Library
Pambungad sa I Mga Taga Tesalonica


Pambungad sa I Mga Taga Tesalonica

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang Unang Sulat sa Mga Taga Tesalonica ay pinaniniwalaang pinakauna sa mga sulat ni Apostol Pablo at marahil ang pinakalumang aklat sa Bagong Tipan. Ang mga turo ni Pablo sa sulat na ito ay nakatuon una sa lahat sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, pati na sa mga paghihirap na daranasin ng mga tagasunod ni Jesucristo bago ang Kanyang pagbabalik (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 3:3), ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 4:13–14), at ang panahon ng pagdating ni Cristo (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:1–2). Sa pag-aaral mo ng aklat na ito, malalaman mo ang tungkol sa Ikalawang Pagparito at magkakaroon ka ng lakas at tibay ng loob na manatiling tapat sa Panginoon.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Pablo ang I Mga Taga Tesalonica (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 1:1; tingnan din sa I Mga Taga Tesalonica 2:18).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

“Isinulat ni Pablo ang mga sulat sa Mga Taga Tesalonica mula sa Corinto sa panahon ng kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay,” mga A.D. 50–51 (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

Isinulat ni Pablo ang I Mga Taga Tesalonica sa mga miyembro ng Simbahan sa Tesalonica. Ang Tesalonica ay ang may pinakamalaking populasyon at pinakamaunlad na lungsod sa sinaunang kahariang Griyego ng Macedonia dahil sa dalawang mahalagang katangian nito: ang lungsod ay itinayo sa pinakamagandang daungan sa Dagat ng Aegean, at matatagpuan ito sa pangunahing lansangan na nagdurugtong sa Roma at Asia.

Noong pangalawang pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo, pinatnubayan ng Espiritu si Pablo at ang kanyang mga kasama—sina Silas, Timoteo, at Lucas—na maglakbay patawid sa Dagat ng Aegean papunta sa Macedonia (tingnan sa Mga Gawa 16:6–12). Ito ang simula ng pangangaral ng ebanghelyo sa Europa. Pagkatapos ng pangangaral sa Filipos (tingnan sa Mga Gawa 16:12–40), sina Pablo at Silas ay naglakbay patungo sa Tesalonica.

Nangaral si Pablo sa Tesalonica kasama si Silas, ngunit sila ay pinalayas sa lungsod ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:1–9). Kalaunan, ibinalita ni Timoteo kay Pablo na nanatiling tapat ang mga Banal sa Tesalonica sa kabila ng pag-uusig at lumalaganap ang mabuting impluwensya nila (tingnan sa Mga Gawa 18:5; I Mga Taga Tesalonica 1:7–8; 3:6–8).

Ang mga miyembro sa Tesalonica ay ilan sa mga unang tao sa Europa na tumanggap ng ebanghelyo, at dumanas sila ng pag-uusig dahil dito. Marami rin silang tanong tungkol sa Ikalawang Pagparito. Samakatwid, sa kanyang sulat sa mga taga-Tesalonica, sumulat si Pablo ng mga salitang naghihikayat at nagpapalakas at sinagot ang mga tanong nila tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang isa sa mga pangunahing tema ni Pablo sa kanyang Unang Sulat sa Mga Taga Tesalonica ay ang Ikalawang Pagparito. Nagtuon siya sa pakikibahagi ng mabubuti sa Ikalawang Pagparito, lalo na ng mga Banal na pumanaw na (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 2:19; 3:13; 4:13–17; 5:1–10). Hindi tulad ng karamihan sa iba pang sulat ni Pablo, hindi naglalaman ang I Mga Taga Tesalonica ng anumang pananalita na pinagsasabihan ang mga Banal sa Tesalonica at sa halip ay naglalaman ito ng papuri at habilin para sa kanila.

Outline

I Mga Taga Tesalonica 1–3. Nagpahayag ng malaking pasasalamat si Pablo para sa mga Banal sa Tesalonica. Ipinaalala niya sa kanila ang kanyang paglilingkod sa kanila at nagpahayag ng kagalakan dahil sa kanilang katapatan. Hinikayat niya ang mga Banal na lalo pang mahalin ang isa’t isa at ang lahat ng tao.

I Mga Taga Tesalonica 4–5. Sinabi ni Pablo sa mga Banal na maging mabuti at magpakabanal. Ipinaliwanag niya na kapag pumarito muli ang Panginoon, ang mga Banal na naging tapat sa kanilang patotoo kay Cristo, kapwa yaong pumanaw na at nabubuhay pa, ay itataas sa alapaap upang salubungin ang Panginoon. Ipinaalala ng Apostol sa mga miyembro ng Simbahan na maghanda at magbantay sa araw ng pagparito ni Cristo.