Unit 19: Day 4
Mga Gawa 18–19
Pambungad
Hindi tinanggap si Pablo ng maraming Judio sa Corinto ngunit nagtagumpay roon sa mga Gentil. Sa Efeso, sina Aquila at Priscila, isang mabuting mag-asawa, ay tinuruan si Apolos, isang Judio mula sa Alexandria, at tinulungan siyang maunawaan ang daan ng Diyos. Si Pablo ay nangaral sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gumawa ng mga himala, at iniwasan ang galit na mga tao sa dulaan o teatro sa Efeso.
Mga Gawa 18:1–17
Nangaral si Pablo sa Corinto
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang paraan na nakibahagi ka sa gawain ng Panginoon?
-
Anong mga hamon ang naranasan mo sa pagsisikap mong gawin ang gawain ng Panginoon?
-
Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 18, alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa iyo sa pagsisikap mong gawin ang gawain ng Panginoon.
Nalaman natin sa Mga Gawa 18:1–5 na nilisan ni Pablo ang Atenas at naglakbay patungo sa Corinto, kung saan nagturo siya sa sinagoga. Basahin ang Mga Gawa 18:6, na inaalam kung anong mga hamon ang naranasan ni Pablo nang magturo siya sa mga Judio sa Corinto tungkol kay Jesucristo.
Ano ang binalak gawin ni Pablo dahil hindi tinanggap ng mga Judio sa sinagoga ang kanyang mensahe?
Basahin ang Mga Gawa 18:7–10, na inaalam ang nangyari na nakapagbigay ng lakas ng loob kay Pablo. Maaari mong markahan sa talata 10 ang pangakong ibinigay ng Panginoon kay Pablo kung patuloy niyang ipangangaral ang ebanghelyo sa Corinto.
Matututuhan natin sa mga talatang ito na kung mamumuhay tayo nang karapat-dapat, mapapasaatin ang Panginoon kapag ginagawa natin ang Kanyang gawain. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng iyong mga banal na kasulatan malapit sa Mga Gawa 18:9–10.
Nagbigay si Pangulong Thomas S. Monson ng sumusunod na pahayag: “Ngayon, ilan sa inyo ay maaaring likas na mahiyain o itinuturing ang sarili ninyo na kulang sa kakayahang magampanan ang tungkulin. Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lamang sa inyo at sa akin. Ito ay gawain ng Panginoon, at kapag tayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na huhubugin ng Panginoon ang likod [natin] para makayanan ang pasanin na ilalagay dito” (“Para Matuto, Para Gawin, Para Maging,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 62).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit mahalagang malaman na sasamahan ka ng Panginoon kapag ginagawa mo ang Kanyang gawain?
-
Kailan ka nasamahan ng Panginoon sa paggawa mo ng Kanyang gawain? Paano mo nalaman na Siya ay kasama mo?
-
Nakatala sa Mga Gawa 18:11–17 na patuloy na nangaral si Pablo sa Corinto sa loob ng isang taon at kalahati. Habang nasa Corinto siya, tinangka ng ilang Judio na malitis si Pablo sa hukuman para sa mga itinuro niya, pero tumanggi ang proconsul, sa gayon ay natupad ang pangako ng Panginoon kay Pablo.
Mga Gawa 18:18–28
Tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos na maunawaan ang daan ng Diyos
Nalaman natin sa Mga Gawa 18:18–23 na sinamahan ng mag-asawang Aquila at Priscila si Pablo papunta sa Efeso. Iniwan ang mag-asawa sa Efeso, naglakbay si Pablo papunta sa Jerusalem at pahilaga papunta sa Antioquia, kung saan tinapos niya ang kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay. Tumagal nang tatlong taon ang pangmisyonerong paglalakbay na ito. Sa pagkakataong ito, mga 3,000 milya ang nalakbay ni Pablo.
Pagkaraan ng ilang panahon, nilisan ni Pablo ang Antioquia at sinimulan ang kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay para, (tingnan sa Mga Mapa sa Biblia blg. 13, “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa paglalakbay na ito ay muli siyang pumunta sa mga lugar kung saan siya nakapagtatag ng mga sangay o branch ng Simbahan, na nagpalakas sa mga disipulo.
Basahin ang Mga Gawa 18:24–25, na inaalam ang nangyari sa Efeso pagkaalis ni Pablo.
Ano ang naunawaan na ni Apolos sa “mga bagay na tungkol kay Jesus” (talata 25)?
Dahil ang “naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan” (talata 25), hindi lubos na naunawaan ni Apolos ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon. Basahin ang Mga Gawa 18:26, na inaalam ang ginawa nina Aquila at Priscila nang marinig nila ang turo ni Apolos.
Ang ibig sabihin ng “isinaysay sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat” (talata 26) ay lalo pang tinuruan nina Aquila at Priscila si Apolos ng tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, na nakadagdag sa kaalaman at pag-unawa ni Apolos.
Basahin ang Mga Gawa 18:27–28, na hinahanap ang katibayan na tinulungan nina Aquila at Priscila si Apolos na lubos na maunawaan ang daan ng Diyos.
Mga Gawa 19:1–20
Ipinagkaloob ni Pablo ang kaloob na Espiritu Santo at gumawa ng mga himala
Nang simulan ni Pablo ang kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay, naglakbay siya sa buong Galacia at Frigia (tingnan sa Mga Gawa 18:23), at pagkatapos ay bumalik sa Efeso. Basahin ang Mga Gawa 19:2–6, na inaalam kung paano tinulungan ni Pablo ang mga tao sa Efeso na lubos na maunawaan ang daan ng Diyos.
Anong doktrina ang lubos pang ipinaunawa ni Pablo sa mga disipulo sa Efeso?
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag na inilathala sa pamamahala ni Propetang Joseph Smith, alamin kung bakit kailangang muling mabinyagan ang mga taong ito sa Efeso: “Tila … ang ilang Judio na hindi nakauunawa ay nagbibinyag tulad ni Juan [Bautista], ngunit nakaligtaang ipaalam sa kanila na may isang darating na nangngangalang Jesucristo, na magbibinyag sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo:—na nagpahiwatig sa mga bagong binyag na ito na hindi awtorisado ang ginawang unang binyag sa kanila, at nang marinig nila ito, sila ay masayang nagpabinyag muli, at pagkatapos ipatong ang mga kamay sa kanila, natanggap nila ang mga kaloob, alinsunod sa pangako” (“Baptism,” Times and Seasons, Set. 1, 1842, 904).
Nalaman natin mula sa karanasang ito na upang magkaroon ng bisa, dapat isagawa ang binyag ng awtorisadong tagapaglingkod ng Diyos, at upang makumpleto ang binyag, dapat itong lakipan ng pagtanggap ng Espiritu Santo.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang binyag ay dapat lakipan ng “kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay”: “Para kayong nagbinyag ng isang sakong buhangin kapag bininyagan ninyo ang isang tao nang hindi para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkakamit ng Espiritu Santo. Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 111).
Nalaman natin sa Mga Gawa 19:7–10 na patuloy na nangaral si Pablo sa Efeso nang mahigit dalawang taon. Basahin ang Mga Gawa 19:11–12, na inaalam ang mga himalang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo.
Ang isang doktrina na natutuhan natin mula sa talang ito ay na ang isang paraan na naipapakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan ay sa pamamagitan ng Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod.
Basahin ang Mga Gawa 19:13–16, na inaalam ang nangyari nang subukan ng ilang kalalakihan na magpalayas ng mga diyablo, tulad ng ginawa ni Pablo.
Dahil ang mga anak na lalaki ni Esceva ay walang priesthood para magpagaling sa pangalan ni Jesucristo, hindi kinilala ng masasamang espiritu ang kanilang awtoridad, bagama’t sinabi nilang kinakatawan nila ang Tagapagligtas.
Basahin ang Mga Gawa 19:17–20, na inaalam ang ginawa ng maraming tao nang malaman ang tungkol sa pangyayaring ito. Ang mga katagang “mga kabihasnang magica” sa talata 19 ay tumutukoy sa panggagaway at iba pang masasamang gawain.
Paano ipinakita ng mga taong ito ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo?
Matututuhan natin ang sumusunod na alituntunin mula sa mga talatang ito: Sa pagtatapat at pagtalikod sa masasamang gawain, naipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilang sakripisyo na kailangang gawin ng isang tao para matalikuran ang kasalanang ipinagtapat niya?
Isiping mabuti kung may anumang kasalanan na nais ng Panginoon na ipagtapat at talikuran mo. Kumilos ayon sa anumang inspirasyon na matatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito.
Mga Gawa 19:21–41
Nagsalita nang laban kay Pablo ang mga sumasamba sa huwad na diyosang si Diana at naging dahilan ng kaguluhan sa bayan
Nalaman natin sa Mga Gawa 19:21–41 na ilan sa mga negosyo sa Efeso ay dulot ng pagsamba sa huwad na diyosa na si Diana. Dahil sa pangangaral ni Pablo laban sa pagsamba sa mga huwad na diyos, inudyukan ng mga panday na gumagawa ng mga imahe ni Diana ang mga tao laban kay Pablo. Kinuha ng mga tao ang dalawa sa mga kasama ni Pablo at nagtipon sa dulaan ng bayan, na kasya ang 24,000 katao. Hinangad ni Pablo na magsalita sa mga tao, ngunit hinikayat siya ng ilang disipulo at mga pinuno ng pamahalaan na huwag pumasok sa dulaan o teatro. Napayapa at napauwi ng kalihim-bayan ang mga tao. Halimbawa ang pagprotekta kay Pablo at sa kanyang mga kasama kung paanong magpapatuloy ang gawain ng Diyos sa kabila ng mga pagsalungat at pang-uusig ng masasama.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 18–19 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: