Library
Pambungad sa Kay Filemon


Pambungad sa Kay Filemon

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Ang Sulat Kay Filemon ay naglalaman ng personal na payo mula kay Apostol Pablo hinggil sa sitwasyon ng alipin ni Filemon na si Onesimo. Habang pinag-aaralan mo ang sulat na ito, malalaman mo na kapag sumapi ang mga tao sa Simbahan ni Jesucristo, sila ay nagiging magkakapatid sa ebanghelyo (tingnan sa Kay Filemon 1:16). Madarama mo rin ang kahalagahan ng responsibilidad ng mga disipulo ni Jesucristo na mahabag at magpatawad sa iba (tingnan sa Kay Filemon 1:16–17).

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Isinulat ni Pablo ang Sulat Kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:1).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang Sulat Kay Filemon ay ginawa ni Apostol Pablo noong kanyang unang pagkabilanggo sa Roma, mga A.D. 60–62 (tingnan sa Kay Filemon 1:1, 9; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga,” scriptures.lds.org).

Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?

“Ang sulat [na ito] ay isang personal na liham tungkol kay Onesimo, isang alipin na ninakawan ang kanyang panginoong si Filemon, at tumakas patungo sa Roma” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga”). Si Filemon marahil ay isang Griyego na naging miyembro ng Simbahan at naninirahan sa Colosas (tingnan sa Mga Taga Colosas 4:9). Pumayag siya na magpulong ang isang kongregasyon ng Simbahan sa kanyang tahanan (tingnan sa Kay Filemon 1:2, 5). Matapos tumakas, sumapi si Onesimo sa Simbahan at naging “isang kapatid na minamahal … sa Panginoon” (Kay Filemon 1:16; tingnan sa Kay Filemon 1:10–12).

Sumulat si Pablo kay Filemon upang hikayatin siya na tanggapin muli si Onesimo bilang isang kapatid sa ebanghelyo at huwag itong patawan ng mabigat na kaparusahan na karaniwang ipinapataw sa mga tumakas na alipin (tingnan sa Kay Filemon 1:17). Nag-alok din si Pablo na babayaran niya ang anumang nawala dahil kay Onesimo na nagdulot ng pighati kay Filemon (tingnan sa Kay Filemon 1:18–19).

Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?

Ang Kay Filemon ang pinakamaikli at marahil ang pinakapersonal sa mga sulat ni Pablo. Ito ay sulat para lamang sa isang tao; dahil dito, hindi ito gaanong naglalaman ng doktrina. Gayunman, ang pakiusap ni Pablo kay Filemon na patawarin ang aliping si Onesimo ay nagpapakita kung paano ipamumuhay ang mga doktrina ng ebanghelyo sa araw-araw—sa sitwasyong ito, ipinapakita na ang kaugnayan natin kay Jesucristo ang naglalapit sa atin sa lahat ng iba pang mga tagasunod ni Cristo at binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkahabag at pagpapatawad.

Outline

Kay Filemon 1. Pinuri ni Pablo si Filemon dahil sa pagmamahal na ipinakita niya sa mga Banal. Ipinaliwanag niya na ang tumakas na alipin ni Filemon, na si Onesimo, ay nagbalik-loob sa ebanghelyo o sumapi sa simbahan. Hiniling ni Pablo kay Filemon na tanggapin muli si Onesimo bilang isang kapatid sa Panginoon. Nag-alok siya na babayaran si Filemon sa anumang nawala dahil kay Onesimo na nagdulot ng pighati sa kanya.

Print