Library
Unit 2, Day 1: Mateo 1–2


Unit 2: Day 1

Mateo 1–2

Pambungad

Itinala ni Mateo ang talaangkanan ni Jesucristo, at isang anghel ang nagpahayag kay Jose na si Jesus ay literal na Anak ng Diyos. Ang mga Pantas na Lalake mula sa Silangan ay naglakbay upang hanapin at sambahin ang batang si Jesus. Sinabihan si Jose sa panaginip na dalhin ang kanyang pamilya sa Egipto dahil gustong patayin ni Herodes si Jesus.

Mateo 1:1–17

Ibinigay ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus

Maghanap ka ng larawan ng iyong mga magulang at tingnan mo kung may makikita kang anumang katangiang namana mo sa kanila. Sa mga linya sa ibaba, ilista ang ilan sa mga katangiang ito (tulad ng kulay ng mata, kulay ng buhok, taas, personalidad, o talino):

Sa pag-aaral mo ng Mateo 1–2, alamin ang mga katotohanang ipinahayag tungkol sa mga magulang ng Tagapagligtas—ang Ama sa Langit at si Maria—at ang mga katangiang namana Niya sa kanila.

Nakatala sa Mateo 1:1–17 ang mga ninuno ng Tagapagligtas. Binanggit sa talata 1 na si Jesucristo ay isang inapo ni David (na siyang pumatay kay Goliath at kalaunan ay naging hari ng Israel) at ni Abraham (na kilala bilang ama ng mga pinagtipanang tao ng Diyos).

Haring David, Abraham

Haring David Abraham

“Ipinahayag sa mga propesiya sa Lumang Tipan na ang Mesiyas ay magmumula sa lahi ni David (tingnan sa II Samuel 7:12–13; Isaias 9:6–7; Jeremias 23:5–6) at na pagpapalain ng isang binhi ni Abraham ‘ang lahat ng bansa sa lupa’ (Genesis 22:18; tingnan din sa Abraham 2:11)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 12). Nagsulat si Mateo para sa mga mambabasang Judio at nais niyang malaman nila na tinupad ni Jesus ang mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa Mesiyas. Ang talaangkanan na nakatala sa Mateo 1:1–17 ay nagpapakita na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas at ang may karapatang magmana ng trono ni David. Sa pag-aaral mo ng aklat ni Mateo, humanap ng iba pang halimbawa ng pagtupad ni Jesucristo ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa Mesiyas.

Basahin ang Mateo 1:16, na inaalam ang titulong ibinigay kay Jesus.

Ang salitang Cristo ay ang wikang Griyego ng salitang Aramaic na Mesiyas, na ang ibig sabihin ay “ang pinahiran” o anointed. Sa buhay bago ang buhay na ito, si Jesucristo ay pinahiran ng Ama sa Langit na maging ating “Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pinahiran, Ang,” “Mesiyas,” scriptures.lds.org).

Mateo 1:18–25

Isang anghel ang nagpahayag kay Jose na si Jesus ay literal na Anak ng Diyos

Sa Mateo 1:16, sa katapusan ng kanyang tala sa talaangkanan ni Jesus, binanggit ni Mateo na si Maria ay asawa ni Jose. Isinalaysay sa Mateo 1:18–25 ang mga pangyayari na sinundan ng kanilang pag-aasawa at ng kapanganakan ni Jesus.

Tulad nang nakatala sa Mateo 1:18, ipinaliwanag ni Mateo na sina Jose at Maria ay magaasawa. Nangangahulugan ito na sila ay magkatipan, o may kasunduan nang magpakasal, at nakatali na sa isa’t isa ngunit hindi pa nagsasama bilang mag-asawa. Gayunman, bago ang kasal, nalaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria.

Basahin ang Mateo 1:19, at alamin ang balak gawin ni Jose.

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “hiwalayan siya ng lihim” ay binalak ni Jose na lutasin ang alalahanin sa pagdadalang-tao ni Maria nang hindi nito kailangang danasin ang paghamak ng madla.

Ano ang itinuturo sa atin ng talatang ito tungkol sa pagkatao ni Jose at sa kanyang pagmamahal kay Maria?

Basahin ang Mateo 1:20, na inaalam kung ano ang nangyari habang pinag-iisipan ni Jose na huwag nang ituloy ang balak na pagpapakasal kay Maria.

Bakit sinabi ng anghel kay Jose na huwag matakot na ituloy ang pagpapakasal kay Maria?

Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagtanggap ni Jose ng kanyang patotoo sa katotohanan:

Elder Bruce R. McConkie

“Si Jose ay nagnilay-nilay at nanalangin. Nagdadalang-tao ba si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo o sa ibang paraan? At tungkol naman sa tunay na ama ng hindi pa isinisilang na sanggol, alam ni Maria; alam ni Elisabet; alam ni Zacarias. Natanggap nilang lahat ang kanilang patotoo sa pamamagitan ng paghahayag, at dapat malaman iyan mismo ni Jose sa gayunding paraan. …

“Maaari nating ipalagay na sinabi ni Maria kay Jose ang kanyang kundisyon; na pagkatapos ay pumunta siya kay Elisabet; na ikinabalisa ito ni Jose sa loob ng halos tatlong buwan, at siya ay matinding sinubok; na ibinalita ito ni Gabriel; na ipinasabi ni Jose kay Maria na siya ay nagbalik-loob; na si Maria ay muling nagbalik nang mabilis at nagagalak; na kaagad isinagawa ang pangalawang bahagi ng seremonya ng kasal” (The Mortal Messiah: From Bethlehem to Calvary, 4 tomo [1979–81], 1:332–33).

Elder Bruce R. McConkie

Upang maunawaan ang kahulugan ng mga salitang “dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo” (Mateo 1:20), basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder McConkie: “Tulad ng si Jesus ay literal na Anak na Lalaki ni Maria, Siya rin ay personal at literal na anak ng Diyos ang Amang Walang Hanggan. … ang pahayag ni Mateo na, ‘ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo,’ kung isasalin nang wasto ay dapat na ganito, ‘siya ay nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.’ (Mat. 1:18.) Naitala ni Lucas (Lucas 1:35) ang eksaktong naganap. Lubos na nailarawan ni Alma ang paglilihi at pagsilang sa Panginoon sa propesiya na: Si Cristo ay ‘isisilang ni Maria, … , siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha, na lililiman at maglilihi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at magsisilang ng isang anak na lalaki, oo, maging ang Anak ng Diyos.’ (Alma 7:10.) Ganito rin ang sinabi ni Nephi nang sabihin niya na sa pagdadalang-tao ni Maria, siya ‘ay natangay sa Espiritu,’ kung kaya’t ang batang isinilang sa kanya ay ‘ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama.’ (1 Ne. 11:19–21.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:82–83).

Si Maria at ang sanggol na si Jesus

Ang mga turong ito ay pinagtitibay ng sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang banal na Anak ng Ama sa Langit at ni Maria. Maaari mong isulat ang doktrinang ito sa tabi ng Mateo 1:18–25 sa margin ng iyong mga banal na kasulatan.

Elder James E. Talmage

Isipin mong muli ang tiningnan mong larawan ng iyong mga magulang at ang inilista mong mga katangiang namana sa kanila. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol, na inaalam kung bakit mahalagang maunawaan na si Jesus ang banal na Anak ng Ama sa Langit at ni Maria: “Ang Batang isisilang ni Maria ay bugtong na Anak ni Elohim, ang Amang Walang Hanggan. … Ang Kanyang mga katangian ay kakikitaan ng pinagsamang kapangyarihan ng pagiging Diyos at ng kakayahan at mga posibilidad ng pagiging mortal. … Ang Batang si Jesus ay magmamana ng katangiang pisikal, mental, at espirituwal na pag-uugali, at kapangyarihan na makikita sa Kanyang mga magulang—ang isa ay imortal at niluwalhati—Diyos, at ang isa ay mortal— babae “ (Jesus the Christ,  ika-3 ed. [1916], 81).

Ano ang minana ni Jesus mula sa Kanyang Ama? Ano ang minana Niya mula sa Kanyang ina?

Dahil si Jesus ay Anak ng isang imortal na Ama at isang mortal na ina, may kakayahan Siyang mabuhay nang walang hanggan kung pipiliin Niya, gayundin ang mamatay. Dahil sa banal na katangiang ito, Siya ay naging karapat-dapat na magdusa sa ating mga kasalanan, mamatay sa krus, at mabuhay muli (tingnan sa Alma 34:9–10).

  1. journal iconIsipin na kunwari ay may pagkakataon kang tulungan ang isang kaibigan na hindi Kristiyano na makilala kung sino si Jesucristo. Paano mo ipaliliwanag ang pagiging Diyos ni Jesucristo sa kaibigang ito? Isulat ang sagot mo sa iyong scripture study journal.

Mateo 2:1–12

Ang mga Pantas na Lalake ay ginabayan patungo kay Jesus.

Mga Pantas na Lalake na may Dalang mga Regalo

Sino ang nagdala ng mga regalo sa Tagapagligtas matapos Siyang isilang?

Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo ang kaisa-isang Ebanghelyo na nagsalaysay tungkol sa mga Pantas na Lalake. Isulat ang mga sagot mo sa sumusunod na mga tanong tungkol sa mga Pantas na Lalake sa espasyo sa bandang kanan ng tanong.

Ano ang alam mo tungkol sa mga Pantas na lalake?

Paano nalaman ng mga Pantas na Lalake na isinilang na ang Mesiyas?

Bakit gustong hanapin ng mga Pantas na Lalake ang Mesiyas?

Paano nalaman ng mga punong saserdote at mga eskriba kung saan isisilang ang Mesiyas?

Ano ang gusto ni Herodes na gawin ng mga Pantas na Lalake kapag natagpuan nila ang Mesiyas?

Ano sa halip ang ginawa ng mga Pantas na Lalake?

Ngayon, basahin ang Mateo 2:1–12, na inaalam ang mga sagot sa mga tanong na ito. Itama o baguhin ang iyong mga sagot kapag kailangan.

May natutuhan ka bang bago tungkol sa mga Pantas na Lalake? Kung mayroon, magdrowing ng isang bituin sa tabi ng mga tanong kung saan may bago kang natutuhan.

“Hindi sinabi sa atin kung sino ang mga lalaking ito, ngunit tiyak na sila ay hindi ordinaryong kalalakihan. Ang katotohanang sila ay may pribilehiyong hanapin ang Anak ng Diyos at bigyan Siya ng mga regalo, at na sila ay sensitibo at maalam sa espirituwal, ay nagpapahiwatig na sila ay totoong mga propeta na gumanap ng banal na gawain” (Bible Dictionary, “Wise Men of the East”).

Ang mga Pantas na lalake ay “pinatnubayan ng Espiritu, upang mamasdan ang Anak ng Diyos at … bumalik sa kanilang mga tao upang magpatotoo na ang haring Emmanuel ay tunay ngang isinilang sa laman” (Bible Dictionary, “Magi”).

Madalas na inaakala ng mga tao na dinalaw ng mga Pantas na Lalake ang Tagapagligtas noong gabi ng Kanyang pagsilang, kasama ang mga pastol. Ngunit ang mga detalye sa Mateo 2:11 ay nagsasaad na dumalaw sila makaraan ang isa o dalawang taon (natagpuan ng mga Pantas na Lalake si Jesus sa isang bahay, hindi sa isang sabsaban, at Siya ay isang batang musmos, hindi na bagong silang na sanggol). Pansinin din na ang dahilan kung bakit gusto ni Herodes na sabihin sa kanya ng mga Pantas na Lalake kung saan nila natagpuan ang Mesiyas ay upang mapatay niya Siya (tingnan sa Mateo 2:13).

Paano nalaman ng mga Pantas na Lalake kung saan hahanapin ang Mesiyas?

mga naglalakbay sa gabi sakay ng mga kamelyo

Ang halimbawa ng mga Pantas na Lalake ay nakatutulong sa atin na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Kung hahanapin natin nang tapat at masigasig ang Tagapagligtas, gagabayan tayo patungo sa Kanya.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano mo masigasig na mahahanap ang Tagapagligtas?

Nang nahanap na ng Mga Pantas na Lalake ang Tagapagligtas, ibinigay nila ang kanilang handog sa Kanya. Ang isang layunin nito ay upang sambahin Siya. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng pagbibigay ng mga Pantas na Lalake ng handog kay Jesus?

Upang matulungan tayo kung paano makapagbibigay ng makabuluhang handog sa Tagapagligtas, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Noong unang panahon kapag gustong sumamba ng mga tao at humingi ng biyaya sa Panginoon, kadalasa’y nagdadala sila ng handog. …

“Mayroon bang marumi o hindi marapat sa pagkatao ninyo o sa inyong buhay? Kapag inalis ninyo ito, iyan ay handog sa Tagapagligtas. May magandang ugali o katangian bang kulang sa buhay ninyo? Kapag nagsikap kang taglayin ito at gawing bahagi ng iyong pagkatao, nagbibigay ka ng regalo sa Panginoon. Kung minsa’y mahirap itong gawin, ngunit ang mga handog bang pagsisisi at pagsunod ay marapat ihandog kung hindi ninyo pinaghirapan? Huwag katakutan ang hinihinging pagsisikap. At tandaan, hindi ninyo kailangang gawin itong mag-isa. Tutulungan kayo ni Jesucristo na gawing marapat na handog ang inyong sarili” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-Loob,” Liahona, Mayo 2004, 12).

  1. journal iconIsiping mabuti ang pahayag ni Elder Christofferson, at pag-isipan kung anong handog ang sa palagay mo ay dapat mong ibigay sa Tagapagligtas. Sa iyong scripture study journal, isulat ang mga ideyang ito at magplano kung paano mo ibibigay ang mga regalong ito kay Jesucristo. (Kung ang mga regalong ibibigay mo sa Tagapagligtas ay masyadong personal, maaari mong hiwalay na isulat ang mga ito sa kapirasong papel para maitago at matingnan, at pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal na nakumpleto mo ang assignment na ito.)

Patungkol sa mga unang taon ng buhay ni Jesucristo, Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ang sumusunod na buod:

Elder Bruce R. McConkie

“Bagaman ang pagkakasunud-sunod ng mga paglalakbay at panunuluyan ng mga unang taon sa mundo ng ating Panginoon ay hindi lubusang malinaw, ang sumusunod na tala ay sapat na maliwanag:

“(1) Sa panahon ng kanilang pagpapakasal, sina Jose at Maria ay nakatira sa Nazaret sa silangang bahagi ng lalawigan ng Galilea. (Lucas 1:26–35; 1 Ne. 11:13.)

“(2) Sa patnubay ng Diyos, sila ay naglakbay patungong Betlehem, ang lungsod ni David, kung saan isinilang sa sabsaban si Jesus. (Lucas 2:1–7.)

“(3) Sa ikawalong araw, habang ang mag-asawa ay nasa Betlehem pa rin, si Jesus ay tinuli. (Lucas 2:21.)

“(4) Pagkatapos ng panahon ng pagdadalisay ni Maria, sa loob ng apatnapung araw (Lev. 12), ang banal na pamilya ay naglakbay sa Jerusalem kung saan si Jesus ay iniharap sa templo, at sina Simeon at Ana ay nagpapatotoo naman noon sa kanyang kabanalan bilang Anak ng Diyos. (Lucas 2:22–38.)

“(5) Dahil dito, na ‘isinagawa ang lahat ng bagay alinsunod sa batas ng Panginoon,’ pagkatapos ay nagpunta sila agad sa Nazaret. (Lucas 2:39.) Malinaw na hindi pa dumarating ang mga pantas upang sumamba sa kanilang Hari, sapagkat kasunod ng kanilang pagdalaw ay naganap ang pagtakas patungong Egipto. At malinaw na hindi nila magagawang magpunta sa Egipto at makabalik sa Betlehem sa loob ng apatnapung araw (a) dahil sa sila ay nasa Egipto sa panahon ng kamatayan ni Herodes na nangyari mga dalawang taon mula nang ipanganak si Cristo, at (b) dahil sa sila ay bumalik mula sa Egipto patungong Nazaret, hindi sa Betlehem.

“(6) Kasunod nito, sa hindi malaman at hindi naitalang dahilan, sina Jose at Maria at ang bata ay bumalik sa Betlehem, nakakuha ng matitirhan doon, at naging kabilang sa komunidad nang dumating ang mga pantas na lalake. (Mat. 2:1–12.)

“(7) Dahil sinabihan ng Diyos, ang banal na pamilya ay tumakas patungong Egipto upang pansamantalang manirahan doon nang hindi alam kung gaano katagal, marahil mga hanggang ilang linggo o buwan. (Mat. 2:13–15.)

“(8) Pagkamatay ni Herodes ay bumalik sila upang manirahang muli sa Betlehem, kung saan tiyak na may maayos na lugar silang matitirahan. Ngunit dahil natakot kay Arquelao, anak ni Herodes, iniwan nila ang lalawigan ng Judea para sa higit na seguridad sa Galilea. Iyon ang dahilan kaya sila bumalik at nanirahan sa Nazaret. (Mat. 2:19–23.)

“(9) Mula noon hanggang sa simula ng kanyang ministeryo, na tumagal ng mga dalawampung pito o dalawampu’t walong taon, ang ating Panginoon ay patuloy na nanirahan sa Nazaret. (Lucas 2:51–52; I. V. Mat. 3:22–26.)” (Doctrinal New Testament Commentary, 1:108–9).

Mateo 2:13–23

Tumakas sina Jose, Maria, at Jesus papuntang Egipto

Tulad nang nakatala sa Mateo 2:13–23, nagalit si Herodes nang ang mga Pantas na Lalake ay “nangagsiuwi … sa kanilang sariling lupain” (Mateo 2:12) nang hindi sinasabi sa kanya kung saan naroon ang Mesiyas. Dahil gusto niyang patayin ang Mesiyas, iniutos niya na patayin ang lahat ng bata na dalawang taon at pababa na nasa Betlehem at sa karatig na lugar.

Basahin ang Mateo 2:13–14, na inaalam kung paano nalaman ni Jose ang dapat gawin para manatiling ligtas ang kanyang pamilya.

Saan dinala ni Jose sina Maria at Jesus?

Sina Jose at Maria na naglalakad kasama ang isang asnong may sakay na kargada

Sina Jose, Maria, at Jesus ay nanatili sa Egipto hanggang sa mamatay si Herodes. Tulad nang nakatala sa Mateo 2:19–23, iniutos ng Diyos kay Jose sa panaginip na dalhin ang kanyang pamilya pabalik sa Judea, at nanirahan sila sa lungsod ng Nazaret.

Gaano napagpala ang buhay ng iba ng pagiging sensitibo ni Jose sa mga bagay na espirituwal?

Kumpletuhin ang sumusunod na mga kataga upang makalikha ng isang alituntunin na maaari nating matutuhan mula kay Jose: Kung tayo ay sensitibo sa Espiritu, tayo ay .

  1. journal iconPag-isipang mabuti kung ano ang magagawa mo para maging mas sensitibo sa Espiritu upang makatanggap ka ng gabay at patnubay sa iyong buhay (tingnan sa 2 Nephi 32:3). Isulat sa iyong scripture study journal ang naisip mo, at gumawa ng goal o miithiin na sundin ang anumang pahiwatig na natatanggap mo.

Kahit walang gaanong naitala sa pagkabata at kabataan ni Jesus, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay nagbigay ng tatlong talata na kasunod ng Mateo 2:23 sa King James Version ng Biblia. Ang mga talatang ito ay nagbibigay ng ilang detalye sa panahong ito ng buhay ng Tagapagligtas. Sa pagbabasa mo ng sumusunod na mga karagdagang tala mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, isipin kung gaano lubos na mapagkumbaba si Jesus bilang isang kabataang lalaki:

“At ito ay nangyari na, na si Jesus ay lumaki kasama ng kanyang mga kapatid, at lumakas, at hinintay ang Panginoon sa pagdating ng panahon ng kanyang ministeryo.

“At siya ay naglingkod sa pangangasiwa ng kanyang ama, at hindi siya nangungusap nang tulad ng ibang tao, ni ang kailangan siyang turuan; sapagkat hindi siya kinailangang turuan pa ng sinumang tao.

“At makalipas ang maraming taon, ang panahon ng kanyang ministeryo ay nalapit na” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: