Library
Unit 6, Day 1: Mateo 23


Unit 6: Day 1

Mateo 23

Pambungad

Sa huling linggo ng ministeryo sa mundo ng Tagapagligtas, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo at nalungkot na hindi tinanggap ng mga tao sa Jerusalem ang Kanyang pagmamahal at pangangalaga.

Mateo 23:1–12

Kinondena ng Tagapagligtas ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo

Isipin kung paano mo maihahambing ang iyong mga banal na kasulatan sa mga banal na kasulatan ng iyong mga kapamilya, mga miyembro ng ward, at mga kaibigan. Sino ang may pinakamalaking banal na kasulatan? Kaninong mga banal na kasulatan ang may pinakamaraming namarkahan at nasulatan ng mga tala? Sino ang may pinakamagandang mga banal na kasulatan?

Ano ang magiging reaksyon mo kapag may nagsabi sa iyo na ang taong may pinakamalaki, pinakamaraming marka at nakasulat na tala, o pinakamagandang mga banal na kasulatan ang siyang pinakamabait?

Bakit hindi ito epektibong paraan para malaman ang kabutihan?

Kung ibabatay ang kabaitan sa panlabas na anyo, maaaring makapag-udyok ito sa ilang tao na magkunwaring mabait. “Ang salitang [mapagpaimbabaw] ay karaniwang tumutukoy sa taong relihiyoso ngunit hindi naman” (Bible Dictionary, “Hypocrite”). Maaari din itong tumukoy sa isang tao na nagkukunwaring hindi relihiyoso ngunit ang totoo ay relihiyoso siya.

Bilang bahagi ng huling mensahe ng Tagapagligtas sa publiko na ibinigay sa templo sa Jerusalem sa huling linggo ng Kanyang mortal na ministeryo, kinondena Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Fariseo.

Sa pag-aaral mo ng Mateo 23, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malaman ang dapat gawin kapag nakita mong nagkukunwari ang ibang tao at ano ang magagawa mo para hindi ka maging mapagkunwari sa iyong sariling buhay.

Basahin ang Mateo 23:1–7, na inaalam ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa mga ginagawa ng mga eskriba at mga Fariseo na nagpapakita na mapagpaimbabaw sila. Ang mga katagang “nagsisiupo … sa luklukan ni Moises” (talata 2) ay nangangahulugan na ang mga eskriba at mga Fariseo ay may awtoridad na magturo ng doktrina at bigyang-kahulugan at ipatupad ang batas. Ang mga eskriba ay mga manananggol na nag-aral ng batas ni Moises, at ang mga Fariseo ay mga guro ng relihiyon.

mga lalaking nakasuot ng mga pilakteria

Ayon sa oral na tradisyon, ang mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakteria na tinatawag din na tefillin, na maliliit na kahong gawa sa katad na itinatali sa noo at kaliwang braso upang ipakita na ang kanilang mga puso at isipan ay palaging nakatuon sa batas ng Diyos. Sa loob ng mga pilakteria ay maliliit na bilot ng papel na may nakasulat na ilang talata mula sa teksto ng Lumang Tipan. Ang mga Judio ay nagsusuot ng mga pilakteria upang tulungan sila na maalalang sundin ang mga utos ng Diyos (tingnan sa Exodo 13:5–10, 14–16; Deuteronomio 6:4–9; 11:13–21). Hindi kinondena ng Panginoon ang mga nagsusuot ng mga pilakteria, ngunit kinondena Niya ang mga nagsusuot nito para magpakitang-tao o pinalalaki ito para mapansin ng iba na nakasuot sila nito.

Maaari mong markahan ang mga kataga sa Mateo 23:5 na nagpapaliwanag kung bakit pinapalapad ng mga eskriba at mga Fariseo ang kanilang mga pilakteria, at ang “mga laylayan ng kanilang mga damit.”

Tulad nang nakatala sa Mateo 23:3, ano ang ipinayo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol tungkol sa pagpapaimbabaw?

Mula sa payong ito, natutuhan natin ang sumusunod na katotohanan: Maaari nating piliing sundin ang batas ng Diyos kahit nakikita nating nagkukunwaring mabait lang ang iba.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Bakit mahalagang piliing sundin ang batas ng Diyos kahit nakikita nating nagkukunwaring mabait lang ang iba?

Basahin ang Mateo 23:8–10, na inaalam kung ano ang ipinayo ng Tagapagligtas na huwag gawin ng mga tao.

Ginamit ng Tagapagligtas ang mga katagang “kayong lahat ay magkakapatid” (talata 8) upang ituro sa mga tao na hindi nila dapat ituring ang sarili na nakahihigit sa iba dahil silang lahat ay mga anak ng Diyos, pantay-pantay sa Kanyang paningin.

Inisip ng mga eskriba at mga Fariseo na magiging dakila sila dahil sa kanilang katungkulan at katayuan. Basahin ang Mateo 23:11–12, na inaalam kung sino ang sinabi ng Tagapagligtas na ituturing Niyang dakila sa kaharian ng Diyos. Maaari mong markahan ang nalaman mo sa talata 11.

Tulad ng nakatala sa mga talatang ito, itinuro ng Tagapagligtas sa mga tao ang sumusunod na alituntunin: Kung maghahangad tayong itaas ang ating sarili sa iba, tayo ay ibababa. Ang ibig sabihin ng ibababa ay mamaliitin o kukutyain o hindi rerespetuhin.

Itinuro rin ni Jesus sa mga tao na kung tayo ay mapagkumbaba at naglilingkod sa iba, tayo ay itataas ng Panginoon. Ang mga katagang “matataas” (Mateo 23:12) ay nagpapahiwatig na ang Panginoon ay iaangat tayo, at tutulungan tayong maging higit na katulad Niya, at pagkakalooban tayo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Bakit kailangan nating maglingkod sa iba upang maitaas tayo ng Panginoon at tulungan tayong maging higit na katulad Niya?

    2. Paano tayo natutulungan ng pagiging mapagkumbaba na maiwasan ang pagpapaimbabaw?

Isipin ang mabubuti mong ginagawa sa eskwela, sa tahanan, at sa simbahan. Pag-isipan kung saan mo ilalagay ang sarili sa sumusunod na continuum batay sa intensyon mo sa paggawa ng mabuti at pagpapakumbaba.

continuum, mga dahilan ng paglilingkod

Magtakda ng goal o mithiing maglingkod sa iba, at alalahanin na tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit.

Mateo 23:13–36

Si Jesucristo ay nagpahayag ng pagkaaba o kapighatian sa mga eskriba at mga Fariseo

tatlong styrofoam na tasa

Kunwari ay may tatlong tasa na maaari mong piliing pag-inuman. Ang unang tasa ay marumi sa labas, ang pangalawang tasa ay marumi sa loob, at ang pangatlong tasa ay malinis. Bakit gugustuhin mong uminom sa tasa na malinis na malinis kaysa sa hindi gaanong malinis? Sa pag-aaral mo ng Mateo 23:13–36, pag-isipan kung paano mo maihahalintulad ang tatlong tasa sa sinabi ni Jesus.

Nalaman natin sa Mateo 23:13–36 na kinondena ng Tagapagligtas ang mga eskriba at mga Fariseo sa pagiging mapagpaimbabaw. Suriin ang mga talatang ito, na inaalam kung ilang beses ginamit ng Tagapagligtas ang mga salitang sa aba nang magsalita Siya sa mga eskriba at mga Fariseo. Maaari mong markahan ang bawat paggamit ng mga salitang sa aba sa mga talatang ito. Ang ibig sabihin ng sa aba ay paghihirap, pagdurusa, at kalungkutan.

  1. journal iconBasahin ang mga sumusunod na scripture reference, at pagkatapos ay sagutin ang dalawang tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa paanong mga paraan nagiging mapagpaimbabaw ang mga eskriba at mga Fariseo?

    2. Anong mga halimbawa ng ganitong pagpapaimbabaw ang makikita natin sa ating panahon?

Basahin ang Mateo 23:26, na inaalam ang ipinagagawa ng Tagapagligtas sa mga Fariseo para maiwaksi nila ang kanilang pagiging mapagpaimbabaw. Maaari mong markahan ang nalaman mo.

Natutuhan natin mula sa talatang ito na kapag sinisikap nating maging malinis ang ating kalooban, makikita ito sa mga pinipili at ikinikilos natin.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang dapat nating gawin para maging malinis ang ating kalooban?

    2. Paano maaaring makatulong sa atin ang pagsisikap na maging malinis ang kalooban para maiwasan ang pagiging mapagpaimbabaw?

Iniisip ang tatlong tasang binanggit sa simula ng lesson na ito, piliin kung aling tasa ang lubos na naglalarawan ng espirituwalidad mo ngayon. Gumawa ng goal o mithiin na tutulong sa iyo na lubusang maging espirituwal na malinis.

Ipinaunawa nang mas malinaw sa atin ng Joseph Smith Translation ang Mateo 23:23–35 sa sumusunod na karagdagang paliwanag na ito:

  • Ipinapalabas ng mga eskriba at mga Fariseo na sila “ay hindi magkakasala sa kaliit-liitang bagay,” subalit ang totoo, nilalabag nila ang “buong batas” (Joseph Smith Translation, Matthew 23:21).

  • Ang mga eskriba at mga Fariseo ay “[nagpatotoo] laban sa [kanilang] mga ama, samantalang [sila mismo ay] gumawa rin ng gayong kasamaan” (Joseph Smith Translation, Matthew 23:34).

  • Habang ang kanilang mga ama ay nagkasala dahil sa kamangmangan, ang mga eskriba at mga Fariseo ay sadyang nagkasala at kailangang managot sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Joseph Smith Translation, Matthew 23:35).

Nalaman natin sa Mateo 23:29–33 na kinondena ni Jesus ang mga espirituwal na pinuno ng mga Judio dahil tinatanggap nila ang mga pumanaw na propeta ngunit hindi tinatanggap ang mga buhay na propeta. Tulad noong panahon ni Jesus, hindi lang ang mga naunang propeta ang dapat nating bigyan ng paggalang kundi pati na rin ang mga buhay na propeta sa ating panahon.

Mateo 23:37–39

Ikinalungkot ng Tagapagligtas ang hindi paglapit sa Kanya ng mga tao sa Jerusalem

Paano pinoprotektahan ng inahing manok ang kanyang mga sisiw?

inahing manok at mga sisiw sa pugad

Kapag may panganib, tinitipon ng inahing manok ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak. Mahal ng inahing manok ang kanyang mga inakay at handang isakripisyo ang buhay para maprotektahan ang mga ito.

Basahin ang Mateo 23:37–39, na inaalam kung paano itinulad ng Tagapagligtas ang sarili sa inahing manok.

Ano ang reaksyon ng mga tao sa Jerusalem sa pagsisikap ni Jesus na tipunin sila?

Maaari mong markahan ang mga katagang “ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak” (talata 38). Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang wasak ay walang laman o pinabayaan. Dahil ayaw magpatipon ng mga tao sa Tagapagligtas, nawalan sila ng proteksyon. Maliban pa sa ibang kahulugan, ang mga katagang ito ay maaaring tumutukoy sa espirituwalidad ng mga tao noong panahon ni Jesus gayundin sa magaganap na pagwasak sa Jerusalem. Ito ay maaari ding tumukoy sa templo at sa pagkawala ng mga pagpapala ng templo.

Batay sa itinuro ni Jesus tungkol sa inahing manok at kanyang mga sisiw, ano ang matatanggap natin kung handa tayong magpatipon sa Tagapagligtas? Sagutin ang tanong na ito sa pagkumpleto sa sumusunod na pahayag: Kung tayo ay handang magpatipon sa Tagapagligtas, tayo ay .

Sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, markahan ang instruksyon na tinutukoy ang isang paraan na maipapakita natin sa Tagapagligtas na handa tayong magpatipon sa Kanya:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ilang ulit Niyang sinabi na titipunin Niya tayo tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw. Sabi niya na dapat nating piliing lumapit sa Kanya nang may kapakumbabaan at sapat na pananampalataya sa Kanya upang magsisi ‘nang buong layunin ng puso’ [3 Nephi 10:6].

“Isang paraan para magawa ito ay ang makipagtipon sa mga Banal sa Kanyang Simbahan. Dumalo sa inyong mga miting, kahit parang mahirap. Kung desidido kayo, bibigyan Niya kayo ng lakas na gawin iyon” (“Sa Lakas ng Panginoon” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 18).

Pagpasiyahan kung ano ang gagawin mo para matipon sa Tagapagligtas nang sa gayon ay patuloy mong matanggap ang Kanyang pangangalaga at proteksyon.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mateo 23 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: