Library
Unit 21, Day 4: I Mga Taga Corinto 3–6


Unit 21: Day 4

I Mga Taga Corinto 3–6

Pambungad

Ipinaliwanag ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto ang mga tungkulin ng mga missionary sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Itinuro niya na ang kanilang mga kongregasyon ay lugar na maaaring manahan ang Espiritu at ipinayo sa kanila na huwag isipin na mas mabuti ang ilang tao kaysa sa iba. Bukod pa riyan, sinabihan sila ni Pablo na huwag hayaang maimpluwensyahan sila ng masasamang tao. Binalaan din niya sila na iwasan ang imoral na pilosopiya at gawi na laganap sa Corinto.

I Mga Taga Corinto 3

Ipinaliwanag ni Pablo ang tungkulin ng mga missionary at miyembro ng Simbahan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos

Isipin na kunwari ay may kaibigan ka na nag-enrol sa isang advanced math class, tulad ng calculus, pero hindi kumuha ng mga prerequisite course, tulad ng basic algebra.

Isipin kung paano kaya kakayanin ng kaibigan mo ang advanced math class. Bakit kailangang maintindihan muna ang mga simpleng konsepto ng isang paksa bago mo matutuhang mabuti ang mas mahihirap na konsepto?

Basahin ang I Mga Taga Corinto 3:1–3, na inaalam ang analohiya na ginamit ni Apostol Pablo para maipakita sa mga Banal sa Corinto na hindi pa sila handa sa mas malalim na katotohanan ng ebanghelyo. Maaari mong markahan ang mga salitang gatas at lamang-kati sa I Mga Taga Corinto 3:2.

Ano ang ibig ipabatid ng mga katagang “mga sanggol kay Cristo” sa I Mga Taga Corinto 3:1 tungkol sa espirituwalidad ng mga Banal sa Corinto?

Alalahanin na hindi nagkakaisa ang mga Banal sa Corinto at ang ilan sa kanila ay hinahaluan ng paganismo (o masasamang) paniniwala ang kanilang pagsunod sa ebanghelyo. Sinimulan na rin nilang maggrupo-grupo ayon sa kani-kanilang interpretasyon sa doktrina ng Simbahan, at sinuportahan nila ang kanilang mga pananaw sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga ipinahayag ng mga kilalang lider ng Simbahan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:10–16; 3:4).

Basahin ang I Mga Taga Corinto 3:5-8, na inaalam ang metaporang ginamit ni Pablo para matulungan ang mga Banal na maunawaan ang mga tungkulin ng mga missionary na nangaral ng ebanghelyo sa Corinto.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magdrowing ng larawan ng metapora ni Pablo at isulat kung ano sa tingin mo ang gustong ituro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto sa metaporang ito.

Pansinin sa I Mga Taga Corinto 3:6–7 kung sino ang nagpabago sa mga puso ng mga tao na humantong sa kanilang pagbabalik-loob o conversion. Matututuhan natin sa mga talatang ito na kahit makakatulong tayo sa iba na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo, tanging sa kapangyarihan ng Espiritu Santo lamang napapabalik-loob ang mga tao.

Isipin kung bakit mahalaga para sa atin na maunawaan na ang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ang kakayahan natin, ang nagpapabalik-loob.

Nalaman natin sa I Mga Taga Corinto 3:9-23 na hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na isalig ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at hayaang manatili sa Simbahan ang Espiritu. Pinayuhan din ni Pablo ang mga Banal na huwag umasa sa karunungan ng mundo dahil ito ay “kamangmangan” (I Mga Taga Corinto 3:19) kumpara sa karunungan ng Diyos.

I Mga Taga Corinto 4

Sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na huwag isiping mas mabuti ang ilang tao kaysa sa iba

Batay sa ipinayo ni Apostol Pablo na nakatala sa I Mga Taga Corinto 4:1–3, tila hinuhusgahan ng ilang miyembro ng Simbahan sa Corinto ang pagiging missionary at lider ni Pablo sa Simbahan. Maaaring kinukuwestiyon nila ang kanyang mga desisyon o inisip na may ibang mas mahusay sa kanya.

Tulad ng nakatala sa I Mga Taga Corinto 4:3–5, itinuro ni Pablo na ang Panginoon ang kanyang magiging tagahatol at “maghahayag ng mga bagay na nalilihim” at “ipahahayag naman ang mga haka ng mga puso” (I Mga Taga Corinto 4:5). Matututuhan natin dito na sa kabila ng paghatol sa atin ng iba, makatarungan tayong hahatulan ng Panginoon dahil alam Niya ang lahat ng bagay, pati na ang mga saloobin at layunin ng ating puso.

Nalaman natin sa I Mga Taga Corinto 4:6-21 na hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na huwag purihin ang isang lider ng kanilang Simbahan habang sinisiraan naman ang iba. Sinabi rin niya sa kanila na ang mga Apostol ni Jesucristo ay tinawag para magdusa dahil sa kasamaan ng mundo. Itinuturing ng mundo ang mga Apostol at iba pang mga lider ng Simbahan na mga “mangmang” (I Mga Taga Corinto 4:10) dahil sumusunod sila kay Cristo. Pagkatapos ay itinuro ni Pablo na pinamumunuan ang kaharian ng Diyos ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood.

I Mga Taga Corinto 5

Sinabihan ni Pablo ang mga Banal na mag-ingat sa pakikipagkaibigan sa mga taong sinasadyang magkasala

Isipin na kunwari ay mayroon kang isang malaking mangkok ng sariwang prutas na may kasamang isang bulok na prutas.

malaking mangkok ng mga mangga

Ano ang mangyayari kung hindi mo aalisin ang bulok na prutas sa mangkok ng mga sariwang prutas?

Ano ang maaaring ilarawan ng bulok na prutas sa ating buhay?

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Corinto 5, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas mapaglabanan ang masasamang impluwensya sa iyong buhay.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 5:1–2, na inaalam ang kasalanang kinukunsinti ng mga Banal sa Corinto.

Ang pakikiapid ay anumang seksuwal na relasyon ng mga tao na hindi ikinasal. Tila may isang miyembro ng Simbahan sa Corinto na nakagawa ng seksuwal na kasalanan kasama ang kanyang madrasta (stepmother).

Ang ibig sabihin ng mga katagang “maalis sa gitna ninyo” sa I Mga Taga Corinto 5:2 ay dapat itiwalag o i-excommunicate sa Simbahan ang nagkasala. Isinasaalang-alang ng mga lider ng Simbahan ang maraming bagay bago gawin ang pagtiwalag o iba pang uri ng pagdisiplina sa Simbahan. Bukod sa pinag-iisipan nilang mabuti kung gaano kabigat ang kasalanan, isinasaalang-alang din ng mga lider ng Simbahan ang iba’t ibang layunin ng pagdidisiplina sa Simbahan: tulungang magsisi ang isang tao, protektahan ang maaapektuhan nang masama dahil sa ginawa o paniniwala ng isang tao, at pangalagaan ang integridad ng mga turo ng Simbahan (tingnan sa “Church Discipline,” mormonnewsroom.org/article/church-discipline).

Basahin ang I Mga Taga Corinto 5:6–7, na inaalam ang analohiyang ginamit ni Apostol Pablo para ipaliwanag kung bakit kailangang itiwalag sa Simbahan ang taong ito.

Ang lebadura, o yeast, ay nagpapaalsa sa tinapay. Nagiging sanhi rin ito ng pagkabulok o pagkakaroon ng amag ng tinapay. Ang limpak o umbok ng masa ay kumakatawan sa Simbahan ni Jesucristo. Paano mo ibubuod ang kahulugan ng analohiyang ito?

Matututuhan natin mula sa analohiya ni Pablo ang sumusunod na katotohanan: Kung pipiliin nating makisama sa mga makasalanan, maaari tayong maimpluwensyahan ng kanilang kasamaan.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 5:9–11, na inaalam ang ibinigay na payo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto para matulungan silang ipamuhay ang alituntuning itinuro sa talata 6.

Isipin kung paano nauugnay ang itinuro ni Pablo sa malaking mangkok ng mga prutas na may kasamang isang bulok na prutas.

Elder Neal A. Maxwell

Para mas maunawaan ang payo ni Pablo na huwag makisama sa mga nakikiapid o sa ibang tao na ayaw magsisi ng kasalanan, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Huwag makisama sa mga nakikiapid—hindi dahil napakabuti ninyo para sa kanila kundi, tulad ng isinulat ni [C. S.] Lewis, dahil hindi sapat ang kabutihan ninyo. Tandaan na ang masasamang sitwasyon ay kayang pahinain kahit ang mabubuting tao” (“The Stern but Sweet Seventh Commandment,” New Era, Hunyo 1979, 42).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilang halimbawa ng masasamang sitwasyon na magpapahina sa mga mabubuting tao at dahil dito ay binabago nila ang kanilang mga pamantayan at tinatanggap ang masamang pag-uugali?

Dapat nating hangaring tulungan at bigyang-inspirasyon ang mga tao na nakagagawa ng kasalanan nang hindi binabago ang sarili nating mga pamantayan. Pag-isipan nang may panalangin ang magagawa mo para makaimpluwensya sa iba sa positibong paraan nang hindi binabago ang iyong mga pamantayan.

Natutuhan natin sa I Mga Taga Corinto 5:12–13 na ang mga lider ng Simbahan ay may responsibilidad na humatol at, kung kailangan, itiwalag ang mga nakagagawa ng mabibigat na kasalanan.

I Mga Taga Corinto 6

Itinuro ni Pablo sa mga Banal ang tungkol sa pagkakaisa at ang batas ng kalinisang-puri

Ang sinaunang Corinto ay kilala sa imoralidad, at maraming taga-Corinto ang nagtataguyod ng ideya na nilikha ang ating katawan para sa kasiyahan. Sa I Mga Taga Corinto 6:13–17, itinuro ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto na nilikha ang ating katawan upang isakatuparan ang mga layunin ng Panginoon, hindi para gumawa ng kahalayan o magpakasasa lamang sa ikasisiya ng katawan, tulad ng pagkain. Ang mga sumasapi sa Simbahan ay nagiging kaisa ni Cristo bilang espirituwal na “mga miyembro” ng Kanyang katawan. Hindi maaaring magkaroon ng espirituwal na kaugnayan kay Jesucristo ang imoral na tao.

Basahin ang I Mga Taga Corinto 6:18–20, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa ating mga katawan. (Ang I Mga Taga Corinto 6:19–20 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

  1. journal iconKumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:

    1. Ibuod ang katotohanan na itinuro ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 6:19.

    2. Ipaliwanag kung paano natin dapat tratuhin ang ating katawan at ang katawan ng iba ayon sa kaalaman natin na ang ating katawan ay mga templo ng Diyos.

    3. Ibuod ang katotohanang itinuro ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 6:20.

Cordoba Argentina Temple

Itinuro ni Apostol Pablo na ang ating mga katawan ay mga templo ng Diyos.

Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang kaalaman sa mga katotohanang ito tungkol sa ating katawan para manatiling dalisay sa kabila ng kasamaan sa paligid mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—I Mga Taga Corinto 6:19–20

  1. journal iconPara matulungan kang maisaulo ang scripture mastery passage na ito, sabihin nang paulit-ulit ang mga salita sa ibaba, habang tinatakpan ang ilan sa mga ito hanggang maging pamilyar ka sa mga salita. Patuloy na ulit-ulitin ang talatang ito hanggang maisaulo mo. Pagkatapos ay bigkasin ang talata sa isang kapamilya o kaibigan at palagdaan sa kanila ang iyong scripture study journal.

    [19] O

    hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo

    ng Espiritu Santo na nasa inyo,

    na tinanggap ninyo sa Dios?

    at hindi kayo sa inyong sarili;

    [20] Sapagka’t kayo’y binili sa halaga:

    luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan,

    [at ng inyong espiritu,]

    ang Dios.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Corinto 3–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: