Pambungad sa Mga Taga Filipos
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa kanyang Sulat sa Mga Taga Filipos, pinalakas ni Apostol Pablo ang loob ng mga Banal sa Filipos at hinikayat sila na matibay na magkaisa at magtulungan sa pagtatanggol ng kanilang pananampalataya. Marahil ang isa sa pinakamahahalagang alituntunin na itinuro ni Pablo sa mga taga Filipos ay na nagdudulot ang pagdarasal sa Diyos at pagtitiwala sa Kanya ng “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7). Ang pag-aaral ng mga mensahe ng panghihikayat ni Pablo sa sulat na ito ay makatutulong sa iyo sa pagsisikap mong magtiis nang tapat hanggang wakas. Kapag sinikap mong sundin si Cristo, magkakaroon ka rin ng matibay na pananalig at, tulad ni Pablo, maipahahayag na, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13).
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Bagama’t nabanggit si Timoteo na kasama ni Pablo sa pagbati sa sulat (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:1), si Pablo ang sumulat ng Sulat sa Mga Taga Filipos. Pinatunayan ito sa paggamit ng panghalip na ako at ko sa buong sulat at pagbanggit kay Timoteo sa Mga Taga Filipos 2:19. Maaaring naging tagasulat ni Pablo si Timoteo, na isinulat ang liham sa dikta ni Pablo.
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Malamang na isinulat ni Pablo ang Mga Taga Filipos sa pagitan ng A.D. 60 at 62, habang nakabilanggo siya sa Roma (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:7, 13, 16; tingnan din sa Mga Gawa 28:16–31; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Taga-Filipos, Sulat sa Mga,” scriptures.lds.org).
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Ang Filipos ang unang lugar sa Europa kung saan pormal na ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo at nagtatag ng isang sangay o branch ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 16:11–40; Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”). Isa sa mga layunin ni Pablo sa pagsulat ng liham na ito ay upang pasalamatan ang pagmamahal at pinansyal na tulong na ibinigay sa kanya ng mga Banal sa Filipos sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay at sa kanyang pagkabilanggo sa Roma (tingnan sa Mga Taga Filipos 1:3–11; 4:10–19; tingnan din sa Bible Dictionary sa LDS English version ng Biblia, “Pauline Epistles”).
Pinuri din ni Pablo ang mga miyembro sa Filipos dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo at pinayuhan sila batay sa impormasyong natanggap niya tungkol sa kanila mula sa isang disipulo na taga Filipos na nagngangalang Epafrodito (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:18). Kabilang sa payo ni Pablo ang paghikayat sa kanila na maging mapagpakumbaba at magkaisa (tingnan sa Mga Taga Filipos 2:1–18; 4:2–3). Nagbabala rin Pablo sa mga taga Filipos na mag-ingat sa mga tiwaling Kristiyano, gaya ng mga taong nagtuturo na kailangang magpatuli para makapagbalik-loob o makasapi sa simbahan. Ang mga taong iyon (madalas tukuyin bilang Judaizers) ay nagtuturo nang mali at sinasabing dapat sumunod ang mga bagong miyembro sa dating batas ng pagtutuli sa Lumang Tipan bago maging Kristiyano (tingnan sa Mga Taga Filipos 3:2–3).
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Ang Mga Taga Filipos ay kadalasang tinatawag na sulat na ginawa sa bilangguan, pati na ang Mga Taga Efeso, Mga Taga Colosas, at Kay Filemon. Bagama’t isinulat ito mula sa bilangguan, ang sulat ni Pablo sa mga taga Filipos ay inilarawan ng mga iskolar na pinakamasaya sa mga isinulat niya. Si Pablo ay nagpahayag ng pasasalamat, pagmamahal, at tiwala sa mga miyembro ng Simbahan; naglahad ng mga sakripisyong ginawa niya upang sundin si Jesucristo; at nagtagubilin sa mga Banal sa Filipos sa alituntunin ng matwid na pamumuhay. Maaaring makilala ng mga estudyante sa Mga Taga Filipos 4:8 ang ilan sa mga salitang ginamit sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, na isinulat ni Propetang Joseph Smith.
Matalinghagang inilarawan ni Pablo ang pagpapakababa ng Tagapagligtas mula sa kanyang pagiging Diyos sa buhay bago ang buhay sa mundo patungo sa mortal na buhay na ito, kung saan Siya nagdanas ng “kamatayan sa krus” (tingnan sa Mga Taga Filipos 2:3–8). Dahil naisagawa na ang Kanyang banal na misyon, si Jesucristo ngayon ay dinakila, at darating ang araw na “[luluhod] ang lahat ng tuhod” sa Kanyang harapan at “[ipahahayag] ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ang Panginoon” (Mga Taga Filipos 2:10–11). Inihayag ni Pablo na si Jesucristo ang pinagmumulan ng kanyang tibay at lakas (tingnan sa Taga Filipos 4:13).
Outline
Mga Taga Filipos 1. Nagpasalamat si Pablo para sa pagkakapatiran ng mga Banal sa Filipos. Itinuro niya na ang oposisyon na naranasan niya sa paglilingkod sa Panginoon, kabilang na ang kanyang pagkabilanggo, ay nagpalaganap sa layunin ng ebanghelyo. Hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na matibay na magkaisa sa pagtatanggol sa pananampalataya.
Mga Taga Filipos 2. Hinikayat pa ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na magkaisa at nagtuon sa halimbawa ni Jesucristo, na nagpakababa upang pumarito sa mortalidad, bilang halimbawa ng pagmamahal, pagsunod, at pagpapakumbaba. Balang-araw ay kikilalanin ng lahat si Jesucristo bilang Panginoon. Tinagubilinan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na pagsumikapan ang kanilang sariling kaligtasan.
Mga Taga Filipos 3. Nagbabala si Pablo tungkol sa mga Judaizer. Inilarawan niya ang kanyang dating buhay bilang isang Fariseo at kung paano niya kusang isinuko ang lahat upang sundin si Jesucristo. Pinayuhan niya ang mga Banal na tularan ang kanyang halimbawa sa pamamagitan ng patuloy na paglalakad patungo sa kaligtasan. Ipinaliwanag ni Pablo na babaguhin ni Jesucristo ang ating mortal na katawan at gagawin itong maluwalhating katawan tulad ng sa Kanya.
Mga Taga Filipos 4. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na magalak sa tuwina sa Panginoon. Pinayuhan niya sila na palitan ang kanilang pag-aalala ng panalangin at pasasalamat, nangangakong magtatamasa sila ng kapayapaan ng Diyos, na walang maaaring makaunawa. Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na mag-isip ng mga bagay na totoo, matwid, tunay, malinis, kaibig-ibig, mabuting ulat, at marangal. Kinilala niya na magagawa niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagpapalakas sa kanya.