Library
Unit 26, Day 2: I Mga Taga Tesalonica


Unit 26: Day 2

I Mga Taga Tesalonica

Pambungad

Si Apostol Pablo ay sumulat sa mga Banal sa Tesalonica matapos mabalitaan ang katapatan nila sa ebanghelyo sa kabila ng pang-uusig. Pinuri niya sila dahil sa kanilang katapatan at kahandaang ituro ang ebanghelyo. Itinuro rin sa kanila ni Pablo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at itinuro sa kanila kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito.

I Mga Taga Tesalonica 1–2

Pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica dahil sa kanilang katapatan sa kabila ng paghihirap

Tingnan ang Tesalonica sa Mga Mapa sa Biblia blg. 13, “Ang Mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Ang mga Banal sa Tesalonica ay ilan sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan na taga-Europa. Unang nangaral doon sina Pablo, Silas, at Timoteo noong panahon ng pangalawang pangmisyonerong paglalakbay ni Pablo ngunit itinaboy sila palabas ng lungsod ng ilan sa mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:5–15). Patuloy na inusig ang mga Banal sa Tesalonica kahit nakaalis na si Pablo at ang mga kasama niya. Ginawa kalaunan ni Pablo ang sulat na ito sa mga Banal upang palakasin sila habang dumaranas ng pag-uusig.

  1. journal iconNasubukan mo na bang ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Sa iyong scripture study journal, isulat ang naranasan mo tungkol dito. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Paano tinanggap ang iyong mensahe? Sa paanong paraan ka napagpala dahil sa pagsisikap mong ibahagi ang ebanghelyo? Ano ang ilang hamon na maaari nating maranasan sa pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Tesalonica 1–2, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo sa pagbabahagi mo ng ebanghelyo sa ibang tao.

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 1:5–6, na inaalam kung paano ibinahagi ni Apostol Pablo ang ebanghelyo sa mga taga Tesalonica noong naroon siya sa lugar nila. Maaari mong markahan ang mga katagang salita at kapangyarihan sa talata 5.

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba sa pagitan ng “salita” at ng “kapangyarihan” ng ebanghelyo.

Elder Bruce R. McConkie

“Ang totoong ebanghelyo ay binubuo ng dalawang bagay: Ang Salita, at Ang Kapangyarihan. Maaaring matamo ng sinuman ang salita; ang mga aklat na kinasusulatan nito ay makukuha ng halos lahat ng tao. Ngunit ang kapangyarihan ay dapat magmula sa Diyos; ito ay ipinagkakaloob at dapat ipagkaloob ayon sa kanyang isipan at kalooban sa mga taong sumusunod sa batas na nagpapamarapat sa kanila na matanggap ito.

“Ang salita ng ebanghelyo ay mga naipahayag o nakasulat na tala tungkol sa dapat gawin ng tao para maligtas. …

“Ngunit ang totoong kaligtasan ay dumarating lamang kapag ang kapangyarihan ng Diyos ay natanggap at nagamit; at ang kapangyarihang ito ay ang kapangyarihan ng priesthood at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 3:42–43).

Maaari mong markahan sa I Mga Taga Tesalonica 1:6 ang ginawa ng mga taga Tesalonica matapos silang turuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng salita at kapangyarihan ng Diyos.

Matututuhan natin mula sa I Mga Taga Tesalonica 1:5–6 ang sumusunod na alituntunin: Kapag itinuturo natin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng salita at kapangyarihan ng Diyos, matutulungan natin ang iba na maging mga tagasunod ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod.

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 1:7–9, na inaalam kung paano nakaapekto ang halimbawa ng mga Banal sa Tesalonica sa iba pang mga nananampalataya sa mga lugar sa palibot nila.

Mula sa halimbawa ng mga Banal sa Tesalonica, matututuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Maibabahagi natin ang ebanghelyo sa pamamagitan ng ating halimbawa.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Sa sumusunod na pahayag, salungguhitan ang sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan na pinaka-epektibong paraan para maibahagi ang ebanghelyo: “Ang pinakaepektibong paraan para maipangaral ang ebanghelyo ay sa pamamagitan ng halimbawa. Kung mamumuhay tayo ayon sa ating mga paniniwala, mapapansin ito ng mga tao. Kung mababanaag ang larawan ni Jesucristo sa ating buhay [tingnan sa Alma 5:14], kung tayo ay masaya at payapa sa mundo, nanaising malaman ng mga tao ang dahilan. Ang isa sa pinakamagagandang sermon na ipinahayag tungkol sa gawaing misyonero ay ang simpleng ideyang ito ni St. Francis of Assisi: ‘Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras at kung kailangan, magsalita kayo’ [sa William Fay and Linda Evans Shepherd, Share Jesus without Fear (1999), 22]” (“Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 77).

Isipin ang halimbawa ng isang tao na nakatulong sa iyo na tanggapin ang ebanghelyo o mas lubos na ipamuhay ang ebanghelyo.

Sa I Mga Taga Tesalonica 2:1–13, isinulat ni Pablo ang tungkol sa kanyang naunang paglilingkod sa Tesalonica. Binanggit niya ang tungkol sa ilang tumutuligsa sa Tesalonica na nagduda sa katapatan at hangarin niya sa kanyang paglilingkod. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili at inilahad ang katapatan at sigasig nila ng kanyang mga kasama sa pagtuturo at paglilingkod sa mga Banal. Ang kanyang mga salita ay magpapaalaala sa atin sa mga salitang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 12:8. “At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao.”

Hindi na nakabalik si Pablo sa Tesalonica matapos siyang itaboy dito sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay (tingnan sa Mga Gawa 17:10). Sinabi niya na hindi siya nakabalik dahil siya ay “hinadlangan” ni Satanas na magawa ito (I Mga Taga Tesalonica 2:18). Hindi nagbigay ng anumang detalye si Pablo tungkol sa kung paano siya hinadlangan ni Satanas mula sa pagbalik sa Tesalonica, ngunit malinaw na napilitan si Pablo na mag-iba ng daan sa kanyang paglalakbay dahil sa pang-uusig ng mga Judio (tingnan sa Mga Gawa 17:14–15).

I Mga Taga Tesalonica 3–5

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Tesalonica ang tungkol sa Ikalawang Pagparito

Lagyan ng tama (T) o mali (M) ang ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo:

  • ____ 1. Ang matatapat na Banal na namatay bago ang Ikalawang Pagparito ay hindi mabubuhay na mag-uli hanggang sa matapos ang Milenyo.

  • ____ 2. Ang matatapat na Banal na buhay sa Ikalawang Pagparito ay iaangat sa alapaap upang salubungin si Cristo sa Kanyang pagbabalik.

  • ____ 3. Ang Ikalawang Pagparito ay gugulatin ang lahat gaya ng isang magnanakaw sa gabi.

Sa pag-aaral mo ng I Mga Taga Tesalonica 3–5, alamin ang mga katotohanan tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo na tutulong sa iyo na malaman ang mga tamang sagot sa quiz na tama–mali (ang mga sagot ay matatagpuan din sa katapusan ng lesson na ito).

Nalaman natin sa I Mga Taga Tesalonica 3:1–7 na ibinalita ni Timoteo kay Pablo na nanatiling tapat ang mga Banal sa kabila ng pag-uusig na naranasan nila.

Basahin ang I Mga Tesalonica 3:11–13, na inaalam ang inaasam ni Pablo na gagawin ng Panginoon para sa mga Banal upang ihanda sila para Kanyang Ikalawang Pagparito. Maaari mong markahan o isulat sa iyong mga banal na kasulatan ang nalaman mo.

Nalaman natin sa I Mga Taga Tesalonica 4:1–12 na hinikayat ni Pablo ang mga Banal na magpakabanal, o maging malinis at dalisay, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos, na itinuro ni Pablo at ng iba pa sa kanila.

Ang Ikalawang Pagparito

Ang mga Banal sa Tesalonica ay nagkamali sa pag-unawa sa ilang aspeto ng Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Nag-alala sila na hindi matatamo ng mga yumaong matatapat na miyembro ng Simbahan sa Tesalonica ang mga pagpapala ng Ikalawang Pagparito.

Basahin ang I Mga Tesalonica 4:13–14, 16, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga yumaong matatapat na Banal bago ang Ikalawang Pagparito. Ginamit niya ang salitang nangatutulog sa pagtukoy sa mga patay.

Nalaman natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Ang matatapat na Banal na namatay bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay mabubuhay na mag-uli sa Kanyang muling pagdating.

Ang ibig sabihin ng mga katagang “gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya” sa I Mga Taga Tesalonica 4:14 ay iaangat sa alapaap ang matatapat na Banal na nabuhay na mag-uli sa Ikalawang Pagparito upang salubungin ang Tagapagligtas at bababang kasama Niya sa kaluwalhatian (tingnan sa D at T 88:97–98).

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 4:15, 17, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa matatapat na Banal na buhay sa pagparito muli ni Cristo. Basahin din ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng I Mga Taga Tesalonica 4:15 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, scriptures.lds.org).

Nalaman natin mula sa mga talatang ito ang sumusunod na katotohanan: Ang matatapat na Banal na buhay sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay iaangat sa alapaap upang salubungin Siya sa Kanyang pagdating.

Basahin ang I Mga Tesalonica 4:18, na inaalam ang inaasam ni Pablo na gagawin ng mga Banal pagkatapos malaman ang mga katotohanang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong kapanatagan ang natagpuan mo sa mga doktrinang ito tungkol sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:1–3, na inaalam ang dalawang analohiya na ginamit ni Pablo para ilarawan ang Ikalawang Pagparito.

Ano sa palagay mo ang itinuturo sa atin ng analohiya ni Pablo na isang magnanakaw sa gabi tungkol sa Ikalawang Pagparito?

Elder Bruce R. McConkie

Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie: “Ang [Panginoon] ay darating gaya ng isang magnanakaw sa gabi, di-inaasahan at nang walang babala, sa mundo, sa mga taong nasa espirituwal na kadiliman, sa mga taong hindi naliwanagan ng kapangyarihan ng Espiritu” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:54; tingnan din sa Mateo 24:42–43).

Itinuro rin ni Elder McConkie ang sumusunod hinggil sa analohiya ng panganganak ng isang babae: “Hindi niya alam ang oras o minuto ng pagsilang ng bata, pero alam niya ang itinayang panahon” (Doctrinal New Testament Commentary, 3:54).

Ayon sa analohiyang ito, maaari din nating isipin kung paano natutulad ang mga pagsubok bago ang Ikalawang Pagparito sa mga paghihirap bago ang panganganak. Ngunit tulad ng kasiyahan sa pagsilang ng sanggol, magiging masaya rin ang Ikalawang Pagparito sa mabubuti.

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:4–6, na inaalam kung bakit hindi na mabibigla ang matatapat na Banal sa Ikalawang Pagparito. Maaari mong markahan o isulat ang nalaman mo.

Ang mga katagang “mga anak ng kaliwanagan” sa talata 5 ay tumutukoy sa matatapat na miyembro ng Simbahan na “[iwinaksi] … ang mga gawa ng kadiliman” (Mga Taga Roma 13:12) at napasakanila ang Espiritu Santo at, samakatwid, magiging handa para sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa D at T 106:4–5).

Nalaman natin ang sumusunod na alituntunin mula sa I Mga Taga Tesalonica 5:4–6: Kung tayo ay tapat at mangagpupuyat o mangagbabantay para sa mga palatandaang magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, magiging handa tayo sa Kanyang muling pagdating.

Pangulong Joseph Fielding Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na ang mga paraan upang makapaghanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ay “sumunod sa mga salita ni Cristo, sa kanyang mga apostol at magbantay” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:53).

Rebyuhin ang mga sagot mo sa quiz na tama–mali sa simula ng lesson na ito. Batay sa mga katotohanang nalaman mo, babaguhin mo ba ang iyong mga sagot?

Sa I Mga Taga Tesalonica 5:7–22, pinayuhan ni Apostol Pablo ang mga Banal kung paano maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Basahin ang I Mga Taga Tesalonica 5:12–22, na inaalam ang ipinayo ni Pablo sa mga Banal para maihanda ang kanilang sarili at ang iba pa para salubungin ang Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang isang bagay sa ipinayo mula sa I Mga Taga Tesalonica 5:14–22 ang kapansin-pansin sa iyo?

    2. Paano makatutulong sa iyo at sa iba pa ang payo na ito na maging handa para sa Ikalawang Pagparito?

Basahin ang I Mga Tesalonica 5:23–24, na inaalam ang sinabi ni Pablo na gagawin ng Panginoon para sa Kanyang matatapat na Banal kapag naghanda sila para sa Ikalawang Pagparito.

Batay sa natutuhan mo sa araw na ito, tukuyin ang gagawin mo upang mas maihanda ang iyong sarili para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Isulat ang iyong mga mithiin at mga plano sa isang papel, at ilagay ito sa isang lugar na makatutulong sa iyo na maalala ang mga mithiin at mga planong iyon.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang I Mga Taga Tesalonica at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: