Library
Unit 13, Day 1: Juan 2


Unit 13: Day 1

Juan 2

Pambungad

Sa Cana, ginawa ng Tagapagligtas ang unang himalang nasaksihan ng publiko sa Kanyang ministeryo sa lupa nang gawin Niyang alak ang tubig. Pumunta Siya sa Jerusalem para sa unang Paskua ng Kanyang ministeryo, at nilinis Niya sa unang pagkakataon ang templo sa pagpapaalis sa mga mamamalit ng salapi na lumalapastangan sa bahay ng Kanyang Ama.

Juan 2:1–11

Ginawang alak ni Jesus ang tubig

Isipin ang “mga una” na maaaring nangyari sa buhay mo: ang una mong araw sa paaralan, ang una mong trabaho, ang unang pagkakataon na naalala mong naramdaman mo ang Espiritu Santo. Ano pa ang ibang “mga una” na naranasan mo na mahalaga para sa iyo?

Bakit pinahahalagahan natin kung minsan ang “mga una” sa ating buhay?

Hindi nagtagal matapos mabinyagan si Jesus, Siya at ang Kanyang mga disipulo ay dumalo sa isang kasalan sa Cana, isang nayon malapit sa Nazaret, na kinalakhan ni Jesus. Sa Cana ginawa ni Jesus ang Kanyang unang nakatalang himala.

Basahin ang Juan 2:1–3, na inaalam ang naging problema sa kasalan.

Ipaliwanag na ang alak ay kinaugaliang inumin sa kasalan. Minsan ay tumatagal ang kasalan nang maraming araw. Ang maubusan ng alak ay kahiya-hiya para sa mga punong-abala o nagdaos ng kasalan. Ang ina ni Jesus, na si Maria, ay humingi ng tulong sa Kanya upang magkaroon muli ng alak. Hindi tayo sigurado sa tungkulin ni Maria sa kasalan, ngunit malinaw na nadama niyang may responsibilidad siya noong maubos ang alak.

Tinutulungan tayo ng Joseph Smith Translation na maunawaan ang sagot ni Jesus sa Kanyang ina: “Babae, ano ang nais mong gawin ko para sa iyo? iyon ang gagawin ko; ang aking oras ay hindi pa dumarating.” Noong panahon ni Jesus, ang titulong “babae” ay isang magiliw at magalang na pagtawag sa isang ina.

Basahin ang Juan 2:5, na inaalam ang sinabi ni Maria sa mga tagapagsilbi. Isipin ang itinuturo sa atin ng mga inutos ni Maria sa mga alila o tagapagsilbi tungkol sa kanyang pananampalataya kay Jesus.

Basahin ang Juan 2:6–7, na inaalam ang inutos ng Tagapagligtas na gawin ng mga tagapagsilbi.

mga tapayang gawa sa apog

Mga tapayang gawa sa apog mula sa panahon ng Bagong Tipan sa Israel

Ang mga katagang “paglilinis ng mga Judio” sa talata 6 ay tumutukoy sa kaugalian ng mga Judio na paggamit ng tubig sa paghuhugas ng kanilang kamay bago kumain. Ang malalaking tapayang bato ang pinag-iimbakan ng tubig na ginagamit sa mga rituwal na tulad nito. “Ang isang banga o ‘firkin’ ay mga siyam na galon (34 litro), kaya ang anim na tapayan ay naglalaman ng mga 100 hanggang 160 galon (mga 380 hanggang 600 litro)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 207). Pansinin sa Juan 2:7 kung gaano kapuno ang bawat tapayan.

Basahin ang Juan 2:8, na inaalam ang inutos ng Tagapagligtas na gawin ng mga tagapagsilbi

Kung isa ka sa mga tagapagsilbing ito, ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo habang iyong dinadala ang tasang puno ng likidong ito sa pangulo ng kapistahan?

Basahin ang Juan 2:9–10, na inaalam ang sinabi ng pangulo ng kapistahan matapos matikman ang inuming dinala sa kanya.

Ano ang nangyari sa tubig?

Upang maunawaan ang sinabi ng pangulo ng kapistahan, maaaring makatulong na malaman mo na kadalasang ipinaiinom ang pinakamasarap na alak sa simula ng kasalan at sa huli ipinaiinom ang mga alak na may mas mababang kalidad.

Si Jesus ay hindi nagbigay ng partikular na kahulugan o simbolismo ng unang nakatalang himalang ito sa Kanyang ministeryo dito sa mundo. Gayunman, maraming mahahalagang katotohanan ang malalaman natin mula sa unang naitalang himalang ito ni Jesus.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magtala ng mga katotohanang matutukoy mo mula sa Juan 2:1–10 tungkol kay Jesucristo, ang kaugnayan Niya sa Kanyang ina, at ang Kanyang kapangyarihan.

Ang isa sa mga katotohanang natukoy mo mula Juan 2:1–10 ay maaaring katulad ng sumusunod: Si Jesucristo ay may kapangyarihan sa mga pisikal na elemento.

Basahin ang Juan 2:11, na inaalam ang epekto ng himalang ito sa mga disipulo ni Jesus.

Inihayag sa Joseph Smith Translation na “ang pananampalataya ng kanyang mga disipulo ay tumibay sa kanya.”

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano napapatibay ng pagkaunawa sa himalang ito, at ng pagkaunawa na si Jesucristo ang Lumikha ng langit at lupa at may kapangyarihan sa mga pisikal na elemento, ang pananampalataya mo kay Jesucristo?

    2. Ano ang iba pang mga tala sa Bagong Tipan na nagpapakita rin na si Jesucristo ay may kapangyarihan sa mga pisikal na elemento?

Juan 2:12–25

Nilinis ni Jesus ang templo

Isipin ang isang nilalaro mo noong bata ka pa. Bagama’t ang mga larong ito ay pambata at masaya, komportable ka bang laruin ang mga ito sa bakuran ng templo? Bakit hindi?

Noong unang taon ng ministeryo ni Jesus, naglakbay Siya sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua. Basahin ang Juan 2:12–17, na inaalam ang nangyayari sa templo nang dumating si Jesus.

Nilinis ni Jesus ang templo

Sa palagay mo, bakit nabalisa si Jesus sa nangyayari sa templo? Pansinin ang ginawa ni Jesus upang itama ang problema.

Kailangang bumili ng mga hayop ang libu-libong bisita na nagsidatingan sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskua upang ialay bilang mga hain sa templo na bahagi ng kanilang pagsamba. Ang mga mamamalit ng salapi ay nagpapalit ng salaping Romano o iba pang salapi para sa salaping pangtemplo upang makabili ng mga hayop na iaaalay, at ang iba pang mangangalakal ay nagtitinda ng mga hayop na iyon. Kahit na kailangan ang mga negosyong ito, kawalang-galang at kalapastanganan ang gawin ang mga ito sa bakuran ng templo. Bukod pa rito, napakamahal ng sinisingil na presyo para sa mga hayop ng mga mamamalit ng salapi, na nagnanais na kumita nang malaki.

Elder Bruce R. McConkie

Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tagpo: “Sa pagpasok ni Jesus sa bakuran ng templo, … bumantad sa kanya ang mga kuwadra ng mga baka, kural ng mga tupa, hawla ng mga kalapati, kasama ang mga sakim na nagbebenta sa mga ito nang napakamahal sa mga mag-aalay sa templo. Punung-puno ang lugar ng mga mesa ng mga mamamalit ng salapi na kumikita sa pagpapalit ng mga baryang Romano at iba pa sa barya ng templo upang makabili ng mga hayop na iaalay” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo. [1965–73], 1:137–38).

Sa Kanyang ginawa at sinabi, itinuro ni Jesus ang kabanalan ng bahay ng Kanyang Ama.

Pansinin sa Juan 2:16 na sinabi ni Jesus na bahay ng Kanyang Ama ang templo. Nalaman natin mula rito ang sumusunod na katotohanan: Ang templo ay bahay ng Diyos.

Ang mga templo ay bahay ng Diyos dahil maaari Niyang puntahan ang mga lugar na ito. Ang mga ordenansa na nauukol sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos ay isinasagawa sa mga templo, at nararamdaman ng mga dumadalo sa templo ang Espiritu ng Panginoon doon. Dahil ang templo ay “ang Bahay ng Panginoon,” tulad ng nakasulat sa labas nito, maaaring pumarito mismo ang Panginoon. Ang mga templo ang pinakabanal na lugar ng pagsamba sa lupa.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter, na inaalam kung bakit pinaalis ni Jesus ang mga mamamalit ng salapi at mangangalakal mula sa templo:

Pangulong Howard W. Hunter

“Dahil sa pagbaba ng moralidad, isa ang pagpipitagan sa unang mga katangiang naglalaho. … Pinasama ng pagmamahal sa pera ang mga puso ng karamihan sa mga kababayan ni Jesus. Mas pinahalagahan nila ang yaman kaysa sa Diyos. Kung hindi nila pinahalagahan ang Diyos, bakit nila pahahalagahan ang kanyang templo? Ginawa nilang palengke ang templo at tinabunan ang mga panalangin at awit ng mga mananampalataya ng kanilang mga sakim na pagpapalitan ng salapi at iyak ng mga tupa. Sa paglilinis ng tempo lamang nagpakita si Jesus ng ganitong katinding emosyon. …

“Ang ganitong katinding emosyon ay dahil sa limang salita lamang: ‘Ang bahay ng aking Ama.’ Ito ay hindi isang karaniwang bahay; ito ay bahay ng Diyos. Itinayo ito para sa pagsamba sa Diyos. Ito ay tahanan para sa mapitagang puso. Ito ay lugar ng kapanatagan para sa mga taong namimighati at nababalisa, ang mismong pasukan ng langit. ‘Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito’ ang sabi niya, ‘huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.’ (Juan 2:16.) Ang Kanyang pagmamahal sa Kataas-taasan ang nagpasiklab ng apoy sa kanyang kaluluwa at nagbigay ng lakas sa kanyang mga salita na tumagos sa mga may sala na tila isang punyal” (“Hallowed Be Thy Name,” Ensign, Nob. 1977, 52–53).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang sumusunod na pahayag: Maipapakita ko ang aking pagpipitagan sa templo sa pamamagitan ng … Pagkatapos ay magtala ng mga ideya na kukumpleto sa pahayag na ito sa loob ng dalawang minuto. Tandaan na maipapakita mo ang pagpipitagan para sa templo kahit na wala ka sa templo.

Pumili ng isa sa mga ideya sa tala mo, at gamitin ito upang magtakda ng mithiin na magpakita ng pagpipitagan sa templo.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Juan 2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: