Library
Unit 9, Day 4: Lucas 3–4


Unit 9: Day 4

Lucas 3–4

Pambungad

Si Juan Bautista ay nangaral ng pagsisisi at nagpatotoo tungkol sa darating na Mesiyas. Si Jesucristo ay bininyagan ni Juan at pagkatapos ay nag-ayuno sa ilang nang 40 araw. Pagkatapos maglakbay patungong Galilea, ipinahayag ni Jesus sa mga tao sa Nazaret na Siya ang Mesiyas. Hindi Siya tinanggap ng mga tao sa Nazaret, at nagpunta Siya sa Capernaum, kung saan Siya nagpagaling ng maysakit at nagpaalis ng mga demonyo.

Lucas 3:1–22

Si Juan Bautista ay nagpropesiya tungkol kay Jesucristo

Sandaling pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • May nanukso o lumait na ba sa iyo dahil miyembro ka ng Simbahan?

  • Pinagtawanan o hinamon na ba ng isang tao ang isang bagay na pinaniniwalaan mo o ang pamantayang sinisikap mong ipamuhay?

  • May mga party o pagtitipon ba na hindi ka inimbitahan o hindi ka komportableng daluhan dahil sa iyong relihiyon?

Sa pag-aaral mo ng Lucas 3:1–22, alamin ang katotohanan na maaaring magpaliwanag kung bakit minsan ay nadarama ng mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo na nakahiwalay sila sa iba.

Sa ilalim ng batas ni Moises, ang namumunong opisyal ng Aaronic Priesthood ay tinatawag na mataas na saserdote. Gayunman, sa panahon ng ministeryo ni Cristo, naging masama ang katungkulan ng mataas na saserdote. Ang mataas na saserdote ay lider-pampulitika rin ng bansa, ngunit ang mga nasa katungkulang iyan ay hindi pinili ng Diyos sa panahong iyon. Sila ay pinili ng mga taong kagaya ni Herodes at ng iba pang pinunong Romano (tingnan sa Bible Dictionary, “High priest”).

Basahin ang Lucas 3:2–6, na inaalam sa talata 2 kung kanino nangusap ang Diyos sa halip na sa matataas na saserdote.

Ibuod kung ano ang itinuro ni Juan Bautista sa mga tao sa Lucas 3:3–6. (Para sa karagdagang tulong kung ano ang itinuro ni Juan, basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan].)

May ilang tao noong panahon ni Juan na naniniwala na dahil mga inapo sila ni Abraham, sila ay mas mabuti kaysa ibang tao o mas mahal sila ng Diyos kaysa sa mga hindi Israelita. Ang sitwasyong ito ay maaaring kahalintulad ng mga tao sa panahon ngayon na iniisip na mapupunta sila sa langit dahil mga miyembro sila ng Simbahan.

Basahin ang Lucas 3:7–9, na inaalam kung ano ang itinuro ni Juan sa mga Judio na kailangan nilang gawin upang matanggap ang kaligtasan. (Sa talata 9, ang bunga ay simbolo ng mga resulta ng mga pinili natin.)

Pansinin sa talata 9 kung ano ang mangyayari sa mga yaong hindi “nagbubunga ng mabuti,” o hindi namumuhay nang matwid.

Nabasa natin sa Lucas 3:10–15 na nagturo si Juan sa partikular na mga grupo ng mga Judio kung paano sila magbubunga ng mabuti sa pamamagitan ng pamumuhay nang matwid. Kahanga-hanga ang ministeryo ni Juan, at inakala ng ilan na siya ang Mesiyas.

Basahin ang Lucas 3:16–17, na inaalam ang sinabi ni Juan na gagawin ng Mesiyas sa Kanyang pagdating.

Ang mga katagang “kayo’y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy” (Lucas 3:16) ay tumutukoy sa nagpapadalisay at nagpapabanal na epekto ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Ang isang tao ay dapat ipanganak sa tubig at sa Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 106).

Upang mas maunawaan ang Lucas 3:17, makatutulong na maunawaan ang tungkol sa paghihiwalay ng trigo mula sa ipa.

paghihiwalay ng trigo mula sa ipa

mga magsasakang Arabo na inihihiwalay ang mga trigo mula sa ipa

Pagkatapos anihin ang trigo at giikin (kung saan inihihiwalay ang butil mula sa iba pang bahagi ng halaman), tatahipin ng magsasaka ang mga butil. Ang pagtatahip ay sinaunang paraan na ginagamit para ihiwalay ang trigo mula sa ipa (ang balat) nito at sa talupak o husk. Gumagamit ang tagatahip ng malaking pala o kahoy na sambat na tinatawag na pamaypay para malipad ng hangin ang nagiik na trigo. Tatangayin ng hangin ang mas magaan at di-kanais-nais na ipa, at ang mas mabigat na butil ng trigo ay babagsak sa sahig ng giikan.

Sa analohiya ni Juan, ano ang maaaring isinasagisag ng trigo?

Ano ang maaaring isinasagisag ng ipa?

Isa sa mahahalagang doktrinang itinuro sa Lucas 3:16–17 ay na si Jesucristo ang naghihiwalay sa mabubuti mula sa masasama.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bagama’t ang huling paghihiwalay ng mabubuti mula sa masasama ay magaganap sa Araw ng Paghuhukom, sa papaanong paraan nahihiwalay ngayon ang mga disipulo sa masasama dahil sa pagsunod nila kay Jesucristo at pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo?

    2. Bakit kailangan nating maunawaan na kapag ninais nating sundin si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo, maaari nating maramdaman na nakahiwalay tayo sa iba?

Nakatala sa Lucas 3:18–22 na dumating si Jesus upang magpabinyag kay Juan Bautista (tingnan din sa Mateo 3:13–17). Kalaunan, si Juan Bautista ay ipinakulong ni Herodes.

Lucas 3:23–38

Ang angkang pinagmulan ni Jesus ay inilahad

Sa Lucas 3:23–38, isinama ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus na nagpapakita na si Jesus ay direkta o tunay na nagmula sa angkang ito. Nagpatotoo rin siya na si Jose ay “sinasapantaha” (hindi tunay) na ama ni Jesus (Lucas 3:23).

Lucas 4:1–13

Si Jesus ay tinukso ni Satanas sa ilang

Ang Lucas 4:1–13 ay naglalaman ng tala tungkol sa pag-aayuno ni Jesus nang 40 araw sa ilang at pagtanggi sa mga tukso ni Satanas (tingnan din sa Mateo 4:1–11).

Lucas 4:14–30

Ipinahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas

Isipin ang mga sumusunod na salita: nangaaapi, bihag, dukha, at bulag. Naramdaman mo ba na maaaring ang isa o mahigit pa sa mga salitang ito ay naglalarawan sa nadarama mo tungkol sa iyong sarili? Sa pag-aaral mo ng Lucas 4:14–30, hanapin ang mga salitang nagtuturo kung paano isinugo si Jesucristo upang pagalingin ang mga namimighati at iligtas ang mga bihag.

Nabasa natin sa Lucas 4:14–17 na pagkatapos mag-ayuno at maharap sa tukso si Jesus sa ilang, nagsimula Siyang mangaral sa mga sinagoga sa Galilea. Di-nagtagal, bumalik Siya sa Kanyang kinalakhang bayan ng Nazaret. Habang naroon, Siya ay tumayo sa sinagoga at nagbasa mula sa aklat ni Isaias, na nagpropesiya hinggil sa banal na misyon ng Mesiyas.

Basahin ang Lucas 4:18–20, na inaalam ang ipinropesiya ni Isaias na gagawin ng Mesiyas para sa mga tao. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Basahin ang Lucas 4:21, na inaalam ang sinabi ni Jesus tungkol sa banal na kasulatan na binasa Niya.

Sa pagsasabi na natupad na ang mga propesiya ni Isaias, inihahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas na tinutukoy sa propesiya. Maaari mong isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ay isinugo upang pagalingin ang namimighati at iligtas ang yaong espirituwal na mga bihag.

Mula sa nalalaman mo tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas, ano ang ilang bagay na ginawa Niya kaya natupad ang propesiyang ito?

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga pangyayari ang nakita mo na nagpapakita kung paano tayo patuloy na pinagagaling at inililigtas ni Jesucristo sa ating panahon?

Basahin ang Lucas 4:22, na inaalam ang naging reaksyon ng mga tao sa Nazaret sa ipinahayag ni Jesus na Siya ang matagal nang hinihintay na Mesiyas.

Nabasa natin sa Lucas 4:23 na alam ni Jesus na hahamunin Siya ng mga tao sa Nazaret na patunayan na Siya ang Mesiyas sa pagpapaulit sa Kanya ng mga himalang ginawa Niya sa Capernaum. Tumugon si Jesus sa pagbanggit ng dalawang tala sa banal na kasulatan upang ituro sa kanila ang alituntunin tungkol sa pananampalataya.

Si Elijah, ang balo ng Sarepta, at ang kanyang anak

Si Elijah, ang balo ng Sarepta, at ang kanyang anak

Basahin ang Lucas 4:24–27, na inaalam ang dalawang tala na binanggit ni Jesus. Maaari mong madaliang basahin ang tala tungkol kay Elias (Elijah) at sa balo ng Sarepta sa I Mga Hari 17:1–16 at ang tala tungkol kina Naaman at Eliseo sa II Mga Hari 5:1–14. Pagtuunan ng pansin ang ginawa ng balo at ni Naaman para ipakita ang kanilang pananampalataya.

Paano nagpakita ng pananampalataya si Naaman at ang balo ng Sarepta?

Mahalagang malaman na kapwa nagsagawa ng mga himala ang mga propeta sa Lumang Tipan na si Elias (Elijah) at si Eliseus (Eliseo) para sa mga taong hindi Israelita (mga Gentil). Itinuro ni Jesus sa mga tao sa Nazaret na kahit may mga balo at mga ketongin sa mga Israelita, dalawang Gentil ang nakaranas ng mga himala dahil mayroon silang pananampalataya at tinanggap nila ang mga propeta ng Diyos.

Dahil napakaraming tao sa Nazaret na hindi naniniwala sa Kanya, kakaunti ang nagawang himala ni Jesus doon (tingnan sa Mateo 13:54–58; Marcos 6:1–6). Matututuhan natin ang mahalagang alituntunin tungkol sa pananampalataya kapag inihambing natin ang mga tao sa Nazaret sa balo ng Sarepta at kay Naaman: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, makikita natin na nangyayari ang mga himala.

Si Naaman at ang tagapaglingkod ni Eliseo

Si Naaman at ang tagapaglingkod ni Eliseo

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, maglista ng mga paraan na maipapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Rebyuhin ang Lucas 4:18, at pag-isipan ang mga paraan na kinakailangan mong ipakita ang iyong pananampalataya kay Jesucristo upang matanggap mo ang mga pagpapalang nakatala rito.

Basahin ang Lucas 4:28–30, na inaalam kung ano ang naging reaksyon ng mga naroon sa sinagoga sa sinabi ni Jesus.

Isiping mabuti kung paano inilalarawan ng talang ito kung paano ihihiwalay ni Jesucristo ang masasama mula sa mabubuti (tingnan sa Lucas 3:17).

Lucas 4:31–44

Si Jesus ay nagpaalis ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit

Basahin ang Lucas 4:31–44, na inaalam ang pagkakaiba ng reaksyon ng mga tao ng Capernaum sa reaksyon ng mga tao sa Nazaret.

Paano inilalarawan ng mga talang ito ang alituntunin na kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, matatanggap natin ang Kanyang mga pagpapala?

  1. journal iconTapusin ang pag-aaral mo sa araw na ito sa pagsulat sa iyong scripture study journal ng iyong patotoo kay Jesucristo bilang Tagapagligtas at sa mga pagpapalang natanggap mo nang ipakita mo ang iyong pananampalataya sa Kanya.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Lucas 3–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: