Library
Unit 14, Day 3: Juan 9


Unit 14 Day 3

Juan 9

Pambungad

Pinagaling ni Jesus ang isang lalaking isinilang na bulag. Tinanong ng mga Fariseo ang lalaking ito at pinalayas siya mula sa sinagoga dahil tumanggi siyang tawaging makasalanan si Jesus dahil sa pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Hinanap ng Tagapagligtas ang lalaki at tinanong kung ano ang pinaniniwalaan niya, at sinamba ng lalaki si Jesus bilang Anak ng Diyos.

Juan 9:1–7

Pinagaling ni Jesus ang lalaking isinilang na bulag

Tukuyin ang ilang halimbawa ng mga pagsubok na nararanasan ng mga taong kilala mo o ng mga taong nakikita mo sa balita:

May mga taong nagtatanong kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdanas sila ng matinding pagsubok at hirap sa kanilang buhay. Sa pag-aaral mo ng Juan 9:1–5, alamin ang isang katotohanang makatutulong sa ating mas maunawaan kung bakit hinahayaan ng Diyos na makaapekto sa ating buhay ang mga pagsubok.

Habang nasa Jerusalem si Jesus, nakilala Niya ang isang lalaking dumanas ng pasubok simula pa noong ipinangangak siya. Basahin ang Juan 9:1–2, na inaalam ang pagsubok na dinanas ng lalaking ito.

Ano ang itinanong ng mga disipulo tungkol sa sanhi ng paghihirap ng lalaking ito?

Maraming tao sa panahon ng Tagapagligtas ang naniniwala na ang mga pagsubok at paghihirap na dinaranas ng mga tao ay kaparusahan sa mga kasalanan na ginawa nila o ng kanilang mga magulang. Sa palagay mo, tama ba ang paniniwalang ito? Bakit oo o bakit hindi?

Basahin ang Juan 9:3–5, na inaalam ang mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa pagkabulag ng lalaking ito.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios”? (Juan 9:3).

Mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, nalaman natin na magagamit ng Diyos ang ating mga pagsubok upang maipakita ang Kanyang gawain at kapangyarihan. Sa madaling salita, bagama’t maraming sanhi ng pagsubok at paghihirap sa ating mga buhay, magagamit ng Diyos ang mga pagsubok na ito upang makatulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga banal na layunin.

Upang mas maunawaan ang katotohanang ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ipinadala tayo rito upang subukan. Dapat ay may oposisyon sa lahat ng bagay. Dapat tayong matuto at lumago dahil diyan, sa pagtugon sa ating mga hamon at pagtuturo sa iba na gayon din ang gawin. … Hindi lang ilalaan ng Panginoon ang ating mga hirap para sa ating kapakinabangan, kundi gagamitin pa Niya ang mga ito upang pagpalain ang buhay ng maraming iba pa.

“Itinuro ni Jesus ang aral na ito nang makita nila ng Kanyang mga disipulo ang isang lalaking isinilang na bulag. [Pagkatapos ay binanggit ni Elder Oaks ang Juan 9:2–3.]

“Kung titingnan natin ang buhay sa espirituwal na pananaw, makikita natin ang maraming halimbawa ng mga gawa ng Diyos na isinusulong sa pamamagitan ng mga paghihirap ng Kanyang mga anak. …

“Kapag naunawaan natin ang alituntuning ito, na nag-aalok ang Diyos sa atin ng mga pagkakataong mapagpala at pinagpapala tayo sa sarili nating mga hirap at mga hirap ng iba, mauunawaan natin kung bakit paulit-ulit niya tayong inutusang ‘pasalamatan … ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay’ (D at T 59:7)” (“Magpasalamat sa Lahat ng Bagay,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 98).

Isipin ang isang paghihirap na dinanas mo noon o dinaranas sa kasalukuyan. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng Juan 9, mag-isip ng mga paraan na maipapakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan sa pamamagitan mo dahil sa mga paghihirap na iyon.

Basahin ang Juan 9:6–7, na inaalam kung paano ipinakita ng Diyos ang Kanyang mga gawa at kapangyarihan sa pamamagitan ng karanasan ng lalaking bulag.

Ano sa palagay mo ang naramdaman ng lalaking ito nang makakita siya sa unang pagkakataon?

Juan 9:8-41

Hinanap ng Tagapagligtas ang lalaking pinagaling Niya matapos itaboy ng mga Fariseo ang lalaki

Nakatala sa Juan 9:8–15, na matapos mapagaling ang lalaking bulag, nagtalo ang ilang tao kung siya nga ba ang lalaking isinilang na bulag. Nagtaka ang ilan kung paano siya napagaling at dinala siya sa mga Fariseo, na nagsimulang pagtatanungin siya.

Alamin sa Juan 9:14 ang araw kung kailan pinagaling ng Tagapagligtas ang lalaking bulag.

Ano sa palagay mo ang naging reaksyon ng mga Fariseo sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaki sa araw ng Sabbath?

Basahin ang Juan 9:16, na inaalam ang inisip ng mga Fariseo tungkol kay Jesus.

Basahin ang Juan 9:17, na inaalam ang inisip ng lalaking bulag tungkol kay Jesus.

Sa patuloy mong pag-aaral ng Juan 9, pansinin ang unti-unting pagbabago sa pananaw ng lalaking bulag sa Tagapagligtas.

Dahil nagdududang tunay na naging bulag ang lalaki, ipinatawag ng mga Fariseo ang mga magulang niya upang tanungin. Nalaman natin sa Juan 9:19–23 na nang tanungin ang kanyang mga magulang, nagpatotoo sila na ipinanganak na bulag ang kanilang anak, ngunit sinabing hindi nila alam kung paano siya pinagaling. Dahil natatakot na itakwil sa kanilang sinagoga at komunidad, ayaw nilang sabihin na naniniwala sila na si Jesus ang Mesiyas, kaya kanilang iminungkahi na ang anak nila ang magsalita para sa kanyang sarili.

Basahin ang Juan 9:24–27, 30–33, na inaalam ang isinagot ng lalaki sa mga Fariseo. Maaari mong markahan ang mga salitang ginamit niya upang ipagtanggol si Jesus at magpatotoo na Siya ay “galing sa Dios” (Juan 9:33).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang nagpahanga sa iyo sa mga sagot ng lalaking ito?

Nalaman natin sa Juan 9:34 na pinalayas ang lalaking ito (marahil mula sa sinagoga [tingnan sa Juan 9:22]) dahil sa walang takot na pagtatanggol sa Tagapagligtas.

“Ang mga sinagoga ay nagsilbing sentro ng relihiyon at lipunan ng maraming komunidad ng mga Judio. Sa mga sinagoga natatamo ang espirituwal na pag-aaral at pagsamba, gayon din ang mga oportunidad na pang-edukasyon at panlipunan. Dahil mahalaga ang sinagoga sa lipunan ng mga Judio, ang mapalayas sa sinagoga … ay hindi lamang nangangahulugang ikaw ay natiwalag at hindi ka na kasama sa mga gawaing panrelihiyon ng komunidad. Nangangahulugan din ito na hindi ka na kabilang sa mga gawaing pang-kultura at panlipunan” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 230).

Sa palagay mo, bakit handa ang lalaking ito na manatiling tapat sa kanyang nalaman tungkol kay Jesucristo, kahit nangahulugan iyon na palalayasin siya sa sinagoga?

Matapos palayasin ang lalaki sa sinagoga, nahanap siya ng Tagapagligtas at tinanong kung siya ay “sumasampalataya sa Anak ng Dios” (Juan 9:35). Basahin ang Juan 9:36–38, na inaalam ang isinagot ng lalaki.

Ang pahayag niya na “Panginoon, sumasampalataya ako” at ang katotohanang “siya’y sinamba niya” (Juan 9:38) ay nagpapakita na nabuksan ang kanyang espirituwal na mga mata at nakilala niya si Jesucristo kung sino Siya, ang ipinangakong Mesiyas at ang Anak ng Diyos.

Nalaman natin mula sa talang ito na kapag nananatili tayong tapat sa nalalaman natin sa kabila ng oposisyon, titibay ang mga patotoo natin. Sa paglipas ng panahon, mas lalakas ang ating mga patotoo.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo, bakit lumalakas ang mga patotoo natin matapos mapaglabanan ang oposisyon o mga pagsubok sa pananampalataya?

    2. Paano napalakas ang iyong patotoo habang matapat mong hinaharap ang oposisyon?

Upang matukoy ang isa pang alituntunin mula sa talang ito, bahagyang ipikit ang mga mata mo upang kaunting liwanag lang ang makita mo. Pagkatapos ay bahagyang buksan ito. Pagkatapos ay tuluyang buksan ito. Pansinin kung paano nagbabago ang inyong paningin sa bawat pagkakataon.

Tandaan na naging malinaw ang pisikal na paningin ng lalaking bulag matapos siyang pagalingin ni Jesus. Basahin ang Juan 9:11, 17, 33, 35–38, na inaalam ang mga katagang naglalarawan sa paglinaw ng espirituwal na paningin o pagkaunawa ng lalaking ito tungkol kay Jesus.

Noong una ay tinukoy niya si Jesus bilang “ang lalaking tinatawag na Jesus” (Juan 9:11), at pagkatapos ay tinukoy niya Siya bilang “isang propeta” (Juan 9:17) at ipinagtanggol Siya bilang “galing sa Dios” (Juan 9:33). Naging mas malinaw sa paglipas ng panahon ang kanyang espirituwal na paningin hanggang sa wakas ay nakita niya na si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas at ang Anak ng Diyos.

Sa palagay mo, bakit naging mas malinaw ang kanyang pananaw at pagkaunawa tungkol sa Tagapagligtas? Sa paanong mga paraan siya nanampalataya kay Jesucristo sa buong karanasan niya?

Pangulong Howard W. Hunter

Sa pagtukoy sa karanasan ng lalaking ito, itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter: “Naibigay na ang paningin nang dalawang beses—ang una ay upang pagalingin ang kapansanang dala-dala mula sa pagsilang at ang isa ay upang makita ang Hari ng mga Hari bago Siya umakyat sa Kanyang walang hanggang trono. Pinalinaw ni Jesus ang kapwa temporal at espirituwal na paningin. Nagbigay Siya ng liwanag sa isang madilim na lugar, at tinanggap ng lalaking ito, tulad ng marami pang iba sa panahon niya at sa panahon natin ngayon, ang liwanag at nakakita” (“The God That Doest Wonders,” Ensign, Mayo 1989, 16–17).

Nalaman natin mula sa talang ito na kapag tayo ay nananampalataya kay Jesucristo, nagiging mas malinaw ang ating espirituwal na paningin at pang-unawa.

Sa palagay mo, bakit kailangan ang pananampalataya upang mas malinaw na makita at maunawaan ang espirituwal na katotohanan?

Nakatayo ang ilang mga Fariseo malapit sa lugar kung saan nakita at sinamba ng lalaki si Jesus bilang Anak ng Diyos. Basahin ang Juan 9:39–41, na inaalam ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa pagkabulag.

Sa pagsagot sa tanong ng mga Fariseo na, “Kami baga naman ay mga bulag din?” (Juan 9:40), “gumamit ang Tagapagligtas ng metapora, na nagtuturo na ang mga taong ‘bulag’—mga taong hindi kilala kung sino Siya—‘ay hindi magkakaroon ng kasalanan’ (Juan 9:41). Sa kabilang banda, ang mga taong ‘nangakakakita’—mga taong nakatanggap ng sapat na mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang banal na misyon na dapat ay nakakakilala kung sino Siya—ay mananagot sa kanilang mga ginawa. Kasama ang mga Fariseo sa mga yaong ‘nangakakakita,’ at kung gayon ‘nananatili ang … kasalanan’ nila. Kung pag-uusapan ang espirituwalidad, pinili nilang maging bulag dahil hindi nila kinilala si Jesus bilang Anak ng Diyos, sa kabila ng maraming patotoo na natanggap nila” (New Testament Student Manual, 231).

  1. journal iconTingnan ang huling dalawang alituntunin na napag-aralan mo sa lesson na ito, at pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga ito. Isulat ang iyong mga mithiin na ipamuhay ang mga alituntuning ito sa iyong scripture study journal. Manalangin na gabayan ka sa pagkamit sa mga mithiin mo.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Juan 9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: