Library
Unit 20, Day 3: Mga Taga Roma 1–3


Unit 20: Day 3

Mga Taga Roma 1–3

Pambungad

Gumawa si Apostol Pablo ng sulat para sa mga Banal sa Roma. Ipinahayag niya rito na ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas [ng bawat sumasampalataya]. Ipinaliwanag niya na dahil lahat ng tao ay nagkakasala, walang maliligtas sa pamamagitan ng mga sarili nilang gawa. Dapat silang maligtas ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang sumusunod na listahan ay makatutulong upang maunawaan ang ilan sa mga salitang ginamit ni Pablo sa kanyang mga sulat:

Ebanghelyo: “Pinapangyari ang plano ng kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kabilang sa ebanghelyo ang mga katotohanang walang hanggan o mga batas, tipan, at kinakailangang ordenansa upang makabalik muli ang sangkatauhan sa kinaroroonan ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo,” scriptures.lds.org).

Kaligtasan: “Ang maligtas mula sa [pisikal] at espirituwal na kamatayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan,” scriptures.lds.org).

Inaring-ganap [Pagbibigay-Katwiran, Pangatwiranan]: “Ang mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala. Ang isang tao ay nabibigyang-katwiran ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. Ang pananampalatayang ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa tao ng pagkakataong magsisi at mabigyang-katwiran o mapatawad mula sa mga kaparusahang kanila sanang matatanggap” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-Katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.lds.org).

Pananampalataya: “Katulad ng pinakamadalas gamitin sa mga banal na kasulatan, ang pananampalataya ay matibay na paniniwala at pananalig kay Jesucristo na umaakay sa isang tao upang sumunod sa kanya. Kailangang ang pananampalataya ay nakatuon kay Jesucristo upang ito ang umakay sa isang tao tungo sa kaligtasan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” scriptures.lds.org).

Pampalubag-loob: Pagsasauli (pagbabalik muli o pagwawasto); pagbabayad-sala (“Tulad ng pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ang magbayad-sala ay pagdusahan ang parusang bunga ng kasalanan, sa gayon inaalis ang mga ibubunga ng kasalanan mula sa nagsisising makasalanan at pinahihintulutan siyang makipagkasundo sa Diyos. Si Jesucristo ang tanging may kakayahang gumawa ng isang ganap na pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bayad-sala, Pagbabayad-sala,” scriptures.lds.org].)

Biyaya “Ang kapangyarihang mula sa Diyos na nagbibigay-daan upang makamit ng mga kalalakihan at kababaihan ang mga pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan at kadakilaan matapos nilang isagawa ang pananampalataya, nagsisi, at ibinigay ang kanilang buong pagsisikap na sundin ang mga kautusan. Ibinibigay ang gayong dakilang tulong o lakas sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos. Nangangailangan ang bawat mortal na tao ng dakilang biyaya dahil sa pagkahulog ni Adan at dahil din sa mga kahinaan ng tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.lds.org).

Mga Gawa: “Ang mga ikinikilos ng isang tao, mabuti man o masama. Ang bawat tao ay hahatulan alinsunod sa sarili niyang mga gawa” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Gawa, Mga,” scriptures.lds.org).

Batas: “Ang mga kautusan o patakaran ng Diyos kung saan ang lahat ng pagpapala at kaparusahan ay nababatay kapwa sa langit at sa lupa. Yaong mga sumusunod sa batas ng Diyos ay nakatatanggap ng mga ipinangakong pagpapala. …

“Ang mga batas ni Moises [ o ‘ang batas,’ tulad ng paggamit ni Pablo] ay isang panimulang batas na magdadala sa mga kalalakihan at kababaihan kay Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Batas,” scriptures.lds.org).

Mga Taga Roma 1:1–17

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas [ng bawat sumasampalataya]

Ibinahagi ni Elder Larry Echo Hawk ng Pitumpu ang kanyang karanasan bilang isang binatilyo matapos magpalista sa United States Marine Corps:

Elder Larry Echo Hawk

“Nakilala ko ang aking drill instructor, isang matapang na beterano sa digmaan, nang pasipa niyang buksan ang pinto ng kuwartel at pumasok habang pasigaw na nagsasalita nang masama.

“Matapos ang nakasisindak na pagpapakilalang ito, nagsimula siya sa isang dulo ng kuwartel at isa-isang tinanong ang mga bagong marino. Walang pinalampas ang drill instructor sa masusi niyang paghahanap ng dahilan upang laitin ang bawat marino sa maingay at malaswang pananalita. Inisa-isa niya ang mga marino, na nagsisisagot nang pasigaw tulad ng utos niya: ‘Opo’ o ‘Hindi po, Sergeant Instructor.’ Hindi ko gaanong makita ang ginagawa niya, dahil inutusan kaming tumayo nang tuwid at diretso ang tingin. Nang tumapat siya sa akin, hinablot niya ang aking bag at ibinuhos ang laman nito sa kama ko sa aking likuran. Tiningnan niya ang mga dala-dala ko, pagkatapos ay bumalik para harapin ako. Inihanda ko ang aking sarili sa pang-iinsulto niya. Hawak niya ang aking Aklat ni Mormon ” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 32).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang madarama mo kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Elder Echo Hawk?

    2. Ano sa palagay mo ang gagawin ng drill instructor?

    3. Nalagay ka na ba sa sitwasyon na nag-alala ka na baka laitin ang iyong mga paniniwala? Kung gayon, ano ang mga sitwasyong iyon?

Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Roma 1, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo sa oras na makaranas ka ng panlalait o pang-uusig dahil sa mga paniniwala at pamantayan mo.

Ang aklat ng Mga Taga Roma ay isang sulat, o liham, na ginawa ni Apostol Pablo para sa mga Banal sa Roma noong malapit nang matapos ang kanyang mga paglalakbay bilang misyonero. Isinulat niya ito upang ihanda sila sa kanyang pagdating, linawin at ipagtanggol ang mga turo niya, at pagkaisahin ang mga Judio at Gentil na mga miyembro ng Simbahan. Ang Roma—na kabisera ng Imperyong Romano—ay puno ng mga pilosopiya ng mundo at mahirap mangaral doon ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Mababasa natin sa Mga Taga Roma 1:1–14 kung paano sinimulan ni Pablo ang kanyang sulat sa pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at pagsasabi na inaasam at hinahangad niya na mabisita ang mga Banal sa Roma.

Basahin ang Mga Taga Roma 1:15–17, at hanapin ang itinuro ni Pablo sa mga Banal na Romano tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang mga talatang ito ay nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya kay Jesucristo. Maaari mong markahan ang mga katagang nagtuturo ng katotohanang ito sa Mga Taga Roma 1:15–17.

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo kung paano tayo maliligtas sa pisikal at espirituwal na kamatayan at makababalik sa piling ng Diyos. Kailangan nating sumampalataya kay Jesucristo para matanggap ang mga pagpapala ng kaligtasan dahil ginawa Niya para sa atin ang Pagbabayad-sala, na nagdulot ng kaligtasan.

“Para kay Pablo, ang pananampalataya [at paniniwala] kay Jesucristo ay hindi lamang pagsang-ayon sa ating isipan na si Jesus ay ang Anak ng Diyos, ito ay isang taos-pusong pagtanggap kay Jesucristo at pagtitiwala sa Kanya bilang Siyang nag-alay ng Kanyang Sarili sa Pagbabayad-sala para sa mga kasalanan natin. Ang lubos na pagtitiwalang ito ay magbubunga ng isang buhay na puno ng pananampalataya, na ipinapakita sa pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag, at pagsisikap na mamuhay ayon sa mga itinuro ni Jesucristo (tingnan sa Mga Gawa 16:30–33; Mga Taga Roma 6:1–11; I Mga Taga Corinto 6:9–11). ‘[Ang] pananampalataya kay Jesucristo … [ay] mapapatunayan … sa buhay na sumusunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo at paglilingkod kay Cristo’ (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaligtasan”; scriptures.lds.org)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 334).

Matutukoy natin sa Mga Taga Roma 1:16 ang alituntunin na kapag nagkaroon tayo ng patotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may kapangyarihang magligtas sa bawat isa atin, hindi tayo mahihiya na ibahagi ito sa iba.)

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa palagay mo, bakit makatutulong ang pagkakaroon ng patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo na magkalakas-loob tayo na ibahagi ito sa iba?

Ipagpatuloy na basahin ang kuwento ni Elder Echo Hawk tungkol sa drill sergeant:

“Inasahan kong sisigawan niya ako; sa halip, lumapit siya sa akin at bumulong, ‘Mormon ka ba?’

“Bilang pagsunod, sumigaw ako, ‘Opo, Sergeant Instructor.’

“Muli kong inasahan na may masamang mangyayari. Sa halip, tumigil siya at itinaas niya ang kamay na may hawak ng Aklat ni Mormon at sa napakahinang tinig ay sinabing, ‘Naniniwala ka ba sa aklat na ito?’

“Muli akong sumigaw,‘Opo, Sergeant Instructor.’

“Sa puntong ito natiyak kong pipintasan niya ang mga Mormon at ang Aklat ni Mormon, pero tahimik lang siyang nakatayo roon. Sa isang saglit ay bumalik siya sa higaan ko at maingat na inilapag ang aking Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay nilagpasan niya ako at patuloy na ininsulto at pinintasan ang lahat ng natitira pang bagong marino” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” 32).

Isipin kung paano naging mabuting halimbawa ng alituntuning itinuro sa Mga Taga Roma 1:16 ang itinugon ni Elder Echo Hawk.

Elder Larry Echo Hawk

Basahin ang natitira pang pahayag ni Elder Echo Hawk: “Madalas kong isipin kung bakit hindi ako ininsulto ng mabagsik na Marine Corps sergeant na iyon noong araw na iyon. Ngunit nagpapasalamat ako at nasabi ko nang walang pag-aalangan, ‘Opo, miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw’ at ‘Opo, alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon.’ Ang patotoong ito ay mahalagang kaloob na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (“Magsilapit Kayo sa Akin, O Kayong Sambahayan ni Israel,” 32).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan ka o ang isang taong kilala mo nagpakita ng lakas ng loob at hindi nahiyang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo?

    2. Ano ang iyong patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo?

    3. Ano ang ilang paraang ginagawa mo para mapalakas ang iyong patotoo sa ebanghelyo? Ano pa ang magagawa mo para mas mapalakas ang iyong patooo? Isulat ang isang mithiin na gagawin mo sa linggong ito na makatutulong na mapalakas ang iyong patotoo.

Mga Taga Roma 1:18–3:23

Ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios

Noong panahon ni Pablo, hinangad ng ilang mga Kristiyanong Gentil na pangatwiranan ang imoral o makasalanang gawain sa pagbibigay-diin sa awa ng Diyos at pagwawalang-bahala sa Kanyang perpektong hustisya. Bukod pa riyan, naniniwala ang ilang Kristiyanong Judio na kailangang sumunod sa batas ni Moises para maligtas. Itinama ni Apostol Pablo ang dalawang maling paniniwalang ito.

Basahin ang Mga Taga Roma 1:22–31, at hanapin ang mga kasalanang ginagawa ng mga Gentil.

Sa Mga Taga Roma 1:25, ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng sambahin at paglingkuran ang “nilalang kay sa Lumalang”?

Ang mga katagang “pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo” sa Mga Taga Roma 1:26 at “na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae” sa Mga Taga Roma 1:27 ay tumutukoy sa homoseksuwalidad. Para mas maunawaan ang posisyon ng Simbahan sa homoseksuwalidad, basahin ang sumusunod na pahayag:

“Ang [mga gawaing homoseksuwal] ay mabigat na kasalanan. Kung naaakit kayo sa kapwa ninyo lalaki o kapwa babae o pinipilit kayong gumawa ng malaswang gawain, humingi ng payo sa inyong mga magulang at bishop. Tutulungan nila kayo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 36).

“[Ang mga gawaing homoseksuwal ay salungat] sa mga layunin ng seksuwalidad ng tao (tingnan sa Mga Taga Roma 1:24–32). Pinapapangit nito ang pagmamahalan at hinahadlangan ang mga tao sa pagtanggap ng mga pagpapalang matatagpuan sa buhay-pamilya at sa nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 53–4).

“Malinaw ang pananaw ng Simbahan sa doktrinang ito: Ang pakikipagtalik ay dapat lamang maganap sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na ikinasal. Gayunman, hindi iyan kailanman dapat gawing dahilan para pakitunguhan nang hindi mabuti ang kapwa. Si Jesucristo, na ating sinusunod, ay malinaw na kinondena ang imoralidad, ngunit nananatili Siyang mahabagin. Ang layunin Niya ay laging iangat ang tao, hindi ang pabagsakin ito. …

“Magkaiba ang pananaw ng Simbahan ukol sa atraksyon sa kapwa babae o kapwa lalaki at sa kilos o pag-uugali na alinsunod dito. Bagama’t ang pagkaakit sa kapwa babae o kapwa lalaki ay hindi naman kasalanan, ang gawaing homoseksuwal ay salungat sa ‘alituntunin ng doktrina, na nakabatay sa sagradong banal na kasulatan … na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay kailangan at mahalaga sa plano ng Manlilikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak’ [‘First Presidency Statement on Same-Gender Marriage’]” (“Same-Sex Attraction,” topics.lds.org).

Bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang mga turo ng mga propeta at mga apostol ng Panginoon tungkol sa homoseksuwal na gawain?

Itinuro ni Pablo sa Mga Taga Roma 2:1–3:8 na ang lahat ng tao ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa at ipinakita niya na ang kasamaan ng mga Judio ay mula sa kanilang pagsunod sa batas ni Moises na pakitang-tao lamang at hindi taos-puso.

Basahin ang Mga Taga Roma 3:9–12, 23, na inaalam kung sino ang sinabi ni Pablo na apektado ng kasalanan.

Maaari mong markahan ang talata 23 tungkol sa epekto sa atin ng mga kasalanan.

Itinuturo ng mga talatang ito ang katotohanan na lahat ng taong may pananagutan ay nagkakasala at nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Paano nakatutulong ang katotohanang ito para mas maunawaan natin kung bakit kailangan natin si Jesucristo?

Sa patuloy mong pag-aaral ng Mga Taga Roma 3, alamin ang mga katotohanang itinuro ni Pablo na nagbibigay sa atin ng pag-asa mula sa ating makasalanang kalagayan.

Mga Taga Roma 3:24–31

Lahat ng tao ay maaaring ariing-ganap o mapawalang-sala sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Cristo

Pagkatapos ipaliwanag na lahat tayo ay nagkakasala at sa gayon ay hahatulan sa harapan ng Diyos dahil hindi Niya matatanggap ang kasalanan, itinuro ni Apostol Pablo sa Mga Taga Roma 3:24–31 kung paano madaraig ang kalagayang iyan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Para maunawaan ang mga talatang ito, kailangan mong maunawaan ang kahulugan ng mga sumusunod na salita: Ang ibig sabihin ng inaring-ganap ay napatawad mula sa kaparusahan ng kasalanan at ipinahayag na walang-sala, ang biyaya ay ang banal na tulong o lakas na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng awa at pagmamahal, at ang pangpalubagloob ay ang pagbabayad-sala.

Basahin ang Mga Taga Roma 3:24–26, na inihahalili ang mga kahulugang ibinigay sa itaas. Maaari mong markahan sa Mga Taga Roma 3:24 kung paano tayo inaaring-ganap, o ipinapahayag na karapat-dapat sa harapan ng Diyos.

Binago ng Joseph Smith Translation ng Mga Taga Roma 3:24 ang salitang walang bayad sa lamang. Kahit pa nakatutulong ang ating mabubuting gawa na maipakita ang pananampalataya natin kay Jesucristo, hindi natin makakamit o matatanggap ang kaligtasan nang tayo lang dahil, tulad ng itinuro ni Pablo, sa Mga Taga Roma 3:23, tayong lahat ay nagkakasala at, samakatwid, ay hindi aabot sa kaligtasan. Tanging sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos—sa Kanyang banal na lakas at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan—tayo maliligtas.

Pansinin sa Mga Taga Roma 3:25–26 na ang mga taong maniniwala at magkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay aariing-ganap o mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Tandaan na ang ibig sabihin ng mga salitang paniniwala at pananampalataya ay buong pusong pagtanggap kay Jesucristo na naghihikayat sa isang tao na maging miyembro ng Kanyang Simbahan na handang sumunod sa Kanyang mga kautusan at maging masunurin sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Matututuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay aariing-ganap o mabibigyang-katwiran at tatanggap ng kaligtasan.

Pagnilayan ang pangangailangan mo ng isang Tagapagligtas, si Jesucristo, upang makatanggap ng kaligtasan. Sumulat ng ilang paraan na maipapakita mo ang tapat na pagtanggap sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:

Isiping ibahagi ang iyong damdamin at patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa taong maaaring matulungan nito sa sandaling marinig niya ang tungkol sa Tagapagligtas.

Muling binigyang-diin ni Pablo sa Mga Taga Roma 3:27–31 na ang mga Judio at Gentil ay kapwa inaring-ganap sa pagsampalataya kay Jesucristo. Sa pagbaling kay Jesucristo sa pamamagitan ng pananampalataya, isinasagawa o “pinagtitibay [nila ang] kautusan” ni Moises (Mga Taga Roma 3:31), na tumutukoy kay Cristo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Taga Roma 1–3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: