Unit 7: Day 2
Mateo 27–28
Pambungad
Bilang bahagi ng pagsasabwatan na patayin si Jesucristo, dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Poncio Pilato, ang gobernador ng Roma. Pinahintulutan ni Pilato si Jesus na hampasin o hagupitin at ipako sa krus. Tiniis ni Jesus ang pagdurusa at tinanggap ang kamatayan upang isakatuparan ang kagustuhan ng Kanyang Ama.
Mateo 27:1–25
Dinala si Jesus kay Pilato upang mahatulan ng pagpapako sa krus
Kung isa ka sa mga magiging saksi sa isang pangyayari sa banal na kasulatan, aling pangyayari ang pipiliin mo? Bakit?
Pag-aaralan mo sa lesson na ito ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Sa iyong pag-aaral, isipin na kunwari ay nasaksihan mo ang nangyari.
Nabasa natin sa Mateo 26 na si Jesus ay dinakip at di-makatwirang nilitis at hinatulan ng mga pinunong Judio. Sa ilalim ng patakaran ng mga Romano, ang mga Judio ay walang kapangyarihang patawan ng kamatayan ang isang tao. Dahil dito, ang mga pinunong Judio ay humanap ng maikakaso sa ilalim ng batas ng Roma kung saan mapapatawan ng kamatayan si Jesus.
Nalaman natin sa Mateo 27:1–10 na dinala ng mga pinunong Judio si Jesus kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Judea. Nang makita ito ni Judas, pinagsisihan niya ang kanyang pasiya na ipagkanulo si Jesus, ibinalik ang perang tinanggap niya mula sa mga pinunong Judio, at pagkatapos ay nagpatiwakal. Nilinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na “ibinigti [ni Judas] ang sarili sa isang puno. At kapagdaka siya ay nahulog, at sumambulat ang laman ng kayang tiyan, at siya ay namatay” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 27:6 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).
Dahil ang mga piraso ng pilak ay “halaga ng dugo” (Mateo 27:6) at samakatwid ay hindi dapat idagdag sa kabang-yaman, ginamit ng mga pinunong Judio ang pera sa pagbili ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga-ibang bayan (o mga dayuhan). Binanggit ni Mateo ang pangyayaring ito bilang katuparan ng isang propesiya (tingnan sa Zacarias 11:12–13).
Dahil sa pamimilit ng mga Judio at takot na mawalan ng kontrol sa mga tao, hinayaan ni Pilato si Jesus na maipako sa krus (tingnan sa Mateo 27:11–26). (Magkakaroon ka ng pagkakataong pag-aralan ang mga pangyayaring ito nang mas detalyado sa lesson sa Juan 18–19.)
Mateo 27:26–50
Si Jesucristo ay hinampas, kinutya, at ipinako sa krus
Bago ipapako sa krus, iniutos ni Pilato na hampasin muna si Jesus (tingnan sa Mateo 27:26). Ang ibig sabihin ng hampasin ay paulit-ulit na hagupitin ng latigong may matutulis na bato o mga piraso ng buto na ikinakabit sa mga hibla nito. Ang ganitong uri ng pagpaparusa ay karaniwang ipinapataw sa mga alipin, samantalang ang mga dugong maharlika o malalayang tao ng Roma ay hinahampas ng pamalo. Maraming tao ang namatay matapos hagupitin dahil sa matinding sakit na dulot nito.
Basahin ang Mateo 27:27–32, na inaalam ang ginawa ng mga kawal na Romano kay Jesus.
Sa palagay mo, bakit humanap ang mga kawal ng magbubuhat ng krus para kay Jesus?
-
Isipin na ikaw ang nasa katayuan ni Simon na taga Cirene. Ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo kung kasama ka sa mga taong naroon at sapilitang ipinabuhat sa iyo ang krus ni Jesus? Isulat ang sagot mo sa iyong scripture study journal.
Nakatala sa Mateo 27:33 na si Jesus ay dinala sa “isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga’y, ang dako ng bungo.”
Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pangalan ng lugar: “Ang pangalan ay maaaring ibinatay sa topograpiya, kapag ang pinag-uusapan natin ay tuktok ng burol; o, kung ang lugar ay karaniwang pinagbibitayan, maaaring tinawag ito nang gayon upang magpahiwatig ng kamatayan, tulad ng tinatawag nating bungo ang ulo ng isang patay” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 667).
Nakatala sa Mateo 27:34–45 na tinanggihan ni Jesus ang inuming karaniwang inaalok sa mga ipinako sa krus para mabawasan ang sakit. Ang ibang nanonood sa pagpapako sa Krus ay kinutya at tinukso si Jesus.
Basahin ang Mateo 27:46, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jesus habang nakapako sa krus. Maaari mong markahan ang nalaman mo.
Para matulungan ka na maunawaan kung ano ang nangyari sa sandaling ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ngayon maingat akong magsasalita, at mapitagan, sa kung ano ang naging pinakamahirap na sandali sa kabuuan nitong malungkot na paglalakbay tungo sa Pagbabayad-sala. Ang mga huling sandali ang tinutukoy ko kung saan marahil handa na ang isipan at katawan ni Jesus ngunit maaaring hindi Niya lubos na napaghandaan sa puso at kaluluwa—iyong huling pagdurusa ng sukdulang kawalan ng pag-asa dahil pinabayaan Siya ng Diyos nang dumaing Siya dahil sa napakatinding kalungkutan, ‘Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?’ [Mateo 27:46; idinagdag ang pagbibigay-diin]. …
“Taglay ang matibay na pananalig ng aking kaluluwa pinatototohanan ko na … hindi pinabayaan ng perpektong Ama ang Kanyang Anak sa oras na iyon. Tunay nga, ito ang personal kong paniniwala na sa buong ministeryo ni Cristo sa lupa maaaring sa huling sandaling ito ng napakatinding paghihirap naging napakalapit ng Ama sa Kanyang Anak. Gayunman, … saglit na [inilayo] ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 87–88).
Sa palagay mo, bakit inilayo ng Ama sa Langit ang Kanyang Espiritu kay Jesus sa sandaling ito?
Basahin ang nalalabing bahagi ng pahayag ni Elder Holland, at markahan ang sinabi niya na nagpapaliwanag kung bakit nakadama si Jesus ng paglayo ng Espiritu: “Kailangan iyon; tunay ngang mahalaga iyon sa bisa ng Pagbabayad-sala, na ang perpektong Anak na ito na hindi kailanman nagsalita ng masama, ni gumawa ng mali, o humipo ng maruming bagay, ay kailangang malaman kung ano ang mararamdaman ng sangkatauhan—tayo, nating lahat—kapag nakagawa ng gayong mga kasalanan. Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” 88).
Mula sa Mateo 27:46 at sa pahayag ni Elder Holland, matututuhan natin na bilang bahagi ng Pagbabayad-sala, nadama ni Jesucristo ang paglayo ng Espiritu ng Ama sa Langit.
Kapag nagkakasala tayo, dumaranas tayo ng espirituwal na kamatayan—ang paglayo ng Espiritu ng Ama sa Langit. Dahil naranasan ni Jesucristo ang espirituwal na kamatayan sa krus, matutulungan Niya tayo kapag nalayo tayo sa Espiritu ng Ama sa Langit dahil sa mga mali nating pagpili. Matutulungan din Niya tayo kapag nadarama natin na nag-iisa lang tayo.
Basahin ang Mateo 27:50. Sinasabi sa Joseph Smith Translation na, “At muling sumigaw si Jesus sa malakas na tinig, sinasabing, Ama, naganap na, nangyari na ang inyong kalooban, at nalagot ang hininga” (Joseph Smith Translation, Matthew 27:54 ).
Ayon sa Joseph Smith Translation ng talatang ito, si Jesucristo ay nagdusa upang isakatuparan ang kalooban o kagustuhan ng Ama sa Langit.
Sa pag-aaral mo ng Mateo 26 sa nakaraang lesson, natutuhan mo ang tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa kahandaan Niyang sumunod sa kagustuhan ng Ama. Maaari mong isulat ang Mateo 26:39 bilang cross-reference sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 27:50 upang tulungan kang maalala na ginawa ni Jesus ang ipinangako Niyang gawin.
Basahin ang Mateo 27:51, na inaalam ang nangyari sa templo nang mamatay si Jesus.
Noong panahon ni Jesus, ang templo ay may dalawang silid—ang dakong banal (ang holy place) at ang Kabanalbanalang Dako (ang Holy of Holies). Ang dalawang silid na ito ay pinaghihiwalay ng tabing (ang veil), o ng kurtina. “Ang Kabanalbanalang Dako ay ang pinakasagradong lugar sa sinaunang templo; sumasagisag ito sa kinaroroonan ng Diyos. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay dumaraan sa tabing ng templo at pumapasok sa Kabanalbanalang Dako, kung saan iwiniwisik niya ang dugo na pantubos sa mga kasalanan ng buong kapisanan ng Israel (tingnan sa Levitico 16). Nang ang tabing ng templo ay “nahapak na nagkadalawa” (nahati sa dalawa) sa pagkamatay ni Jesucristo (Mateo 27:51), ito ay kagila-gilalas na simbolo na ang Tagapagligtas, ang Pinakadakilang Saserdote, ay dumaan sa tabing ng kamatayan at di-magtatagal ay papasok na sa kinaroroonan ng Diyos [Ama]” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 94).
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa ibig sabihin ng pagkahapak o pagkapunit ng tabing ng templo: “Si Cristo ay isinakripisyo na; ang batas ay natupad; ang dispensasyon ni Moises ay patay na; ang kaganapan ng ebanghelyo ay dumating na taglay ang lahat ng liwanag at kapangyarihan; at kaya—upang ipamalas, sa paraan na mauunawaan ng kalipunan ng mga Judio, na ang kaharian ng langit ay kinuha sa kanila at ibinigay sa iba—hinapak ng Diyos ang tabing ng templo ‘buhat sa itaas hanggang sa ibaba.’ Ang Kabanal-banalang Dako ay bukas na ngayon sa lahat, at lahat, sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ng Kordero, ay maaari na ngayong makapasok sa pinakamataas at pinakabanal sa lahat ng lugar, ang kahariang iyon kung saan matatagpuan ang buhay na walang hanggan. … Ang mga ordenansang ginagawa sa tabing ng templo noong unang panahon ay kahalintulad ng gagawin ni Cristo, at dahil ito ay nagawa na niya ngayon, ang lahat ng tao ay karapat-dapat nang dumaan sa tabing papunta sa kinaroroonan ng Panginoon upang magmana ng ganap na kadakilaan” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 1:830; idinagdag ang italics).
Mula sa pagpunit ng tabing sa templo sa pagkamatay ni Cristo, matututuhan natin na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong lahat ay makapapasok sa kinaroroonan ng Diyos kung magsisisi tayo at tutuparin ang ating mga tipan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos?
-
Ano ang dapat nating gawin para maging karapat-dapat na manirahang kasama ng Ama sa Langit nang walang hanggan?
-
Ang Mateo 27:52–66 ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa nangyari pagkamatay ni Jesus. Mapapansin na itinala ni Mateo na “pagkatapos na [si Jesus ay] mabuhay na maguli” (Mateo 27:53; idinagdag ang italics) na maraming mabubuting tao na namatay ang nabuhay ring muli at nagpakita sa maraming tao sa Jerusalem (tingnan din sa D at T 133:54–56).
Pagkamatay ni Jesus, si Jose ng Arimatea, isang mayamang disipulo, ay “hiningi [nakiusap na ibigay sa kanya] ang bangkay ni Jesus” (Mateo 27:58; tingnan din sa Juan 19:39). Ang bangkay ng Tagapagligtas ay ibinalot sa isang malinis na tela at inilagay sa libingan na pag-aari ni Jose ng Arimatea, at ang pintuan nito ay tinakpan ng malaking bato. Sa pagpupumilit ng ilan sa mga punong saserdote at mga Fariseo, iniutos ni Pilato na maglagay ng mga magbabantay sa libingan, at tinatakan ang bato. Ayon sa Mateo 27:63–64, bakit gustong gawin ito ng mga punong saserdote at mga Fariseo?
Mateo 28
Si Jesucristo ay nabuhay muli at nagpakita sa maraming tao
Ayon sa Mateo 28:1–5, noong umaga ng unang araw ng linggo, o araw ng Linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang babaeng nagngangalang Maria ay pumunta sa libingan. Nakatala sa Joseph Smith Translation, Matthew 28:2 na dalawang anghel ang nakita nila.
Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, itinuring at pinanatiling banal ng mga miyembro ng Simbahan ang unang araw ng linggo bilang araw ng Sabbath, at kalaunan, ang pagturing sa ikapitong araw bilang araw ng Sabbath ay itinigil na. Ang pagbago mula sa huling araw ng linggo sa unang araw ng linggo ay hindi kasinghalaga ng konsepto at alituntunin ng araw ng Sabbath.
Basahin ang Mateo 28:6–7, na inaalam ang sinabi ng mga anghel sa mga babae.
Sa Mateo 28:8–10, 16–18, mababasa natin na ibinalita ng mga babae sa mga disipulo ang kanilang nakita at narinig. Habang nasa daan, nagpakita si Jesus sa mga babae, at kanilang “niyakap ang kaniyang mga paa, at siya’y sinamba” (Mateo 28:9). Kalaunan, nang sundin ng mga disipulo ang sinabi ng mga babae at nagtungo sa Galilea, nagpakita rin sa kanila ang Tagapagligtas. Para malaman ang iba pang pagpapakita ni Jesus bago ang Kanyang Pag-akyat sa Langit, tingnan sa Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Basahin ang Mateo 28:19–20, na inaalam kung ano ang iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol. (Ang Mateo 28:19–20 ay isang scripture mastery passage. Maaari mong markahan ang mga talatang ito sa paraang madali mong mahahanap.)
Ang isang alituntuning matututuhan natin mula sa iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ay na sa pagkakaroon natin ng patotoo kay Jesucristo, tungkulin nating magpatotoo sa iba tungkol sa Kanya.
Scripture Mastery—Mateo 28:19–20
-
Kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Sumulat ng kahit tatlong paraan na makapagpapatotoo tayo sa iba tungkol kay Jesucristo. Pagkatapos ay pumili sa listahan mo ng isa sa mga paraan, at sumulat ng mithiin kung paano mo sisikaping makapagpatotoo sa iba tungkol kay Jesucristo.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong: Kung isasaalang-alang ang sinabi ng Tagapagligtas sa Mateo 28:19–20, ano ang magagawa mo para makapaghandang magmisyon?
-
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mateo 27–28 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: