Unit 4: Day 4
Mateo 16–17
Pambungad
Pinagsabihan ni Jesucristo ang mga Fariseo at mga Saduceo dahil sa paghingi nila ng tanda ng Kanyang pagiging Diyos. Nagpatotoo si Pedro na si Jesus ang Cristo, at siya ay pinangakuan ng mga susi ng kaharian. Iginawad nina Jesucristo, Moises, at Elijah ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo. Pagkababa sa bundok, pinaalis ni Jesus ang isang demonyo na sumanib sa isang batang lalake. Sa Capernaum, nakapagbayad si Jesus ng buwis sa mahimalang paraan.
Mateo 16
Pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga Fariseo at mga Saduceo, at ipinangako Niya ang mga susi ng priesthood kay Pedro
Ano ang sasabihin mo sa isang tao para maipaunawa sa kanya kung bakit naniniwala ka na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging totoong Simbahan sa mundo?
Sa pag-aaral mo ng Mateo 16, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maunawaan at maipaliwanag sa iba kung ano ang nagpapakita na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ng Panginoon sa lupa (tingnan sa D at T 1:30).
Nabasa natin sa Mateo 16:1–12 na pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga Fariseo at mga Saduceo dahil sa paghingi nila ng tanda ng Kanyang pagiging Diyos. Kasunod niyon ay binigyan Niya ng babala ang Kanyang mga disipulo na huwag sundin ang masasamang taong ito.
Pagkatapos ay sumama ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo “sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo” (Mateo 16:13; ang salitang mga sakop sa talata na ito ay tumutukoy sa rehiyon o sa lugar). Sa kalakip na larawan ng Cesarea ni Filipo, ano ang nakikita mo sa likod ng mga ilog at mga puno?
Basahin ang Mateo 16:13–19, na inaalam kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang sagisag ng bato para ilarawan ang pundasyon ng Kanyang Simbahan. (Ang Mateo 16:15–19 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ang scripture mastery passage na ito sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Mapapansin sa mga talata 16–17 na nalaman ni Pedro na si Jesucristo ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag mula sa Ama sa Langit. Kasunod nito ay binanggit ni Jesus ang paghahayag nang ilarawan Niya ang pundasyon ng Kanyang Simbahan.
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Itinuro ni Jesus, ‘Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.’ [Mateo 16:18.] Anong bato? Paghahayag” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 227).
Pinatotohanan din Niya: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man, ayon sa mga Banal na Kasulatan (Amos 3:7, at Mga Gawa 1:2)” (Mga Turo: Joseph Smith, 227).
Isipin ang sumusunod na impormasyon: “Nang ituro ng Tagapagligtas kay Pedro ang tungkol sa paghahayag, matalino Niyang ginamit ang pangalan ni Pedro, na ipinapahayag kay Simon [Pedro], ‘Ikaw ay Pedro [Petros], at sa ibabaw ng batong ito [petra] ay itatayo ko ang aking iglesia’ (Mateo 16:18). Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na petros ay nakahiwalay na maliit na bato. Ang salitang Griyego na petra ay maaari ding mangahulugan na ‘isang bato,’ ngunit maaari din na isa itong mabatong lupa, o malaking tipak na bato. Nalaman natin mula sa salitang ito na ang Simbahan ay hindi itatayo kay Pedro na isang tao, kundi sa saligang-bato ng paghahayag” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 53).
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 16:18: Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakasalig sa paghahayag mula sa Diyos.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalaga sa iyong malaman na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinayo, o itinatag, batay sa paghahayag mula sa Diyos?
-
Paano nakakaapekto sa pagsunod mo sa payo ng mga propeta sa ating panahon ang kaalamang sila ay tumatanggap ng paghahayag para sa ating panahon?
-
Rebyuhin ang Mateo 16:19, na inaalam ang ipinangako ng Tagapagligtas na ibibigay kay Pedro.
Mula sa mga salita ng Tagapagligtas na “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit,” natutuhan natin na ipinagkakatiwala ni Jesucristo ang mga susi ng Kanyang kaharian sa Kanyang mga hinirang na mga propeta at mga apostol. Ang mga susi ng Kanyang kaharian ay ang mga susi ng priesthood, at ang kahariang binanggit ng Tagapagligtas ay ang Simbahan ni Jesucristo.
Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang mga susi ng priesthood at kung bakit mahalaga ang mga ito: “‘Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga [mayhawak] ng priesthood upang gabayan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo’ [Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1]. Bawat gawain o ordenansang isinasagawa sa Simbahan ay ginagawa sa ilalim ng direkta o hindi direktang awtoridad na ibinigay ng mayhawak ng mga susi para sa gawaing iyon” (“Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 49)
Kabilang sa mga susi na ipinangako ng Tagapagligtas kay Pedro ang kapangyarihang magbuklod—ang kapangyarihang magtali o magkalag sa lupa at gayundin sa langit. Ang kapangyarihang ito ay nagtutulot sa mga ordenansang isinasagawa sa ilalim ng awtoridad ng mga lider ng Simbahan na magkaroon ng bisa sa langit. Ito ay ginagamit din sa pagbibigkis sa mga pamilya nang walang hanggan. Ang Mateo 16:19 ay nakatutulong sa atin na maunawaan kung bakit nagbibigay si Jesucristo ng mga susi ng priesthood sa Kanyang mga propeta at mga apostol: Ang mga susi ng priesthood ay kailangan upang pangasiwaan ang Simbahan ng Panginoon sa mundo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang tanging simbahan sa mundo na tumanggap at kasalukuyang may hawak na awtoridad ng priesthood at mga susi mula sa Panginoon.
Nalaman natin sa Mateo 16:21–28 na binanggit ni Jesus ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at itinuro sa Kanyang mga disipulo na dapat din silang maging handa na magsakripisyo upang makasunod sa Kanya. Mas nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang ibig sabihin ng pagpasan ng isang tao ng kanyang krus:
“At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan (PJS, Mateo 16:26).
“Huwag labagin ang aking mga kautusan; sapagkat ang sinomang mag-ibig iligtas ang kanyang buhay sa mundong ito, ay mawawalan nito sa daigdig na darating” (Joseph Smith Translation, Matthew 16:27 [sa Bible appendix ng LDS English version ng Biblia]).
Scripture Mastery—Mateo 16:15–19
-
Humanap ng kapamilya o kaibigan na tutulong sa iyo na isadula ang sumusunod na sitwasyon:
Isipin na kunwari ay kausap mo ang isang kaibigang hindi miyembro ng Simbahan. Itinanong ng kaibigan mo ang mga tanong na nasa ibaba. Gamitin ang mga katotohanang natutuhan mo sa Mateo 16:15–19 upang masagot ang mga tanong ng kaibigan mo.
-
Narinig ko na ang simbahan lang daw ninyo ang totoong simbahan ni Jesucristo. Iyan ba ang paniwala mo?
-
Naniniwala rin ang simbahan ko kay Jesucristo, kaya bakit iniisip mo na simbahan lang ninyo ang totoo?
Pagkatapos ng dula-dulaan, sabihin sa kapamilya o kaibigan mo na isulat sa iyong scripture study journal na natapos mo na ang assignment na ito. Kung hindi ka matutulungan ng isang kapamilya o kaibigan, sagutan mo na lang ang mga tanong sa ibaba sa iyong scripture study journal.
-
Mateo 17
Iginawad nina Jesucristo, Moises, at Elijah ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan
Isipin kung paano maihahambing ang awtoridad ng priesthood sa lisensya sa pagmamaneho at ang mga susi ng priesthood sa mga susing kailangan para mapaandar ang sasakyan.
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Ano ang may pahintulot na gawin ng taong may lisensya sa pagmamaneho? Bakit mahalaga para sa atin na magkaroon ng susi ng kotse bukod sa lisensya sa pagmamaneho? Paanong ang pagkakaroon ng lisensya sa pagmamaneho at susi para makapagmaneho ng sasakyan ay maihahambing sa awtoridad at mga susi ng priesthood na kailangan para mapangasiwaan ang gawain ng Diyos?
Nang mangako ang Panginoon na ibibigay kay Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19), o ang awtoridad na pamahalaan ang gawain ng Diyos sa lupa, si Pedro at ang iba pang mga Apostol ay nabigyan na ng awtoridad ng priesthood, subalit hindi pa sila nabigyan ng mga susi ng priesthood upang pamahalaan ang kaharian—ang Simbahan ni Jesucristo. Sa pag-aaral mo ng Mateo 17, alamin kung paano natanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng kaharian.
Basahin ang Mateo 17:1–2, na inaalam kung saan tinanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng priesthood.
Ano ang nangyari sa Tagapagligtas sa bundok?
Ang Pagbabagong-anyo ay tumutukoy sa “kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-Anyo,” scriptures.lds.org). Sina Pedro, Santiago, at Juan, ay nagbagong-anyo rin nang sandaling iyon (tingnan sa D at T 67:11–12).
Sa pagbabasa mo ng Mateo 17:3, idagdag sa sumusunod na chart ang mga pangalan ng dalawang iba pang tao na nagpakita sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Mapapansin na ang Elias na ito ay tumutukoy kay Elijah, ang propeta sa Lumang Tipan. “May ilang gamit ang salitang [Elias] sa mga banal na kasulatan. (1) Ang anyo ng pangalang Elijah (Hebreo) sa Bagong Tipan ay Elias (Griyego), tulad ng makikita sa Lucas 4:25–26, Santiago 5:17, at Mat. 17:1–4. Sa ganitong mga paliwanag, si Elias ang sinaunang propetang si Elijah na ang paglilingkod na ginawa ay nakatala sa I at II Mga Hari” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Elias,”scriptures.lds.org).
Ang mga tao na naroon sa Bundok ng Pagbabagong-anyo | ||
---|---|---|
Jesucristo |
A. | |
Pedro, Santiago, at Juan |
B. | |
Mateo 17:3; Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) |
C. | |
D. |
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith, at markahan ang dahilan kung bakit naroon sina Moises at Elijah sa bundok: “Ibinigay ng Tagapagligtas, ni Moises, at ni Elias [Elijah] ang mga susi [ng priesthood] kina Pedro, Santiago at Juan, sa bundok, nang magbagong-anyo sila sa kanyang harapan” (Mga Turo: Joseph Smith [2007], 122).
Hawak ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel (tingnan sa D at T 110:11) at ipinanumbalik ni Elijah ang mga susi na may kaugnayan sa kapangyarihang magbuklod (tingnan sa D at T 110:13–16).
Inilahad ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia na si Juan Bautista—na pinatay ni Herodes—ay nagpakita rin sa bundok (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:3 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Nakasaad sa Bible Dictionary ng LDS English version ng Biblia na “ang sinasabi ng PJS, Marcos 9:3 ay hindi nangangahulugan na ang Elias na nagpakita sa Pagbabagong-anyo ay si Juan Bautista, kundi bukod pa kay Elijah ang propeta, si Juan Bautista ay naroon din” (Bible Dictionary, “Elias”). Idagdag ang Juan Bautista sa chart sa itaas.
Basahin ang Mateo 17:4–9, na inaalam kung sino pa ang nagpakita sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.
Idagdag ang Diyos Ama sa chart.
Ang karanasan nina Pedro, Santiago at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo ay mahalagang pangyayari sa pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Hangga’t hindi natatamo ng tao ang mas mataas na espirituwal na pag-unawa kaysa sa taglay nila ngayon, bahagya lamang nilang mauunawaan ang naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo” at na ang nalalaman natin ay “mula sa mga tala sa Bagong Tipan at sa karagdagang kaalaman na naipahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:399).
Maaari mong alalahanin na ang isang dispensasyon ng ebanghelyo ay isang panahon kung kailan nagbibigay ang Ama sa Langit ng awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at kaalaman tungkol sa Kanyang plano ng kaligtasan sa mga tao sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong lingkod (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon,” scriptures.lds.org). Bawat isa sa mga taong tinukoy sa chart na nagpakita sa Bundok ng Pagbabagong-anyo ay nagpakita rin kay Propetang Joseph Smith sa ating dispensasyon.
Gumuhit ng linya para pagtapatin ang mga pangalan ng mga taong nakalista sa chart at ang katugmang larawan na nagpapakita ng mga pagkakataong nagpakita sila kay Propetang Joseph Smith. Kapag natapos ka na, tingnan kung tama ang iyong sagot gamit ang sumusunod na impormasyon:
-
Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith sa kanyang Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
-
Ipinagkaloob ni Juan Bautista ang mga susi ng Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (tingnan sa D at T 13).
-
Ipinagkaloob nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga susi ng Melchizedek Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (tingnan sa D at T 27:12).
-
Ipinagkaloob ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Ipinagkaloob ni Moises ang mga susi ng pagtitipon ng Israel sa kanila sa araw ding iyon (tingnan sa D at T 110).
Mula sa mga pangyayaring naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at sa mga karanasan ni Propetang Joseph Smith sa simula ng Panunumbalik, natutuhan natin na sa bawat dispensasyon, ang Diyos ay nagkakaloob ng mga susi ng priesthood sa Kanyang piling mga lingkod upang mapamahalaan nila ang Kanyang gawain sa mundo.
Ang mga propeta at mga apostol ngayon ay may hawak din ng mga susing tinanggap ni Propetang Joseph Smith. Ang mga susing ito ay naipasa kay Joseph Smith at pagkatapos kay Brigham Young hanggang sa sumunod na mga propeta.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman na ang gayong paraan sa pagkakaloob ng mga susi ng priesthood na nangyari noong panahon ni Jesucristo ay ginagawang muli sa ating panahon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?
-
Paano mo ipapaliwanag sa isang kaibigan na ang mga sugo ng langit (mga anghel) na nagbibigay ng mga susi ng priesthood kay Propetang Joseph Smith ay sumusunod sa paraang itinatag ng Diyos?
-
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng mithiin tungkol sa mga gagawin mo upang mas masunod at masang-ayunan ang mga may hawak ng mga susi ng kaharian ng langit sa ating panahon.
Sa pagtatapos ng sagradong karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, iniutos ng Tagapagligtas sa kanila, “Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay” (Mateo 17:9).
Isipin kung paano nakatulad ng instruksyong ito ang sumusunod na payo ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Naniniwala rin ako na hindi makatutulong na patuloy na ikuwento ang mga kakaibang espirituwal na karanasan. Kailangang pakaingatan itong mabuti at ibahagi lamang kapag hinikayat tayo ng Espiritu na gamitin ito upang mapagpala ang iba” (“The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).
Bakit dapat tayong mag-ingat sa pagbabahagi ng mga sagradong karanasan at magbahagi lamang kapag ipinahiwatig ng Espiritu?
Nalaman natin sa Mateo 17:10–27 na pinaalis ni Jesucristo ang demonyo sa isang batang lalaki at mahimalang nakapagbigay ng buwis para sa Kanya at kay Pedro.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 16–17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: