Library
Unit 29, Day 4: I Ni Pedro 3–5


Unit 29: Day 4

I Ni Pedro 3–5

Pambungad

Hinikayat ni Apostol Pedro ang mga Banal na laging maging handa na magpatotoo tungkol kay Jesucristo at mamuhay nang matwid upang mapabulaanan nila ang mga maling paratang sa kanila. Itinuro niya na ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang pumanaw. Ipinayo rin ni Pedro sa matatanda o mga elder ng Simbahan na pangalagaan ang mga kawan ng Diyos tulad ng pangangalaga ni Jesucristo, ang Pangulong Pastor.

I Ni Pedro 3:1–17

Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na magkaisa sa kabutihan at laging maging handa na magpatotoo tungkol kay Cristo

Basahin ang sumusunod na kuwento ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Magkakaroon tayo ng mga oportunidad sa buhay natin na ibahagi ang ating paniniwala, bagama’t hindi natin palaging malalaman kung kailan ito darating. Nagkaroon ako ng gayong oportunidad noong 1957, nang magtrabaho ako sa isang publishing business at pinapunta sa Dallas, Texas, [USA,] na tinatawag minsan na ‘lungsod ng mga simbahan,’ upang magsalita sa isang miting ng mga negosyante. Pagkatapos ng miting, sumakay ako sa bus para maglibot sa mga bayan sa labas ng lungsod. Sa pagdaan namin sa iba’t ibang simbahan, sinasabi ng drayber namin, ‘Sa kaliwa ay makikita ninyo ang Methodist church,’ o ‘Doon sa kanan ang Catholic cathedral.’

“Nang mapadaan kami sa isang magandang gusali na yari sa pulang laryo na nakatayo sa isang burol, ang sabi ng drayber, ‘Sa gusaling iyan nagpupulong ang mga Mormon.’ Isang babae sa bandang likuran ng bus ang sumigaw, ‘Mamang drayber, maaari ba kayong magkuwento sa amin tungkol sa mga Mormon?’

“Inihinto ng drayber ang bus sa gilid ng kalsada, lumingon at sumagot ng, ‘Binibini, ang alam ko lang sa mga Mormon ay nagpupulong sila sa gusaling iyan. Mayroon ba sa inyo rito na nakakaalam tungkol sa mga Mormon?’” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 67).

Kung nakasakay ka sa bus na iyon, ano kaya ang gagawin o sasabihin mo?

Sa paanong paraan magiging kasiya-siya sa iyo ang oportunidad na ito? Sa paanong paraan magiging isang hamon ito para sa iyo?

Sa pag-aaral mo ng I Ni Pedro 3:1–17, alamin ang alituntuning makatutulong sa iyo kapag nagkaroon ka ng oportunidad na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Nabasa natin sa I Ni Pedro 3:1–11 na hinimok ni Apostol Pedro ang mga babae na tumulong na mailapit kay Cristo ang kanilang mga walang pananalig na asawa sa pamamagitan ng kanilang mabuting pag-uugali. Pinayuhan niya ang mga lalaki na igalang ang kanilang mga asawa. Pinayuhan din niya ang mga miyembro na “mangagkaisang akala” (I Ni Pedro 3:8) at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.

Basahin ang I Ni Pedro 3:14–16, na inaalam ang ipinayo ni Pedro na gawin ng mga Banal kapag may nakaharap sila na mga taong pinagdududahan ang kanilang mga paniniwala o inuusig sila dahil sa mga paniniwalang iyon.

Ang salitang pagsagot sa talata 15 ay maaari ding isalin bilang “pagtatanggol.” Ipinayo ni Pedro sa mga Banal na ibahagi at ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala. Pansinin din na iminungkahi ni Pedro na gawin nila ito nang may kaamuan at takot. Ang ibig sabihin ng kaamuan ay kahinahunan, kapakumbabaan, at tiyaga (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maamo, Kaamuan,” scriptures.lds.org). Ang ibig sabihin ng salitang takot ay pagpipitagan o paggalang.

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa I Ni Pedro 3:15 ay na bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating pagsikapan na lagi tayong maging handa na ibahagi at ipagtanggol ang ating mga paniniwala nang may kapakumbabaan at pagpipitagan. Maaari mong isulat o lagyan ng tanda ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng I Ni Pedro 3:15.

Basahin ang natitirang bahagi ng kuwento ni Pangulong Monson tungkol sa naranasan niya habang nasa bus:

Pangulong Thomas S. Monson

“Naghintay ako na may sumagot. Tiningnan ko ang ekspresyon sa mukha ng bawat pasahero kung mayroon mang gustong magsalita o magbigay ng puna. Wala. Natanto ko na nasasaakin na kung gagawin ko ang ipinayo ni Apostol Pedro na ‘lagi kayong maging handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.’ Naunawaan ko rin ang katotohanan ng kawikaang ‘Kapag panahon na para magpasiya, ang pagpapasiya ay nagawa na.’

“Sa sumunod na 15 minuto o mahigit pa, nagkaroon ako ng pribilehiyo na ibahagi sa mga nakasakay sa bus ang aking patotoo hinggil sa Simbahan at sa ating paniniwala. Nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng patotoo at naging handang ibahagi ito” (“Tapang na Manindigang Mag-isa,” 67).

  1. journal iconSagutin ang dalawa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang ilang bagay na magagawa mo upang lagi kang handa na ibahagi ang iyong mga paniniwala?

    2. Sa iyong palagay, bakit mahalagang ibahagi ang ating mga paniniwala nang may kapakumbabaan at pagpipitagan?

    3. Kailan ka nagbahagi ng iyong mga paniniwala sa iba?

Isipin kung paano ka maghahandang ibahagi at ipagtanggol ang iyong mga paniniwala. Kumilos ayon sa anumang inspirasyon na natatanggap mo.

I Ni Pedro 3:18–4:19

Ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang pumanaw

Kunwari ay isa kang full-time missionary. Pag-isipan kung ano ang isasagot mo sa taong nagsabi ng sumusunod: “Naniniwala ako na totoo ang itinuturo ninyo sa akin, pero iniisip ko kung ano kaya ang mangyayari sa mga taong namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang katotohanan. Hindi makatarungan na parusahan o hadlangan sila ng Diyos na makasama Siyang muli kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na malaman ang Kanyang plano ng kaligtasan.”

Basahin ang I Ni Pedro 3:18–20, pati na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Ni Pedro 3:20 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Pagkatapos ay basahin ang I Ni Pedro 4:5–6, pati na ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Ni Pedro 4:6 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Habang nagbabasa ka, alamin ang mga katotohanang itinuro ni Pedro na maaari mong ibahagi sa taong tinuturuan sa nabanggit na sitwasyon. Ang “mga espiritung nasa bilangguan” sa I Ni Pedro 3:19 ay tumutukoy sa mga nasa daigdig ng mga espiritu na hindi tinanggap ang ebanghelyo o hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ito habang nasa mundo.

Ano ang nalaman natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga nasa daigdig ng mga espiritu na hindi tinanggap ang ebanghelyo o hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ito sa buhay na ito?

Pangulong Joseph F. Smith

Pangulong Joseph F. Smith

Pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kahulugan ng I Ni Pedro 3:18–20 at I Ni Pedro 4:6 nang matanggap niya ang isang paghahayag at pangitain tungkol sa pagpunta ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu. Ang paghahayag na ito ay itinala bilang Doktrina at mga Tipan 138. Nakita ni Pangulong Smith si Jesucristo, sa pagitan ng panahon ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, na ipinangangaral ang ebanghelyo at personal na nagmiministeryo sa mabubuting espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Pagkatapos ay bumuo si Jesucristo ng pangkat ng mabubuting tagapaglingkod at binigyan sila ng karapatan na ituro ang ebanghelyo sa mga espiritu na nasa bilangguan ng mga espiritu (tingnan sa D at T 138:1–12, 18–19, 27–30).

Ayon sa I Ni Pedro 4:6, bakit ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga patay?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa talatang ito ay na ipinangaral ang ebanghelyo sa mga patay upang magkaroon din sila ng parehong mga pagkakataon tulad ng mga taong nakapakinig ng ebanghelyo sa buhay na ito. (Pansinin na ang I Ni Pedro 4:6 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang mas madali mo itong mahahanap.)

  1. journal iconPag-aralang muli ang sitwasyong nabasa mo sa simula ng lesson na ito. Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo gagamitin ang I Ni Pedro 4:6 para masagot ang tanong na nabasa mo. Ilakip ang nadarama mo tungkol sa dahilan kung bakit naging katibayan ng awa at habag ng Diyos para sa Kanyang mga anak ang doktrina ng kaligtasan para sa mga patay.

Nabasa natin sa I Ni Pedro 4:7–19 na hinimok ni Pedro ang mga Banal na magkaroon ng maningas na pag-ibig sa kapwa-tao sapagkat ang pag-ibig ay nag-aadya sa maraming kasalanan. Tinukoy rin niya ang “mahigpit na pagsubok” (I Ni Pedro 4:12) sa hinaharap na kailangang pagtiisan ng mga Banal, at itinuro niya sa mga Banal na magalak kapag sila ay dumaranas ng mga pagsubok at panlalait dahil sa paniniwala nila kay Jesucristo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—I Ni Pedro 4:6

  1. journal iconIsulat ang mga salita mula sa 1 Ni Pedro 4:6 sa maliit na kard o kapirasong papel. Sa kabilang panig ay isulat ang magagawa mo para matulungan ang iyong mga ninuno na tinanggap ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu at naghihintay na mapalaya sa bilangguan ng mga espiritu. Sa iyong scripture study journal, isulat na nakumpleto mo na ang assignment na ito. Sa susunod na linggo, isaulo ang 1 Ni Pedro 4:6 sa pamamagitan ng pagbigkas dito tuwing umaga at tuwing gabi bago ka manalangin. Tingnan mo ring muli ang isinulat mo tungkol sa mga paraan na makakabahagi ka sa gawain ng kaligtasan para sa iyong mga ninuno.

I Ni Pedro 5

Pinayuhan ni Pedro ang mga elder na pangalagaan ang kawan ng Diyos at hinikayat ang mga Banal na manatiling matatag sa pananampalataya

Para maihanda ang mga Banal sa mga pagsubok na mararanasan nila, itinuro ni Apostol Pedro sa mga elder ng Simbahan ang kanilang mga responsibilidad bilang mga lider ng Simbahan. Basahin ang 1 Ni Pedro 5:1–3, na inaalam ang ipinayo ni Pedro sa mga elder ng Simbahan.

Ang ibig sabihin ng “pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios” (talata 2) ay ang pangalagaan at bantayan ang mga miyembro ng Simbahan. Itinuro ni Pedro na ang mga lider ng Simbahan ay dapat kusa at buong pagmamahal na maglingkod sa halip na gawin ito nang labag sa kalooban o may hinihintay na kapalit. Sila ay dapat maging mabuting halimbawa sa mga miyembro sa halip na mga “panginoon” (talata 3) sa kanila.

Isang katotohanang itinuturo ng mga talatang ito ay na may responsibilidad ang mga lider ng Simbahan na pangalagaan at bantayan ang kawan ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at halimbawa.

Basahin ang I Ni Pedro 5:4, na inaalam kung ano ang itinawag ni Pedro sa Tagapagligtas.

Si Cristo na may hawak na tupa

Anong mga katangian ni Cristo ang makatutulong sa mga lider ng Simbahan sa pagbabantay at pangangalaga sa mga miyembro ng Simbahan?

Paano ka napagpala ng isang lider ng Simbahan na may pagmamahal o halimbawa na katulad ng kay Cristo?

Kapag iginalang, pinagtiwalaan, at sinunod mo ang mga lider ng Simbahan na tinawag ng Panginoon, tutulong sila sa espirituwal na pagpapakain at pangangalaga sa iyo.

Sa I Ni Pedro 5:5–14, itinuro ni Pedro sa mga Banal na igalang ang matatanda, ilagak o ipaubaya ang kanilang kabalisahan kay Jesucristo, at manatiling matatag sa kanilang pananampalataya, sa kabila ng mga paghihirap. Tiniyak sa kanila ni Pedro na kung gagawin nila ito, sila ay gagawing sakdal at palalakasin ng Diyos.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Ni Pedro 3–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: