Library
Unit 32, Day 2: Apocalipsis 14–16


Unit 32: Day 2

Apocalipsis 14–16

Pambungad

Sa isang pangitain, nakita ni Apostol Juan na dumating ang isang anghel upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw. Narinig din niya ang isang tinig mula sa langit na inilalarawan ang mga pagpapalang matatamo ng mga taong namatay na matapat sa Panginoon. Nakita ni Juan ang pagtitipon ng mabubuti at ang pagtitipon ng masasama sa mga huling araw at ang mga paghahatol ng Diyos na ibubuhos sa masasama.

Apocalipsis 14

Nakita ni Juan ang panunumbalik ng ebanghelyo at ang pagtititpon ng mabubuti at masasama

May mga taong nag-iisip kung posible bang makadama ng kapayapaan sa daigdig na puno ng kasamaan, kalamidad, at karahasan. Isipin ang maaari mong sabihin sa mga taong ito.

Sa iyong pag-aaral ng Apocalipsis 14–16, alamin ang mga katotohanang magbibigay sa iyo ng kapayapaan sa daigdig na puno ng kasamaan, kapahamakan, at karahasan.

Sa Apocalipsis 14:1–13, mababasa natin na nakita ni Apostol Juan ang isang pangitain tungkol sa mga huling araw, o sa ating panahon. Nakita niya sa kanyang pangitain ang mga kalamidad na darating sa masasama. Nakita rin niya kung ano ang magdadala ng kapayapaan sa mabubuti sa ating panahon.

Basahin ang Apocalipsis 14:1–5, at alamin kung sino ang nakita ni Juan na kasama ng Tagapagligtas na nakatayo “sa bundok ng Sion” (Apocalipsis 14:1), o Sion.

Maaalala mo na ang 144,000 taong binanggit sa talata 1 ay ang matataas na saserdote ng labindalawang lipi ni Israel mula sa bawat bansa na inordenan upang magdala ng mga tao “sa simbahan ng Panganay” (D at T 77:11; tingnan sa Apocalipsis 7:4–8). Ang parirala na “hindi nangahawa sa mga babae” (Apocalipsis 14:4) ay nangangahulgang magiging malinis ang kanilang puri, o moralidad. Ang ibig sabihin sa Apocalipsis 14:5 ng mga katagang “sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan” ay tapat sila at ang ibig sabihin ng mga katagang “walang dungis” ay malinis sila mula sa kasalanan.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit ang pagiging malinis ang puri, tapat, at malinis mula sa kasalanan ay tutulong sa 144,000 high priest sa pagdadala ng ebanghelyo sa iba?

Sa pangitain ni Juan tungkol sa mga huling araw, nakakita siya ng tatlo pang anghel. Basahin ang Apocalipsis 14:6, at alamin kung ano ang dala ng unang anghel.

Matapos banggitin ang Apocalipsis 14:6, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Dumating na ang anghel na iyan. Ang pangalan niya ay Moroni” (“Stay the Course—Keep the Faith,” Ensign, Nob. 1995, 70).

Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith sa Kanyang Silid

Unang nagpakita si anghel Moroni kay Joseph Smith noong 1823 at sinabi sa kanya na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa kanya (tingnan sa Joseph Smith––Kasaysayan 1:29–35). Ayon sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:34, sa tagubilin ng Diyos, ano ang sinabi ni Moroni kay Joseph Smith na nakatulong sa pagpapanumbalik ng walang hanggang ebanghelyo sa mundo?

estatwa ni Anghel Moroni

Makatutulong sa iyo na malaman ang ginampanan ni Moroni sa Panunumbalik para maunawaan kung bakit nasa tuktok ng karamihan sa ating mga templo ang estatwa niya.

Ang anghel na inilarawan sa Apocalipsis 14:6 ay maaaring kumatawan din sa maraming iba’t ibang sugo mula sa langit, kabilang si Moroni, na tumulong sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:529–31; tingnan din sa D at T 13; 110:11–16; 128:20–21).

Basahin ang Apocalipsis 14:7, at alamin kung ano ang sinabi ng anghel. Ang mga katagang “dumating ang panahon ng kaniyang paghatol” ay tumutukoy sa panahong hahatulan ng Tagapagligtas ang lahat ng tao sa buong mundo. Ang Kanyang paghatol ay mangyayari kapwa sa Kanyang Ikalawang Pagparito at sa Huling Paghuhukom.

Mula sa pangitain ni Juan tungkol sa anghel, nalaman natin na ang isang dahilan kung bakit ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo ay upang ihanda ang mga naninirahan sa lupa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Sa paanong paraan inihahanda ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga tao para sa Kanyang Ikalawang Pagparito?

Paano nagdulot ng kapayapaan sa iyo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo habang namumuhay ka sa isang daigdig na puno ng kasamaan at kaguluhan?

Basahin ang Apocalipsis 14:8–11, at alamin kung ano ang sinabi ng pangalawa at pangatlong anghel.

Itinuro kay Juan na ang Babilonia, o kasamaan, ay iiral sa lahat ng bansa. Isang kahulugan ng mga katagang “naguho ang Babilonia” (Apocalipsis 14:8) ay darating ang panahon na magwawakas ang kasamaan sa daigdig.

Isipin kung paano magdudulot sa iyo ng kapayapaan ang kaalaman na magwawakas ang kasamaan sa daigdig.

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith kung ano ang mararanasan ng masasama pagkatapos nilang mamatay:

Propetang Joseph Smith

“Ang malaking kalungkutan ng mga namatay na nasa daigdig ng mga espiritu, kung saan sila pumaparoon matapos mamatay, ay ang malaman na bigo silang makamtan ang kaluwalhatiang tinatamasa ng iba na sana’y tinatamasa rin nila, at sila mismo ang nagsakdal sa kanilang sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 261).

“Ang tao ang nagpapahirap at sumusumpa sa kanyang sarili. Kaya nga sinasabing, Sila ay magtutungo sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre [tingnan sa Apocalipsis 21:8]. Ang pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao ay kasingtindi ng isang lawang nagniningas sa apoy at asupre” (Mga Turo: Joseph Smith, 261).

Matapos malaman kung ano ang mararanasan ng masasama pagkatapos nilang mamatay, narinig ni Juan ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi kung ano ang mararanasan ng mabubuti pagkatapos nilang mamatay.

Basahin ang Apocalipsis 14:12–13, at alamin kung ano ang mararanasan ng mabubuti pagkatapos nilang mamatay.

Ang ibig sabihin ng “mangagpahinga sa [ating] mga gawa” (talata 13) pagkatapos nating mamatay ay hindi na tayo magkakaroon ng mga suliranin, alalahanin, at kalungkutan (tingnan sa Alma 40:12).

Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa Apocalipsis 14:12–13 ay kung mamumuhay tayo nang mabuti o matwid, pagpapalain tayo sa ating mga gawa at makagpapahinga mula sa ating mga gawain matapos tayong mamatay. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 14:12–13.

  1. journal iconIsipin kung paano magbibigay sa iyo ng kapayapaan ang alituntuning ito bagama’t nabubuhay ka sa daigdig na puno ng kasamaan. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang maikling sulat na nanghihikayat sa isang kaibigan na maaaring nag-iisip kung sulit bang mamuhay nang matwid habang napaliligiran ng kasamaan.

Nabasa natin sa Apocalipsis 14:14–20 na nakita ni Juan sa kanyang pangitain ang dalawang pag-aani. Nakita niya sa unang pag-aani na ang mabubuti ay matitipon mula sa masasama (tingnan sa Apocalipsis 14:14–16) at sa ikalawang pag-aani na ang masasama ay matitipon at lubusang malilipol (tingnan sa Apocalipsis 14:17–20).

Apocalipsis 15–16

Nakita ni Juan ang mabubuti sa selestiyal na kaharian at ang pitong salot sa mga huling araw

Ang Apocalipsis 15:2–4 ay naglalaman ng karagdagang paglalarawan ni Apostol Juan tungkol sa mangyayari sa mga magtatagumpay laban kay Satanas at maliligtas sa kahariang selestiyal. Nakatala sa natitirang bahagi ng Apocalipsis 15–16 ang kanyang paglalarawan sa pitong salot na magpapahirap sa masasama sa mga huling araw. Ang mga salot na ito ay mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Sa pangitain ni Juan, inilarawan ang bawat salot sa pamamagitan ng isang anghel na nagbubuhos ng “mangkok,” o sisidlan, “na puno ng kagalitan ng Dios” (Apocalipsis 15:7). Basahin ang mga sumusunod na talata mula sa Apocalipsis 16, at alamin ang pitong salot. Sumulat ng maikling deskripsyon tungkol sa bawat salot sa tabi ng katugmang numero nito sa sumusunod na chart:

mangkokSalot 1: Apocalipsis 16:2

mangkokSalot 2: Apocalipsis 16:3

mangkokSalot 3: Apocalipsis 16:4

mangkokSalot 4: Apocalipsis 16:8–9

mangkokSalot 5: Apocalipsis 16:10–11

mangkokSalot 6: Apocalipsis 16:12

mangkokSalot 7: Apocalipsis 16:17–21

Basahin ang Apocalipsis 16:15, at alamin ang magagawa natin upang maging handa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Ang mga katagang “nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya’y lumakad na hubad” (Apocalipsis 16:15) ay tumutukoy sa espirituwal na kahandaan. Ang mga “[pinananatiling maputi ang kanilang] mga damit” at espirituwal na handa ay magsusuot kalaunan ng balabal ng kabutihan na ibinibigay sa lahat ng karapat-dapat na mamuhay sa piling ng Diyos sa kahariang selestiyal (tingnan sa Apocalipsis 3:3–5; 7:13–17).

Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 16:15: Kung tayo ay mapagbantay at espirituwal na handa, magiging handa tayo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Mahalagang maalala na mahal ng Panginoon ang Kanyang mga tao at iingatan sila sa mga huling araw, maging sa gitna ng labis na pagkawasak at malaking digmaan. Dapat tayong maging mapagbantay at maging espirituwal na handa upang matanggap natin ang pangangalaga at mga pagpapala ng Panginoon. Kung gusto mong malaman pa ang tungkol sa Armagedon na binanggit sa Apocalipsis 16:16, tingnan ang entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na “Armagedon.”

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 14–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: