Library
Unit 32, Day 4: Apocalipsis 20–22


Unit 32: Day 4

Apocalipsis 20–22

Pambungad

Nakita ni Apostol Juan sa pangitain ang panahon ng milenyo at ang Huling Paghuhukom. Nakita rin niya “ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa” (Apocalipsis 21:1) at ang selestiyal na lungsod ng Diyos na itatatag sa lupa. Tinapos ni Juan ang kanyang tala sa pagsamo sa Panginoon na bumalik na sa lupa.

Apocalipsis 20

Nakita ni Juan ang panahon ng milenyo at ang Huling Paghuhukom

Ang Huling Paghuhukom

Bilang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, bawat taong nabuhay sa mundong ito ay tatayo sa harapan ng Diyos upang hatulan. Isipin kung ano sa palagay mo ang mangyayari sa Huling Paghuhukom.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang inaasahan mong maiisip at madarama kapag nakatayo ka sa harapan ng Diyos upang hatulan.

Tulad ng nakatala sa Apocalipsis 20:1–11, nakita ni Juan na igagapos si Satanas sa panahon ng Milenyo at mabubuhay na muli ang mabubuti bilang bahagi ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli. Nakita rin niya na si Satanas ay “[pawawalan nang] kaunting panahon” sa katapusan ng Milenyo (Apocalipsis 20:3). Pagkatapos makipaglaban ni Satanas at ng kanyang mga kampon sa mga Banal sa huling pagkakataon, siya ay ay “ibu[bu]lid sa dagatdagatang apoy at asupre… magpakailan kailan man” (Apocalipsis 20:10). Pagkatapos ay magaganap ang Huling Paghuhiukom.

Basahin ang Apocalipsis 20:12, at alamin kung paano tayo hahatulan ng Diyos. (Ang Apocalipsis 20:12 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

Kumpletuhin ang sumusunod na doktrina na natutuhan natin mula sa talatang ito: Hahatulan tayo ng Diyos mula sa ayon sa .

Kabilang sa mga aklat na binanggit sa Apocalipsis 20:12 ang mga banal na kasulatan, mga rekord ng Simbahan na nagtatala ng mga nakapagliligtas na ordenansa, at ang aklat ng buhay.

Basahin ang sumusunod na paliwanag tungkol sa aklat ng buhay: “Sa isang banda, ang aklat ng buhay ang kabuuan ng mga inisip at ginawa ng isang tao—ang talaan ng kanyang buhay. Gayunman, itinuturo ng mga banal na kasulatan na isang makalangit na talaan ang iniingatan tungkol sa matatapat, naglalaman ng kanilang mga pangalan at ulat ng kanilang mabubuting gawa (D at T 88:2; 128:7)” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng Buhay”).

Basahin ang Apocalipsis 20:13, at alamin kung ano ang mangyayari bago ang Huling Paghuhukom.

Ang masasama at hindi nagsisi ay mabubuhay na muli sa huling Pagkabuhay na Mag-uli, sa katapusan ng Milenyo at tatayo rin upang hatulan ayon sa kanilang mga ginawa (tingnan sa D at T 76:85).

  1. journal iconIsipin ang naunang doktrina na natukoy mo (Hahatulan tayo ng Diyos mula sa mga aklat na naisulat ayon sa ating mga gawa). Pagkatapos ay sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakakaapekto sa ating ginagawa ngayon at sa buong buhay natin ang pagkaunawa at paniniwala sa doktrinang ito? Isipin din kung ano ang mas mapagbubuti mo pa sa iyong buhay upang makapaghanda sa Huling Paghuhukom at makita ang iyong pangalan na nakasulat sa aklat ng buhay.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Apocalipsis 20:12

  1. journal iconGamitin ang mga scripture study tool tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.lds.org) upang mahanap ang iba pang karagdagang banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Huling Paghuhukom. Gumawa ng listahan ng mga reperensya sa iyong scripture study journal. Maaari mo ring isulat ang mga reperensya na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Apocalipsis 20:12. Isulat sa iyong scripture study journal ang mga karagdagang katotohanan tungkol sa Huling Paghuhukom na natutuhan mo sa mga cross-reference na ito.

Apocalipsis 21

Nakita ni Juan ang isang bagong langit at isang bagong lupa at ang selestiyal na lungsod ng Diyos

isang dalagita na ang mga kamay ay nakahawak sa kanyang ulo

Isipin ang isang pangyayari sa iyong buhay na nakaranas ka ng matinding lungkot o pasakit.

Ilista ang ilang bagay sa buhay na ito na maaaring magdulot sa atin ng matinding lungkot o pasakit:

Sa iyong pag-aaral ng Apocalipsis 21, alamin ang isang katotohanan na makapagbibigay sa iyo ng kapanatagan sa mga panahon ng paghihirap.

Ang Apocalipsis 21–22 ay pagpapatuloy ng pangitain ni Apostol Juan tungkol sa mga mangyayari pagkatapos ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Basahin ang Apocalipsis 21:1–2, at alamin kung ano ang nakita ni Juan na mangyayari.

Ang pagbanggit ni Juan sa “isang bagong langit at [sa] isang bagong lupa” (Apocalipsis 21:1) ay maaaring tumutukoy sa mangyayari sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, kung kailan ang mundo ay babaguhin at matatanggap nito ang malaparaisong kaluwalhatian na siyang kalagayan nito bago ang Pagkahulog nina Adan at Eva. Maaari din na ang tinutukoy ni Juan ay ang pagbabagong mangyayari sa katapusan ng Milenyo, kung saan ang mundo ay babaguhin at magiging selestiyal ang kalagayan (tingnan sa D at T 29:22–24).

Basahin ang Apocalipsis 21:3–4, at alamin kung ano ang gagawin ng Diyos para sa Kanyang mga tao.

Nalaman natin mula sa mga talatang ito na ang Diyos ay maninirahang kasama ang Kanyang mga tao at aaliwin o papanatagin sila, at hindi na sila daranas pa ng kamatayan, kalungkutan, o pasakit.

Elder Joseph B. Wirthlin

Ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol na pagpapalain ng Panginoon ang mabubuti para sa lahat ng kalungkutan at pasakit na naranasan nila sa mortalidad: “Pinupunan ng Panginoon ang bawat kawalan ng matatapat. Ang ninakaw mula sa mga taong nagmamahal sa Panginoon ay idaragdag sa kanila sa sarili Niyang paraan. Kahit hindi ito mangyari sa panahong nais natin, malalaman ng matatapat na bawat luha ngayon ay papalitan kalaunan ng maka-isandaang ulit na luha ng kagalakan at pasasalamat” (“Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 28).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano makatutulong sa atin ang kaalamang aaliwin o papanatagin ng Diyos ang Kanyang mga tao at papawiin ang kanilang kalungkutan at pasakit kapag nakararanas tayo ng mga pagsubok o paghihirap ngayon?

Basahin ang Apocalipsis 21:7, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga magtatagumpay nang tapat at nang may pananampalataya.

Batay sa natutuhan mo mula sa aklat ng Apocalipsis tungkol sa mga paghihirap at kaguluhan sa mga huling araw, anong uri ng mga bagay ang kailangang mapagtagumpayan natin upang muling makapiling ang Diyos?

Inilarawan sa Apocalipsis 21:8 ang kalagayan ng mga mapanghimagsik at hindi nagsisisi. Ang “ikalawang kamatayan” ay espirituwal na kamatayan, o pagkawalay sa Diyos, na mararanasan ng mga taong sadyang naghimagsik laban sa liwanag at katotohanan.

Basahin ang Apocalipsis 21:9–21 at alamin ang paglalarawan ni Juan sa selestiyal na lungsod ng Diyos.

Basahin ang Apocalipsis 21:22–27, at alamin kung ano ang magagawa ng presensya ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa mga naninirahan sa lungsod na ito.

Apocalipsis 22

Tinapos ni Juan ang tala tungkol sa kanyang pangitain

Nabasa natin sa Apocalipsis 22 ang dagdag na paglalarawan ni Apostol Juan sa banal na lungsod ng Diyos. Bilang bahagi ng kanyang paglalarawan, binanggit ni Juan ang isang luklukan (tingnan sa Apocalipsis 22:1).

drowing ng luklukan o trono

Basahin ang Apocalipsis 22:1–2, at idrowing ang nakita pa ni Juan bukod sa luklukan.

Pansinin na nalaman ni Juan na ang punong kahoy ay saganang namumunga sa lahat ng panahon, at ang mga dahon nito ay makapagpapagaling sa mga bansa. Nakatala sa Aklat ni Mormon na nakita kapwa nina Lehi at Nephi ang pangitain ng punong kahoy ng buhay. Nalaman ni Nephi na ang punong kahoy at ang bukal ng mga buhay na tubig ay kapwa sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 11:25). Ang pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Juan 3:16; I Ni Juan 4:9). Maaari ding sumagisag ang bunga ng punong kahoy sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala, tulad ng buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7).

Sa Apocalipsis 22:3–12, nabasa natin na bukod pa sa nakitang selestiyal na lungsod na ito, tumanggap din si Juan ng patotoo mula sa anghel na nagsabi sa kanya na ang mga bagay na inihayag sa kanya ay totoo. Nakita rin ni Juan na gagantimpalaan ng Tagapagligtas ang lahat ng tao ayon sa kanilang mga gawa.

Basahin ang Apocalipsis 22:14, na inaalam ang dapat nating gawin para mapahintulutang pumasok sa kahariang selestiyal.

Ang ibig sabihin ng “magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay” (Apocalipsis 22:14) ay maging karapat-dapat na matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala, kabilang ang buhay na walang hanggan.

Nalaman natin mula sa talatang ito na kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon, matatanggap natin ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at makapapasok tayo sa kahariang selestiyal. Kabilang sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan ang pagtanggap ng lahat ng kinakailangang ordenansa para makapasok sa kahariang selestiyal.

Bagama’t ang ilang pagpapala ng Pagbabayad-sala—tulad ng kaloob na pagkabuhay na mag-uli—ay ibinibigay nang libre o walang kapalit sa lahat ng anak ng Diyos, ang iba pang mga pagpapala—tulad ng buhay na walang hanggan—ay matatamo lamang sa pamamagitan ng masigasig na pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Nabasa natin sa Apocalipsis 22:15–19 na ang mga hindi sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay hindi makapapasok sa selestiyal na lungsod. Nagpatotoo si Jesucristo na ibinigay Niya ang paghahayag na ito kay Juan, at inanyayahan ni Juan ang lahat na lumapit sa mga tubig ng buhay at uminom nang walang bayad. Nagbabala si Juan sa kanyang mga mambabasa na huwag baguhin ang mga mensahe ng aklat na isinulat niya.

Basahin ang Apocalipsis 22:20, at alamin ang hiniling ni Juan sa Tagapagligtas.

Batay sa natutuhan mo sa aklat ng Apocalipsis, bakit sa iyong palagay nasasabik si Juan sa pagparito ng Panginoon?

  1. journal iconBinabati kita sa pagtatapos mo sa seminary course na ito sa Bagong Tipan. Isiping mabuti ang iyong natutuhan at nadama sa taong ito, at maglaan ng ilang sandali na isulat sa iyong scripture study journal ang ilan sa mga turo sa Bagong Tipan na nakaimpluwensya sa iyo sa taong ito. Isulat din kung paano naapektuhan ang iyong patotoo ng pag-aaral mo sa seminary. Maghanap ng pagkakataon na maituro at mapatotohanan ang iyong natutuhan.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Apocalipsis 20–22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: