Unit 30: Day 3
II Ni Juan–III Ni Juan
Pambungad
Nagbabala si Apostol Juan sa mga Banal tungkol sa mga tao na nanlilinlang at nangangaral na si Jesucristo ay hindi pumarito sa laman o nagkaroon ng pisikal na katawan. Pinuri din niya si Gayo, isang miyembro ng Simbahan, dahil sa katapatan nito.
II Ni Juan
Nagbabala si Juan tungkol sa mga taong nagtuturo ng maling doktrina
Mag-isip ng isang kilalang atleta. Ano ang maaaring ginagawa ng atletang ito upang manatiling lubos na malusog para makapaglaro nang mahusay?
Ano ang maaaring mangyari kung ang atletang ito, matapos ang masigasig na pagpapanatili ng kanyang kalusugan, ay tumigil sa pag-ehersisyo at nagsimulang kumain ng mga junk food, manood palagi ng TV, maglaro ng mga video game, at gumamit ng mga bagay na nakasasama sa katawan?
Isipin kung paano maihahambing ang mga ginagawa ng mga matagumpay na atleta para mapanatili ang kanilang kalusugan sa mga dapat gawin ng mga miyembro ng Simbahan para mapanatili ang mga pagpapalang natamo nila sa pamamagitan ng ebanghelyo. Sa iyong pag-aaral ng II Ni Juan, alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa iyo na mapanatili ang mga pagpapalang natamo mo bilang miyembro ng Simbahan.
Tulad ng nakatala sa II Ni Juan 1:1–4, sinimulan ni Apostol Juan ang sulat na ito na nagsasalita sa “hirang na ginang at sa kaniyang mga anak,” na marahil ay mensahe para sa isang babaeng miyembro ng Simbahan at sa kanyang mga anak o simbolismo para ilarawan ang isang kongregasyon ng Simbahan.
Basahin ang II Ni Juan 1:5–6, at alamin ang kautusang ipinaalala ni Juan sa mga Banal.
Basahin ang II Ni Juan 1:7, at alamin ang dahilan kung bakit pinayuhan ni Juan ang mga miyembro ng Simbahan na “mangagsilakad” (II Ni Juan 1:6), o sumunod, sa mga kautusan ng Diyos.
Ano ang itinuturo ng mga manlilinlang at anticristo?
Nang gawin ni Juan ang sulat na ito, nagsisimulang sumikat ang isang pilosopiyang tinatawag na Docetismo. Naniniwala ang mga Docetista na napakadakila na ng Diyos kaya hindi na Siya daranas ng pagdurusa, kamatayan, o iba pang mortal na karanasan. Samakatwid, ipinahayag nila na si Jesucristo, bilang Anak ng Diyos, ay hindi totoong dumating sa laman o nagkaroon ng pisikal na katawan kundi ang Kanyang espiritu lamang ang tila (ang kahulugan ng salitang Griyego na pinagmulan ng salitang docetismo) gumawa ng mga bagay na magagawa o mararanasan ng isang mortal.
Ano ang ilang halimbawa ng maling turo sa ating panahon na sumasalungat sa mga katotohanan ng ebanghelyo?
Bakit espirituwal na mapanganib ang mga turong ito?
Basahin ang II Ni Juan 1:8, na inaalam kung ano ang ipinayo ni Juan na gawin ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa mga maling turong ito. Ang ibig sabihin ng “mangagingat kayo sa inyong sarili” ay maging mapagbantay o maingat na huwag ipamuhay ang mga maling turo. Ang ibig sabihin ng pinagpagalan ay ginawa, o pinaghirapan at nakamit.
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa II Ni Juan 1:6–8 ay na kapag sinunod natin ang mga kautusan ng Diyos at naging maingat at mapagbantay, patuloy nating matatamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap natin.
-
Sagutin ang mga sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Ilista ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap mo at ang mga inaasam mong matanggap.
-
Bakit dapat nating patuloy na sundin ang mga kautusan ng Diyos at ipamuhay ang ebanghelyo upang patuloy na matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo na natanggap natin?
-
Basahin ang II Ni Juan 1:9, at alamin ang itinuro ni Juan na mangyayari sa mga mananatili, o magiging matatag, sa ebanghelyo ni Cristo. Ang doktrina ni Cristo ay ang magkaroon ng pananampalataya, magsisi, magpabinyag, matanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng isang taong may wastong awtoridad ng priesthood, at magtiis hanggang wakas (tingnan sa 2 Nephi 31:15–21).
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa II Ni Juan 1:9 ay na kung mamumuhay tayo ayon sa doktrina ni Cristo, makakasama natin ang Ama at ang Anak.)
Ang isang paraan na makakasama natin ang Ama at ang Anak ay sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo.
Isiping mabuti ang dalawang katotohanang natukoy sa lesson na ito. Kumusta ang iyong pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos, na maging maingat at mapagbantay, at manatili sa ebanghelyo? Anong mga pagpapala ng ebanghelyo ang gusto mong matamasa ngayon at sa hinaharap? Ano ang gagawin mo ngayon para mas tapat na masunod ang mga kautusan at manatili sa doktrina ni Cristo?
Tulad ng nakatala sa II Ni Juan 1:10–13, hinikayat ni Juan ang mga Banal na iwasan ang mga taong nagpapalaganap ng maling doktrina. Ipinahayag din niya ang kanyang hangarin na personal na bisitahin ang mga Banal na sinulatan niya.
III Ni Juan
Pinuri ni Juan si Gayo dahil sa katapatan nito
Ano ang nangyayari sa ibabaw ng tubig kapag may isang bagay na dumampi rito? Posible bang hindi gumalaw ang tubig kapag may dumampi rito? Paano maihahalintulad ang pagdampi sa ibabaw ng tubig sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo?
Sa III Ni Juan, sumulat si Juan sa isang tapat na miyembro ng Simbahan na nagngangalang Gayo. Basahin ang III Ni Juan 1:1–4, at alamin ang epekto kay Juan ng katapatan ni Gayo sa pamumuhay sa ebanghelyo. Ang salitang mga anak sa talata 4 ay maaaring tumukoy sa mga miyembro ng Simbahan na natulungan ni Juan na magbalik-loob sa ebanghelyo.
Batay sa epekto ng katapatan ni Gayo kay Juan, anong katotohanan ang matutukoy natin sa III Ni Juan 1:1–4 tungkol sa kung paano nakakaapekto ang pamumuhay sa ebanghelyo sa ating sarili at sa iba?
-
Isipin kung kailan ka nakadama ng kagalakan dahil may nakita kang isang tao na nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Sa iyong scripture study journal o sa isang papel, sumulat ng isang liham na nagpapasalamat sa taong iyon para sa kanyang pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, at ipaliwanag kung paano nakaapekto ang kanyang katapatan sa iyo. Kung isinulat mo ang liham sa isang papel, isulat ang maikling buod ng iyong liham sa iyong scripture study journal. Maaari mong ibigay ang liham sa taong sinulatan mo.
Isipin ang isang pangyayari kung kailan narinig mo ang isang lider ng Simbahan o missionary na hindi mo kilala na nagsalita sa isang miting ng Simbahan o sa pangkalahatang kumperensya. Kung minsan ay maaaring matukso tayo na hindi gaanong pansinin o igalang ang ilang lider ng Simbahan o mga guro kung hindi natin sila kilala.
Basahin ang III Ni Juan 1:5–8, at alamin kung ano ang ginawa ni Gayo na ikinalugod ni Juan. Ang pagbanggit sa mga kapatid at mga taga ibang lupa sa talata 5 ay tumutukoy sa mga naglalakbay na guro o missionary na hindi kilala ni Gayo.
Sumulat din si Juan tungkol sa isang lokal na lider ng Simbahan na nagngangalang Diotrefes, na hindi kinalugdan ni Juan. Basahin ang III Ni Juan 1:9–10, at alamin kung bakit hindi nalugod sa kanya si Juan.
Si Diotrefes ay naging mapanghimagsik at kinakalaban ang simbahan. Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mabuting halimbawa ni Gayo at sa masamang halimbawa ni Diotrefes ay ang sumusunod: Dapat tanggapin at sang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang lahat ng tagapaglingkod ng Panginoon.
-
Sa iyong scripture study journal, maglista ng ilang paraan na maaari nating “tanggapin” (III Ni Juan 1:8) ang mga tagapaglingkod ng Panginoon.
Maghanap ng mga pagkakataon na magamit ang katotohanang iyon sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsang-ayon sa mga lokal at pangkalahatang lider ng Simbahan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang II Ni Juan–III Ni Juan at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: