Unit 12: Day 2
Lucas 22
Pambungad
Habang papatapos na ang Kanyang ministeryo dito sa mundo, pinasimulan ni Jesus ang sakramento, itinuro sa Kanyang mga disipulo na paglingkuran ang iba, at iniutos kay Pedro na patibayin at palakasin ang kanyang mga kapatid. Nagsimula ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Siya ay dinakip at nilitis sa harapan ni Caifas. Habang nililitis ang Tagapagligtas, ikinaila Siya ni Pedro.
Lucas 22:1–38
Pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento at tinagubilinan ang Kanyang mga Apostol
Isipin mo kunwari na nakaupo ka at ang isa sa iyong mga kapamilya sa sahig ng inyong bahay. Gustong tumayo ng kapamilya mo at humingi ito ng tulong sa iyo. Gaano mo siya matutulungan kung nakaupo ka pa rin sa sahig? Ano ang magiging kaibhan kung tatayo ka muna?
Matutulungan ka ng analohiyang ito na maunawaan kung ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mas umunlad sa espirituwal.
Sa pag-aaral mo ng Lucas 22, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malaman kung paano matutulungan ang iba na mas umunlad sa espirituwal.
Nalaman natin sa Lucas 22:1–30 na sa nalalapit na pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa buhay na ito, pinulong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol upang ipagdiwang ang Paskua. Sa panahong iyan, sinabi Niya na isa sa kanila ay ipagkakanulo Siya, pinasimulan Niya ang ordenansa ng sakramento at iniutos na gawin ito bilang pag-alaala sa Kanya, at itinuro Niya sa kanila na ang mga naglilingkod sa kanilang kapwa-tao ay pinakadakila sa lahat. Pinuri rin ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol sa patuloy na pagsunod sa Kanya at ipinangako sa kanila na balang-araw ay mauupo sila sa mga luklukan at hahatulan ang labindalawang lipi ng Israel.
Basahin ang Lucas 22:31–32, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas na hangarin ni Satanas.
Ang sumusunod na paglilinaw ay ibinigay ng Joseph Smith Translation sa talata 31: “At sinabi ng Panginoon, Simon, Simon, masdan hangad ni Satanas na ikaw ay mapasa kaniya, upang kaniyang maliglig ang mga anak ng kaharian gaya ng trigo” (Joseph Smith Translation, Luke 22:31). Sa madaling salita, gusto ni Satanas na mabitag si Pedro upang mas madali niyang mabitag ang iba pang mga miyembro ng Simbahan.
“Ang trigo ay nililiglig sa pamamagitan ng paghihiwalay ng mga butil mula sa ipa. Ang mahalagang butil ay iniingatan, samantalang ang karaniwang ipa ay itinatapon. Kung ang mga Banal ay magpapadala sa tukso at makikibahagi sa mga kasalanan ng mundo, hindi na sila magiging kakaiba at matutulad sa ipa” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 183). Sa analohiya ng Tagapagligtas, ang pananampalataya at patotoo ni Pedro at ng iba ay maaaring ihalintulad sa butil na nais ni Satanas na ihiwalay, o kunin mula sa kanila.
Maglista ng isa o dalawang bagay na nalaman mo tungkol kay Pedro na nagpapakita na mayroon na siyang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo:
Maaari mong markahan sa Lucas 22:32 kung ano ang sinabi ng Tagapagligtas na kailangan pang maranasan ni Pedro bago niya mapagtibay ang kanyang mga kapatid.
Ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo ay natanggap ng isang tao ang “kaalaman at isang espirituwal na patotoo na ibinigay ng Espiritu Santo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Patotoo,” scriptures.lds.org). Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo ay “pagbabago ng isang tao ng kanyang paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.lds.org).
Batay sa sinabi ng Panginoon kay Pedro sa Lucas 22:32, matutukoy natin ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, mapagtitibay natin ang iba.
-
Kapag binago natin ang ating mga paniniwala at kilos at iniayon ang mga ito sa kalooban ng Diyos, matutulungan o mapagtitibay natin ang iba. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano nauugnay sa alituntuning ito ang analohiya na pagtulong sa isang tao na makatayo?
-
Ano sa palagay mo ang makatutulong sa isang tao na lalo pang maging matatag sa ebanghelyo?
-
Basahin ang Lucas 22:33–34, na inaalam kung paano tumugon si Pedro sa payo ng Tagapagligtas at kung ano ang ipinropesiya ng Tagapagligtas na gagawin ni Pedro. Maaari mong markahan ang iyong nalaman.
Isang mas detalyadong bersyon tungkol sa talang ito ang nakatala sa Mateo 26. Basahin ang Mateo 26:35, na inaalam kung ano ang sinabi ni Pedro sa Tagapagligtas matapos marinig ang propesiya.
Lucas 22:39–53
Ang Tagapagligtas ay nagdusa sa Getsemani, na nagpawis ng malalaking patak ng dugo, at ipinagkanulo ni Judas
Pagkatapos ng Paskua, nagpunta si Jesus at ang Kanyang mga Apostol sa Halamanan ng Getsemani. Basahin ang Lucas 22:39–43, na inaalam ang ginawa ng Tagapagligtas doon. Maaari mong markahan sa talata 43 kung sino ang nagpalakas sa Kanya.
Mula sa talang ito, natutuhan natin na kung handa tayong sumunod sa Ama sa Langit, bibigyan Niya tayo ng lakas na magawa ang Kanyang kalooban.
Ano ang ilan sa mga paraan na mapapalakas tayo ng Ama sa Langit?
Isipin ang isang pagkakataon na napalakas ka ng Ama sa Langit nang sikapin mong gawin ang Kanyang kalooban.
Ang tala ni Lucas tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani ay kinapapalooban ng mahahalagang detalye na hindi kasama sa mga tala na ibinigay nina Mateo at Marcos. Basahin ang Lucas 22:44, na inaalam kung paano inilarawan ni Lucas ang pagdurusa ng Tagapagligtas. Maaari mong markahan ang mga salita na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Nagpawis si Jesucristo ng malalaking patak ng dugo habang nagdurusa Siya sa Halamanan ng Getsemani.
Inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang sariling pagdurusa sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:18, na inaalam kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagdurusa. Basahin din ang Mosias 3:7. Maaari mong isulat ang Doktrina at mga Tipan 19:18 at Mosias 3:7 sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Lucas 22:44 bilang cross-reference.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang naisip mo nang malaman mo na nagdusa nang labis para sa iyo si Jesucristo?
-
Nang malaman mo ang katotohanang ito, paano nito napalakas ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa iyo?
-
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas:
“Hindi natin alam, hindi natin masasabi, walang mortal na isipan ang makauunawa sa lubos na kahalagahan ng ginawa ni Cristo sa Getsemani.
“Alam nating lumabas ang maraming patak ng dugo mula sa bawat butas ng kanyang balat nang inumin Niya ang mapait na sarong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama.
“Alam nating nagdusa Siya, kapwa sa katawan at espiritu, nang higit kaysa kayang tiisin ng tao, maliban sa kamatayan.
“Alam natin na sa paraang hindi natin maunawaan, tinugon ng Kanyang pagdurusa ang mga hinihingi ng katarungan, tinubos ang nagsisising mga kaluluwa mula sa mga pasakit at parusa ng kasalanan, at kinaawaan ang mga naniniwala sa Kanyang banal na pangalan.
“Alam natin na napahandusay Siya sa lupa sa sobrang sakit at pagdurusa sa napakabigat na pasaning naging dahilan para Siya ay manginig at magnais na kung maaari ay hindi Niya lagukin ang mapait na saro.
“Alam natin na bumaba ang isang anghel mula sa kalangitan upang palakasin Siya sa Kanyang pagdurusa, at ipinalagay natin na ito ang dakilang si Miguel, na unang nahulog upang ang tao ay maging gayon.
“At sa ating palagay, ang sukdulang paghihirap na ito—ang pagdurusang ito na walang katulad—ay nagpatuloy sa loob ng mga tatlo o apat na oras” (“The Purifying Power of Gethsemane,” Ensign, Mayo 1985, 9).
Nalaman natin sa Lucas 22:45–48 na matapos magdusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, Siya ay ipinagkanulo ni Judas Iscariote.
Basahin ang Lucas 22:49–51, na inaalam kung ano ang ginawa ni Pedro (tingnan sa Juan 18:10) nang ang mga punong saserdote at mga iba pa ay dumating upang dakpin si Jesus. Maaari mong markahan ang ginawa ng Tagapagligtas para sa alipin ng mataas na saserdote.
Nalaman natin sa Lucas 22:52–53 na nagtanong ang Tagapagligtas kung bakit Siya sa gabi dinarakip ng mga punong saserdote at ng mga iba pa at hindi sa umaga kapag Siya ay naroon sa templo.
Lucas 22:54–71
Si Jesus ay nilitis sa harapan ng Sanedrin, at ikinaila Siya ni Pedro
Nalaman natin sa Lucas 22:54 na sinundan ni Pedro ang Tagapagligtas nang dalhin Siya sa bahay ng mataas na saserdote upang litisin.
-
Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Habang binabasa mo ang bawat isa sa mga talata sa banal na kasulatan, alamin kung sino ang taong kumausap kay Pedro at ano ang sinabi ni Pedro habang nililitis ang Tagapagligtas. Isulat ang iyong mga sagot sa angkop na mga column. (Paalala: Lahat ng apat na Ebanghelyo ay naglalaman ng tala tungkol sa pagkakaila ni Pedro, ngunit ang tala ni Juan ay naglalaman ng mas maraming detalye.)
Reperensya |
Sino ang kumausap kay Pedro? |
Ano ang sinabi ni Pedro? |
---|---|---|
Kapag natapos mo na ang chart, sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit ikinaila ni Pedro na kilala niya si Jesus sa bawat isa sa mga taong ito?
Basahin ang Lucas 22:61–62, na inaalam ang nangyari pagkatapos ikaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas.
Kunwari ay ikaw ang nasa katayuan ni Pedro pagkatapos niyang ikaila nang tatlong beses na kilala niya si Jesus. Ano kaya ang maiisip o madarama mo nang tingnan ka ng Tagapagligtas? Bakit gayon ang madarama mo?
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ang sumusunod tungkol kay Pedro:
“Si Pedro ay klasikong halimbawa kung paano nababago ng ebanghelyo ang mga taong tumatanggap nito. Noong magministeryo ang ating Panginoon sa mundong ito, si Pedro ay may patotoo, mula sa Espiritu, tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo at tungkol sa dakilang plano ng kaligtasan na taglay ni Cristo. ‘Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay,’ sabi niya, na binigkas niya ayon sa Espiritu Santo. (Mat. 16:13–19.) Nang tumalikod sa katotohanan ang ibang tao, nanindigan si Pedro bilang apostol at sinabing, ‘At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.’ (Juan 6:69.) Alam ni Pedro, at iyan ay dahil sa paghahayag.
“Ngunit hindi pa lubos na nagbalik-loob si Pedro, dahil hindi siya naging bagong nilikha ng Espiritu Santo. Sa halip, nang matagal nang may patotoo si Pedro, at sa mismong gabi nang pagdakip kay Jesus, sinabi niya kay Pedro: ‘Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.’ (Lucas 22:32.) Kaagad pagkatapos niyon, at kahit mayroon siyang patotoo, ikinaila ni Pedro na kilala niya si Cristo. (Lucas 22:54–62.) Pagkatapos ng pagpapako sa krus, nangisda si Pedro, upang tawagin lamang muli sa ministeryo ng nabuhay na muling Panginoon. (Juan 21:1–17.) Sa wakas, sa araw ng Pentecostes ay natanggap ang ipinangakong espirituwal na pagkakaloob; si Pedro at ang lahat ng matatapat na disipulo ay naging mga bagong nilikha ng Espiritu Santo; sila ay tunay na nagbalik-loob; at ang mga nagawa nila pagkatapos niyon ay patunay na lubusan silang nagbago. (Mga Gawa 3; 4.)” (Mormon Doctrine, ika-2 ed. [1966], 162–63).
Nalaman natin sa mga Gawa na matapos matanggap ni Pedro ang kaloob na Espiritu Santo, siya ay lubos na nagbalik-loob at nagbago at iniukol ang nalalabi niyang buhay bilang tapat na disipulo ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 4:13–17; 5:25–29).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga aral ang matututuhan natin sa karanasan ni Pedro?
-
Sino ang isang taong kakilala mo na tila tunay na nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang ginawa ng taong ito para maipakita na siya ay nagbalik-loob?
-
Pag-isipang mabuti ang magagawa mo para mas mapalalim pa ang iyong pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kumilos ayon sa anumang impresyon na maaaring matanggap mo.
Nalaman natin sa Lucas 22:63–71 na kinutya at hinampas ng mga punong saserdote ang Tagapagligtas.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Lucas 22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: