Library
Pambungad sa Lucas


Pambungad sa Lucas

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang aklat ni Lucas ay nagbibigay ng karagdagang patotoo sa maraming katotohanang itinala nina Mateo at Marcos at kakaiba rin ang nilalaman nito. Ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ay magpapalalim sa iyong pag-unawa tungkol sa mga turo ni Jesucristo at makatutulong sa iyo na mas lubos na mapahalagahan ang Kanyang pagmamahal at pagkahabag para sa buong sangkatauhan, na nakita sa Kanyang ministeryo sa buhay na ito at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Si Lucas ang may-akda ng Ebanghelyong ito. Siya ay isang manggagamot (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:14) at “isang sugo ni Jesucristo” (Joseph Smith Translation, Luke 1:1 ). Si Lucas ay isa sa “mga kamanggagawa” ni Pablo (Kay Filemon 1:24) at ang kasama ni Pablo sa ministeryo (tingnan sa II Kay Timoteo 4:11). Si Lucas din ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lucas”).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Bagama’t hindi alam ang eksaktong petsa kung kailan isinulat ni Lucas ang kanyang Ebanghelyo, ito ay malamang na isinulat sa huling kalahati ng unang siglo A.D. Ang mga pinagkunan ng tala ni Lucas ay ang mga taong “buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita” (Lucas 1:2) sa ministeryo ng Tagapagligtas sa buhay na ito at sa Pagkabuhay na Mag-uli. Hindi natin alam kung saan isinulat ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas.

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Layunin ni Lucas na mabasa ang kanyang Ebanghelyo lalo na ng mga Gentil, at ipinakilala niya si Jesucristo bilang Tagapagligtas kapwa ng mga Judio at mga Gentil. Inilahad ni Lucas ang kanyang ebanghelyo kay “Teofilo” (Lucas 1:3), na ang ibig sabihin sa Griyego ay “kaibigan ng Diyos” o “minamahal ng Diyos.” (tingnan sa Bible Dictionary, “Theophilus”). Malinaw na si Teofilo ay naturuan na noon tungkol sa buhay at mga turo ni Jesucristo (tingnan sa Lucas 1:4). Nais ni Lucas na makapagturo pa sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang sistematikong tala tungkol sa misyon at ministeryo ng Tagapagligtas. Gusto niya na “mapagkilala” ng babasa ng kanyang patotoo ang “katunayan” (Lucas 1:4) tungkol sa Anak ng Diyos—ang Kanyang pagkahabag, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli.

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang Lucas ang pinakamahaba sa apat na Ebanghelyo at ang pinakamahabang aklat sa Bagong Tipan. Ilan sa pinaka-popular na kuwento ng buong Kristiyanismo ay makikita lamang sa Ebanghelyo Ayon kay Lucas: ang kalagayan ng pagsilang ni Juan Bautista (tingnan sa Lucas 1:5–25, 57–80); ang tradisyonal na kuwento ng Pasko (tingnan sa Lucas 2:1–20); ang kuwento tungkol kay Jesus noong siya ay 12 taong gulang at nasa templo (tingnan sa Lucas 2:41–52); mga talinghaga tulad ng tungkol sa mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:30–37), sa alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:11–32), at sa taong mayaman at si Lazaro (tingnan sa Lucas 16:19–31); ang kuwento tungkol sa sampung ketongin (tingnan sa Lucas 17:11–19); at ang tala tungkol sa nabuhay na muling Panginoon na nakisabay sa Kanyang mga disipulo sa paglalakad sa daan patungong Emaus (tingnan sa Lucas 24:13–32).

Ang iba pang mga kakaibang katangian ay ang pagsasama ni Lucas ng mga turo ni Juan Bautista sa kanyang tala na hindi matatagpuan sa ibang mga Ebanghelyo (tingnan sa Lucas 3:10–14); ang pagbibigay-diin niya sa pagiging madasalin ni Jesucristo (tingnan sa Lucas 3:21; 5:16; 9:18, 28–29; 11:1); at ang pagsasama niya sa pagtawag, pagsasanay, at gawaing misyonero ng Pitumpu (tingnan sa Lucas 10:1–22). Bukod pa riyan, si Lucas lamang ang tanging manunulat ng Ebanghelyo na nagtala na nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat ang Tagapagligtas at na isang anghel ang naglingkod sa Kanya (tingnan sa Lucas 22:43–44).

Dahil ang Ebanghelyo Ayon kay Lucas ay nagsimula at nagtapos sa templo, nagpapahiwatig din ito ng kahalagahan ng templo bilang pangunahing lugar kung saan makikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao (tingnan sa Lucas 1:9; 24:53).

Outline

Lucas 1–3. Ang pagsilang at misyon ni Juan Bautista at ni Jesucristo ay inihayag. Nagpatotoo ang mga nakakita na ang sanggol na si Jesus ay ang Mesiyas. Sa edad na 12, si Jesus ay nagturo sa templo. Nangaral ng pagsisisi si Juan Bautista at bininyagan si Jesus. Itinala ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus.

Lucas 4–8. Tinukso si Jesucristo sa ilang. Inihayag Niya sa Nazaret na Siya ang Mesiyas at hindi Siya tinanggap. Pumili Siya ng Labindalawang Apostol at nagturo sa Kanyang mga disipulo. Siya ay nagpatawad ng mga kasalanan at nagsagawa ng maraming himala.

Lucas 9–14. Ang Labindalawang Apostol ay isinugo upang mangaral at magpagaling. Pinakain ni Jesucristo ang mahigit 5,000 tao at nagbagong-anyo sa isang bundok. Tumawag Siya ng Pitumpu at isinugo sila upang mangaral. Siya ay nagturo tungkol sa pagkadisipulo, pagpapaimbabaw, at paghatol. Itinuro Niya ang talinghaga ng mabuting Samaritano

Lucas 15–17. Nagturo si Jesucristo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Nagturo Siya tungkol sa kasalanan, pananampalataya, at pagpapatawad. Siya ay nagpagaling ng 10 ketongin at nagturo tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Lucas 18–22. Patuloy na nagturo si Jesucristo gamit ang mga talinghaga. Pinagaling Niya ang isang lalaking bulag at tinuruan si Zaqueo. Siya ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem sakay ng asno, nanangis para sa lungsod, at nilinis ang templo. Ibinadya Niya ang pagkawasak ng Jerusalem at binanggit ang mga tanda na magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Pinasimulan Niya ang sakramento, tinuruan ang Kanyang mga Apostol, at nagdusa sa Getsemani. Siya ay ipinagkanulo, dinakip, kinutya, pinahirapan, at nilitis.

Lucas 23–24. Si Jesucristo ay nilitis sa harap nina Pilato at Herodes, ipinako sa krus, at inilibing. Ang mga anghel sa libingan at ang dalawang disipulo sa daan patungong Emaus ay nagpatotoo na si Jesucristo ay nabuhay na muli. Nagpakita ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo sa Jerusalem, nangako sa Kanyang mga Apostol na ipagkakaloob sa kanila ang kapangyarihang mula sa Diyos, at umakyat sa langit.