Library
Pambungad sa Kay Tito


Pambungad sa Kay Tito

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang sulat ni Pablo kay Tito, tulad ng kanyang mga sulat kay Timoteo, ay naglalaman ng walang-hanggang payo ni Apostol Pablo sa isang lokal na lider ng Simbahan. Isinulat ni Pablo na ang “pagasa sa buhay na walang hanggan” ay unang ipinangako ng Diyos sa buhay bago rito sa mundo “buhat pa ng mga panahong walang hanggan” (Kay Tito 1:2). Itinuro niya na dapat asamin ng mga Banal ang “yaong mapalad na pagasa” ng kadakilaan at ang Ikalawang Pagparito (Kay Tito 2:13). Isinulat din ni Pablo kay Tito ang tungkol sa “paghuhugas sa muling kapanganakan” at sa “pagbabago sa Espiritu Santo” (Kay Tito 3:5), na tumutukoy sa ordenansa ng binyag at nakadadalisay na epekto ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, na kapwa paghahanda sa pagiging “tagapagmana … ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan” (Tito 3:7). Sa pag-aaral ng mga inspiradong payo ni Pablo kay Tito, mapapalakas mo ang iyong pananampalataya na ang mga doktrina at mga ordenansa ng ebanghelyo ay nagdadala ng pag-asa para sa buhay na walang hanggan.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Pablo ang aklat ng Kay Tito (tingnan sa Kay Tito 1:1)

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Marahil ay isinulat ni Pablo ang Sulat Kay Tito sa pagitan ng pagsulat niya ng I at II Kay Timoteo, noong mga A.D. 64–65 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org). Isinulat ni Pablo ang Sulat Kay Tito pagkatapos ng kanyang unang pagkabilanggo sa Roma. Hindi niya binanggit kung nasaan siya nang isulat niya ito.

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Ang sulat na ito ni Pablo ay para kay Tito, na tinukoy ni Pablo bilang “aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat” (Kay Tito 1:4). Si Tito ay isang Griyego (tingnan sa Mga Taga Galacia 2:3) at nagbalik-loob o sumapi sa ebanghelyo dahil mismo kay Pablo (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Titus”). Pagkatapos ng kanyang binyag, tumulong si Tito kay Pablo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagtatatag ng Simbahan (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Titus”). Tumulong siya sa pagtitipon ng mga donasyon para sa mga maralita sa Jerusalem (tingnan sa II Mga Taga Corinto 8:6, 16–23) at sinamahan din si Pablo sa kapulungan sa Jerusalem (tingnan sa Mga Taga Galacia 2:1). Ipinagkatiwala ni Pablo kay Tito ang pagdadala ng kanyang unang sulat sa mga Banal na naninirahan sa Corinto (tingnan sa II Mga Taga Corinto 7:5–15). Sumulat siya kay Tito upang palakasin siya sa kanyang tungkulin na pamunuan at pangalagaan ang sangay ng Simbahan sa Creta sa kabila ng oposisyon (tingnan sa Kay Tito 1:5, 10–11; 2:15; 3:10).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang sulat na ito ay isa sa mga pastoral epistle (sulat sa isang pastor, o lider, sa Simbahan), tulad na I at II Kay Timoteo (tingnan sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”). Makikita sa Sulat Kay Tito ang katibayan na naitatag noon ang Simbahan sa pulo ng Griyego na Creta sa Dagat Mediteraneo (tingnan sa Kay Tito 1:5). Responsibilidad ni Tito na tumawag ng mga bagong bishop sa pulo. Isinulat ni Pablo ang ilang espirituwal na kwalipikasyon para sa mga bishop (tingnan sa Kay Tito 1:6–9) Bukod dito, nagbigay siya ng mga partikular na payo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga alipin o tagapaglingkod tungkol sa dapat ugaliin ng mga Banal (tingnan sa Kay Tito 2:2–10).

Outline

Kay Tito 1. Tinagubilinan ni Pablo si Tito na mag-orden ng mga lider ng Simbahan at pagkatapos ay isinulat ang ilang kwalipikasyon para sa mga bishop. Tinagubilinan niya si Tito na itama ang mga maling turo at sawayin ang mga huwad na guro na “nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni’t ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa”(Kay Tito 1:16).

Kay Tito 2. Hinikayat ni Pablo si Tito na ituro sa mas matatandang miyembro ng Simbahan na magpakita ng mabubuting halimbawa para sa mas nakababatang mga Banal. Iniutos din niya kay Tito na turuan ang mga alipin na magpasakop o sumunod sa kanilang mga amo o panginoon. Ipinaliwanag ni Pablo ang mga paraan kung paano dapat mamuhay ang mga disipulo habang naghahanda sila para sa pagbabalik ng Panginoon. Inilarawan ni Pablo ang pagtubos na nangyari sa pamamagitan ni Jesucristo

Kay Tito 3. Itinuro ni Pablo na dapat maging mabubuting mamamayan at mga matwid na tagasunod ni Jesucristo ang mga miyembro ng Simbahan. Sa pamamagitan ng binyag, maaari tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoon.

Print