Unit 9: Day 1
Marcos 10–16
Pambungad
Sa nalalapit na pagwawakas ng Kanyang ministeryo sa buhay na ito, nilisan ng Tagapagligtas ang Galilea at dumaan sa Perea, isang lugar sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa pagpunta Niya sa Jerusalem. Habang nasa Perea, inanyayahan Niya ang maliliit na bata na lumapit sa Kanya at pinayuhan ang isang mayamang batang pinuno na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at sumunod sa Kanya. Sa Jerusalem, nakita ng Tagapagligtas ang isang maralitang balo na naghulog ng dalawang lepta sa kabang-yaman ng templo. Kalaunan, habang naghahapunan sa Betania, pinahiran ni Maria si Jesus ng unguento bilang paghahanda sa Kanyang libing. Ang Tagapagligtas ay nagdusa sa Getsemani, at Siya ay nilitis kalaunan at hinatulang mamatay. Matapos Siyang mamatay sa krus at mabuhay na muli, ang Panginoon ay nagpakita sa Kanyang mga Apostol at inatasan silang dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo.
Marcos 10:1–16
Itinuro ni Jesus ang doktrina ng kasal at inanyayahan ang maliliit na bata na lumapit sa Kanya
Isipin ang maliliit na bata na kilala mo.
Anong mga katangian o pag-uugali ang hinahangaan mo sa maliliit na bata?
Sa pag-aaral mo ng Marcos 10:1–16, alamin ang katotohanan na nagtuturo kung bakit dapat tayong maging katulad ng maliliit na bata.
Nabasa natin sa Marcos 10:1–12 ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao tungkol sa kahalagahan ng kasal. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga turo ng Tagapagligtas, maaari mong balikan ang mga materyal para sa Mateo 19:1–12.
Hinggil sa mga turo ni Jesucristo tungkol sa kasal at diborsiyo sa Mateo 19:1–12 at Marcos 10:1–12, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawa:
“Tulad ng nakatala rito, ang mga turo ng ating Panginoon tungkol sa kasal at diborsyo ay hindi kumpleto. Mauunawaan lamang ang mga ito kapag iniugnay sa batas ng selestiyal na kasal na inihayag muli sa makabagong panahong ito. Ang ganito ring pangkalahatang mga alituntunin na ipinatutupad sa walang hanggang kasal ay batid at naunawaan ng mga disipulo sa panahon ni Jesus at gayon din, kahit paano, ng mga Fariseo. Ngunit ang mga talang iningatan kapwa nina Mateo at Marcos tungkol sa pagtalakay ng Panginoon sa kasal at diborsiyo ay masyadong ibinuod at pinaikli kaya hindi nakapagbigay ang mga ito ng malinaw na paliwanag sa problemang tinalakay. …
“… Ang diborsiyo ay hindi bahagi ng plano ng ebanghelyo kahit anong uri pa ng kasal ang kasali rito. Ngunit dahil hindi naman palaging ipinamumuhay ng mga tao ang mga pamantayan ng ebanghelyo, pinahintulutan ng Panginoon ang diborsiyo ng dahil dito o sa iba pang kadahilanan, batay sa espirituwal na katatagan ng mga taong kasama rito. … Sa panahong ito, pinapayagan ang mga diborsiyo ayon sa mga batas ng tao, at ang mga taong nakipagdiborsiyo ay pinapayagan ng Simbahan na muling magpakasal at hindi nagkasala sa mas mataas na batas” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:546–47).
Basahin ang Marcos 10:13–14, at alamin ang nangyari nang dalhin ng ilang tao ang maliliit na bata para makita si Jesus.
Basahin ang Marcos 10:15–16, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo nang anyayahan Niya ang maliliit na bata na lumapit sa Kanya. Ang mga katagang “tumanggap ng kaharian ng Dios” sa talata 15 ay tumutukoy sa pagtanggap ng ebanghelyo at pagiging miyembro ng Kanyang Simbahan.
Batay sa mga talatang ito, ano ang mangyayari kapag tinanggap natin ang ebanghelyo na tulad ng maliliit na bata? Sagutin ang tanong sa pamamagitan ng pagkumpleto sa sumusunod na alituntunin: Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo na tulad ng maliliit na bata, magiging handa tayo na .
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tanggapin ang ebanghelyo na “tulad sa isang maliit na bata” (Marcos 10:15)?
-
Kung may isang taong tumanggap ng ebanghelyo na tulad sa isang maliit na bata, paano sa palagay mo siya magbabasa ng mga banal na kasulatan, mananalangin, at sasamba sa Simbahan?
-
Marcos 10:17–45
Pinayuhan ng Tagapagligtas ang isang mayamang batang pinuno na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at sumunod sa Kanya; pinayuhan Niya ang Kanyang mga disipulo na paglingkuran ang isa’t isa
Basahin ang Marcos 10:17–20, na inaalam ang nangyari pagkatapos basbasan ni Jesus ang maliliit na bata. Maaari mong markahan kung ano ang itinanong ng lalaki sa Tagapagligtas at kung ano ang tugon ng Tagapagligtas.
Paano mo ilalarawan ang lalaking lumapit kay Jesus?
Ang Mateo 19 ay naglalaman din ng tala tungkol sa lalaking ito na lumapit sa Tagapagligtas. Basahin ang Mateo 19:20, na inaalam ang itinugon ng lalaki sa payo ng Tagapagligtas na sundin ang mga kautusan. Maaari mong markahan ang karagdagang tanong ng batang pinuno sa Kanya.
-
Isulat ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano pa ang kulang sa akin? Sasagutin mo ang mga karagdagang tanong na may kaugnayan sa tanong na ito kalaunan sa lesson.
Basahin ang Marcos 10:21, na inaalam kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa batang pinuno.
Pansinin ang mga katagang “pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya” sa talata 21. Sa iyong palagay, bakit mahalagang malaman na mahal ni Jesus ang lalaking ito bago Niya sabihin sa kanya kung ano pa ang kulang nito?
Matututuhan natin mula sa mga talatang ito na dahil mahal Niya tayo, tutulungan tayo ng Panginoon na malaman kung ano ang kulang sa ating mga pagsisikap na sumunod sa Kanya, at kung hihiling tayo sa Panginoon, tuturuan Niya tayo kung ano ang kailangan nating gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan.
Basahin ang Marcos 10:22, na inaalam ang reaksyon ng batang pinuno nang payuhan siya ng Tagapagligtas na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari. Ayon sa talata 22, bakit ganoon ang naging reaksyon niya?
Bagama’t maaaring hindi iutos sa atin na iwanan natin ang malaking kayamanan para sumunod sa Panginoon, iniuutos Niya sa atin na gumawa tayo ng iba pang mga sakripisyo para makapaglingkod sa Kanya at makasunod sa Kanyang mga kautusan.
-
Sa ilalim ng tanong na “Ano pa ang kulang sa akin?” sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang sakripisyo na ipinagagawa sa atin ng Panginoon na maaaring mahirap gawin?
-
Magsulat tungkol sa sakripisyong ipinagawa (o ipinagagawa) sa iyo ng Panginoon na maaaring mahirap gawin.
-
Mapanalanging pag-isipan ang tanong na “Ano pa ang kulang sa akin?” at sundin ang anumang inspirasyong matatanggap mo tungkol sa mga sakripisyong ipagagawa sa iyo ng Panginoon.
Basahin ang Marcos 10:23–27. Basahin ang paglilinaw na ibinigay ng Joseph Smith Translation sa sinabi ng Tagapagligtas sa talata 27, na inaalam ang itinuro ni Jesus tungkol sa pag-iwan ng lahat ng mayroon ka alang-alang sa Kanya: “Sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan, hindi makapangyayari ito; ngunit hindi gayon sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at iniiwan ang lahat alang-alang sa akin, sapagkat para sa kanila ang lahat ng bagay na ito ay mangyayari” (Joseph Smith Translation, Mark 10:26).
Sa palagay mo, bakit mahirap para sa mga taong nagtitiwala sa mga kayamanan o iba pang bagay sa mundo na makapasok sa kaharian ng Diyos? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng lahat ay mangyayari para sa mga taong nagtitiwala sa Diyos?
Basahin ang Marcos 10:28–31, na inaalam ang ipinangako ni Jesus sa mga taong handang isuko ang lahat ng bagay para sumunod sa Kanya? Basahin ang paglilinaw na ibinigay ng Joseph Smith Translation sa sinabi ng Tagapagligtas sa talata 31: “Datapuwa’t maraming nangauuna ay mangahuhuli, at nangahuhuli na mangauuna. Ito ang Kanyang sinabi, na pinagsasabihan si Pedro” (Joseph Smith Translation, Mark 10:30–31).
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na alituntunin: Upang matanggap ang buhay na walang hanggan, dapat handa tayong isuko ang anumang bagay para masunod ang inuutos sa atin ng Panginoon.
Bakit ang buhay na walang hanggan ay sulit o karapat-dapat sa anumang sakripisyong ipagagawa sa atin?
Sa Marcos 10:35–45, nalaman natin na hiniling nina Santiago at Juan kay Jesus na kung maaari ay mangaupo sila sa kanan at kaliwang tabi ni Jesus sa walang hanggang kaharian. Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas sa Labindalawang Apostol na hindi sila dapat tumulad sa mga pinunong gentil na gumagamit ng kapamahalaan sa iba. Ang mga pinakadakila sa kaharian ng Diyos ay mga lingkod ng lahat.
Marcos 11–13
Nagturo ang Tagapagligtas sa templo at nakita ang isang balo na naghulog ng mga lepta sa kabang-yaman ng templo
Sa bawat isa sa sumusunod na mga sitwasyon, dalawang tao ang nagbigay ng mga handog sa Panginoon. Pag-isipang mabuti kung ano ang pagkakaiba ng mga handog sa bawat sitwasyon.
-
Isang babae ang nagbigay sa kanyang bishop ng malaking halaga ng pera bilang handog-ayuno. Isa pang babae na kabilang sa ward ding iyon ang nagbigay sa kanyang bishop ng napakaliit na halaga ng pera bilang handog-ayuno.
-
Isang lalaki ang naglilingkod bilang stake president. Ang isa pang lalaki na kabilang din sa stake na iyon ay naglilingkod bilang titser sa primary.
Ano kaya ang mararamdaman ng isang tao kung ang kanyang handog sa Panginoon ay tila maliit kumpara sa mga handog ng iba?
Sa pag-aaral mo ng Marcos 11–13, hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malaman kung paano pinahahalagahan ng Panginoon ang mga handog mo sa Kanya.
Nalaman natin sa Marcos 11:1–12:40 na habang papalapit na ang pagwawakas ng ministeryo ng Tagapagligtas dito sa mundo, Siya ay matagumpay na nakapasok sa Jerusalem sakay ng asno, nagtaboy ng mga nagpapalit ng salapi mula sa templo, at nagturo sa mga taong naroon.
Habang Siya ay nasa templo, nakita ni Jesus ang mga tao na may dalang pera para sa kabang-yaman ng templo bilang handog sa Diyos. Basahin ang Marcos 12:41–44, na inaalam kung ano ang nakita ng Tagapagligtas sa may kabang-yaman.
Ano ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa handog ng balo kumpara sa mga handog ng iba pa?
Isipin ang barya o perang may pinakamababang halaga sa iyong bansa. Ang lepta ang “pinakamaliit na tansong barya na gamit ng mga Judio” (Bible Dictionary, “Money”).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit itinuring ng Tagapagligtas na “higit” ang handog ng balo kaysa iba pang mga handog?
Batay sa sinabi ng Panginoon tungkol sa balo, matututuhan natin ang sumusunod na alituntunin: Kung handa tayong ibigay ang lahat ng mayroon tayo sa Panginoon, tatanggapin Niya ang ating handog kahit tila maliit ito kumpara sa iba.
Kinakailangan ang pananampalataya upang maibigay natin ang lahat ng mayroon tayo sa Panginoon. Ang alituntuning ito ng pagsasakripisyo ay itinuro sa Lectures on Faith: “Unawain natin na ang isang relihiyon na hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan upang lumikha ng pananampalatayang kailangan tungo sa buhay at kaligtasan” (Lectures on Faith [1985], 69).
Nalaman natin sa Marcos 13 na itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ang tungkol sa Ikalawang Pagparito. Napag-aralan mo ang tungkol dito sa Joseph Smith—Mateo (tingnan ang lesson para sa Unit 6: Day 2).
Marcos 14:1–9
Pinahiran ni Maria ng unguento ang Tagapagligtas
Matapos ituro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito, nilisan Niya ang Jerusalem at nagpunta sa Betania sa bahay ng isang lalaki na nagngangalang Simon, na dating may ketong. Sa huling linggo ng buhay sa mundo ng Tagapagligtas, maraming beses Siyang nagpabalik-balik sa Jerusalem mula sa Betania.
Basahin ang Marcos 14:3 at Juan 12:3, na inaalam ang ginawa ni Maria na nagpapakita ng kanyang pananampalataya at pagmamahal kay Jesus.
Sinabi ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagpapahid ng pangkaraniwang langis sa ulo ng isang panauhin ay pagpapakita ng paggalang sa kanya; ang pagpapahid ng langis sa kanyang mga paa ay pagpapakita rin ng pambihira at [malaking] paggalang; ngunit ang pagpapahid ng unguentong nardo sa ulo at paa, at nang gayon karami, ay pagpapakita ng malaking pagpipitagan at paggalang na bibihirang ipagkaloob maging sa mga hari. Ang ginawa ni Maria ay pagpapakita ng pagsamba; iyon ay magiliw na pagbuhos ng puso na puspos ng pagsamba at pagmamahal” (Jesus the Christ, ika-3 ed. [1916], 512).
Mabilis na basahin ang Marcos 14:4–9, na inaalam kung ano ang reaksyon ng ilang taong naroon sa kainan sa ginawa ni Maria.
Ano ang itinugon ng Tagapagligtas sa mga nangutya kay Maria?
Ang mga katagang “mabuting gawa ang ginawa niya sa akin” sa talata 6 ay nagpapahiwatig na nalugod ang Tagapagligtas sa ginawa ni Maria. Ang mga katagang “ginawa niya ang kaniyang nakaya” sa talata 8 ay nagpapahiwatig na ibinigay ni Maria ang lahat ng makakaya niya sa Panginoon.
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na ang Tagapagligtas ay nalulugod kapag ibinigay natin sa Kanya ang lahat ng ating makakaya.
-
Pag-isipang mabuti ang alituntuning ito at ang naunang alituntunin na natukoy natin mula sa tala tungkol sa mga lepta ng balo, at kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Ipaliwanag kung paano makatutulong ang paniniwala sa mga katotohanang ito sa mga taong nakadarama na wala silang gaanong maibibigay sa Panginoon.
-
Ilarawan ang isang pangyayari kung saan nakita mo na ibinigay ng isang tao ang lahat ng kanyang makakaya sa Panginoon.
-
Pag-isipang mabuti kung naibibigay mo ba sa kasalukuyan ang lahat ng iyong makakaya sa Panginoon. Pumili ng isang aspeto sa iyong buhay na mas mapagbubuti mo pa at magtakda ng mithiin na makatutulong sa iyo na maibigay ang lahat ng iyong makakaya sa Panginoon.
Marcos 14:10–16:20
Ang Pagbabayad-sala ni Jesus ay nagsimula sa pagdurusa Niya sa Getsemani; Siya ay ipinagkanulo ni Judas Iscariote at dinala sa mga pinunong Judio
Nalaman natin sa Marcos 14:10–16:20 na ipinagdiwang ni Jesus at ng mga Apostol ang Paskua at itinuro ni Jesus ang mga sagisag ng sakramento. Pagkatapos ay nagpunta sila sa Halamanan ng Getsemani, kung saan nagdusa si Jesus para sa ating mga kasalanan. Pagkatapos nito, Siya ay ipinagkanulo ni Judas, nilitis ng Sanedrin nang di-ayon sa batas , at hinatulang mamatay. Matapos mamatay sa krus ang Tagapagligtas at mabuhay na muli, Siya ay nagpakita sa Kanyang mga Apostol at inatasan sila na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo, nangangako sa kanila na matutupad ang mga tanda sa mga yaong naniniwala. (Napag-aralan mo ang materyal na ito sa mga lesson para sa Mateo 26–28.)
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Marcos 10–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: