Library
Unit 7, Day 1: Mateo 26:31–75


Unit 7: Day 1

Mateo 26:31–75

Pambungad

Sa Halamanan ng Getsemani, sinimulan ni Jesucristo ang pag-ako sa mga kasalanan ng lahat ng tao bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ipinagkanulo ni Judas si Jesus sa mga pinunong Judio. Si Jesus ay nilitis nang hindi makatarungan sa harapan ni Caifas, ang mataas na saserdote, kung saan inakusahan Siya nang mali. Kasabay nito, tatlong beses ipinagkaila ni Pedro na kilala niya ang Tagapagligtas sa mga taong nakilala siya bilang isa sa mga disipulo ni Jesucristo.

Nananalangin si Jesus sa Getsemani

Mateo 26:31–46

Nagdusa si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani

Isipin ang sumusunod na sitwasyon: Simula pa noong bata, itinuro na sa isang tinedyer na tungkulin ng priesthood na maglingkod sa full-time mission. Ngayong tinedyer na, alam niya na dapat siyang magmisyon, ngunit nahihirapan siyang gawin ito. Mas interesado siya sa ibang mga oportunidad at nag-aalala na magiging hadlang ang misyon para maranasan ang mga iyon.

Ano ang iba pang mga sitwasyon na maaaring naiiba ang gusto ng mga kabataan sa gustong ipagawa sa kanila ng Ama sa Langit?

Isipin ang mga pagkakataon na nahihirapan kang sundin ang gusto ng Ama sa Langit dahil iba ang gusto mo. Sa pag-aaral mo ng nalalabing bahagi ng Mateo 26, alamin ang mga alituntuning makatutulong sa iyo kapag nahihirapan kang gawin ang ipinagagawa sa iyo ng Ama sa Langit.

Alalahanin na nakasaad sa Mateo 26:1–30 ang tungkol sa pagkain ng Panginoon sa pista ng Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol at ang Kanyang pagpapasimula sa sakramento. Basahin ang Mateo 26:31–35, na inaalam ang ipinropesiya ni Jesus na mangyayari sa Kanyang mga Apostol.

Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang mangagdaramdam ay manlamig o tumalikod o magtatwa.

Pansinin kung paano sinagot ni Pedro at ng iba pang mga Apostol ang sinabi ng Tagapagligtas.

Basahin ang Mateo 26:36–38, na inaalam ang pinuntahan ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol pagkatapos ng pista ng Paskua.

Tingnan ang larawan ng Bundok ng mga Olibo at ng Halamanan ng Getsemani sa Mga Larawan sa Biblia, blg. 11 at 12, sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ang Getsemani ay isang halamanan ng mga punong olibo sa o malapit sa Bundok ng mga Olibo. “Ang ibig sabihin ng salitang getsemani ay ‘giikan ng olibo’” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Getsemani,” scriptures.lds.org).

Markahan ang mga kataga sa Mateo 26:36–38 na naglalarawan ng nadama ni Jesus nang pumasok Siya sa Getsemani.

Basahin ang Mateo 26:39, na inaalam ang ginawa ni Jesus matapos lumakad “sa dako pa roon” sa halamanan.

Ang saro na tinukoy ng Tagapagligtas ay simbolo ng mapait na pagdurusang naranasan Niya bilang bahagi ng Pagbabayad-sala. Sa Getsemani, sinimulan ni Jesus ang pag-ako ng mga kasalanan at pagdurusa para sa lahat ng tao bilang bahagi ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.

Elder Jeffrey R. Holland

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isinasamo ni Jesus sa Ama nang hilingin Niyang palampasin sa Kanya ang saro: “Sinabi ng Panginoon, sa katunayan, ‘Kung may iba pang daan, daraanan ko ito. Kung may iba pang paraan—ibang daan—malugod kong tatanggapin.’ … Subalit sa huli, hindi lumampas ang sarong ito” (“Pagtuturo, Pangangaral, Pagpapagaling,” Liahona, Ene. 2003, 41).

Maaari mong markahan ang mga katagang “gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39; tingnan din sa D at T 19:19).

Kahit humiling Siya ng ibang paraan na maisakatuparan ang mga layunin ng Ama, sinunod ni Jesucristo ang kalooban ng Ama para maisagawa ang Pagbabayad-sala.

Pag-isipan kung ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa Kanyang kahandaang sundin ang kalooban ng Ama sa Langit kahit na ibig sabihin nito ay dadanas Siya ng matinding pagdurusa at kamatayan.

Kumpletuhin ang sumusunod na pahayag batay sa natutuhan mo sa Mateo 26:39: Tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag tayo ay .

  1. journal iconRebyuhin ang mga sitwasyong inilista mo sa simula ng lesson na ito. Pagkatapos ay sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano tayo mapalalakas ng halimbawa ng Tagapagligtas sa ganitong mga sitwasyon?

  2. journal iconIsipin ang mga pagkakataon na pinili mo pa ring sundin ang gusto ng Ama sa Langit kahit iba ito sa gusto mo. Isulat sa iyong scripture journal ang isa sa mga naranasan mo kung hindi ito masyadong personal, at ipaliwanag kung bakit iyon ang naging desisyon mo at ano ang nadama mo tungkol dito.

Umisip ng isang partikular na paraan na matutularan mo ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng kagustuhan ng Ama sa Langit. Maaari kang magtakda ng mithiing gawin ang naisip mong paraan.

Rebyuhin ang Mateo 26:37–38, na inaalam ang mga ibinilin ng Tagapagligtas kina Pedro, Santiago, at Juan sa Getsemani.

Ang ibig sabihin ng instruksyon na “makipagpuyat sa akin” sa talata 38 ay gumising, maging alerto, o maging mapagbantay. Upang mas maunawaan kung bakit kailangan ng mga disipulo ang bilin ng Tagapagligtas na makipagpuyat o magbantay sa Kanya, makikita na idinagdag sa Pagsasalin ni Joseph Smith na pagdating ng mga disipulo sa halamanan, sila ay “nagsimulang magtaka nang labis, at namanglaw nang lubha, at dumaing sa kanilang mga puso, kung ito nga ba ang Mesiyas” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:36 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Sa itinagubilin Niya sa Kanyang mga disipulo na magbantay sa Kanya, binigyang-babala ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na mag-ingat dahil masusubukan ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

Basahin ang Mateo 26:40, na inaalam ang natuklasan ni Jesus na ginagawa nina “Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo [sina Santiago at Juan]” (Mateo 26: 37) habang Siya ay nagdarasal.

Ginising ni Cristo ang mga Apostol

Inilahad sa Joseph Smith Translation ng Lucas 22:45 na ang mga disipulo ay nagsisitulog “dahil sa hapis.”

Basahin ang Mateo 26:41, na inaalam kung ano ang iniutos ni Jesus na gawin nila.

Ang sumusunod ay isang alituntuning matututuhan natin mula sa mga instruksyon ng Tagapagligtas sa mga Apostol na ito: Kung patuloy tayong magbabantay at mananalangin, magkakaroon tayo ng lakas na labanan ang tukso.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga katagang “ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman” (Mateo 26:41)?

Maaaring ang isang kahulugan nito ay gusto ng mga disipulo na sundin ang Tagapagligtas, ngunit hinayaan nilang daigin ng kagustuhang matulog ang espirituwal na hangarin nilang magbantay at manalangin. Pag-isipan kung paano maaaring makatulong sa atin sa paglaban sa tukso ang pag-unawa sa mga katagang ito.

Pangulong Henry B. Eyring

Matapos banggitin ang Mateo 26:41, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Ang babala [ng Tagapagligtas] kay Pedro ay para din sa atin. Ang lobo na papatay sa tupa ay tiyak na lalapain din ang pastol. Kaya dapat nating bantayan ang ating sarili gayundin ang iba” (“Watch with Me,” Ensign, Mayo 2001, 39).

Alalahanin na ang kahulugan ng “mangagpuyat” ay gumising, maging alerto, o maging mapagbantay. Pag-isipan kung paano makatutulong ang espirituwal na pagbabantay para madaig natin ang ating mga kahinaan at malabanan ang tukso.

Pag-isipang mabuti kung naranasan mo na bang matukso dahil hindi ka nanalangin at naging mapagbantay. Isipin kung paano ka naapektuhan ng pagpiling iyon. Pagkatapos, isiping mabuti ang mga pagkakataon na nalabanan mo ang tukso dahil nanalangin ka at nagbantay. Ano ang nakatulong sa iyo na patuloy na espirituwal na magbantay at manalangin?

Sa isang papel, isulat ang isang bagay na gagawin mo para patuloy na lalo pang magbantay at manalangin. Maaari mong dalhin lagi ang papel na ito para maalala mo ang iyong goal o mithiin.

Mapapansin na nakatala sa Mateo 26:42–46 na tatlong beses na nanalangin si Jesus sa Halamanan ng Getsemani. Ipinahayag Niya sa bawat panalangin ang kahandaang sundin ang kagustuhan ng Kanyang Ama.

Mateo 26:47–-75

Si Jesucristo ay dinakip at nilitis sa harap ni Caifas

Binalak ng mga punong saserdote at mga eskriba na patayin si Jesucristo. Kabilang sa kanilang masamang balak ang pagsuhol kay Judas, pagkuha ng mga bulaang saksi, pangungutya, at maging ang labis na pagpapahirap kay Jesus. Ang Tagapagligtas ay sapilitang pinaharap sa dalawang pormal na paglilitis: Ang una ay ang paglilitis ng mga Judio sa harapan ng Sanedrin ng Jerusalem—na binubuo ng 71 miyembro, kabilang na ang mga Levita, punong saserdote, eskriba, Fariseo, Saduceo, at iba pang grupong pulitikal, na pinamumunuang lahat ng mataas na saserdote, na nang panahong iyon ay si Caifas. Ang pangalawa ay ang paglilitis ng mga Romano sa harapan ni Pilato. Sa paglilitis ng mga Judio, si Jesus ay pinaratangan ng kapusungan o kalapastangan (pangungutya, panlalait, o pagsumpa sa Diyos) dahil tinawag Niya ang Kanyang sarili na Anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 26:64–65). Dahil ang kalapastangan sa Diyos ay may kinalaman lamang sa Judio at walang pakialam ang mga Romano dito, pinalitan ng mga pinunong Judio ang kanilang habla at ginawa itong pagtataksil nang dalhin nila si Jesus kay Pilato. Tinangkang paniwalain ng mga pinunong Judio ang mga Romano na tangka ni Jesus na gawing Hari ang sarili, na umaasang ipapapatay si Jesus ng mga Romano dahil sa pagtataksil kay Cesar. Gayunman, walang nakitang kasalanan si Pilato kay Jesus sa paglilitis ng mga Romano. Subalit, sa huli ay pinahintulutan pa rin ni Pilato ang pagpatay kay Jesus sa ikasisiya ng mga pinunong Judio.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Gerald N. Lund, na naging miyembro ng Pitumpu: “Wariin [si Jesucristo,] ang Nilalang na ang kapangyarihan, liwanag, kaluwalhatiang taglay ay inilagay sa kaayusan ang sansinukob, ang Nilalang na nagsalita at nalikha ang mga planeta, mga kalawakan, at mga bituin—na nakatayo sa harapan ng masasamang tao at hinahatulan bilang nilalang na walang halaga!” (“Knowest Thou the Condescension of God?” sa Doctrines of the Book of Mormon: The 1991 Sperry Symposium, ed. Bruce A. Van Orden at Brent L. Top [1992], 86).

Kahit may kapangyarihan si Jesucristo na lipulin ang mga taong humahagupit at nandudura sa Kanya, buong puso niyang tiniis ang lahat ng ito. Hindi alam ng mga pinuno at mga kawal ng Roma ang walang-hanggang kapangyarihan na maaaring hingin ni Jesus kung iyon ang nais ng Ama sa Langit na gawin Niya.

Saliksikin ang Mateo 26:47–68, na inaalam kung paano patuloy na sinunod ni Jesucristo ang kagustuhan ng Kanyang Ama kahit Siya ay minaltrato at hinatulan ng masasamang tao (tingnan din sa 1 Nephi 19:9). Maaari mong markahan ang nalaman mo.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang napansin mo sa determinasyon ng Tagapagligtas na gawin ang kagustuhan ng Ama sa Langit anuman ang sitwasyon. Isulat mo rin kung paano mo matutularan ang pagiging masunurin ng Tagapagligtas.

Sa Mateo 26:56, mapapansin na ang ipinropesiya ng Tagapagligtas na iiwan Siya ng mga Apostol ay nangyari. Gayunman, ang pag-iwan na ito ay pansamantala lamang.

Nakatala sa Mateo 26:69–75 na habang nililitis si Jesus matapos Siyang dakpin, tatlong beses Siyang ipinagkaila ni Pedro. (Paalala: Ang pagkakaila ni Pedro ay tatalakayin nang mas detalyado sa lesson sa Lucas 22.)

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 26:31–75 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: