Unit 24: Day 2
II Mga Taga Corinto 10–13
Pambungad
Itinuro ni Apostol Pablo ang tungkol sa espirituwal na digmaang nararanasan ng mga anak ng Diyos. Ipinagtanggol niya ang sarili laban sa mga taong sumasalungat sa kanya. Isinalaysay niya kung paano siya inagaw hanggang sa ikatlong langit, at inilarawan kung paano naging pagpapala sa kanya ang kanyang mga kahinaan. Bago niya tapusin ang kanyang sulat, hinikayat ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na siyasatin ang kanilang sarili at patunayan ang kanilang katapatan.
II Mga Taga Corinto 10–11
Isinulat ni Pablo ang tungkol sa espirituwal na digmaan, ang mga panlilinlang ni Satanas, at ang kanyang sariling kapighatian
Ano ang naiisip mo kapag nakikita mo ang salitang digmaan?
Isipin ang mga paraan na napapabilang tayo sa digmaan laban kay Satanas. Ano ang ilan sa pinakamahirap na labanang naranasan natin sa espirituwal na digmaang ito?
Basahin ang II Mga Taga Corinto 10:3–6, na inaalam ang itinuro ni Apostol Pablo na dapat nating gawin para magtagumpay sa digmaan laban kay Satanas.
Ang ibig sabihin ng utos na “[bihagin ang] lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo” (II Mga Taga Corinto 10:5) ay kontrolin ang ating isipan, huwag mag-isip ng masama, at pagtuunan ang mga bagay na mabuti at makabuluhan. Ang isang katotohanang matututuhan natin sa talata 5 ay kapag kinontrol natin ang ating pag-iisip bilang pagsunod kay Jesucristo, mas magtatagumpay tayo sa digmaan laban kay Satanas.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin para makontrol ang ating pag-iisip? (Tingnan sa Alma 37:36; D at T 121:45; at ang Paunang Salita ng Unang Panguluhan sa mga Himno [mga pahina vii], para sa mga makatutulong na ideya.)
-
Anong mga pagpapala ang naranasan mo nang kontrolin mo ang iyong pag-iisip bilang pagsunod sa Tagapagligtas?
-
Isipin ang gagawin mo para makontrol ang iyong pag-iisip bilang pagsunod sa Tagapagligtas. Para sa ilang tao, nakatutulong ang pagdarasal, pagbabasa o pagsasaulo ng mga banal na kasulatan, at pagkanta ng mga himno.
Nalaman natin sa II Mga Taga Corinto 10:7–18 na ipinagmapuri ni Pablo ang Panginoon at itinuro na ang kanyang mga kahinaan ay hindi dapat gawing dahilan para hindi makinig sa kanya.
Mababasa natin sa II Mga Taga Corinto 11 na binanggit ni Pablo ang iba pang paraan na ginagawa ni Satanas para pasamain ang ating pag-iisip at ilayo tayo kay Jesucristo, pati na ang paggamit ng mga bulaang Cristo at mga huwad na Apostol. Binanggit ni Pablo ang mga paghihirap na tiniis niya bilang tunay na Apostol ng Tagapagligtas.
II Mga Taga Corinto 12
Ikinuwento ni Pablo ang pag-agaw sa kanya hanggang sa langit at itinuro kung paano makatutulong sa atin ang pagtanggap na tayo ay may mga kahinaan
Isipin ang pagkakataon na natusok ka ng tinik. Sa paanong paraan nagiging mahirap ang buhay dahil sa mga tinik?
Ginamit ni Apostol Pablo ang konsepto ng tinik upang ilarawan ang pagsubok o kahinaang naranasan niya.
Sa pagbabasa mo ng sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, isipin ang uri ng mga pagsubok at kahinaang naranasan mo: “Ang ilan ay namatayan ng mahal sa buhay o nag-aalaga ng may kapansanan. Ang ilan ay nasaktan sa diborsyo. Ang iba ay gustong makasal sa kawalang-hanggan. Ang ilan ay alipin ng nakakaadik na mga sangkap o mga bisyong gaya ng alak, sigarilyo, droga, o pornograpiya. Ang iba ay may kapansanan sa katawan o utak. Ang ilan ay naaakit sa katulad nila ang kasarian. Ang ilan ay matindi ang nadaramang lumbay o kakulangan. Ano’t anuman, marami ang nabibigatang lubha” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 6).
Sa pag-aaral mo ng II Mga Taga Corinto 12, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo sa oras ng mga pagsubok at kahinaan.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 12:1–4, na inaalam ang naging pangitain ni Pablo. (Tinukoy ni Pablo sa mga talatang ito ang kanyang sarili sa ikatlong panauhan nang nagkuwento siya tungkol sa isang “lalake.” Ang pahayag sa talata 2 na “maging sa katawan, aywan ko; o maging sa labas ng katawan, aywan ko: Dios ang nakaaalam“ ay nagsasaad na nakakita si Pablo ng pangitain.)
Basahin ang II Mga Taga Corinto 12:5–6, na inaalam kung ano ang itinugon ni Pablo sa pangitaing ito tungkol sa kahariang selestiyal.
Pansinin na kahit nagkaroon si Pablo ng pangitaing ito, ayaw niyang “magmapuri” (o magyabang) tungkol dito. Marahil nag-aalala siya na masyadong tumaas ang tingin sa kanya ng iba gayong marami pa siyang kahinaan bilang tao na dapat daigin.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 12:7–9, na inaalam kung paano tinulungan ng Panginoon na manatiling mapagkumbaba si Pablo. (Ang ibig sabihin ng “magpalalo ng labis” [talata 7] ay maging mapagmataas.)
Ayon ka Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “tinik sa laman” ni Pablo ay “isang karamdaman sa katawan, na hindi binanggit kung ano, at mukhang malubha at patuloy na nagpapahirap nang labis sa Apostol” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:448).
Pansinin kung ilang beses ipinagdasal ni Pablo na maalis ang tinik na ito sa laman. Ang ibig sabihin ng salitang makaitlo [talata 8] ay tatlong beses.)
Maaari mong markahan ang mga kataga sa II Mga Taga Corinto 12:9 na nagpapaliwanag na hindi inalis ng Panginoon ang tinik sa laman ni Pablo.
Natutuhan natin mula sa mga talatang ito na maaaring pahintulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga kahinaan at pagsubok upang manatili tayong mapagkumbaba. Maaari mong isulat o lagyan ng tanda ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng II Mga Taga Corinto 12:7–9.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 12:9–10, na inaalam ang mga katotohanang natutuhan ni Pablo na nakatulong sa kanya na tiisin ang kanyang mga kahinaan. Sa pagbabasa mo, isaisip na ang biyaya ay inilarawan bilang “dakilang tulong o lakas … [na ibinibigay] sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.lds.org).
Maaari mong markahan ang mga salita o kataga sa II Mga Taga Corinto 12:9–10 na nagtuturo ng mga sumusunod na katotohanan: Ang biyaya ni Jesucristo ay sapat para mapalakas tayo sa ating mga kahinaan. Hindi laging aalisin sa atin ng Panginoon ang ating mga pagsubok, ngunit palalakasin Niya tayo kapag tiniis natin ang mga ito nang may pananampalataya.
Pinatotohanan ni Elder Dallin H. Oaks, “Ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo—inaalis man nito ang ating mga pasanin o pinalalakas tayo upang matiis ito gaya ni Apostol Pablo—ay para sa lahat ng pagdurusa sa buhay” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” 8).
-
Sagutin ang dalawa o lahat ng tanong sa iyong scripture study journal:
-
Para sa iyo, ano ang ibig sabihin ng “sapat” (II Mga Taga Corinto 12:9) ang biyaya ng Tagapagligtas para mapalakas ka sa iyong mga kahinaan?
-
Paano ka matutulungan ng mga katotohanang itinuro sa II Mga Taga Corinto 12:9–10 habang nakararanas ka ng mga kahinaan at pagsubok?
-
Kailan ka o ang sinumang kakilala mo pinalakas ng Tagapagligtas para matulungan sa isang kahinaan o sa oras ng pagsubok?
-
II Mga Taga Corinto 13
Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na siyasatin ang kanilang sarili at patunayan ang kanilang katapatan.
May mga tao ngayon na sinasalungat ang mga turo at awtoridad ng mga tinawag na maglingkod sa pamumuno sa Simbahan. Gayundin, may mga bulaang guro sa mga Banal sa Corinto na sumalungat kay Pablo at sa kanyang awtoridad bilang Apostol.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 13:3, na inaalam kung ano ang hinahanap na katunayan ng mga miyembro ng Simbahan sa Corinto.
Basahin ang II Mga Taga Corinto 13:5–6, na inaalam ang ipinagawa ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto sa halip na usisain kung nangungusap ba ang Panginoon sa pamamagitan niya bilang Apostol. (Ang itinakuwil ay tiwali o masamang tao.) Maaari mong markahan ang mga salitang naglalarawan ng kilos sa talata 5 na nagsasabi ng dapat gawin ng mga Banal sa Corinto.
Nang sabihin ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na siyasatin kung sila ay “nangasa pananampalataya” [talata 5], ipinapaisip niya sa kanila kung matatapat ba sila sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan. Natutuhan natin mula sa II Mga Taga Corinto 13:5–6 na sa halip na pintasan ang mga lider ng Simbahan, ang dapat gawin ng miyembro ng Simbahan ay siyasatin kung sila mismo ay matapat.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith, na inaalam ang itinuro niya na mangyayari kung pipintasan natin ang mga lider sa halip na siyasatin muna ang ating katapatan: “[Kung ang isang tao ay nagsimulang] hatulan ang iba, na hinahanapan ng mali ang Simbahan, na nagsasabing naliligaw sila ng landas, samantalang siya mismo ay nagmamagaling, sinisiguro ko sa inyo, na ang taong iyon ay patungo sa apostasiya; at kung hindi siya magsisisi, ay mag-aapostasiya nga siya, dahil ang Diyos ay buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372).
-
Mag-ukol ng ilang minuto para pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. Pagkatapos ay isulat ang pangalan mo sa iyong scripture study journal bilang tanda na nakumpleto mo na ang assignment na ito.
-
Sa scale na 1 hanggang 10 (kung saan 10 ang para sa lubos na masigasig), gaano mo kasigasig na sinusunod ang payo ng mga lider ng Simbahan?
-
Ano ang isang pamantayan na itinuro ng mga propeta at mga apostol na mas masusunod mo nang tapat?
-
Sa scale na 1 hanggang 10 (kung saan 10 ang para sa lahat ng pagkakataon), gaano mo kadalas na naipapahayag ang pasasalamat mo sa iyong mga lider sa Simbahan, sa personal o sa panalangin man?
-
Ano ang magagawa mo para magpakita ng higit na pagpapahalaga sa sakripisyo at pagsisikap na ginagawa ng iyong mga lider para sa iyo?
-
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong mga pagpapala ang nagmumula sa palaging paggawa ng espirituwal na pagsisiyasat sa sarili na tulad nito?
Nalaman natin sa II Mga Taga Corinto 13:7–14 na ipinayo ni Pablo sa mga Banal na iwasan ang kasamaan at sikaping magpakasakdal.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang II Mga Taga Corinto 10–13 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: