Unit 20: Day 2
Mga Gawa 23–28
Pambungad
Matapos dakpin si Pablo sa Jerusalem, dinala siya sa Cesarea, kung saan ipinagtanggol niya ang kanyang sarili laban sa mga maling paratang sa harapan ng ilang pinunong Romano. Ikinuwento niya ang kanyang pagbabalik-loob at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Habang naglalakbay papuntang Roma bilang isang bilanggo, nasira ang barkong sinakyan ni Pablo sa isang isla, kung saan hindi siya napahamak nang matuklaw siya ng makamandag na ahas at pinagaling ang maraming may karamdaman. Kalaunan, dinala si Pablo sa Roma. Habang naroon, ibinilanggo siya sa isang bahay nang dalawang taon at nagturo at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo.
Mga Gawa 23–26
Si Pablo ay inusig, ibinilanggo, at nilitis sa harap ni Haring Agripa
Anong mga pagpapala ang natanggap mo sa pagsunod sa mga utos at mga turo ng Diyos?
Ano ang maaaring mag-udyok sa isang tao na talikuran ang Diyos at tumigil sa pamumuhay ayon sa Kanyang mga utos at turo?
Pag-isipan ang maaaring mangyari kapag ang mga tao ay tumalikod at lumayo sa Diyos.
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 23–26, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo kapag nadama mong napapalayo ka sa Diyos at sa Kanyang mga pagpapala.
Alalahanin na dinakip si Pablo sa labas ng templo sa Jerusalem at dinala sa harapan ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 21:30–33; 22:23–30). Nalaman natin sa Mga Gawa 23–25 ang kanyang pakikipag-usap sa mga pinunong Judio at na ibinilanggo si Pablo. Habang nasa bilangguan si Pablo, dumating ang Panginoon para panatagin at bigyan siya ng lakas ng loob (tingnan sa Mga Gawa 23:11). Ang Romanong kapitan na dumakip kay Pablo ay ipinadala siya sa Caesarea para mapigilan ang isang pangkat ng mga Judio sa pagpatay sa kanya. Ipinahayag doon ni Pablo na wala siyang kasalanan sa harapan ng Romanong gobernador na si Felix. Bagama’t napaniwala na walang kasalanan si Pablo, ikinulong pa rin siya ni Felix sa isang bahay nang dalawang taon. Pinalitan ni Festo si Felix bilang Romanong gobernador ng Judea, at si Haring Herodes Agripa, na namumuno sa isang lugar na nasa hilagang-silangan ng Dagat ng Galilea, ay binisita si Festo at hiniling na marinig ang kaso ni Pablo. Dinala si Pablo sa harapan ni Haring Agripa.
Basahin ang Mga Gawa 26:4–11, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang nakaraan kay Haring Agripa.
Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 26:12–16, ikinuwento muli ni Pablo ang kanyang pangitain tungkol sa Tagapagligtas sa daan patungo sa Damasco.
Basahin ang Mga Gawa 26:16–18, na inaalam ang misyong ibinigay ng Panginoon kay Pablo. Ang salitang mana na ginamit sa talata 18 ay tumutukoy sa pagpasok sa selestiyal na kaharian ng Diyos.
Isipin ang mga sumusunod na tanong: Ano sa palagay mo ang nakatutulong sa isang tao para mabuksan ang kanyang mga mata sa mga bagay na espirituwal? Ano ang makatutulong sa isang tao na tumalikod sa kadiliman at bumaling sa liwanag at mga kautusan at mga pagpapala ng Diyos?
Basahin ang Mga Gawa 26:19–23, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pablo na itinuro niya kapwa sa mga Judio at mga Gentil na dapat nilang gawin upang matanggap ang mga pagpapalang nabanggit sa talata 18.
Ayon sa talata 20, ano ang itinuro ni Pablo sa mga Judio at mga Gentil na dapat nilang gawin?
Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay na kung magsisisi at babaling tayo sa Diyos, mapaglalabanan natin ang impluwensya ni Satanas sa ating buhay, tatanggap ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, at magiging marapat sa kahariang selestiyal. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mga Gawa 26:18–20.
Upang matulungan ka na mas maunawaan ang alituntuning ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag nagkasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.
“Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa, sa halip ito ay mapagmahal na pagsamong pumihit at ‘muling bumaling’ sa Diyos [tingnan sa Helaman 7:17]. Pag-anyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Batay sa natutuhan mo kina Pablo at Elder Andersen, ano ang matatamo natin kapag nagsisi tayo at bumalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Mga Gawa 26, alamin ang nakahadlang kina Festo at Haring Agripa na magsisi, bumaling sa Diyos, at magbalik-loob kay Jesucristo.
Basahin ang Mga Gawa 26:24–29, na inaalam ang naging tugon nina Festo at Haring Agripa sa mga turo at mga patotoo ni Pablo tungkol sa Tagapagligtas. Sa chart sa ibaba, isulat ang mga kataga na naglalarawan sa kanilang mga itinugon sa mga turo ni Pablo:
Mga Tugon sa mga turo ni Pablo | |
---|---|
Festo |
Haring Agripa |
Makikita na hindi naniwala si Festo sa mga turo ni Pablo. Naniwala si Haring Agripa sa mga salita ng mga propeta ngunit hindi gaanong determinadong maging Kristiyano.
Ang isang katotohanan na malalaman natin mula kina Festo at Haring Agripa ay dapat nating piliing maniwala sa ebanghelyo at lubos na ipamuhay ito upang makapagbalik-loob kay Jesucristo.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, na inaalam kung ano ang itinuro niya tungkol sa pagiging desidido o determinado:
“Nakatayo ang dalawang magkapatid na lalaki sa ibabaw ng maliit na talampas kung saan tanaw ang dalisay na tubig ng bughaw na lawa. Popular itong talunan ng mga lumalangoy, at madalas pag-usapan ng magkapatid ang pagtalon dito—isang bagay na nakita nilang ginagawa ng iba.
“Kahit pareho nilang gustong tumalon, walang gustong magpauna sa kanila. Hindi naman gaanong matarik ang talampas, ngunit para sa magkapatid, parang nadaragdagan ang taas nito tuwing dudukwang sila—at agad silang pinanghihinaan ng loob.
“Sa wakas, ipinuwesto ng isa sa kanila ang kanyang paa sa gilid ng talampas at walang takot na bumuwelo. Sa sandaling iyon bumulong ang kanyang kapatid, ‘Mabuti pa siguro sa susunod na tag-init na lang.’
“Gayunman, nakabuwelo na ang kapatid niya at hindi na mapigilang tumalon. ‘Kapatid,’ sabi niya, ‘desidido na ‘ko!’
“Bumagsak siya sa tubig at mabilis na pumaibabaw at tuwang-tuwang sumigaw. Agad sumunod ang kanyang kapatid. Maya-maya, pinagtatawanan na nila ang huling salita ng unang kapatid bago ito tumalon sa tubig: ‘Kapatid, desidido na ako.’
“Ang pagiging desidido ay parang pagtalon sa tubig. Kung tatalon ka nga o hindi. Kung susulong ka o mananatiling nakatigil. Hindi maaaring tumigil sa gitna. Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat nating itanong sa ating sarili, ‘Tatalon ba ako o tatayo lang sa gilid? Lulusong ba ako o papakiramdaman ko lang sa mga daliri ng paa ko ang temperatura ng tubig?’ …
“Yaong hindi gaanong tapat sa pangako ay hindi rin lubusang nagkakaroon ng patotoo, kagalakan, at kapayapaan. Ang mga dungawan ng langit ay maaaring bahagya lamang na nakabukas sa kanila. …
“Kahit paano, bawat isa sa atin ay magpapasiya habang nakatanaw sa tubig. Dalangin ko na tayo ay sumampalataya, sumulong, matapang na harapin ang ating takot at pag-aalinlangan, at sabihin sa ating sarili, ‘Desidido na ako!’” (“Kapatid, Desidido na Ako,” Liahona, Hulyo 2011, 4–5).
Ayon kay Pangulong Uchtdorf, bakit mahalagang lubos na maging tapat sa pangako sa halip na “hindi gaanong tapat sa pangako” sa pamumuhay ng ebanghelyo?
-
Kumpletuhin ang isa o lahat ng mga sumusunod na aktibidad sa iyong scripture study journal:
-
Isulat kung paano nakatulong ang katapatan mong sundin ang isang kautusan o alituntunin ng ebanghelyo na mapalakas ang iyong pananalig kay Jesucristo.
-
Ilista ang mga kautusan o mga alituntunin ng ebanghelyo na sa palagay mo ay lubos mong masusunod. Isipin ang anumang alituntunin ng ebanghelyo na sa palagay mo ay “[halos]” ngunit hindi “pawang” (Mga Gawa 26:29) tapat na naipamumumuhay. Sumulat ng isang mithiin na gagawin mo upang madagdagan ang iyong pang-unawa tungkol sa isa sa mga alituntuning ito at tapat na maipamuhay ito.
-
Manalangin na tulungan ka sa pagsisikap mo na tunay at lubos na magbalik-loob at manalig kay Jesucristo sa pamamagitan ng lalo pang pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo.
Nabasa natin sa Mga Gawa 26:30–32 na natuklasan nina Festo at Haring Agripa na walang kasalanan si Pablo at palalayain na sana siya, ngunit dahil nag-apela si Pablo kay Cesar, kailangan nilang ipadala siya sa Roma.
Mga Gawa 27–28
Dinala si Pablo sa Roma, kung saan nagturo at nagpatotoo siya tungkol kay Jesucristo
Tinukoy ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga hamon at pagsubok sa buhay bilang “mga espirituwal na buhawi” (tingnan sa “Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 18–21).
Mag-isip ng mga halimbawa ng mga pagsubok o paghihirap na maihahalintulad sa mga buhawi sa buhay ng isang tao?
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 27–28, alamin ang alituntuning makatutulong sa iyo na tapat na matiis ang mga espirituwal na buhawi na mararanasan mo.
Nakasaad sa Mga Gawa 27 kung paano dinala si Pablo papunta ng Roma sakay ng isang barko sa panahon ng taglamig. Halos mawasak ang barko nang bumagyo, at si napadpad si Pablo at ang lahat ng nasa barko sa isla ng Melita, o Malta (tingan sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo bilang Misyonero,” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).
-
Basahin ang Mga Gawa 28:1–10 at Mga Gawa 28:16–24, na inaalam ang naranasan ni Pablo sa isla at sa Roma. Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng isang larawan at magsulat ng isang headline ng balita na ibinubuod ang mga pangyayari sa bawat isa sa mga scripture passage na ito.
Isipin ang mga pagsubok na naranasan ni Pablo na nakatala sa Mga Gawa 23–28: siya ay ibinilanggo kahit walang kasalanan, nasira ang barkong sinakyan, tinuklaw ng makamandag na ahas, at dinala sa Roma, kung saan siya ikinulong sa isang bahay bilang isang bilanggo.
Basahin ang Mga Gawa 28:30–31, na inaalam kung ano ang nagawa ni Pablo sa Roma kahit nakakulong siya sa isang bahay.
Ano ang ginawa ni Pablo na nagpapakita na nanatili siyang tapat sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na naranasan niya?
Anong buti ang naidulot ng mga pagsubok na naranasan ni Pablo habang naglalayag sa karagatan, nang masira ang barko, at habang nakabilanggo sa Roma?
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa mga karanasang ito ni Pablo ay kung tapat tayo, tutulungan tayo ng Diyos na gawing pagpapala para sa sarili natin at sa iba ang mga pagsubok.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga paraan na matutulungan ng Diyos ang mga tao na magawa nilang pagpapala para sa kanilang sarili at para sa iba ang mga pagsubok?
-
Kailan ka natulungan ng Diyos o ang isang taong kilala mo na magawang pagpapala para sa iyong sarili o para sa iba ang isang pagsubok?
-
Piliing tularan ang halimbawa ni Pablo at manatiling tapat kapag nahaharap ka sa mga pagsubok upang makatulong ang Diyos na gawing pagpapala para sa iyong sarili at para sa iba ang mga pagsubok.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 23–28 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: