Library
Unit 18, Day 1: Mga Gawa 6–7


Unit 18: Day 1

Mga Gawa 6–7

Pambungad

Nag-ordena ang mga Apostol ng pitong disipulo na tutulong sa gawain ng Panginoon. Si Esteban, isa sa mga pinili, ay gumawa ng maraming himala. Pinaratangan siya ng ilang Judio ng kapusungan (o blasphemy) at dinala siya sa Sanedrin, kung saan nagbagong-anyo siya na nagpakita na sang-ayon ang Diyos sa kanya. Pagkatapos pagsabihan ang mga Judio sa hindi nila pagtanggap sa Tagapagligtas, nakita ni Esteban ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Pagkatapos ay itinapon siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay.

Mga Gawa 6:1–8

Pitong disipulo ang pinili na tumulong sa mga Apostol sa gawain

Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 6:1–8, alamin ang isang problema na nakaharap ng mga lider ng Simbahan noon.

Basahin ang Mga Gawa 6:1–2, na inaalam ang alalahaning ipinabatid ng mga Greco sa mga Apostol.

“Sa mabilis na pagdami ng mga miyembro ng Simbahan, hindi na makayang asikasuhin ng mga apostol ang mga pangangailangan ng lahat ng miyembro. Nadama ng ‘mga Greco,’ na mga Judiong-Kristiyano na nagsasalita ng Griyego, na napapabayaan ang kanilang mga balo at nagreklamo laban sa ‘mga Hebreo,’ na mga Judiong-Kristiyano mula sa Palestina” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 288).

Basahin ang Mga Gawa 6:3–6, na inaalam kung paano nilutas ng mga Apostol ang problema sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan nang hindi naaapektuhan ang kanilang responsibilidad bilang apostol na dalhin ang ebanghelyo sa “lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19).

Elder Bruce R. McConkie

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa mga responsibilidad ng pitong lalaking iyon: “May kaugnayan ang gawaing ibinigay sa kanila sa mga temporal na bagay na karaniwang inaasikaso ng Aaronic Priesthood, sa gayon ay may oras na maasikaso ng mga apostol ang mas mahihirap na bagay sa kanilang paglilingkod bilang maytaglay ng Melchizedek priesthood” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:65).

Anong mga katangian ang sinabing kailangang makita ng mga taong iyon sa pagpili ng mga tutulong?

Paano natutulad ang paraang ito sa ginagawa ng Panginoon sa Kanyang Simbahan ngayon para matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro?

Ang isang katotohanan na malalaman natin mula sa talang ito ay na tinatawag ang mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan na tumulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba.

  1. journal iconAng mga tungkulin sa Simbahan ay nagbibigay sa mga indibiduwal ng kani-kanyang responsibilidad na tumulong sa mga pangangailangan ng iba. Isiping mabuti kung paano nakakaapekto ang pagiging karapat-dapat ng isang tao sa kanyang kakayahang tumulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal ang naranasan mo nang matulungan ka o ang ibang tao dahil karapat-dapat na naglilingkod sa kanyang tungkulin ang isang tao. Magpahayag ng anumang kaisipan o pasasalamat para sa paglilingkod na ito.

Basahin ang Mga Gawa 6:7–8, na inaalam ang magagandang ibinunga ng pagtawag sa pitong karapat-dapat na disipulong ito para tumulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng iba.

Mga Gawa 6:9–7:53

Si Esteban ay dinala sa Sanedrin at nagpatotoo na hindi nila tinanggap ang Mesiyas

Tumanggi ka na ba sa isang taong gusto kang tulungan o may tumanggi na ba sa tulong mo? Ano ang saloobin ng taong gustong tumulong at ng taong ayaw magpatulong?

Bakit hindi natin tinatanggap kung minsan ang tulong ng iba? Isipin kung ano ang maaaring kahinatnan ng pagtanggi sa tulong ng iba sa mga sumusunod na sitwasyon: paggawa ng homework, pagluluto ng pagkain, paglutas sa malaking problema sa ating buhay, at pagpapasiya kung magmimisyon.

Ang isang paraan ng pagtulong sa atin ng Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 6:9–7:53, alamin ang mga ibubunga ng hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo.

Tulad ng nakatala sa Mga Gawa 6:9, maraming taong hindi naniniwala kay Jesucristo ang nakipagtalo kay Esteban habang itinuturo niya ang ebanghelyo. Basahin ang Mga Gawa 6:10–11, na inaalam ang ginawa ng mga kalalakihang ito nang hindi nila makaya ang karunungan at espiritu ng turo ni Esteban. (Ang ibig sabihin ng salitang nagsisuhol sa talata 11 ay nagbigay ng suhol at nang-udyok.)

Nakatala sa Mga Gawa 6:12–14 na dinala si Esteban sa namamahalang konseho ng mga Judio (ang Sanedrin) at inakusahan siya ng mga bulaang saksi ng kapusungan o blasphemy, na ibig sabihin ay pagsasalita nang hindi maganda laban sa Diyos o sa “isang bagay na may banal na kaugnayan sa Diyos, tulad ng Kanyang templo, Kanyang batas, o Kanyang propeta” (Bible Dictionary, “Blasphemy”). Sa sitwasyon ni Esteban, pinaratangan siya ng Sanedrin ng pagsasalita laban sa templo at laban sa batas ni Moises (tingnan sa Mga Gawa 6:13–14). Hindi tinanggap at kinalaban ng mga miyembro ng Sanedrin si Esteban at kalaunan ay naghangad sila na patayin siya.

Basahin ang Mga Gawa 6:15, na inaalam kung ano ang kakaiba sa hitsura ni Esteban nang tumayo siya sa harapan ng konseho.

Nagbagong-anyo si Esteban sa harapan ng konseho. Ang ibig sabihin ng pagbabagong-anyo ay “kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-Anyo,” scriptures.lds.org). Isang paraan ang banal na pagbabagong-anyong ito upang ipakita ng Diyos sa mga tao na sinang-ayunan Niya si Esteban at ang mensahe nito (tingnan sa Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 2:67).

Ipinaliwanag sa Mga Gawa 7:1–50 na bilang tugon sa paratang sa kanya, inilahad ni Esteban ang ilang bahagi sa kasaysayan ng Israel, lalo na ang paulit-ulit na hindi pagtanggap ng mga Israelita kay Moises at sa batas na ibinigay ng Panginoon sa Bundok ng Sinai para sa mga tao. Basahin ang Mga Gawa 7:37, na inaalam kung sino ang ipinropesiya ni Moises na maririnig balang-araw ng mga anak ni Israel.

Si Jesucristo ang “propeta” na binabanggit sa talatang ito.

Basahin ang Mga Gawa 7:51–53, na inaalam kung paano ikinumpara ni Esteban ang mga pinunong Judio sa kanyang panahon sa mga sinaunang Israelita na inilarawan niya. Ang mga salitang “matitigas ang ulo” at “di tuli ang puso” ay tumutukoy sa matinding kapalaluan at kasamaan ng puso ng mga Judio.

Nakatala sa Mga Gawa 7:52 na pinaratangan ni Esteban ang mga pinunong Judio ng hindi pagtanggap sa “Matuwid na Ito,” na ang ibig sabihin ay ang Tagapagligtas.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talatang ito ay na humahantong ang hindi pakikinig sa Espiritu Santo sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at Kanyang mga propeta.

Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at nagpapatotoo sa katotohanan ng Kanyang mga salita at mga salita ng Kanyang mga propeta. Kaya nga, magpapahina sa patotoo ng isang tao at sa kanyang determinasyon na sundin ang Tagapagligtas at Kanyang mga propeta ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo.

Pag-isipan kung paano matutukso ang isang tao na hindi sundin ang panghihikayat ng Espiritu Santo sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Pagpili ng libangan at media

  • Pagpapasiya kung susundin ang payo ng mga propeta tungkol sa pakikipagdeyt

  • Pagpapasiya kung ipamumuhay ang mga alituntunin ng pagsisisi na itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta

  1. journal iconPag-isipang mabuti ang sarili mong pagtanggap sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Sa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na ang pagsunod mo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo ay humantong sa isang tamang desisyon o sa pagtanggap sa mga propeta at kanilang mga turo. Isipin ang magagawa mo para matanggap ang impluwensya ng Espiritu Santo.

Mag-isip ng isang bagay na magagawa mo sa darating na linggo na mag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo sa iyong buhay. Maaari mong isulat sa isang papel ang iyong mithiin at kung paano mo maisasagawa ang mithiing iyan.

Mga Gawa 7:54–60

Binato si Esteban hanggang sa mamatay

Sa iyong palagay, bakit inaasahan na ng mga tagasunod ni Jesucristo na makadaranas sila ng ilang paghihirap?

Sa iyong pag-aaral ng Mga Gawa 7:54–60, alamin ang isang alituntunin na makatutulong sa iyo kapag dumaranas ka ng paghihirap.

Matapos pagsabihan ni Esteban ang masasamang pinunong Judio, nagalit sila. Basahin ang Mga Gawa 7:54–56, na inaalam ang naranasan ni Esteban sa pang-uusig nila. Ang isang kahulugan ng mga katagang “siya’y pinagngalitan nila ng kanilang mga ngipin” (Mga Gawa 7:54) ay na napuno sila ng matinding galit kay Esteban at ninais nilang patayin siya.

Anong pangunahing doktrina tungkol sa Panguluhang Diyos ang matututuhan natin mula sa pangitain ni Esteban?

Nakita ni Esteban si Jesus sa Kanang Kamay ng Diyos

Nakita ni Esteban ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Maaari mong isulat ang sumusunod na doktrina sa tabi ng Mga Gawa 7:55–56: Tatlong magkakahiwalay at magkakaibang katauhan ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo.

Basahin ang Mga Gawa 7:57–60, na inaalam kung ano ang ginawa ng mga tao kay Esteban.

Ano ang napansin mo sa panalangin ni Esteban?

Inilarawan ni Lucas ang kalunos-lunos na kamatayan ni Esteban sa mga katagang “nakatulog siya” (Mga Gawa 7:60). Maaaring tumutukoy ang mga katagang ito sa isang napakabuting tao na nagkaroon ng kapahingahan mula sa mga paghihirap ng mortalidad at sa kapayapaang nadama ng taong iyan sa pagpunta sa kabilang buhay (tingnan sa D at T 42:46).

Pag-isipan ang naranasan ni Esteban nang humarap siya sa Sanedrin at bago siya dinakip at pinatay.

Paano pinalakas ng Diyos si Esteban sa lahat ng naranasan niya sa mga pinunong Judio?

Batay sa napag-aralan mo, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kung mananatili tayong tapat kay Jesucristo sa mga paghihirap natin, .

Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong: Sa paanong paraan tayo sinasamahan ng Panginoon kapag nahaharap tayo sa mga paghihirap? Bagama’t nawalan ng buhay si Esteban, ano ang natamo niya?

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Para kay Esteban, bahagi ng pananatiling tapat ang pagsasakripisyo ng kanyang buhay. Malamang na hindi gayong sakripisyo ang magawa natin sa panahong ito, ngunit anong mga sakripisyo ang maaaring kailangan nating gawin?

    2. Ano ang pinaniniwalaan mong makakamtan mo kapag naging tapat ka sa Panginoon sa panahong dumaranas ka ng paghihirap at ginagawa ang mga sakripisyong kailangan mong gawin?

    3. Ano na ang natamo mo?

Si Esteban ang itinuturing na unang Kristiyanong martir. Bukod pa rito, maaari siyang ihalintulad kay Cristo: Siya at ang Tagapagligtas ay parehong dinala at iniharap sa konseho para litisin, nagpahayag ng mga katotohanan sa harap ng kanilang mga kaaway, ibinigay ang kanilang buhay para sa mabuting layunin, at sinalita ang gayon ding mga kataga habang sila ay dumaranas ng kamatayan (tingnan sa Lucas 23:33–34, 46; Mga Gawa 7:59–60).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mga Gawa 6–7 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: