Library
Unit 4, Day 2: Mateo 14


Unit 4: Day 2

Mateo 14

Pambungad

Matapos malaman ang pagkamatay ni Juan Bautista, ninais ni Jesus na mapag-isa, ngunit sinundan Siya ng maraming tao. Siya ay nahabag sa kanila, pinagaling ang kanilang maysakit, at mahimalang pinakain ang mahigit 5,000 sa kanila. Nang gabing iyon, lumakad si Jesus sa ibabaw ng dagat papunta sa daong o bangka na sinasakyan ng Kanyang mga disipulo.

Mateo 14:1–21

Ninais mapag-isa ni Jesus at pagkatapos ay pinakain ang mahigit 5,000 tao

Isipin ang isang pagkakataon na napakalungkot mo. Ano ang ginawa mo para matiis at makayanan ang kalungkutan mo?

Ilista ang ilan sa iba’t ibang paraang ginagawa ng mga tao para matiis at makayanan ang lungkot:

Sa pag-aaral mo ng Mateo 14:1–21, hanapin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na matiis at makayanan ang lungkot.

Nakatala sa Mateo 14:1–11 na di-makatwirang ipinabilanggo ni Haring Herodes si Juan Bautista dahil inudyukan siya ng kanyang bagong asawang si Herodias, na gustong patigilin si Juan Bautista sa pagkondena sa kanyang labag sa batas na pagpapakasal kay Haring Herodes (tingnan sa Marcos 6:17–19). Matapos magsayaw sa kanyang harapan si Salome na anak na babae ng kanyang asawa, nangako si Herodes sa harap ng mga tao na ibibigay niya rito ang “ang anomang hingin niya” (Mateo 14:7). Kinausap ng anak na babae ang kanyang ina tungkol dito at sinabi nito na hingin niya ang ulo ni Juan Bautista, at dahil dito, pinapugutan ni Herodes si Juan.

Si Juan Bautista ay kaibigan at kamag-anak ni Jesucristo, at siya ang propetang pinili ng Diyos na maghanda ng daan para sa Mesiyas.

Isipin mo na kunwari ay malapit na kaibigan mo si Juan Bautista. Paano mo tatanggapin ang balitang pinatay siya nang di-makatarungan?

Basahin ang Mateo 14:12–13, na inaalam ang ginawa ni Jesus nang malaman Niya ang tungkol sa pagkamatay ni Juan.

Ang mga katagang “dakong ilang na bukod” sa talata 13 ay tumutukoy sa isang lugar na malayo sa maraming tao.

Ano ang nangyari nang sinubukan ni Jesus na mapag-isa?

Ano ang madarama mo kung malungkot ka at gusto mong mapag-isa, ngunit may mga taong gustong pag-ukulan mo sila ng atensyon?

Basahin ang Mateo 14:14, na inaalam kung paano tumugon si Jesus nang makita Niyang sinusundan Siya ng maraming tao.

Natutuhan natin mula sa talang ito na sa pagpapakita ng habag sa iba kahit dumaranas tayo ng kalungkutan, tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo.

  1. journal iconIbuod sa isang kapamilya o kaibigan ang kuwento tungkol sa pagpapakita ng habag ni Jesus matapos mabalitaan ang pagkamatay ni Juan Bautista. Pagkatapos ay talakayin sa taong iyon ang mga sumusunod na tanong. Sa iyong scripture study journal, isulat kung sino ang kinausap mo at ang maikling napag-usapan ninyo.

    1. Paano nakatutulong sa atin na magpakita ng habag sa iba kung tayo mismo ay nagdurusa rin?

    2. Bakit mahirap magpakita ng habag sa iba kapag nagdurusa tayo?

    3. Kailan ka nakadama ng matinding kalungkutan o sinumang kakilala mo at sa kabila niyon ay nagpakita pa rin ng habag sa iba? Sa anong mga paraan makatutulong ang paglilingkod sa iba?

Basahin ang Mateo 14:15–21, na inaalam kung paano patuloy na nagpakita ng habag si Jesus sa maraming tao.

Mateo 14:22–36

Naglakad si Jesus sa ibabaw ng tubig habang bumabagyo

Isipin ang sumusunod na dalawang sitwasyon:

Sitwasyon 1: Isang dalagita ang pinanghihinaan ng loob habang nakikitang naghihirap ang kanyang ina dahil sa malubhang sakit. Nagsimula na siyang magtanong kung alam ba ng Ama sa Langit ang pagdurusa ng kanyang pamilya. Gustung-gusto niyang maniwala sa Diyos, ngunit unti-unti na siyang nag-aalinlangan.

Sitwasyon 2: Isang binatilyo ang kasasapi lang sa Simbahan. Marami sa mga dati niyang kaibigan ang hayagang inaayawan ang desisyon niyang sumapi sa Simbahan. Inisip niya kung ipagpapatuloy ba niya ang pagiging aktibo at matapat na miyembro ng Simbahan.

Ano ang iba pang mga paraan na maaaring makadama ng alinlangan o takot ang mga tao habang hinahangad nilang sundin si Jesucristo?

Sa pag-aaral mo ng nalalabing bahagi ng Mateo 14, hanapin ang mga ipinahayag na katotohanan na makatutulong sa iyo na makayanan ang takot, alinlangan, at panghihina ng loob.

Basahin ang Mateo 14:24–25, na inaalam kung ano ang nangyari habang tinatawid ng mga disipulo ang Dagat ng Galilea bilang pagsunod sa tagubilin ng Tagapagligtas.

Ang ibig sabihin ng mga katagang “pasalungat ang hangin” sa talata 24 ay umiihip ang hangin sa kabilang direksyon ng kanilang destinasyon.

Sa Mateo 14:23, mapapansin na gabi noon nang nag-iisa sa bundok si Jesus at tumatawid naman sa Dagat ng Galilea ang mga disipulo. Ang distansya para matawid ang dagat ay mga 5 milya (halos 8 kilometro), at kung maganda ang panahon ay matatawid nila ito nang dalawa hanggang tatlong oras. Pinuntahan sila ng Tagapagligtas sa ikaapat na pagpupuyat, na “nasa pagitan ng alas-tres at alas-sais ng umaga.” Ibig sabihin ay magdamag nang nakikipagbuno at sumasagupa sa hangin ang mga disipulo sa pagtawid sa dagat.

Basahin ang Marcos 6:47–48, na inaalam ang ilang karagdagang detalye na ibinigay ni Marcos tungkol sa pangyayaring ito.

Kung alam ni Jesus na nahihirapan ang Kanyang mga disipulo, sa palagay mo ba ay maaari Niyang sagipin sila kaagad mula sa paghihirap nila? Ano kaya ang dahilan at pinabayaan munang maghirap ang mga disipulo bago sila sagipin?

Mula sa mga talang ito ng pagtawid sa dagat ng mga disipulo, natutuhan natin na kahit hindi tayo laging sinasagip ng Diyos mula sa mga paghihirap natin, alam Niya ang nararanasan natin at, sa Kanyang takdang panahon, Siya ay darating upang tulungan tayo.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Anong kabutihan ang maidudulot sa atin kung mahihirapan tayo nang matagal kaysa kung sasagipin tayo kaagad ng Panginoon mula sa ating mga pagsubok?

    2. Paano nakapagpapalakas ng pananampalataya natin sa Panginoon ang malaman na alam Niya ang mga paghihirap natin kahit hindi Niya tayo kaagad tinutulungan?

Isipin na kunwari ay nakasakay ka sa bangka at maraming oras ka nang nakikipagbuno sa malakas na hangin at alon, pagkatapos ay nakakita ka ng taong naglalakad sa ibabaw ng tubig. Ano kaya ang maiisip o mararamdaman mo kung nalagay ka sa ganitong sitwasyon?

Basahin ang Mateo 14:26–27, na inaalam kung ano ang naging reaksyon ng mga disipulo nang makita nila si Jesus. Maaari mong markahan ang sinabi sa kanila ni Jesus.

Basahin ang Mateo 14:28–30, na inaalam ang gustong gawin ni Pedro nang marinig niya ang tinig ng Panginoon.

Paano nagpakita ng pananampalataya si Pedro noong una?

Ano ang nakita ni Pedro kaya siya natakot, nag-alangan, at nagsimulang lumubog?

Ano ang inilalarawan sa buhay mo ng hangin at alon sa talang ito na maaaring magpadama sa iyo ng takot o alinlangan?

Natutuhan natin mula sa karanasan ni Pedro na kung mananatili tayong nananalig kay Jesucristo, hindi tayo madaraig ng ating takot at alinlangan.

Pangulong Howard W. Hunter

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter, at markahan ang sinabi niya na magiging panganib kapag tumigil tayo sa pagsampalataya sa ating Panginoon: “Matibay ang paniniwala ko na kung magagawa natin bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa, gaya ni Pedro, na ipako ang ating tingin kay Jesus, baka tayo man ay tagumpay na makalakad sa ibabaw ng ‘napakalalaking alon ng kawalan ng pananampalataya’ at mananatiling ‘hindi masindak sa gitna ng paparating na mga hangin ng pag-aalinlangan.’ Ngunit kapag inalis natin ang ating paningin sa kanya na dapat nating paniwalaan, na madaling gawin at natutukso ang mundo na gawin, kung titingnan natin ang impluwensya at poot ng nakasisindak at mapaminsalang mga elementong nakapalibot sa atin sa halip na tumingin sa kanya na makatutulong at makapagliligtas sa atin, kung gayon tiyak na lulubog tayo sa dagat ng ligalig at lungkot at kawalan ng pag-asa” (“The Beacon in the Harbor of Peace,” Ensign, Nob. 1992, 19)

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang ilang mga paraan na “maitutuon natin ang ating mga mata” kay Jesucristo, tulad ng unang ginawa ni Pedro. Maliban diyan, isulat ang pagkakataon kung kailan nakita mo na dahil sa pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo ay nadaig niya ang takot o pag-aalinlangan.

Pag-isipan ang mga babaguhin mo sa iyong buhay upang manatili kang nananampalataya kay Jesucristo, at gumawa ng goal o mithiin na gawin ang mga pagbabagong iyon.

Tulad ni Pedro, maaaring kung minsan ay hindi natin napapanatili ang pananampalataya kay Jesucristo at maaaring magpadala sa takot, pag-aalinlangan, at panghihina ng loob.

Basahin ang Mateo 14:30–32, na inaalam kung ano ang nangyari habang naglalakad si Pedro papunta sa Tagapagligtas.

Lumakad si Cristo sa ibabaw ng tubig

Ayon sa talata 30, ano ang ginawa ni Pedro nang matanto niya na siya ay papalubog na? (Maaari mong markahan ang sinabi ni Pedro.)

Tulad ni Pedro, kung hihingin natin ang tulong ng Diyos kapag nanghihina ang ating pananampalataya, mapapawi Niya ang ating mga takot at alinlangan.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano tayo tinutulungan ng Diyos sa ating mga takot at alinlangan?

Basahin ang Mateo 14:33, na inaalam ang reaksyon ng mga disipulong nasa bangka matapos makasakay sa bangka sina Jesus at Pedro.

Natutuhan natin sa Mateo 14:34–36 na matapos ang pangyayaring ito, nagpatuloy sa kanilang paglalakbay si Jesus at ang Kanyang mga disipulo at narating ang malalayong dalampasigan ng Galilea. Nang malaman ng mga tao na naroon si Jesus, dinala nila sa Kanya ang mga taong may karamdaman. Napakalaki ng kanilang pananampalataya kung kaya’t lahat ng tao ay napagaling sa paghipo ng laylayan ng Kanyang damit. Ihambing ito sa nangyari sa mga tao na inilarawan sa Mateo 13:57–58.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: