Unit 25: Day 4
Mga Taga Filipos 4
Pambungad
Tinagubilinan ni Apostol Pablo ang mga Banal sa Filipos na maging madasalin at hangarin ang anumang mabuti. Ipinahayag din niya ang kanyang pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jesucristo. Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat sa pasasalamat sa mga Banal sa Filipos para sa pagtulong nila noong siya ay mangailangan ng tulong.
Mga Taga Filipos 4:1–14
Tinagubilinan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos na maging madasalin at hangarin ang anumang mabuti
Mararanasan natin sa ating buong buhay ang mga hamon o mga sitwasyon na maaaring humantong sa pag-aalala natin. Halimbawa:
-
“Nag-aalala ako kung papasa ako sa darating na test.”
-
“Nag-aalala ako sa kapamilya kong maysakit.”
-
“Nag-aalala ako kung paano ko ipagtatanggol ang mga paniniwala ko.”
-
“Nag-aalala ako kung magiging matagumpay ba akong missionary.”
Ano ang ilang pangamba o alalahanin ang kasalukuyan mong nararanasan sa iyong buhay?
Sa pag-aaral mo ng Mga Taga Filipos 4, alamin ang isang katotohanan na makatutulong sa atin kapag naharap tayo sa mga sitwasyong maaaring humantong sa ating pag-aalala.
Mababasa natin sa Mga Taga Filipos 4:1–5 kung paano pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na manatiling matatag sa katapatan sa Panginoon, magalak sa Panginoon, at ipakita sa iba ang kanilang kahinhinan o kahinahunan.
Basahin ang unang parirala sa Mga Taga Filipos 4:6, na inaalam ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal.
Ang ibig sabihin ng mga katagang “huwag kayong mangabalisa” sa talata 6 ay huwag masyadong mag-alala sa mga bagay-bagay.
Basahin ang natitirang bahagi ng Mga Taga Filipos 4:6, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa halip na mag-alala. (Ang daing o pagsamo ay isang mapagkumbaba at taos-pusong paghiling.)
Basahin ang Mga Taga Filipos 4:7, na inaalam ang pagpapalang ipinangako ni Pablo sa mga taong mapagkumbaba at taimtin na nagdarasal nang may pasasalamat. Tandaan na ang ibig sabihin ng salitang magiingat sa talatang ito ay mangangalaga.
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay bilang mga tapat na tagasunod ni Jesucristo, kung magdarasal tayo nang may pagsamo at pasasalamat, mapapasaatin ang kapayapaan ng Diyos. Ang pagsunod sa mahusay na payo ni Pablo na idalangin at isamo ang lahat sa Diyos nang may pasasalamat ay makatutulong sa atin na mapanatiling balanse ang buhay, sa halip na labis na mabalisa o mag-alala sa bawat detalye at kahihinatnan nito.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa atin ang pagpiling ipamuhay ang alituntuning ito: “Dahil iginagalang Niya ang inyong kalayaan, hindi kayo kailanman pipilitin ng Ama sa Langit na manalangin sa Kanya. Ngunit kapag ginamit ninyo ang kalayaang iyan at isinama ninyo Siya sa lahat ng aspeto ng inyong buhay araw-araw, ang inyong puso ay magsisimulang mapuspos ng sigla ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyan ay magtutuon ng walang-hanggang liwanag sa inyong mga pagpapakasakit. Tutulungan kayo nitong harapin ang mga hamong iyon nang may walang-hanggang pananaw” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 93).
-
Pansinin sa Mga Taga Filipos 4:6 na iminungkahi ni Pablo na dapat nating ialay nang may pasasalamat ang ating mga panalangin at mga kahilingan. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Sa palagay mo, paano makatutulong ang pagpapasalamat upang mapasaatin ang kapayapaan ng Diyos?
-
Ayon kay Elder Scott, paano makatutulong sa atin ang kapayapaan ng Diyos sa mga hamong nararanasan natin?
-
Pag-isipan ang mga alalahanin na naisip mo sa simula ng lesson na ito. Piliing ipamuhay ang alituntuning itinuro ni Pablo sa pamamagitan ng pagdarasal nang may pagsamo at pasasalamat sa halip na mag-alala. Kapag napansin mo na nag-aalala ang iba sa paligid mo, isiping ibahagi ang mga salita ni Pablo at ang alituntuning ito sa kanila.
Sa susunod na 30 segundo, ituon o ipokus ang iyong isipan sa Tagapagligtas at sa nagawa Niya para sa iyo.
Ano ang naging epekto sa iyo ng pagpokus dito?
Basahin ang Mga Taga Filipos 4:8–9, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na dapat isipin at gawin ng mga Banal sa Filipos. Maaari mong markahan o isulat ang bawat uri ng bagay na sinabi ni Pablo na dapat nilang pagtuunan. Ang ibig sabihin ng salitang “isipin” sa talata 8 ay isiping mabuti at panatilihin sa isipan.
Sa talata 9, ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal? Ano ang mga pagpapalang ipinangako niya sa mga Banal kung magtutuon sila sa kabutihan at susundin ang kanyang mga turo at tutularan ang kanyang halimbawa?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa tagubilin ni Pablo ay kung itutuon ng mga Banal ang kanilang isipan sa anumang matwid o mabuti at kung susundin nila ang mga apostol at mga propeta, mapapasakanila ang kapayapaan ng Diyos.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano makaiimpluwensya sa ating mga hangarin at mga pag-uugali ang pagtuon ng ating isipan sa anumang bagay na matwid o mabuti.
Basahin ang Saligan ng Pananampalataya 1:13 (sa Mahalagang Perlas), na inaalam ang pagkakatulad nito sa Mga Taga Filipos 4:8.
Nang banggitin ni Propetang Joseph Smith ang “payo [na ito] ni Pablo” mula sa Mga Taga Filipos 4:8 sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya, pinalitan niya ang “isipin … ang mga bagay na ito” sa mas aktibong pagkilos at ginawang “hinahangad … ang mga bagay na ito.” Isipin kung bakit mahalaga para sa atin na hangarin ang mga bagay na tunay, matapat, makatarungan, dalisay, kaaya-aya, marangal, at magandang balita, o maipagkakapuri.
-
Basahin ang payo sa isa sa mga sumusunod na paksa mula sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Pakikipagdeyt,” “Pananamit at Kaanyuan,” “Edukasyon,” “Libangan at Media,” “Mga Kaibigan,” “Pananalita,” o “Musika at Pagsasayaw.” Sa iyong scripture study journal, isulat ang paksang napili mo. Pagkatapos ay isulat ang iyong sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano natin magagamit na gabay ang tagubilin ni Pablo na nakatala sa Mga Taga Filipos 4:8–9 sa ating mga desisyon hinggil sa paksang ito?
-
Sa pagsisikap nating sundin ang tagubilin ni Pablo, anong mga hamon ang maaaring makaharap natin hinggil sa paksang ito?
-
Bakit ang pagpapalang “ang Dios ng kapayapaan ay sasaiyo” (Mga Taga Filipos 4:9) ay sulit na pagsikapan sa paghahangad ng mga bagay na matwid at pagsunod sa mga apostol at mga propeta?
-
Paano mo mas mapapahusay ang iyong pagsisikap na ituon ang iyong isipan sa mga bagay na matwid? Isipin ang mga pagpapalang dumating sa iyo sa pagsunod mo sa mga turo ng mga apostol at mga propeta. Patuloy na ipamuhay ang alituntuning ito para patuloy kang mapatnubayan at mabigyan ng kapayapaan ng Panginoon.
Tulad ng nakatala sa Mga Taga Filipos 4:10, pinasalamatan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos para sa pagtulong at pagmamalasakit nila sa panahon ng kanyang kapighatian. Basahin ang Mga Taga Filipos 4:11–12, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga Banal na natutuhan niya.
Ano ang natutuhang gawin ni Pablo sa lahat ng bagay o sitwasyon?
Basahin ang Mga Taga Filipos 4:13–14, na inaalam ang pinanggagalingan ng lakas ni Pablo. (Ang Mga Taga Filipos 4:13 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa iyong mga banal na kasulatan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Ang sinabi ni Pablo sa talata 13 ay tumutukoy sa kanyang kakayahan, sa pamamagitan ng lakas na ibinigay ni Jesucristo, na magawa ang lahat ng bagay na kalugud-lugod sa Diyos o iniutos ng Diyos, kabilang ang pagiging kuntento sa anumang kalagayan. Tulad ni Pablo, magagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na nagbibigay sa atin ng lakas.
Ano ang magagawa natin para matanggap ang lakas na ibinibigay ni Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang maaaring magawa natin dahil sa lakas ng biyaya ng Diyos: “Ang [isang] bahagi ng biyaya ng Diyos ay ang pagbubukas ng mga dungawan sa langit, na pinagbubuhusan ng Diyos ng mga pagpapala ng kapangyarihan at lakas, na nagbibigay-kakayahan sa atin na makamtan ang mga bagay na hindi natin kayang makamit. Sa kamangha-manghang biyaya ng Diyos nadaraig ng Kanyang mga anak ang mapanganib at tagong mga tukso ng manlilinlang, nadaraig ang kasalanan, at ‘[nagiging] ganap kay Cristo’ [Moroni 10:32]” (“Ang Kaloob ng Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108).
Ilan sa mga paraan na maaari nating maranasan ang lakas na ito ay kinapapalooban ng pagkakaroon ng higit na katatagan, determinasyon, lakas ng loob, pagtitiis, at pagtitiyaga, pati na rin ang higit na katatagan at pisikal, mental, at espirituwal na lakas.
-
Sa iyong scripture study journal, magsulat ng isang karanasan kung saan ang iyong pananampalataya kay Jesucristo ay nagbigay sa iyo ng lakas na gumawa ng isang bagay na mabuti.
Scripture Mastery—Mga Taga Efeso 4:13
-
Ang pagsasaulo ng Mga Taga Filipos 4:13 ay makatutulong na maalala mo ang katotohanang ito kapag ikaw o ang mga tao sa paligid mo ay nangailangan ng lakas na makayanan ang mga pagsubok at mamuhay nang matwid. Basahin nang paulit-ulit ang Mga Taga Filipos 4:13 dahil makatutulong ito sa iyo na maisaulo ang talatang ito. Bigkasin ito sa isang kapamilya o kaibigan, at hilingin sa taong iyan na magbahagi ng isang karanasan kung saan ang pananampalataya niya kay Jesucristo ay nagbigay sa kanya ng lakas na gumawa ng isang bagay na mabuti. Pagkatapos ay pirmahan mo ang iyong scripture study journal.
Mga Taga Filipos 4:15–23
Tinapos ni Pablo ang kanyang sulat na nagpapasalamat sa mga taga-Filipos
Mababasa natin sa Mga Taga Filipos 4:15–23 na muling pinasalamatan ni Pablo ang mga Banal sa Filipos sa pagtulong nila sa kanya noong siya ay nangailangan ng tulong. Ang mga kaloob ng mga Banal ay nakalulugod sa Diyos, at ipinangako ni Pablo na tutugunan din ng Diyos ang kanilang mga pangangailangan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Taga Filipos 4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: