Unit 20: Day 1
Mga Gawa 20–22
Pambungad
Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey), at habang siya ay nasa Mileto, isang bayan malapit sa Efeso, nagbabala siya tungkol sa apostasiya sa hinaharap at hinikayat ang mga lider ng priesthood na patatagin ang mga miyembro ng Simbahan. Pagkatapos ay naglakbay siya papunta sa Jerusalem, kung saan siya inusig at dinakip. Habang nakatayo sa hagdan ng muog ng Antonia (isang garison kung saan naroon ang mga kawal na Romano), ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob.
Mga Gawa 20–21
Naglingkod si Pablo sa Asia Minor at naglakbay papunta sa Jerusalem, kung saan siya binugbog at dinakip
Isipin ang isang pangyayari na kailangan mong iwan ang iyong mahal na pamilya, mga kaibigan, o iba pang mga tao nang ilang araw, linggo, o buwan.
-
Ano ang nadama mo o ng mga kasama mo bago kayo umalis?
-
Ano ang sinabi ninyo sa isa’t isa bago kayo naghiwalay?
Sa pangatlong pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, nag-ukol siya ng panahon sa Macedonia, Grecia, at Asia Minor (tingnan sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa paglalakbay na ito, nadama niyang bumalik sa Jerusalem. Habang naglalakbay siya, tumigil siya upang mangaral at magpaalam sa mga miyembro ng Simbahan. Sa gabi bago siya umalis sa Troas, kinausap ni Pablo ang mga Banal nang buong gabi.
Basahin ang Mga Gawa 20:9–12, na inaalam ang nangyari sa binatang nagngangalang Eutico nang makatulog ito habang nagsasalita si Pablo. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang ginawa ni Pablo upang ipakita ang kanyang pagmamahal at malasakit kay Eutico.
Paano nahahalintulad ang mga kilos ni Pablo sa mga ginawa ng Tagapagligtas sa panahon ng Kanyang ministeryo?
Bilang bahagi ng pangatlong pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, naglingkod siya nang mga tatlong taon sa Efeso. Nalaman natin sa Mga Gawa 20:13–17 na sa paglalakbay niya patungo sa Jerusalem, tumigil si Pablo sa Mileto, na nasa may labasan lamang ng Efeso, at nagpasabi sa mga lider ng Simbahan sa Efeso na makipagkita sa kanya.
Basahin ang Mga Gawa 20:18–23, na inaalam ang ipinaliwanag ni Pablo tungkol sa kanyang paglilingkod sa misyon.
Sinabi ni Pablo na “hindi [niya] ikinait na ipahayag … ang anomang bagay” (Mga Gawa 20:20) sa mga tinuruan niya. Pansinin sa Mga Gawa 20:21 kung paano itinuro ni Pablo ang yaong pinakamakabuluhan—nagpatotoo siya na lahat ay kailangang magsisi at manampalataya sa pangalan ng Panginoong Jesucristo.
Ayon sa mga talata 22–23, handa si Pablo na harapin ang anumang paghihirap na naghihintay sa kanya sa Jerusalem. Nanganganib si Pablo sa Jerusalem, kung saan itinuring siyang taksil ng mga pinunong Judio dahil sa pagsisikap niyang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman, isa sa mga dahilan kung bakit handa si Pablo na pumunta sa Jerusalem ay dahil iniutos ito ng Espiritu ng Panginoon.
Basahin ang Mga Gawa 20:24–27, na inaalam kung ano ang nakahandang gawin ni Pablo bilang tagapaglingkod ng Panginoon. Maaari mong markahan ang sinabi niya sa talata 24.
Mula sa Mga Gawa 20:24–27, nalaman natin na tapat na ginagawa ng mga tunay na tagapaglingkod ng Panginoon ang kanilang tungkulin, at nakadarama sila ng kagalakan sa paggawa nito. Maaari mo ring isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan o scripture study journal.
Isipin kung ano ang ibig sabihin ng ibigay ang lahat ng iyong makakaya sa paglilingkod sa Diyos.
Paano mo maipamumuhay ang alituntuning ito?
-
Isipin ang isang pangyayari sa iyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala mo na pinili mo o ng kakilala mo na maglingkod sa Panginoon nang buong lakas at kakayahan at nakadama ng malaking kagalakan. Maikling ilarawan ang karanasang ito at ang aral na natutuhan mo rito sa iyong scripture study journal.
Dinalaw ni Pablo ang mga lider ng Simbahan sa Efeso sa huling pagkakataon bago siya umalis papuntang Jerusalem. Kung ikaw si Pablo at alam mong hindi mo na makikitang muli ang mga lider na ito ng Simbahan, ano ang ipapayo mo sa kanila bago ka umalis?
Basahin ang Mga Gawa 20:28–31, na inaalam ang babala ni Pablo sa mga lider na ito ng Simbahan.
Ginamit ni Pablo ang mga lobo (mabangis na aso) bilang metapora para sa mga hindi tapat na miyembro ng Simbahan at para sa mga taong manlilinlang sa matatapat na miyembro ng Simbahan.
Ipinaalala ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan na “lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap” (Mga Gawa 20:35), at, matapos manalangin na kasama nila, nagpaalam na siya at nagsimulang maglakbay patungong Jerusalem (tingnan sa Mga Gawa 20:36–38).
Nalaman natin sa Mga Gawa 21:1–10 na nagpatuloy si Pablo sa kanyang paglalakbay patungo sa Jerusalem at tumigil sa iba’t ibang lugar para makasama ang mga miyembro ng Simbahan. Nang tumigil si Pablo sa bayan ng Tiro, ilang disipulo—na talagang nag-aalala para sa kaligtasan ni Pablo—ang nagpayo kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem (tingnan sa Mga Gawa 21:4).
Sa Cesarea, isang propetang nagngangalang Agabo ang nagpropesiya ng mangyayari kay Pablo sa Jerusalem.
Basahin ang Mga Gawa 21:11, na inaalam ang ipinropesiya ni Agabo na mangyayari kay Pablo sa Jerusalem. Ang salitang pamigkis ay tumutukoy sa isang sinturon.
Basahin ang Mga Gawa 21:12–14, na inaalam kung ano ang itinugon ni Pablo at ng kanyang mga kasama sa propesiyang ito.
Ano ang napansin mo sa itinugon ni Pablo?
Hindi lahat ng tagapaglingkod ng Panginoon ay hihilingang isakripisyo ang kanilang buhay. Gayunman, nakahandang gawin ng totoong tagapaglingkod ng Panginoon ang kalooban ng Diyos anuman ang mangyari.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong uri ng sakripisyo ang maaaring hingin sa iyo bilang tagapaglingkod ng Panginoon?
-
Kailan ka naging handang gawin ang kalooban ng Diyos anuman ang mangyari sa iyo? Bakit handa kang gawin iyon?
-
Nalaman natin sa Mga Gawa 21:17–40 na dumating si Pablo sa Jerusalem at nagbigay ng ulat sa mga lokal na lider ng Simbahan tungkol sa kanyang gawaing misyonero. Nagpunta si Pablo sa templo, at nang makita siya ng isang grupo ng mga Judio na nakilala siya mula sa kanyang mga pangmisyonerong paglalakbay, ipinahayag nila na huwad na guro si Pablo na nagtuturo ng laban sa mga batas ni Moises at nagsama ng mga Gentil sa templo na labag sa kautusan. Dahil sa paratang na ito, kinaladkad si Pablo ng mga tao palabas sa templo at pinaghahampas siya. Nakialam ang mga kawal na Romano at dinala siya para litisin, at tinanong ni Pablo sa mga kawal kung maaari siyang magsalita sa mga tao.
Mga Gawa 22
Ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo
Ang ibig sabihin ng nagbalik-loob ay nagbago. Isipin kung paano nako-convert o nababago ang tubig para magamit ito sa iba pang mga layunin. (Halimbawa, ang tubig ay maaaring gawing yelo o singaw.) Isipin ang mga uri ng pagbabago na bunga ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo.
Basahin ang Mga Gawa 22:1–5, na inaalam kung paano inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili nang magsalita siya sa mga Judio mula sa hagdan ng isang muog sa Jerusalem.
Basahin ang Mga Gawa 22:6–21, kung saan ikinuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob. Pagkatapos ay itugma ang mga sumusunod na tanong sa tamang sagot ng mga ito sa pamamagitan ng paglalagay ng titik ng tamang sagot sa patlang sa tabi ng tanong. (Kapag tapos ka na, tingnan kung pareho ang mga sagot mo sa ibinigay na mga sagot sa katapusan ng lesson.)
Ang Pagbabalik-loob ni Pablo | |
---|---|
|
|
Si Pablo ay nakinig at sumunod sa mga salita ni Jesucristo at nagsimulang nagbago. Nalaman natin sa Mga Taga Galacia 1:17–18 na pagkatapos ng kanyang kamangha-manghang pangitain, nanatili si Pablo nang tatlong taon sa Arabia, na magandang panahon para sa espirituwal na paghahanda at pag-unlad, bago bumalik sa Damasco at pagkatapos ay pumunta sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro.
Isipin kung gaano katindi ang pagbabago sa buhay ni Pablo dahil sa kanyang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas. Itinuro sa atin ni Pablo na kapag sinunod natin ang mga salita ni Jesucristo, tayo ay lubos na magbabalik-loob.
Ipinaliwanag ni Sister Bonnie L. Oscarson, Young Women general president, kung paano nauugnay ang ating pagsunod sa mga salita ni Cristo sa tunay na pagbabalik-loob:
“Ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi lang pagkakaroon ng kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at higit pa sa pagkakaroon ng patotoo sa mga alituntuning iyon. Posibleng magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo kahit hindi ito ipamuhay. Ang tunay na pagbabalik-loob ay pagkilos ayon sa ating pinaniniwalaan at pagtutulot na lumikha ito ng ‘malaking pagbabago sa atin, o sa ating mga puso’ [Mosias 5:2]. …
“… Nararanasan ang pagbabalik-loob kapag tayo ay nananalangin, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagsisimba, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. May pagbabalik-loob habang kumikilos tayo ayon sa mabubuting alituntuning natututuhan natin sa ating tahanan at sa silid-aralan. May pagbabalik-loob kapag namumuhay tayo nang dalisay at mabuti at marapat sa patnubay ng Espiritu Santo. May pagbabalik-loob kapag nauunawaan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kinikilala Siya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, at tinutulutang magkaroon ng epekto sa buhay natin ang Pagbabayad-sala” (“Magbalik-loob Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 76–78).
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang liham para sa iyong sarili tungkol sa magagawa mo para tunay na magbalik-loob sa Tagapagligtas.
Nalaman natin sa Mga Gawa 22:22–30 na matapos ikuwento ni Pablo ang kanyang pagbabalik-loob, sumigaw ang mga nakikinig sa kanya na dapat siyang patayin. Iniharap si Pablo sa pangulong kapitan ng hukbong Romano sa Jerusalem, na nagpasiyang dapat parusahan o hampasin si Pablo, isang kaparusahang karaniwang ginagamit para manghamak at makakuha ng impormasyon mula sa mga kriminal. Gayunman, nang malaman ng mga pinunong Romano na isang Romano si Pablo, nagpasiya silang hindi siya hampasin at sa halip ay dinala siya sa harapan ng namamahalang kapulungan ng mga Judio, ang Sanedrin. Labag sa batas ng Romano na igapos o parusahan ang mga Romano na “hindi pa nahahatulan” (Mga Gawa 22:25).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 20–22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: