano ang mangyayari kung marami ang inihahasik natin?
Ayon sa II Mga Taga Corinto 9:7, anong uri ng paghahasik o pagbibigay ang inaasahan sa atin ng Panginoon?
Matututuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 9:6–7 ang sumusunod na katotohanan: Kung tayo ay magbibigay sa mga nangangailangan nang may masayang puso, pagpapalain tayo nang sagana ng Diyos.
Paano nagdudulot ng masaganang biyaya sa atin ang masayang pagbibigay natin sa iba?
Basahin ang II Mga Taga Corinto 9:8–10, na inaalam ang sinabi ni Pablo na mga pagpapalang darating sa mga Banal kung nagbibigay sila nang masaya. Markahan o lagyan ng tanda sa iyong mga banal na kasulatan ang ilang kataga na ginamit ni Pablo para ilarawan kung paano pinagpapala ng Panginoon ang mga nagbibigay nang masaya.
Pansinin na ang mga katagang ginamit ni Pablo para ilarawan ang mga pagpapala ng Panginoon ay nagpapahiwatig na tatanggap tayo ng biyaya ng Panginoon, na kinabibilangan ng temporal na pagpapala na sapat para sa ating mga pangangailangan.
Ayon sa II Mga Taga Corinto 9:10, sino “ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik”? Paano nakatutulong sa atin na magbigay nang masaya ang pag-alaala sa pinanggagalingan ng binhi o biyaya?
Basahin ang II Mga Taga Corinto 9:11–15, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga Banal na masayang nagbibigay at tumatanggap.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ayon sa II Mga Taga Corinto 9:11–15, ano ang nadarama sa Diyos ng mga taong nagbibigay ng kanilang yaman at ng mga taong nakatatanggap ng yaman mula sa iba? (Maaari mong markahan o lagyan ng tanda ang anumang kataga ng pasasalamat sa mga talatang ito.)
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa tabi ng II Mga Taga Corinto 9:11–15 sa iyong mga banal na kasulatan: Dahil nakikita natin na sagana tayong binibiyayaan ng Diyos nakadarama tayo ng malaking pasasalamat sa Kanya.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo nadama na magpasalamat sa Diyos dahil biniyayaan ka Niya matapos kang maglingkod at magbigay sa iba nang masaya? (Maaari mong idagdag ang iyong patotoo sa mga alituntunin at mga katotohanang tinukoy sa II Mga Taga Corinto 8–9.)
Upang tulungan kang maipamuhay ang lesson na ito, isipin ang mga paraan na matutulungan mo ang isang nangangailangan sa linggong ito (marahil isa sa mga miyembro ng iyong pamilya). Magtakda ng mithiin na tulungan ang taong iyan, at isulat ito sa kapirasong papel.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang II Mga Taga Corinto 8–9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: