Unit 6: Day 2
Joseph Smith—Mateo; Mateo 24
Pambungad
Ipinropesiya ni Jesucristo ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo. Inihayag din Niya ang mga tanda o palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito at tinagubilinan ang matatapat na abangan at paghandaan ang araw na iyon.
Joseph Smith—Mateo 1:1–20
Ipinropesiya ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o mahigit pang mga tanong na mayroon ka tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa pag-aaral mo ng Joseph Smith—Mateo sa araw na ito, hanapin ang mga sagot sa mga tanong na isinulat mo.
Ang Joseph Smith—Mateo ay ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 23:39–24:56. Ito ay makikita sa Mahalagang Perlas pagkatapos ng aklat ni Abraham.
Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:4, na inaalam ang dalawang itinanong ng mga disipulo kay Jesus. Maaari mong markahan ang mga tanong na ito sa iyong mga banal na kasulatan.
Sinagot ng Tagapagligtas sa Joseph Smith—Mateo 1:5–20 ang unang tanong—tungkol sa kailan mawawasak ang Jerusalem at ang templo. Sinagot Niya sa mga talata 21–37 ang pangalawang tanong—tungkol sa palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito at ang pagkalipol ng masasama.
Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:5–12, na inaalam ang mga palatandaang kaugnay ng pagkawasak ng Jerusalem.
Bagama’t sinabi ni Jesus na maghihirap ang Kanyang mga disipulo sa panahong ito, nagbigay Siya ng mahalagang pangako na kung tayo ay mananatiling matatag at hindi madadaig, tayo ay maliligtas. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa talata 11.
Ang pananatiling matatag ay ang hindi pagpapadaig sa mga tukso at kasamaan. Sa mga banal na kasulatan, ang salitang matatag kung minsan ay itinatambal sa salitang hindi matitinag (halimbawa, tingnan sa Mosias 5:15).
Ipinaliwanag ng mga Young Men and Young Women general presidency ang kahulugan ng “matatag at hindi matitinag”: “Ano ang ibig sabihin ng maging matatag at hindi matitinag? Ang pagiging matatag ay pagiging matibay at hindi pabagu-bago, matibay sa paniniwala at determinasyon, at maaasahan at tapat. Gayundin, ang hindi pagkatinag ay hindi pagsuko at hindi pagpapatangay o paglihis. Ang pagiging matatag at hindi matitinag sa ebanghelyo ni Jesucristo ay pangangako na susundin Siya, sa gayon ay laging mananagana sa mabubuting gawa” (“Steadfast and Immovable,” New Era, Ene. 2008, 8).
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kaalaman. Markahan ang mga katangiang binanggit niya na taglay ng taong “matatag at hindi natitinag.” (Maaari mong isulat ang mga salitang ginamit niya sa margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng salitang matatag sa Joseph Smith—Mateo 1:11.)
“Ang salitang ‘matatag’ ay ginagamit upang ilarawan ang katayuang hindi nagbabago, solido at matibay, hindi natitinag at determinado (Oxford English Dictionary Online, Ika-2 ed. [1989], “Steadfast”). … Ang isang taong matatag at di-natitinag ay solido, matibay, determinado, at hindi lumilihis sa nasimulang layunin o misyon” (“Steadfast and Immovable, Always Abounding in Good Works,” New Era, Ene. 2008, 2).
Ang salitang maliligtas sa Joseph Smith—Mateo 1:11 ay hindi nangangahulugang hindi na tayo makararanas ng anumang paghihirap sa buhay.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith, at markahan ang kahulugan ng maligtas: “Maling isipin na matatakasan ng mga Banal ang lahat ng paghatol, habang nagdurusa ang masasama; sapagkat ang lahat ng laman ay kailangang magdusa, at ‘ang mabubuti ay bahagyang makatatakas’ [tingnan sa D at T 63:34]; … maraming mabubuting magiging biktima ng sakit, salot, at kung anu-ano pa, dahil sa kahinaan ng laman, subalit maliligtas sa Kaharian ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 294).
Nalaman natin sa Joseph Smith—Mateo 1:13–20 na nagbabala si Jesus sa Kanyang mga disipulo na humanda sa pagtakas patungo sa mga bundok at huwag nang bumalik pa sa kanilang mga bahay dahil wawasakin ang Jerusalem. Siya ay nagpropesiya na ang kapighatian sa mga araw na iyon ang pinakamatindi at hindi pa naranasan sa Israel.
Noong 70 A.D., humigit-kumulang na 40 taon matapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, nilusob ng mga Romano ang Jerusalem at pinatay ang mahigit isang milyong Judio, at binihag ang halos 100,000 Judio. Ang templo ay winasak, at wala ni isang bato sa ibabaw ng ibang bato na hindi bumagsak—tulad ng ipinropesiya ng Tagapagligtas (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:3). Gayunman, ang mga taong nakinig sa babala ni Jesus ay ligtas na nakatakas patungong Pella, isang bayan na mga 50 milya pahilagang-silangan ng Jerusalem (tingnan sa Bible Dictionary, “Pella”).
Paano naipakita sa karanasan ng mga Judio ang kahalagahan ng pananatiling matatag sa pagsunod sa mga salita ng Tagapagligtas?
Isipin kung paanong ang pagsunod sa buhay na propeta sa ating panahon ay kasinghalaga ng pagsunod ng mga Judio sa babala ni Jesus.
Joseph Smith—Mateo 1:21–37
Ipinropesiya ni Jesucristo ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito
Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:21–23, na inaalam kung bakit inihayag ng Panginoon ang mga palatandaan tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Mapapansin na nagbabala ang Tagapagligtas laban sa mga “bulaang Cristo” at mga “bulaang propeta” (Joseph Smith—Mateo 1:22). Ang mga katagang ito ay tumutukoy sa sinumang tao—sa loob at labas ng Simbahan—na naghahayag na siya ay nagsasalita para sa Panginoon nang walang awtoridad o nagtuturo ng mga bagay na salungat sa mga sinasabi ng mga buhay na propeta. Ang mga katagang “mga hinirang alinsunod sa tipan” sa talata 22 ay tumutukoy sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo.
Tungkol sa mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta, mababasa natin na “malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang” (Joseph Smith—Mateo 1:22).
Ibinigay ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na paliwanag tungkol sa mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta: “Ang mga bulaang Cristo na ito ay ang mga huwad na sistema sa relihiyon sa mundo, at ang mga bulaang propeta ay ang mga guro at tagapagpaliwanag ng mga sistemang iyon. Napakalalim at pinag-aralan nang lubos ang kanilang mga doktrina, napakahusay at kagila-gilalas ang kanilang mga gawain … kung kaya’t maging ang mga nahirang ay halos malinlang” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:647).
Ano ang ilang magagawa natin upang maiwasang malinlang, maging ng ilang mga miyembro ng Simbahan?
Ibinigay ni Pangulong Joseph F. Smith ang sumusunod na babala sa mga miyembro ng Simbahan:
“Wala tayong maaaring tanggapin na opisyal na utos maliban sa mga yaong tuwirang dumarating sa itinalagang daan, ang mga itinatag na organisasyon ng pagkasaserdote, na siyang itinalaga ng Diyos na dapat pagmulan ng kanyang kaisipan at kalooban sa daigdig.
“… At sa sandaling humanap ang mga indibiduwal ng iba pang masasandigan, sa sandaling iyon ay inilalagay nila ang kanilang sarili sa mga mapanuksong pang-iimpluwensiya ni Satanas, at isinusuko ang kanilang sarili na maging mga tagapaglingkod ng diyablo; kinalilimutan nila ang tamang pamamaraan kung paano matatamasa ang mga biyaya ng Pagkasaserdote; lumilihis sila ng landas palayo sa kaharian ng Diyos, at sila’y nalalagay sa mapanganib na katayuan. Kapag nakakita kayo ng taong nagsasabing nakatanggap siya ng tuwirang paghahayag mula sa Panginoon para sa simbahan, na wala ang kaayusan at pamamaraan ng priesthood, maaari ninyo siyang ituring na isang impostor” (Gospel Doctrine, ika-5 ed. [1939], 42).
Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:24–26, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas kung paano Siya magpapakita sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:27–31, na inaalam ang mga palatandaang mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito.
Ilista ang mga palatandaan:
Mapapansin na hindi lahat ng palatandaan ay negatibo. Ayon sa mga talata 27 at 31, bago mangyari ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang mga hinirang ng Panginoon ay matitipon at ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong mundo.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano kasalukuyan nang natutupad ang propesiyang ito. Isama mo ang mga paraan na maaari kang maging bahagi ng katuparan ng propesiyang ito.
Nagbabala ang Tagapagligtas na sa mga huling araw, “ang mga bulaang Cristo, at bulaang propeta” ay maghahangad na “malilinlang nila kung maaari, pati ang mga nahirang” (Joseph Smith—Mateo 1:22). Basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:37, na inaalam kung paano natin maiiwasang malinlang.
Sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Joseph Smith—Mateo 1:37, maaari mong isulat ang alituntuning ito: Kung pahahalagahan natin ang salita ng Panginoon, hindi tayo malilinlang.
Basahin ang sumusunod na kuwento ni Elder M. Russell Ballard, ng Korum ng Labindalawang Apostol. Markahan ang mga bahagi ng kuwento na naglalarawan ng alituntuning itinuturo sa Joseph Smith—Mateo 1:37.
“Isa sa aking mahuhusay na missionary na kasama ko noong ako ang mission president sa Toronto [Canada] ay nakipagkita sa akin makalipas ang ilang taon. Tinanong ko siya, ‘Elder, ano ang maitutulong ko sa iyo?’
“‘President,’ sabi niya, ‘Palagay ko po ay nawawalan na ako ng patotoo.’
“Hindi ako makapaniwala. Itinanong ko kung paano nangyari iyon.
“‘Sa unang pagkakataon na nakabasa ako ng artikulong laban sa mga Mormon,’ sabi niya. ‘May mga tanong ako na hindi masagot ng kahit sino. Naguguluhan ako, at palagay ko ay nawawalan na ako ng patotoo’” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 60).
Nangyari na ba sa iyo, o sa sinumang kilala mo, ang naranasan ng dating missionary na ito? Ano ang ipapayo mo sa isang taong nasa ganitong sitwasyon? Bakit?
Nagpatuloy si Elder Ballard:
“Itinanong ko kung ano ang mga itinatanong niya, at sinabi niya sa akin. Iyon ay mga karaniwang sinasabi laban sa Simbahan, ngunit gusto ko munang magtipon ng materyal upang makapagbigay ng mga makabuluhang sagot. Kaya nagkasundo kaming magkita pagkatapos ng 10 araw, at sasagutin ko sa araw na iyon ang bawat tanong niya. Nang siya’y paalis na, pinigilan ko siya.
“‘Elder, marami kang itinanong sa akin ngayon,’ sabi ko. ‘Ngayon, may isa lang akong tanong sa iyo.’
“‘Ano po iyon, President?’
“‘Kailan mo huling binasa ang Aklat ni Mormon?’ tanong ko.
“Napatingin siya sa ibaba. Matagal siyang tumitig sa sahig. Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. ‘Matagal na, President,’ pag-amin niya.
“‘Sige,’ sabi ko. ‘Binigyan mo ako ng assignment. Patas lang na bigyan din kita. Gusto kong ipangako mo sa akin na magbabasa ka ng Aklat ni Mormon nang kahit isang oras araw-araw simula ngayon at hanggang sa muli nating pag-uusap.’ Pumayag siya na gagawin iyon.
“Pagkaraan ng 10 araw ay bumalik siya sa opisina ko, at handa na ako. Inilabas ko ang mga papel para simulan ang pagsagot sa kanyang mga tanong, ngunit pinigilan niya ako.
“‘President,’ sabi niya, ‘hindi na po kailangan iyan.’ Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: ‘Alam ko na totoo ang Aklat ni Mormon. Alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.’
“‘Natutuwa akong marinig iyan,’ sabi ko. ‘Pero makukuha mo pa rin ang mga sagot sa mga tanong mo. Ang tagal kong ginawa ito, kaya maupo ka lamang diyan at makinig.’
“Kaya sinagot ko ang lahat ng kanyang mga tanong at pagkatapos ay itinanong ko, ‘Elder ano ang natutuhan mo rito?’
“At sabi niya, ‘Bigyan ng oras ang Panginoon’” (“When Shall These Things Be?” 60).
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang paraan na higit mong magagawa na “mag … pahalaga sa … salita [ng Panginoon]” (Joseph Smith—Mateo 1:37).
Ang pagpapahalaga sa mga salita ng Panginoon ay tumutulong sa atin na maiwasang malinlang, at ang makabagong paghahayag ay nagbabala sa atin na “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” (D at T 87:8). Bukod pa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang tulungan tayong pahalagahan ang salita ng Panginoon, maaari nating matanggap ang mga salita ng Diyos habang nakatayo, o pumupunta, sa mga banal na lugar tulad ng templo at kapilya at nagsisikap na maging banal na lugar ang ating mga tahanan. Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pagpunta sa mga lugar na ito para matutuhan ang totoong doktrina at maiwasang malinlang.
Joseph Smith—Mateo 1:38–55
Tinagubilinan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito
Tinapos ng Tagapagligtas ang pananalitang ito sa pagtuturo sa Kanyang mga disipulo kung paano pahalagahan ang Kanyang salita at maging handa sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Sa mga kahon na ibinigay sa kasunod na chart, magdrowing ng mga simpleng larawan na nagpapakita ng mga halimbawang ginamit ng Tagapagligtas upang ituro ang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Pagkatapos, sa ilalim ng bawat drowing, sumulat ng katotohanang natukoy mo tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito.
Natutuhan natin mula sa mga halimbawang ito na tanging ang Ama sa Langit lang ang nakakaalam kung kailan magaganap ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, at kung aabangan natin ang mga palatandaan at susundin ang mga utos ng Panginoon, magiging handa tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Rebyuhin ang mga katotohanang tinukoy sa Joseph Smith—Mateo, at isipin kung paano makatutulong ang mga katotohanang ito na masagot ang mga tanong na isinulat mo sa simula ng lesson.
Isa sa mga pinakamaiinam na paraan sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ay ang pagsunod sa mga turo ng Kanyang mga propeta at mga apostol ngayon. Isipin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Paano kung bukas na ang dating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagkukulang ang babayaran natin? Ano ang mga patatawarin natin? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?
“Kung gagawin natin ang bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? (“Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 9).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kung alam mo na makikita mo ang Tagapagligtas bukas, ano ang babaguhin mo ngayon?
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Joseph Smith—Mateo; Mateo 24 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: