Pambungad sa I Ni Juan
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Tinalakay ni Apostol Juan sa sulat na ito ang tungkol sa mapanganib na paglaganap ng impluwensya sa Simbahan ng mga nag-apostasiya. Binalaan niya ang mga Banal na huwag makipag-ugnayan sa kadiliman at manatili sa kaligtasan ng liwanag ng ebanghelyo. Ang pag-aaral ng I Ni Juan ay makatutulong sa iyo na mas makilala ang mga maling turo tungkol kay Jesucristo, at makatutulong sa iyo ang pagsunod sa payo ni Juan na mapanatili ang malapit na pakikipag-ugnayan sa Panginoon habang nananatili ka sa katotohanan. Bukod pa rito, makatutulong sa iyo ang pag-aaral ng aklat na ito na maunawaan ang dakilang pagmamahal ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak, na ipinakita Niya sa pag-aalay ng Kanyang Anak na si Jesucristo, bilang isang sakripisyo para sa buong sangkatauhan.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
“Bagaman hindi binabanggit ng manunulat ang kanyang sarili sa tatlong sulat na ito, ang mga pananalita ay matibay na nahahalintulad ng kay Juan,” isa sa orihinal na Labindalawang Apostol (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Juan, Anak Ni Zebedeo”). Ang may-akda ng mga Sulat ni Juan ay isang saksi sa nabuhay na muling Tagapagligtas, na totoong nangyari kay Juan ang Apostol (tingnan sa I Ni Juan 1:1–4; 4:14).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Hindi tiyak kung kailan at saan isinulat ang I Ni Juan. Malamang na isinulat ito noong mga huling bahagi ng unang siglo A.D.
Bagama’t ginugol ni Juan ang unang bahagi ng kanyang buhay sa Palestina, galit ang mga taga-roon sa mga Kristiyano at Judio matapos ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito noong A.D. 70. Pinaniniwalaan na nilisan ni Juan ang Palestina upang manirahan sa Efeso sa mga huling taon ng kanyang buhay. Kung ganito nga ang nangyari, maaaring ginawa ni Juan ang sulat mula sa Efeso sa pagitan ng A.D. 70 at 100.
Para Kanino Ito Isinulat at Bakit?
Hindi malinaw kung para kanino talaga ang I Ni Juan, ngunit makikita sa isinulat ni Juan na para ito sa mga nananampalataya (tingnan sa I Ni Juan 1:3–4; 2:12–14), marahil sa mga naroon sa Asia Minor (Turkey sa panahong ito), kung saan nakasaad sa ilang talang pangkasaysayan na maaaring nanirahan at naglingkod dito si Juan sa huling bahagi ng unang siglo A.D.
Sa panahong ito, ang mga huwad na guro ay lumikha ng pagkakabaha-bahagi, o pagkakahati, sa mga Banal sa rehiyon (tingnan sa 1 Ni Juan 2:18–19, 22, 26; 4:1), at lumalaganap ang apostasiya sa Simbahan. Ang isang pilosopiya na nagsisimulang sumikat sa panahong iyon ay ang Docetismo. Ang Docetismo ay bahagi ng isang mas malaking kilusan na kilala bilang Nostisismo. Pangunahing itinuturo sa maraming uri ng Nostisismo na ang espiritu ay lubos na mabuti at ang materya o bagay, kabilang na ang pisikal na katawan, ay lubos na masama.
Naniwala ang mga tagasunod ng Nostisismo na hindi matatamo ang kaligtasan sa pagiging malaya sa kasalanan kundi sa pagpapalaya ng espiritu mula sa materya o mula sa pisikal na katawan. Naniwala rin sila na ang kaligtasan ay matatamo sa pamamagitan ng espesyal na kaalaman (gnosis) sa halip na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.
Mula ang salitang Docetismo sa salitang Griyego na dokeō, na ang ibig sabihin ay “tila” o “sa wari.” Pinalabis ng mga tagasunod ng Docetismo ang espirituwal na katangian ni Jesus hanggang sa puntong hindi na nila tinatanggap ang ideya na pumarito Siya sa lupa at nagkaroon ng pisikal na katawan. Naniwala sila na ang Diyos ay hindi nakikita, imortal, nalalaman ang lahat ng bagay, at walang katawan, at itinuring nila na karumal-dumal at masama ang pisikal na daigdig at ang pisikal na katawan. Samakatwid, naniwala sila na dahil si Jesus ang banal na Anak ng Diyos, hindi maaaring naranasan Niya ang mga limitasyon ng pagiging tao. Sa pananaw nila, si Jesucristo ay hindi literal na isinilang sa laman at hindi Siya nagkaroon ng pisikal na katawan, na dumugo, nagdusa, namatay, o bumangon na may nabuhay na muling katawan—tila ginawa lamang Niya ang mga bagay na ito.
Bagama’t pinabulaan ni Apostol Juan ang mga maling turong ito, nagpatuloy pa rin ang mga ito at unti-unting tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan. Ito at ang iba pang mga maling doktrina ay bahagi ng nagdulot ng Malawakang Apostasiya.
Ano ang Ilang Kakaibang Katangian ng Aklat na Ito?
Bilang isa sa mga orihinal na Apostol ni Jesucristo, si Juan ay isang natatanging saksi ng nabuhay na muling Tagapagligtas. Sinimulan ni Juan ang liham na ito sa pagpapahayag na personal niyang nakita, narinig, at nahawakan si Jesucristo. Dinagdagan pa niya ang kanyang patotoong ito, at inanyayahan ang kanyang mga mambabasa na magkaroon ng “pakikisama … sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo” (I Ni Juan 1:3). Pag-ibig o pagmamahal ang pangunahing tema sa Unang Sulat ni Juan. Binigyang-diin ni Juan na ang mga nagsasabing iniibig nila ang Diyos ngunit hindi naman iniibig ang kanilang kapwa-tao ay mga sinungaling (tingnan sa I Ni Juan 4:20–21).
Outline
I Ni Juan 1–3. Itinuro ni Juan na sa pamamagitan ng pagsunod, makikilala natin ang Diyos, magkakaroon ng pakikisama sa Kanya, at magiging katulad Niya. Sa mga huling araw, lilitaw ang mga anticristo. Ang pagmamahal sa atin ng Tagapagligtas ay ipinakita sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
I Ni Juan 4–5. Hinikayat ni Juan ang mga Banal na alamin kung ang isang guro ay sa Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig, at Kanyang isinugo ang Kanyang Anak upang magdusa para sa atin dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay susunod sa Kanyang mga utos. Ang mga naniniwala kay Jesucristo at isinilang sa Diyos ay mapagtatagumpayan ang daigdig.