Library
Pambungad sa Apocalipsis


Pambungad sa Apocalipsis

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Bilang “ang Apocalipsis ni Jesucristo” (Revelation 1:1), ang Apocalipsis ay mula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay paghahayag, pagsisiwalat, o paglalantad ng mga nakatago (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apocalipsis”). Ang aklat ay pagsisiwalat ng tungkol sa Panginoong Jesucristo at paghahayag ng Kanyang awtoridad, kapangyarihan, at mahalagang tungkuling ginagampanan sa plano ng kaligtasan ng Ama. Naghahayag din ang aklat ng maraming mahahalagang impormasyon tungkol sa mga pangyayaring hahantong sa Ikalawang Pagparito at sa Milenyo.

Ang pag-aaral ng aklat ng Apocalipsis ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas malalim na pang-unawa tungkol sa nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak ng Diyos at sa Kanyang pakikipag-ugnayan sa mga anak ng Diyos sa lahat ng panahon sa kasaysayan ng daigdig, lalo na sa mga huling araw. Ang aklat na ito ay isang mensahe ng pag-asa sa mabubuti at makahihikayat sa iyo na manatiling tapat sa iyong patotoo sa Tagapagligtas sa gitna ng pang-uusig at mga pagsubok.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Si Apostol Juan, ang minamahal na disipulo ni Jesucristo, ang may-akda ng aklat na ito. Pinagtibay ng Aklat ni Mormon na si Juan ay inorden noon pa man para isulat ang mga bagay na nakatala sa aklat ng Apocalipsis (tingnan sa 1 Nephi 14:18–27; Eter 4:16).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat sa panahong nahaharap ang mga Kristiyano sa mga maling turo, kawalan ng interes, at matinding pang-uusig (tingnan sa Apocalipsis 1:9; 2:4, 10, 14–15; 3:16; 6:9). Malamang na nagmula ang pang-uusig na ito sa mga opisyal na Romano sa huling dalawang dekada ng unang siglo A.D. Sumulat si Juan mula sa pulo ng Patmos sa Dagat Aegean, mga 60 milya (100 kilometro) sa timog-silangan ng Efeso (tingnan sa Apocalipsis 1:9).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Nagsulat si Apostol Juan ng mensahe ng pag-asa at paghihikayat sa mga Banal sa kanyang panahon (tingnan sa Apocalipsis 1:4, 11) at sa mga tao sa mga huling araw. Ang unang tatlong kabanata ng Apocalipsis ay para sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia Minor (tingnan sa Apocalipsis 1:4, 11; 2–3). Dahil sa matinding pang-uusig, lubos na kailangan ng mga Banal ang nakahihikayat na mensahe na matatagpuan sa Apocalipsis. Bukod pa rito, nagpatotoo ang propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi na “inordenan ng Panginoong Diyos ang apostol” na si Juan na isulat ang tungkol sa katapusan ng daigdig (1 Nephi 14:25) at ang kanyang mga salita ay darating kapwa sa mga Gentil at sa labi ni Israel sa mga huling araw (tingnan sa 1 Nephi 13:20–24, 38; 14:19–27).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang aklat ng Apocalipsis ay isa mga pinakasimple at pinakamalinaw na aklat na tinulutan ng Diyos na maisulat” (sa History of the Church, 5:342). Bagama’t marami itong imahen at mga simbolo na hindi laging madaling maunawaan ng mga mambabasa sa panahong ito, ang mga tema ng aklat ay simple at nagbibigay-inspirasyon.

Inilarawan ni Apostol Juan ang mga kalagayan ng Simbahan sa kanyang panahon (tingnan sa Apocalipsis 2–3) at sumulat tungkol sa mga pangyayari sa nakaraan at sa hinaharap (tingnan sa Apocalipsis 4–22). Ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng isa sa ilang talata sa mga banal na kasulatan na naglalarawan sa Digmaan sa Langit sa buhay bago ang buhay sa mundo (tingnan sa Apocalipsis 12:7–11) at naglalahad inspiradong buod ng kasaysayan ng mundo, na nagtutuon lalo na sa mga huling araw at sa Milenyo. Kabilang sa pangunahing tema nito ang tungkuling ginampanan ni Jesucristo sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos sa kasaysayan ng daigdig, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at ang pagkalipol ng kasamaan, at ang pangako na ang mundo kalaunan ay magiging selestiyal. Ipinapaliwanag din sa aklat na ito na magkakaroon ng “permanenteng tagumpay ang kabutihan laban sa kasamaan … [at] ang kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas” (Bible Dictionary, “Revelation of John”).

Outline

Apocalipsis 1–3. Nakakita si Juan ng pangitain tungkol kay Jesucristo. Sumulat siya ng mga mensahe para sa bawat isa sa pitong simbahan sa Asia; nakapaloob sa mga mensaheng ito ang papuri, mga babala, at pangako sa matatapat na Banal sa bawat sangay.

Apocalipsis 4–11. Nakita ni Juan ang Diyos sa pangitain na nakaluklok sa kahariang selestiyal, ang Kordero ng Diyos, at ang isang aklat na mahigpit na isinara ng pitong tatak. Nakakita si Juan ng mga pangitain na may kaugnayan sa pagbubukas ng bawat isa sa pitong tatak. Ang mga may tatak ng Diyos sa kanilang mga noo ay tatanggap ng pangangalaga ng Diyos sa mga huling araw. Nakita ni Juan ang mga digmaan, salot, at maraming iba pang pangyayari sa mga huling araw na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Apocalipsis 12–16. Nakita ni Juan ang isang pangitain tungkol sa Digmaan sa Langit sa buhay bago ang buhay sa mundo at ang pagpapatuloy nito sa lupa. Itinuro niya na ang puwersa ng masasama ay naghahangad na wasakin ang kaharian ng Diyos sa mundo. Sa mga huling araw, ipanunumbalik ang ebanghelyo sa kabuuan nito sa pamamagitan ng pagmiministeryo ng mga anghel. Magkakaroon ng mga paghahanda para sa digmaan sa Armagedon.

Apocalipsis 17–22. Ang espirituwal na Babilonia ay lalaganap sa buong mundo. Pagkatapos matipon ang mga matwid na Banal, babagsak ang Babilonia at magdadalamhati ang mga kampon nito. Ang mabubuti ay aanyayahan sa piging ng kasal ng Kordero ng Diyos. Si Satanas ay igagapos, ang Milenyo ay magsisimula, at si Cristo mismo ang maghahari sa lupa. Hahatulan ang mga patay. Ang mundo ay tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal.