Unit 31: Day 2
Apocalipsis 4–5
Pambungad
Sa isang pangitain, nakita ni Apostol Juan na sinasamba ng mga niluwalhating nilalang ang Ama sa Langit habang nakaupo Siya sa Kanyang luklukan. Nakita rin niya ang isang aklat na tinatakang mahigpit ng pitong tatak at nakita ang Kordero, o si Jesucristo, na siyang karapat-dapat magbukas ng aklat.
Apocalipsis 4
Nakita ni Juan na sinasamba ng mga niluwalhating nilalang ang Ama sa Langit
Isipin kunwari na ikaw ay nasa kahariang selestiyal. Paano mo ilalarawan ang kahariang selestiyal? Ano sa palagay mo ang hitsura nito?
Tulad ng nakatala sa Apocalipsis 4–5, nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang isang bahagi ng kahariang selestiyal.
-
Basahin ang Apocalipsis 4:1–8. Sa iyong scripture study journal, magdrowing ng simpleng diagram ng mga bagay na nakita ni Juan. Tandaan na ang ibig sabihin ng “napasa Espiritu” (talata 2) ay nasa kalagayang tumatanggap ng paghahayag o nakakakita ng pangitain sa pamamagitan ng Espiritu.
Isinulat ni Juan sa Apocalipsis 4:3 na ang tumingin sa Ama sa Langit ay “katulad ng isang batong jaspe at isang sardio.” Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa pagsisikap na magtala para maunawaan ng mortal ang karingalan, kaluwalhatian, at kagandahan ng Makapangyarihan sa lahat ng mga Makapangyarihan, inihalintulad ni Juan ang kanyang kaanyuan sa mga hiyas o mamahaling bato. Ang jaspe na binanggit ay pinaniniwalaan ng mga komentarista na isang brilyante. …
“…Paano nakahanap ang mga mortal na propeta ng mga salita para mailarawan sa kapwa nila mortal ang karingalan at lubos na kagandahan ng walang hanggang daigdig na iyon ng selestiyal na puno ng kapangyarihan at kaluwalhatian? Binanggit nila ang tungkol sa mga bahaghari at mga hiyas, ang mga pumapaikot na ningas ng apoy, mga nagbabagang apoy na kumikinang; binanggit din nila ang tungkol sa mga kidlat at tinig, tunog ng rumaragasang mga tubig, at maringal na pagpapakita ng kapangyarihan at kagandahan—lahat ng ito sa pagsisikap na itala sa wika ng mga mortal ang mga makikita at mauunawaan lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. (Ezek. 1 at 10; Isa. 6.) At nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa pagsisikap na iyon ng mga propeta nang sa gayon ang mga hindi nakarinig at nakakita nito ay magkaroon ng bahagyang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon na nakatago sa likod ng mga durungawan ng langit” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo 1965–73], 3:464–66).
Nakatutulong sa atin ang makabagong paghahayag na mas maunawaan ang nakita ni Juan. Halimbawa, ang Panginoon ay nagbigay ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77 matapos hilingin sa Kanya ni Propetang Joseph Smith na bigyang-kahulugan ang ilan sa mga simbolo at mga pangyayaring nakatala sa Apocalipsis 1–11.
-
Kopyahin ang kalakip na chart sa iyong scripture study journal. Basahin ang bawat cross-reference at magsulat sa chart ng karagdagang impormasyon na nalaman mo tungkol sa nakita ni Juan. (Kapag tapos ka na, tingnan kung pareho ang mga sagot mo sa ibinigay na mga sagot sa katapusan ng lesson.)
Ang Nakita ni Juan |
Mga Cross-Reference |
Karagdagang Impormasyon |
---|---|---|
Luklukan (Apocalipsis 4:2–3). | ||
Dalawampu’t apat na matatanda na may putong (Apocalipsis 4:4) | ||
Pitong espiritu ng Diyos (Apocalipsis 4:5) |
Pinalitan ng Joseph Smith Translation ang mga salitang “pitong espiritu” ng mga salitang “pitong tagapaglingkod.” | |
Dagat na bubog (Apocalipsis 4:6) | ||
Apat na nilalang (Apocalipsis 4:6–7) | ||
Mga mata at mga pakpak ng mga nilalang (Apocalipsis 4:8) |
Basahin ang Apocalipsis 4:8–11, at alamin kung ano ang sinabi at ginawa ng mga nakapalibot sa Ama sa Langit.
Ano ang maaaring isinasagisag ng paglalagay ng mga matatanda o mga elder ng kanilang putong o korona sa harapan ng luklukan ng Ama sa Langit?
Ang isang alituntunin na matutuhan natin mula sa talatang ito ay na kapag kinilala natin ang kadakilaan ng Ama sa Langit, nanaisin nating sambahin at papurihan Siya.
Isipin ang makatutulong sa atin na kilalanin ang kadakilaan ng Ama sa Langit.
Ngayong gabi, bago ka magdasal, isipin ang dakilang plano ng kaligayahan at kung paano ka pinagpala ng Ama sa Langit. Sa iyong panalangin, alalahaning pasalamatan Siya lalo na sa lahat ng pagpapala Niya sa iyo.
Apocalipsis 5
Nakita ni Juan ang isang aklat na tinatakang mahigpit ng pitong tatak at ang Kordero, na karapat-dapat magbukas nito
Basahin ang Apocalipsis 5:1–4, at alamin kung ano ang nakita ni Juan sa kamay ng Ama sa Langit.
Tandaan na ang aklat, o balumbon, na nakita ni Juan ay sinarahan ng pitong tatak. Noong sinaunang panahon, ang mahahalagang dokumento ay tinatatakan ng luad o wax upang maisara. Ang may-ari lamang ng dokumento at ang mga yaong binigyan ng awtoridad ng may-ari ang tinutulutang buksan ang mga tatak at basahin ang nakasulat doon.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:6–7, at alamin ang kahulugan ng aklat at ng mga tatak.
Ang 7,000-taon ng “panandaliang pananatili” (D at T 77:6) ng mundong ito ay tumutukoy sa panahon mula noong Pagkahulog nina Adan at Eva. Hindi ito tumutukoy sa aktuwal na edad ng mundo, kasama ang panahon ng paglikha. Bawat tatak ay sumasagisag sa 1,000 taon.
Ayon sa Apocalipsis 5:2, anong kwalipikasyon ang dapat taglay ng taong magbubukas ng aklat?
Pansinin na umiyak si Juan nang makita niya na walang makapagbukas ng aklat. Maaaring inisip niya na ang “kalooban, hiwaga, at gawain” ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 77:6) hinggil sa kaligtasan ng Kanyang mga anak ay hindi maihahayag o maisasakatuparan. Ano ang mangyayari sa mga anak ng Ama sa Langit kung ang Kanyang plano para sa kanilang kaligtasan ay hindi maisasakatuparan?
Basahin ang Apocalipsis 5:5–7, at alamin kung bakit sinabihan si Juan na huwag umiyak. Basahin din ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 5:6 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Sa mga banal na kasulatan, ang mga sungay ay kadalasang sumasagisag sa kapangyarihan o awtoridad; ang mga mata ay sumasagisag sa liwanag at kaalaman; at ang numerong labindalawa ay maaaring sumagisag sa banal na pamahalaan at organisasyon, o ang priesthood.
Ang titulong “Cordero” (Apocalipsis 5:6) ay tumutukoy sa tungkuling ginampanan ni Jesucristo bilang hain o sakripisyong inialay na nagbayad-sala para sa mga anak ng Diyos (tingnan din sa Isaias 53:7; I Mga Corinto 5:7; I Ni Pedro 1:18–19). Ang mga katagang “isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay” [Apocalipsis 5:6] ay tumutukoy sa Cordero na nagpapakita ng mga tanda na siya ay pinatay. Tinukoy ni Juan Bautista ang Tagapagligtas bilang “ang Cordero ng Dios” [Juan 1:29, 36].)
Basahin ang Apocalipsis 5:8–10, at alamin kung paano pinapurihan ng mga nilalang na nakapalibot sa luklukan ng Ama sa Langit ang Cordero.
Batay sa nakita at narinig ni Juan hinggil sa Kordero, nalaman natin na si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kapangyarihan na tumubos sa atin.
Bakit si Jesucristo lamang ang karapat-dapat at may kapangyarihan na tumubos sa atin?
Ayon sa Apocalipsis 5:10, ang mga tinubos ni Jesucristo ay magiging mga hari at saserdote, kabilang ang kababaihan bilang mga reyna at priestesses.
Basahin ang Apocalipsis 5:11–14, at alamin kung paano nakibahagi ang iba sa pagsamba at pagpuri kay Jesucristo at sa Ama sa Langit.
Kinilala ng mga niluwalhating nilalang at lahat ng nilikha ang kabutihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nakadama sila ng pasasalamat sa ginampanang tungkulin ng Kordero sa plano ng Ama sa Langit. Samakatwid, sinamba at pinuri nila ang Ama at ang Anak. Gayon din, kapag kinilala at pinasalamatan natin ang ginawa para sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, nanaisin nating sambahin at puriin Sila.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ang sumusunod tungkol sa pagsamba: “Ang tunay at ganap na pagsamba ay binubuo ng pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos; ito ay binubuo ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa nais ng Ama hanggang tayo ay umunlad nang biyaya sa biyaya hanggang tayo ay maluwalhati kay Cristo tulad niya na niluwalhati sa kanyang Ama. Higit pa ito sa panalangin at pangangaral at pagkanta. Ito ay pamumuhay at paggawa at pagsunod. Ito ay pagtulad sa buhay ng dakilang Huwaran” (“How to Worship,” Ensign, Dis. 1971, 130).
-
Sagutin ang mga sumusunod sa iyong scripture study journal:
-
Maglista ng ilang dahilan kung bakit ka nakadarama ng pasasalamat at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Paano nakakaapekto sa iyo ang mga bagay na inilista mo sa iyong hangaring sambahin at purihin ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
-
Pag-isipan ang sumusunod na tanong: Ano pa ang magagawa mo para masamba ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Gumawa ng plano, at kumilos ayon sa mga pahiwatig na matatanggap mo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: